Category Archives: Filipino Poetry

Paskong OFW

Home-alone-2-19

Walang simbahang dito’y mapupuntahan
Upang misa de gallo ay maipagdiwang
Sa bibingka’t puto-bumbong natatakam
Salabat na mainit walang makuhanan

Hanap-hanap ko ang mga batang paslit
Na tuwing gabi sa Disyembre’y nangungulit
Sintunado man kung sila ay umawit
Himig nilang pamasko’y nais madinig

Hinahanap ko’y parol na maliwanag
Walang matanaw makulay na Christmas lights
Wala ring Christmas trees na kumukutitap
Ganito ang pasko sa ibayong dagat

Ngunit ‘di bale nang wala iyong lahat
Kung ngayong pasko kita ay mayayakap
Ihain ma’y bibingka lang at salabat
Basta’t kapiling ka’t kamay mo’y aking hawak

Pagkaing masarap maghahanda pa ba
Kung sa noche buena ako’y mag-iisa
Aking christmas lights ‘di na sisindihan pa
Nang dibdib ‘di madurog sa pangungulila

Happy Teachers’ Day Po Mam!!!

Picture2

Kayo po ay muli kong kukwentuhan,
Paksa natin ngayo’y tungkol sa holdapan,
Kwento na nasagap sa isang huntahan,
Nang mga kapwa guro’y naka-umpukan.

Nang kwentong holdap ko’y kanilang nadinig –
Aba’y may isa ng tawa’y bumunghalit.
Isang kwento daw ang samagi sa isip,
Nang magsimula siya kami’y tumahimik.

Isang gabi guro niya sa kolehiyo,
Sumakay daw sa may Taft papuntang Recto,
May mga kawatan… bilang daw ay tatlo,
Sumigaw – “Walang kikilos holdap ito!”

Ibang pasahero syempre’y nataranta,
Ngunit ang guro mukhang naka-relax pa,
Holdapan yata ay nakasanayan na,
Inihanda na relo’t kanyang pitaka.

Madaling-madali ang mga kawatan,
Mabilis na mga gamit ay sinamsam,
At nang ang guro na ang nilalapitan,
Isang holdaper kasama’y pinigilan.

Ang wika niya, “Brod, balato ko na si mam!”
“Magaling kong guro noon sa elem ‘yan,”
Dugtong pa ay, “Hi! Good evening po madam.”
“Ako po ba ay inyong natatandaan?”

Natamemeng guro’y tumango na lang,
Ibang pasahero’y nagulumihanan,
At bago bumaba ang mga kawatan,
Wika ng isa – “Happy teachers’ day po mam!”

Ang Holy Water

holy_water

Si lola Basyang ay isang biyuda,
Si aling Luring nama’y isang soltera,
Sila’y sanggang dikit, laging magkasama –
Silang dalawa’y tunay na magbarkada.

Sa kanilang baryo ay may isang kapilya
At doon, si Lola Basyang ay nagpunta.
“Luring… dalian mo, ako’y nandito na.”
Aniya sa kaybigan nang tumawag s’ya.

“Nandyan na kumare, nasa jeep na ako,
Heto kasing driver… mabagal magpatakbo.
AYY… hayan binilisan, narinig ako.
Sige mareng Basyang, pababa na ako.”

“Mama para… mama dyan na lang sa tabi.”
Di huminto ang driver, tila yata nabingi.
Sumigaw ang Luring…”PARA NA SABI!!!”
At biglang pumreno, driver na narindi.

Nagkabusiksikan mga pasahero
Napalakas yata sobra ang pagkakapreno
Si aling Luring hiyang-hiya’t dismayado
Katabing lalaki’y hawak sa pundiyo.

“Ay dalag!” Bulalas ni aling Luring.
“Hindi dalag… cobra po yan kung tawagin.
Aray! Teka po… h’wag ninyong sakalin,
Bitawan n’yo na’t baka kayo tuklawin.”

Buamaba ang hiyang-hiyang aling Luring,
Tahimik na umusal ng panalangin
“Ako’y patawarin Diyos na mahabagin,
Kamay kong nagkasala ay lilinisin.”

Dali-dali itong pumasok sa kapilya
“Ay ang aling Luring nandito na pala.”
Wika ni lola Basyang nang siya’y makita.
“O… aanhin mo iyang bitbit mong tasa?”

“O…bakit? Ang holy water sinalok mo?”
“Mareng Basyang, nagkasala ang kamay ko
May lalaking nahawakan ko ang pundiyo
Kaya’t holy water ang panlinis dito.”

Pagkahugas… si aling Luring lumuhod.
Ang Basyang dahan-dahang tasa’y dinukot,
At pasimpleng ng holy water sumalok
Ipinasok sa bibig… siya’y NAGMUMOG.

Ang Tatay Ni Juan

confusedExcited si Juan nang ama’y kinausap –
“Itay, sa wakas ay aking nang nahanap
Iibigin, ko’t pakakasalang dilag
Bukod sa maganda’y ubod pa ng sipag.”

Nangiti si mang Pedro anak niyakap
“Yes! Magkakaapo na ako sa wakas.”
At tinanong ng ama ang kanyang anak –
“Eh Juan, sino ba itong bago mong sweetheart?”

“Siya po’y si Helen anak ni aling Bebang
Sila’y nakatira sa kabilang kanto lang.”
“Anak, si aling Bebang bang nagpapakwan?”
“Opo itay… ‘yong madalas ninyong bilhan.”

“Naku anak, ako sana’y iyong sundin
Iyang si Helen ‘di mo pwedeng ibigin”
“Bakit po itay? Inyo ngang liwanagin.
“Anak si Helen… sa akin din nanggaling.”

“Itay… si Helen pala’y aking kapatid!
Talagang sa babae kayo’y malupit.
Si aling Bebang kayo ang nakabuntis,
Di ka nasindak sa mister niyang pulis.”

“Si Helen ay pilit kong kakalimutan
Si Joy na lang po ang aking liligawan
Mukha’y maamo’t maganda ang katawan
Siya’y anak ng kumpare ninyong si Teban.”

“Hep! Hep! Hep! Ikaw nga anak eh tumigil
Anak… kay Joy eh huwag ka sanang mang-gigil
Bunga din s’ya nang aking pagtataksil
Nang si kumare ay hindi ko napigil.”

“Ang liligawan ko na lang eh si Gracia,
Nag-iisang anak ni aling Maria.”
“Naku hijo, sorry, pero pasensya na,
Si Gracia’y galing rin sa aking semilya.”

Naglasing ng todo ang dismayadong Juan
Mga kapatid kasi ‘di pwedeng ligawan
Kaya’t ang nanay niya’y kanyang nilapitan.
“Inay…ako po ba’y pwedeng pagpayuhan?”

“Tatlong dilag… aking pinagpipilian
Isa sa kanila nais kong ligawan
Ngunit si itay ako ay pinigilan
Siya daw ang tatay ng mga naturan.”

“Inay si itay ika’y pinagtaksilan
Kataksilang aking pinagdudusahan.”
“Tama na anak pag-iyak ay tigilan
Itong sasabihin ko’y iyong pakinggan.”

“Si Helen at Gracia pwede mong ligawan
Tanging si Joy lang ang dapat mong iwasan.”
Eh bakit po inay? Pwede bang malaman?
“Anak… tunay mong ama’y si pareng Teban.”

Sa TIRAHAN Ni Father

father

Tinungo ni father likod ng simbahan
Doon si sister kanyang natyempuhan
Dahan-dahang ito’y kanyang nilapitan
Nalingong madre ay kanyang tinunguan.

Sila’y tumingin sa kaliwa’t sa kanan
Ang nandoon ay silang dalawa lamang
Pagkatapos niyon sila’y nagngitian
Halos pabulong silang naghuntahan.

“Wala ka bang gagawin mamayang gabi?”
Madre’y di makasagot, mata’y nanlaki.
“Okay lang naman sister kung kayo’y busy.”
Di naman sapilitan… pwedeng tumanggi.”

“Teka po father…pwede naman po ako
Tatapusin ko lang ang pagrorosaryo
Ayaw ko kasi na ika’y magtatampo
Sige mamayang gabi…magkita tayo.”

“Salamat sister…ako’y pinaunlakan
Sa kwarto ko mamaya, ako’y puntahan”
“Sa kwarto po n’yo?” Madre ay nagulantang.
Si father ngumiti’t tumango na lamang

Sumapit ang gabi, bandang alas-otso
Itong si sister ay kabadong-kabado
Sa TIRAHAN ni father siya’y tumungo
Nakita n’yang bukas pintuan ng kwarto.

At ang sabi ng madre, “I’m here now father.”
Kumatok pa’t nagtanong…”Father, are you there?”
Tugon ang pari…”Come in I’m waiting sister.”
Dugtong pa nito’y…”Please push the door then enter.”

“Ay Diyos ko po father… bakit po madilim?
Naku po… ano ba ang ating gagawin?
Naku po father… maawa ka sa akin,
Pwede po bang ilaw ay ating buhayin?”

Bumukas ang ilaw madre’y nagulantang –
Kasama ni father… dalawang sakristan.
Cake at ng regalo siya’y inabutan
At ng “Happy Birthday” siya’y kinantahan.

Ang Bird ni Father

The_Angry_Birds_Movie_Chuck_Transparent_PNG_Image

Umiiyak si Father isang umaga,
Bird kasi niya’y naglaho sa hawla.
May nagnakaw – ang kanyang suspetsa
Kaya’t nagpasya itong magimbestiga.

Bird na naturan mahal na mahal niya,
Hinihimas palagi gabi’t umaga,
Kasa-kasama kahit saan magpunta,
Maging sa pagtulog… hawak-hawak niya.

Kaya’t sumumpa s’yang ito’y hahanapin.
Sukdulang bawat bahay hahalughugin.
Pagiging pari sumumpang gagamitin,
Upang ang bird niya muling makapiling.

Nanawagan pagkasampa sa pulpito,
Pasimpleng tinanong ang mga Katoliko.
Ang tanong, “Sino ba ang may bird sa inyo?”
Syempre nagsitayo lahat ng ginoo.

Paring nagtanong tila nagulantang
Kaya’t ang tanong ay kagyat pinalitan.
“Anyone seen a bird?”… bagong katanungan,
Nagsitayo mga dalaga at ginang.

Mga sumisimba’y tuluyang nagtawanan
Nang tanong ni Father, muling pinalitan.
“Anyone seen my bird?”… kanyang hirit naman
At ang mga madre biglang nagtayuan.

Ang Mayuming Dalaga

mayumi

Sa parke nakita’y magandang dalaga
Sa karikta’y mapagkakamalang dyosa
Kabado man ako’y nakipagkilala
Ang swerte ko nama’t  hindi s’ya suplada.

Mayuming dalaga’y kay sarap kausap
Walang mapagsidlan nadama kong galak
At nang magutom siya’y aking niyakag
Na aming subukin bibingka’t salabat.

Tumango’t ngumiti magandang prinsesa
Di nag-atubiling sa aki’y sumama
Bumili nga kami…salabat’ bibingka
Nagdagdag pa siya ng puto’t kutsinta.

Aba’t tila gutom ang aking kasama
Biniling pagkain biglang niratsada
At dahil pati niyog kanyang tinira
Ang dalaga’y dumighay na’y nautot pa.

“Sorry!” Wika ng gusto kong maging irog
Ngiti na lamang ang aking isinagot.
Ang dalaga pala kahit maalindog
Masangsang din pala’t mabantot ang utot.

At dalaga’y bigla na lamang bumahin
Lumabas sa bibig tinga ng kinain
At matapos na bibig kanyang pahirin
Kulangot sa labi niya’y lumambitin.

Inisip kung paano ko sasabihin
Nahihiya akong siya’y diretsahin.
Kadiri naman kung aking aalisin
At sariling kamay ko ang gagamitin.

At ang sinabi ko na lamang sa kanya
“Miss sa labi mo may niyog na natira.”
Sa halip na gamitin ang panyong dala
Pinangsungkit sa kulangot ay dila n’ya.

Nang kulangot ay naipasok sa bibig
Susme… nginuya’t ninamnam na pilit
Aniya’y, “Bakit itong niyog mapait.”
Sagot ko’y, “Naku miss… baka iya’y panis.”