Sa Likod Ng Pader (2)

(2nd of 4 parts)

Capture

At sa unang pagkakataon nga ay nakatingin siya sa pader mula sa labas. Noong nasa loob pa siya’y isang misteryo sa kanya kung anong uri ng mundo meron sa likod ng pader. Ngayon ay malalaman na niya. Hindi sapat ang pagsama-sama niya sa mga madre sa bayan noon upang lubusan niyang malaman kung anong uri ng buhay meron sa likod ng pader.

Ipinagpatuloy na ni Marco ang paglalakad. Pinag-adya nga ng pagkakataon na maliwanag ang buwan nang siya’y tumakas. Ganoon pa man ay may baon din siyang maliit na flashlight kung kakaylanganin. Hindi niya alam kung gaano kalawak ang pinasok niyang kakahuyan sa likod ng kumbento. Mas malapit sana ang lalakarin ng bata papuntang bayan kung sa harapan ng kumbento siya maglalakad. Kabisado niya ang daan na iyon ngunit naisip niyang baka matanawan nga siya ng mga guwardiya.

Buong tapang niyang sinuong ang kakahuyang iyon. Madalas na ang mga kasing-edad niya’y naniniwala at takot sa mga multo at maligno. Ngunit iba si Marco. Pinatibay marahil ng sitwasyon niya sa buhay ang kanyang kalooban. Siya ay naging matapang. Sa edad na labindalawa ay maituturing na hindi na siya batang-isip. Madalas kasi na ang mga kausap niya ay mas nakakatanda sa kanya at kung tratuhin at kausapin ng mga ito’y animo’y hindi siya bata.

Hindi man malinaw kung saan talaga siya pupunta eh alam niya ang gagawin…hahanapin niya ang kanyang lola upang itanong kung talaga bang patay na  ang kanyang mga magulang. Kung hindi niya mahahanap ang kanyang lola ay gusto niyang mamuhay mag-isa, maghahanap ng trabaho, at makapag-ipon para sa kanyag pag-aaral. Ganoon na mag-isip si Marco. Parang hindi na bata.

Binuksan ni Marco ang bulsa ng kanyang backpack at tinignan ang lumang relo na walang bracelet na ibinigay sa kanya ni Mang Cesar… ika-siyam na ng gabi. Tapos na ang mga madreng magdasal at kung may sumilip sa kaniyang kuwarto ay baka alam na nilang wala na siya doon. Kaya’t binilisan pa niya ang lakad.

Medyo madawag ang lugar na pinasukan ni Marco sa kakahuyan, matataas ang mga damong cogon. Ramdam niya ang talim ng mga damong tumatama sa kanyang braso. Mabuti na lang at nakapantalon at sapatos siya kaya’t ligtas ang kanyang mga hita’t paa. Kalaunan ay narating niya ang isang parang hawang bahagi ng kakahuyang iyon. Mukhang talagang ginawang daaanan ang bahaging iyon.

Matapos ang halos isang oras ay nakatanaw si Marco ng isang waiting shed. Narating na niya sa wakas ang high way. Namahinga siya sandali sa wating shed. Umaasa siyang may dadaang sasakyan. Paparahin niya ang kahit anong sasakyan na unang dadaan papuntang bayan. Makikisakay siya. Iyon ang kanyang balak.

Nagpatuloy siyang maglakad habang nag-aantabay ng dadaang sasakyan. Medyo nakakararamdam na siya ng uhaw at gutom.

Mahaba-haba na rin ang kanyang nalalakad ngunit kahit naka-bisikleta man lang ay walang dumadaan. Masakit na ang kanyang paa. Tantya niya’y may nagpaltos na siyang mga daliri sa paa.

Maya-maya pa’y nakatanaw siya ng mga ilaw. Galing iyon sa mga barong-barong sa gilid ng kalsada. Ito marahil ang sinabi sa kanya noon ng mga madre na mga iskwater. Binilisan niya ang paglalakad.

Habang papalapit siya sa mga kabahayan ay nakarinig siya ng nagkakantahan at nagtatawanan. May nasalubong siyang mga bata. Nagtataka siya kung bakit gabi na’y nasa daan pa ang mga ito. Sa Kumbento’y kapag datal na ang dilim ay hindi na siya pinalalabas ng mga madre mula sa kanyang kwarto.

Namukhaan niya ang ilan sa mga bata. Sila iyong mga minsa’y naliligaw sa harapan ng kumbento, naglalaro habang namumulot ng mga basura. Sila ang sinasabi ng mga madre na mga batang salbahe. Hindi niya maintindihan kung bakit sinabi iyon ng mga madre samantalang namumulot lang naman sila ng mga basura.

May nadaanan siyang mga aleng nagsusugal sa gilid ng kalsada malapit sa poste ng kuryete na may ilaw. Lumapit siya. Nagulat si Marco sa mga kasuotan ng mga ale. May naka-shorts na sobrang ikli. May nakasando na kitang-kita ang strap ng suot na bra. Halos nakaluwa na ang dede. Palibahasa ay nasanay siya sa mga madre na laging balot ang pangangatawan.

Isa sa mga ale ay nakataas pa ang paa habang nakaupo at litaw na litaw ang makinis nito’t mabilog na hita.

“Hoy bata, sinisilipan mo ba ako?” ang paninita ng isang ale.

Sumagot si Marco habang nagkakamot ng ulo, “Naku hindi po! Sorry po!…ah…manonood lang po sana ako.”

“Hindi puwede, umalis ka, bawal dito ang bata. Hala…allissss.”

Dali-daling umalis si Marco. Itinuloy niya ang paglalakad. Maya-maya pa’y nakita na niya ang pinanggagalingan ng kantaha’t tawanang nadinig niya mula sa malayo… mga mamang nagiinuman at nagka-karaoke. Tumigil si Marco sandali. Noon lamang siya nakakita ng tunay na karaoke. Dati ay puro litrato lang nito ang ipinapakita ng kanyang guro sa homeschooling.

Nanlaki ang mga mata ng bata nang patugtugin ang sumunod na kanta. Ang mga video ng kanta ay nagpapakita ng mga hubo’t hubad na babae. Kanina’y hita lamang ng ale ang nakita niya ngayo’y buong katawan ng isang babae.  Noon lamang siya nakakita ng ganun. Meron siyang naramdaman na hindi niya naiintindihan kung ano sa kanyang puson. Napansin siya ng isang manginginom.

“Bata, baka lumuwa mata mo niyan.”

Nagtawanan ang mga manginginom.

“Ke liit-liit mo pa eh malibog ka na.” wika ng isa.

Hindi naiitindihan ni Marco ang salitang libog. Noon lamang niya narinig iyon.

“O halika tagay ka.”

Maging ang salitang tagay ay hindi niya alam. Noon din lamang niya narinig ang salitang iyon. Basta inabot niya ang baso na may lamang beer dahil nauuhaw na din siya. Inakala niyang softdrinks ito. Uminom ng kaunti. Nang malasahan mapait ay dagling idinura.

“Pweeh! Ang pait.” Ang sigaw ni Marco.

Nagtawanan nanaman ang mga mama. Ibinalik ni Marco ang baso sa nag-abot sa kanya. Pagkatapos eh dali-daling lumayo.

Nakarating sa isang tindahan ang bata. Nagugutom na talaga siya. Inilabas ang dalang pitaka. Nagpasyang bumili ng makakakain.

“Ale… coke nga po at skyflakes!”

Matapos makuha ang binili ay naupo sa lilim ng isang puno si Marco sa may ‘di kalayuan sa tindahan. Doon ay namahinga habang nagmemerienda. Tinignan din ni Marco ang kanyang relo. Halos mag aalas-onse na noon.

Magpapatuloy na sana ng paglalakad si Marco nang mapansin niyang  lumalapit ang mga batang kanina lamang ay kanyang nasalubong. Pinalibutan siya ng mga ito. Nang bilangin niya’y pito sila. Isa sa kanila’y babae. Ito ang umagaw sa  kanyang softdrinks . Isa sa kanila’y kinuha naman ang kanyang biscuit.

“Sino ka ha? Bakit ke bago-bago mo dito eh ke yabang mong umasta.” Wika ng isa.

“Wala naman akong gi…” Hindi pa man natatapos ni Marco ang sasabihi eh may sumampal sa kanya.

Nagsimula ng kabahan si Marco. Susubukan sana niyang tumakbo ngunit nakaharang ang mga bata sa harapan niya. Hinawakan ng dalawa sa mga nakapaligid sa kanya ang magkabilaan niyang kamay at puwersahan siyang itinayo.. Tinakpan naman ng isa ang kanyang bibig. Wala siyang magawa. Dinukot ng pinakamalaki sa kanila ang pitaka  mula sa kanyang bulsa.

Matapos makuha ang kanyang pitaka ay sinuntok naman siya sa tiyan ng isa sa kanila… dalawang beses. May bumatok pa sa kanya at sumipa. Ang mga hita niya ang tinamaaan ng sipa.

Binitawan siya ng mga humahawak sa kanya. Napaluhod at naiyak sa sakit si Marco. Halos mawalan siya ng malay.

Nagtatakbong palayo ang mga bata habang namimilipit pa si Marco sa sakit mula sa kanilang mga suntok at sipa. Walang siyang magawa kundi pagmasdan ang mga ito habang isa-isang nangawala sa madilim na bahagi ng mga kabahayan. Tumayo siya upang habulin sana ang mga bata ngunit hindi niya maihakbang halos ang kanyang mga paa, masakit pa ang kanyang mga hitang nasipa. Nagsisisigaw siya’t humihingi ng tulong. Sinabi niyang may bumugbog sa kanya’t kinuha ang kanyang pitaka. Paulit-ulit iyon. Pero walang pumansin sa kanya. Maging ang may-ari ng tindahang binilhan niya ng meryenda ay dinedma lamang siya.

Walang tumulong sa kanya. Wala na ang mga bata. Sinaktan na siya’y tinangay pa ang kanyang pitaka. Nanumbalik sa kanyang ala-ala  ang mga sinabi ng isang madre tungkol sa kanila noon. Totoo nga, mga salbahe nga sila.

Naupong muli si Marco. Hindi na niya alintana ang sakit sa mga suntok at sipang inabot. Ang iniisip niya ay ang kinuha sa kanyang pitaka.

Marami-rami ang lamang pera ang pitaka ni Marco. Higit-kumulang limang libo. Matagal niyang inipon iyon mula sa mga perang ibinibigay sa kanya ng mga madre nag-aalaga sa kanya at ng mga paring dumadalaw sa kumbento. Nangako siya sa sarili na uunti-untiin lamang na gastusin ang baon niyang pera hanggang makahanap siya ng trabaho sa kanyang pupuntahan.

Hindi na siya nakakatiyak kung ano ang mangyayari sa kanya ngayong wala na siyang pera. Pero wika niya sa sarili’y “Bahala na!” Ipagpapatuloy niya ang kanyang mga balak. Kasubuan na. Ipinangakong kahit ano ang mangyari ay hindi na siya babalik sa kumbento.

Mangiyak-ngiyak man sa magkahalong sakit ng katawan at sama ng loob ay  nagpatuloy sa paglalakad si Marco. Nagpasalamat na lamang siya at hindi na pinaginteresan ang kanyang backpack.

Malayo-layo na rin siya sa mga bahay ng mga iskwater. Wala na siyang nadadaanang poste na may ilaw pero dahil may buwan ay maliwanag pa rin ang daan. Nakakaramdam na ulit siya ng pagod at nagtataka siya kung bakit naman wala pa ring dumaraang sasakyan hanggang sa oras na iyon.

Habang binabagtas ni Marco ang isang kurbandang bahagi ng kalsada ay bigla siyang nakarining ng putok ng baril. Kasunod niyon ay ang pasigaw na pagmamakaawa ng isang lalaki. Sa halip na matakot at tumakbong palayo ay binilisan ng bata ang paglalakad at pilit hinanap ang pinanggalingan ng putok.

Nakarating siya sa isang bakanteng lote malapit sa gilid ng kalsada. Napapaligiran ito ng mga puno ng acacia. Doo’y nakakita siya ng mga pulis. Binilang niya…tatlo sila. Isa sa kanila’y may hawak na parang samurai at ang iba’y mga baril. May mamang nakabulagta at may 2 pang lalaking nakaluhod at mukhang nakatali ang mga kamay at may piring ang mga mata. Maliwanag ang lugar dahil bukas ang mga headlight ng dalawang patrol ng pulis. Nasa harapan ng mga sasakyan ang mga mamang walang hinto ng paghingi ng tawad. Nakapanood na siya ng ganoong eksena sa isang palabas sa TV minsan.

Maingat siyang nagtago sa likod ng isang puno para hindi mapansin ng mga pulis. Mula sa kanyang puwesto ay dinig na dinig niya ang sagutan ng mga pulis at ng mga mamang nakaluhod.

“Sir maawa na po kayo sa amin. Huwag po ninyo kaming patayin. May mga pamilya po kami.”

“Ganun, paano naman ang pamilya ng mga nasira ang buhay dahil sa drogang ibinebenta ninyo.”

“Pangako po, hindi na kami gagamit at magtutulak ng droga. Magbabagong-buhay na po kami.”

Nilapitan ng pulis na may hawak na patalim ang isa sa mga mama.

“Nadinig ko na ‘yan eh. Lumang tugtugin na ’yan.”

Kitang-kita ni Marco kung papaanong dahan-dahang sinugatan ng pulis ang mama sa pisngi. Nakita ng bata ang dugong umaagos sa mukha nito. Natakot siyang bigla, nanginig. Noon lamang siya nakakita ng ganun. Nang akmang pipingasin ng pulis ang tenga ng mama ay hindi na nakayanang tignan ni Marco. Pumikit ito at nagusmiksik sa likod ng punong pinagtataguan. Sising-sisi kung bakit siya nagpunta doon. Naala-ala niya ang ginawa sa kanya ng mga bata kanina lamang. Paano kung nagkataong palang may patalim din ang mga ito. Parang nagsisimula na niyang pagsisihan  kung bakit umakyat siya sa pader at umalis ng kumbento.

Nang marinig niyang humiyaw sa sakit ang piningasan ng tenga ay tuluyang na siyang nanginig. Habang patuloy ang pagmamakaawa ng mga hinuli ng pulis ay tumutulo na ang mga luha ni Marco. Matinding takot ang kanyang nararamdaman.

Hindi malaman ni Marco kung ano ang gagawin. Gusto na niyang tumakbo paalis sa lugar na iyon pero natatakot siyang makita ng mga pulis at baka siya ay barilin. Maya-maya pa’y dalawang putok ang magkasunod na umalingawngaw. Sinundan iyon ng pagkalabog ng bumagsak sa lupa ang katawan ng mga mamang binaril.

Hindi na kinaya ni Marco. Masyado na siyang natakot sa mga nangyari.

“Tama na, maawa kayo.” Paulit-ulit niyang sinasabi iyon habang siya’y umiiyak at nakasiksik sa ilalim ng puno.

Nahimasmasan ang bata nang mapansin na nakatapat na sa pinagtaguan niyang puno ang ilaw ng isa sa mga sasakyan ng pulis. Siya naman ang pinaligiran ng mga ito. Sa unang pagkakataon ay natutukan siya ng baril. Hindi na malaman ni Marco ang gagawin. Nangangatal ito sa takot at habang umiiyak at sa garalagal na boses ay nagmakaawa siya na huwag patayin. Paulit-ulit na sinasabing wala siyang kasalanan.

Tinawanan lamang siya ng mga pulis. Takang-taka siya. Natahimik.  Nakita niyang ibinaba ng mga ito ang kanilang mga baril.

“Taga-saan ka bata? Ano ba ginagawa mo dito? Dis-oras na nang gabi ah.” Tanong ng isang pulis.

Hindi siya sumagot agad. Hindi niya puwedeng sabihing sa kumbento siya nakatira dahil baka ibalik siya doon.

Tumuro siya sa kinaroroonan ng mga iskwater at sinabing, “Doon po ako nakatira. Ano po kasi… nawawala po kasi iyong aso namin kaya hinahanap ko.”

Mukhang naniwala ang mga pulis at mukhang hindi naman siya sasaktan ng mga ito. Marahil naawa dahil siya ay isang musmos pa lamang. Ngunit nanginginig pa rin siya.

“Sige-sige hanapin mo ng makauwi ka na.” Sabi ng isang pulis. “Hoy bata siguraduhin mong wala kang pagsasabihan kahit sino sa mga nakita mo ngayon ha dahil kung may makakaalam na mga pulis ang pumatay sa mga mamang iyan ay hahanapin ka namin. Nakita namin ang mukha. Madali ka lamang namin na mahahanap.”

“Hindi po, hindi po. Wala po akong pagsasabihan. Tatahimik po ako.”

Pinaalis na siya ngunit ilang hakbang pa lamang ay sinabihan siya ng isa na huminto. Nadagdagan ang kaba sa dibdib ni Marco.

“Mag-ingat ka nga pala, sa kabilang bayan ay may mga nawawalang bata. Dinudukot daw.” Babala ng isang pulis.

“Opo. Salamat po.”

Part 3

Advertisement

About M.A.D. LIGAYA

Teacher-Writer-Lifelong Learner I have three passions - teaching, writing, and learning. I am a Filipino currently residing and teaching in South Korea. I blog and vlog the things I write. I have two websites and two YouTube channels where I publish my works in my areas of interest. I also use Wattpad and Pinterest to publish my creative works. I am into research as well. Some of my articles were presented at conferences and published in indexed-journals. TO GOD BE THE GLORY!

Posted on March 12, 2020, in Creative Writing, Maikling Kwento, Malikhaing Pagsulat, Short Story and tagged , , , . Bookmark the permalink. Leave a comment.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: