Ako’y Alipin Mo
Ika’y pintig na sa puso ko’y tumibok
Lakas na sa mundo ko’y nagpapaikot
Ngunit ang ngiti mo sa akin ang dulot
Isang laksang saya’t labis-labis na lungkot
Ikaw ay kaligayahang dapat damhin
Gayon ma’y mabigat ka ring suliranin
Ika’y kayamanan kung aking ituring
At kabayarang dapat na balikatin
Ika’y amihang ginhawa sa tag-init
Hatid mo ri’y init pag gabi’y malamig
Kandungan mo’y itinuturing kong langit
Bilangguan nang inaliping pag-ibig
Ang ibigin ka’y parusa kung ituring
Ngunit takda ko’y maging iyong alipin
Hagupit ng pagmamahal tatanggapin
Kung ito ay sa puso mo manggagaling
Talinghaga kang mahirap na arukin
Palaisipang ‘di ko kayang sagutin
Magkaganun man ikaw ay mamahalin
Magpakaylan man ‘di kita lilimutin
Pangako mo ma’y mahirap panghawakan
Madali mang sa iyo na ako’y iwanan
Ang mahalin mo kahit panandalian
Dulot ay ligayang walang katapusan
Posted on December 2, 2020, in Creative Writing, Poetry, Tula and tagged Creative writing, Poetry. Bookmark the permalink. 3 Comments.
Kasasabi ko lang sa asawa ko: “ako ay alipin mo, para maging alipin mo alipin ako ng boss ko….”
LikeLiked by 1 person
Sa aming mag-asawa… malinaw sa kanya na ako ang hari at malinaw sa akin na siya ang reyna at alas.
LikeLiked by 1 person
Ako ang ulo ng pamilya, siya ang utak….
LikeLike