Category Archives: Poetry

The Sounds of the Trail

As the trail steepens
the breeze whistles,
the branches creak…
then the leaves rustle.

Suddenly the birds sing
I even heard crickets chirping
I think from behind the bushes
I heard a hissing.

I could really hear
my heart pounding…
my joints cracking…
my muscles popping…

So I decided to rest
then the huffs
the puffs…
Stopped.

Pintig

Taludturan ay muli kong lalakbayin
Pintig ng puso’y pagtutugma-tugmain
Talinhaga nito pilit mong talusin
Sa kanyang kariktan sarili’y lunurin.

Mga saknong sa tayutay hahabiin
Maraming pagwawangis dito’y gagamitin
Hindi dahil nais isip mo’y guluhin
Nang ito’y maarok puso ang gamitin.

Damdaming dumaloy sa bawat taludtod
Ay laman ng pusong sa pantig tumibok.
Kung isip ang gagamitin – ‘di mo maaarok
Tanging sa puso damdami’y iindayog.

Mata mo sana’y ipikit aking giliw…
Sumayaw tayo sa kumpas ng aliw-iw
Sabihin man nilang ako’y isang baliw
Pag-ibig sa iyo’y hindi magmamaliw.

Pag-ibig ko’y araw na laging sisikat
Tala itong sa gabi laging kukutitap
Pag-ibig ko’y kulay na hindi kukupas
Kawalang hanggan may marating  ang wakas

Aking giliw ako sana’y iyong dinggin
Lumapit ka’t masuyo akong yakapin
Pintig ng mga puso nati’y pagtugmain
Sa bawat pantig ng tula’y padaluyinAdvertisements

Sa Duyan Ng Gunita

Duyan ng gunita’y umugoy… marahan
Nakaraa’y nagbukas ng tarangkahan
Bago pumasok kita’y aanyayahan
Sa pamamasyal doon ako’y samahan

Hayaang kamay mo’y muli kong hawakan
Na muli ng halik  labi mo’y dampian
Sa duyan ng gunita ako’y hayaang
Mahimbing umidlip sa iyong kandungan

Pag-ugoy ng duyan huwag mong pipigilin
Hayaang gunita nakaraa’y lakbayin
Doon na lamang kita pwedeng dalawin
Doon pwede kitang hagkan at yakapin

Dahan-dahan sanang umihip ang hangin
Umawit ito at duyan ay uguyin
Nakaraa’y masuyo kong lalakbayin
Hanggang rurok ng ligaya’y aking marating

Halika na’t sa duyan ako’y samahan
Ang gunita’y magsilbi nating tagpuan
Naudlot na pagsuyo dito’y dugtungan
Sumpaa’y dito bigyan ng katuparan

Si Bathala sana sumamo ko’y dinggin
Nawa’y ‘di ihinto… pagihip ng hangin
Patuloy sana nitong duya’y uguyin
Sa gunita puso nati’y Kanyang bigkisin

Like Wine

Be like wine.
As you age,
be sweeter…
be fuller.

Age with grace…
be not a disgrace.
Be elegant.
Be opulent.

Like an aged wine.
Let your value appreciate,
not depreciate.

Life’s an oak barrel.
Live to be smoother.
full-bodied
intense.

That barrel
should have made you…
well-rounded
like a wine.

Ako’y Alipin Mo

Ika’y pintig na sa puso ko’y tumibok
Lakas na sa mundo ko’y nagpapaikot
Ngunit ang ngiti mo sa akin ang dulot
Isang laksang saya’t labis-labis na lungkot

Ikaw ay kaligayahang dapat damhin
Gayon ma’y  mabigat ka ring suliranin
Ika’y kayamanan kung aking ituring
At kabayarang dapat na balikatin

Ika’y amihang ginhawa sa tag-init
Hatid mo ri’y init pag gabi’y malamig
Kandungan mo’y itinuturing kong langit
Bilangguan nang inaliping pag-ibig

Ang ibigin ka’y parusa kung ituring
Ngunit takda ko’y maging iyong alipin
Hagupit ng pagmamahal tatanggapin
Kung ito ay sa puso mo manggagaling

Talinghaga kang mahirap na arukin
Palaisipang ‘di ko kayang sagutin
Magkaganun man ikaw ay mamahalin
Magpakaylan man ‘di kita lilimutin

Pangako mo ma’y mahirap panghawakan
Madali mang sa iyo na ako’y iwanan
Ang mahalin mo kahit panandalian
Dulot ay ligayang walang katapusan

Hanggang Sa Kawalang-Hanggan

Kita’y katabi, tag-araw o tag-lamig
Kaulayaw ka maging sa panaginip
Mga puso nating iisa ang pintig
Binigkis tayo sa tunay na pag-ibig

Sinamahan akong maglakbay sa dagat
Bangka ko’y nilagyan ng katig at layag
Araw kang sa umaga ko ay sumikat
Sa buhay naging sandigan ko’t lakas

Lagi kang nandoon, ‘di ako iniwan
Handa ka palagi na ako’y damayan
Matindi mang dagok sa buhay dumaan
Sa lungkot at saya ako’y sinamahan

‘Di ako iniwan, lagi kang nandoon
Buhay mo tila sa akin nakatuon
Kasama kita sa paglipas ng panahon
Mga pagsubok, sabay nating sinuong

Ano man ang ating mga pinagdaanan
Kamay ko ay mahigpit mong hinawakan
Pagmamahal mong sa aki’y pinaramdam
Ang ligayang dulot walang mapagsidlan

Pagmamahal mo ri’y tila isang paham
Gurong araw-araw akong tinuturuan
Kay daming aral sa ‘yo ko natutuhan
Pintig ng puso mo ako’y ginagabayan

Napakaraming taon man ang lumipas
Pagmamahal mo nanatiling matingkad
Tamis ng ngiti mo ay hindi kumupas
Hindi ko nanaising ito’y magwakas

Pag-ibig ko sa ‘yo, mananatiling wagas
Daang taon man sa panaho’y malagas
Mga kamay mo’y mananatiling hawak
Kawalang-hanggan ma’y marating ang wakas

Inggit

Bakit kung kapwa’y may biyayang nakamit –
Noo’y kumukunot, mata’y naniningkit?
Bakit ang dibdib mo’y biglang naninikip?
Apdo mo’y sasabog sa tindi ng inggit!

Ang inggit ay parang nagbabagang uling
Serenidad mo’y kaya nitong tupukin
Ipagpag ito’t ibaon sa buhangin
Sa isipan mo’y huwag itong pagapangin.

Inggit ay dalahing mabigat sa isip,
Parang tinik na bumabaon sa diddib.
Ito’y hadlang upang ika’y matahimik
Iwaksi ng ligaya’y iyong makamit.

At alalahaning inggit ay kabilang
Sa pitong nakakamatay na kasalanan
Kaya’t pananaghili mo na’y tigilan
Kinimkim mong inggit iyo nang bitiwan

Kung kapwa’y nagtagumpay, ‘wag managhili
Sa halip ay samahan silang magbunyi
Huwag kang magalit at manggalaiti
Kamayan mo sila’t bigyan ng papuri.

Magdiwang kung kaybigan mo’y umaangat
Tularan ginawa nilang pagsisikap
Pananaghili’y sagabal sa pagunlad
Taong mainggiti’y walang dignidad.

Magalak sa nakamit nilang tagumpay
Huwag dahil sa inggit, ika’y maglupasay
Bagkus magpunyagi’t piliting magsikhay
Sikaping iangat antas ng ‘yong buhay.