Happy Teachers’ Day Po Mam!!!

Kayo po ay muli kong kukwentuhan,
Paksa natin ngayo’y tungkol sa holdapan,
Kwento na nasagap sa isang huntahan,
Nang mga kapwa guro’y naka-umpukan.
Nang kwentong holdap ko’y kanilang nadinig –
Aba’y may isa ng tawa’y bumunghalit.
Isang kwento daw ang samagi sa isip,
Nang magsimula siya kami’y tumahimik.
Isang gabi guro niya sa kolehiyo,
Sumakay daw sa may Taft papuntang Recto,
May mga kawatan… bilang daw ay tatlo,
Sumigaw – “Walang kikilos holdap ito!”
Ibang pasahero syempre’y nataranta,
Ngunit ang guro mukhang naka-relax pa,
Holdapan yata ay nakasanayan na,
Inihanda na relo’t kanyang pitaka.
Madaling-madali ang mga kawatan,
Mabilis na mga gamit ay sinamsam,
At nang ang guro na ang nilalapitan,
Isang holdaper kasama’y pinigilan.
Ang wika niya, “Brod, balato ko na si mam!”
“Magaling kong guro noon sa elem ‘yan,”
Dugtong pa ay, “Hi! Good evening po madam.”
“Ako po ba ay inyong natatandaan?”
Natamemeng guro’y tumango na lang,
Ibang pasahero’y nagulumihanan,
At bago bumaba ang mga kawatan,
Wika ng isa – “Happy teachers’ day po mam!”
Posted on December 11, 2017, in Filipino Poetry, Pinoy Jokes, Poetry and tagged Pinoy Jokes, Poetry, Tula. Bookmark the permalink. Leave a comment.
Leave a comment
Comments 0