Category Archives: Kwentong Kababalaghan at Katatakutan

Lingon

(Maikling Nobela)

smoke

Kapag naglalakad kang mag-isa sa gubat, sa isang madilim na eskinita, o sa likod ng bahay ninyo at may pumaswit sa iyo eh huwag kang lilingon. Baka kasi ang  nasa likuran mo’y isang uri ng halimaw  na kung tawagin ay  SUTSOT. Ano man ang mangyari eh magpatuloy ka lang maglakad at huwag na huwag kang lilingon. Mas maganda kung tumakbo ka na lang… mabilis na mabilis. Kung naniniwala ka sa Diyos eh magdasal ka  na rin. Ano man ang sabihin nila eh basta huwag kang lilingon. Gagayahin nila ang boses ng nanay, tatay,  o sino man sa mga mahal mo sa buhay.  Ano man ang gawin nilang pambubuyo eh huwag na huwag kang lilingon. Hindi ka nila gagalawin… sasaktan… kakainin… kung hindi mo ibabaling sa likuran ang iyong tingin.

**********

PART 1

Picture2

Hindi ko na mabilang kung ilang beses tumingin sa kanyang relo si Daniel at pagkatapos ay bubuntong hininga.  Wala na siyang sigarilyong masindihan pero patay-sindi pa rin ang ginagawa sa hawak na lighter. Matagal nang ubos ang laman ng  kaisa-isang pakete ng sigarilyo na binili niya sa terminal ng bus bago kami bumiyahe. Ako nama’y nang magsawang makinig sa mga kantang nasa cellphone ko’y pinanood ko na lamang ang mga bankang inuugoy ng mga alon malapit sa pampang habang nagbabalik-tanaw ako sa aking kamusmusang ginugol ko sa tabing-dagat sa bayang aking sinilangan. Magkatabi kami ni Daniel na nakaupo  sa dulo isang baytang ng hagdanan ng parola na nasa dulo ng konkretong breakwater. Mababa lang ang parolang iyon. Sa tantiya ko ay higit-kumulang na 10 talamapakan lang ang taas. Isang malaking bombilya ang nakalagay sa ibabaw nito na nakapaloob sa isang lagayang yari sa makapal na salamin. Gabay iyon ng mga mandaragat upang malaman nila kung saang banda ang pampang kapag madilim ang gabi, lalo na kung masama ang panahon.

Si Daniel ay may takip na panyo sa ilong. Halatang hindi sanay sa amoy na isinisingaw ng dagat at ng buhanginang nagsisilbing libingan ng mga patay at nabubulok na lamang dagat. Pablihasa nga ako’y laking dagat kaya bale-wala sa akin ang amoy ng tubig-alat na itinuturing ni Daniel na mabaho at malansa. Para sa akin, di-hamak na mas mabaho ang amoy ng sigarilyong kumapit sa suot niyang t-shirt at mas malansa ang hininga niyang may halong amoy ng nikotina.

May isang luma na’t sira-sirang rampa na yari sa magkahalong kahoy at kawayan na nakadikit sa breakwater na sa tinging ko’y nagsisilbing daungan ng mga bangka at siguro ay babaan rin ng mga isda at iba pa mga lamang-dagat na nahuhuli ng mga mangingisda kapag kati at hindi makatuloy sa pampang ang kanilang mga bangka. Dalawang baytang na hagdanang yari sa kahoy ang nakapagitan sa rampa at breakwater. Malamang na yari sa kongkreto o malaking kahoy ang nagsisilbing poste ng rampang iyon. Hindi ko makita sa dahilang taog noon.

Nakatayo sa gilid ng rampang iyon  si Tomas at nakatingin sa direksyon ng araw na malapit ng lunurin ng dagat. Habang kami ni Daniel ay umiiwas sa tilamsik ng tubig dagat na hatid ng along humahampas ng paulit-ulit sa aming kinapupuwestuhan ay hinahayaan lamang niyang mabasa siya nito. Taog nga kasi at medyo may kalakasan pa ang hangin kaya maalon.

“Anong oras ba talaga darating ang bangkang sasakyan natin,” ang tanong ni Daniel kay Tomas. “Aba’y makapananghalian pa tayo naghihintay dito ah.”

“Oo nga naman tol, hayan papalubog na ang araw o,” ang dugtong  ko.

“Aywan ko ba,” ang sagot ni Tomas. “Ang sabi niyong kakilala ko na kapag wala na ang araw at lalatag na ang dilim eh saka pa lamang daw darating ang bankang naghahatid sa mga gustong pumunta sa isla. Akala ko nagbibiro lang siya pero mukha yatang totoo ang sinabi niya.”

Pailing-iling na tumingin sa akin si Daniel. Hindi iyon nalingat kay Tomas.

“Pasensya na mga tol,” ang dugtong nito. “Nadamay pa kayo sa problema ko. Kung gusto na ninyong umuwi eh okay lang. Ako na lang ang maghahanap sa kapatid ko.”

Nanahimik na lamang kami matapos iyon sabihin ni Tomas.

Maya-maya pa’y sabay kami halos ni Daniel na bumaba sa rampa upang lapitan si Tomas.

“Tol, sorry, hindi ka naman namin pwedeng iwanan dito,” wika ko sabay akbay sa aming kaybigan. “Kami naman ang nagpumilit sumama sa iyo dito di ba. Wala tayong iwanan. Mula noon ganyan tayo.”

“Nakakainip lang kasi tol, dalawang oras pa halos ang biniyahe natin patungo dito kanina,” ang dagdag ni Daniel. “Tapos mahigit isang oras pa tayong naglakad papunta dito. Sumakit ang mga paa ko dito sa suot kong sapatos.”

“Eh engot ka kasi eh,” ang sabi ko. “Alam mo namang dagat ang pupuntahan natin at sasakay pa tayo ng bangka eh nag-rubber shoes ka. Dapat kasi tsinelas o sandals ang sinuot mo. Tapos nakapantalon ka pa.”

“Nakalimutan ko nga,” ang sagot ni Daniel. “Hay naku, akala ko’y naiwan ang nanay kong sermon nang sermon. Kasama ko pala”

“Ganyan ka kapag napapansin ang kaengotan mo.” ang sabi ko.

“Oo na… oo na. Ikaw na magaling.”

Tinampal ko sa balikat si Daniel. Lumayo siya sa akin ng kaunti. Parang nagtatampo.

“Pagod na, gutom pa. Napakalayo pa naman ng mga bahayan na nadaanan natin kanina. Wala man lang mabilhan ng pagkain at mahingan ng kahit tubig man lang na maiinom.”

“Magtigil ka nga Daniel,” wika ko. “Ayos lang na naglakad tayo ng malayo at wala tayong pagkain para pamin-minsan eh nakakapag-exercise ka at nakakapag-diet. Tignan mo nga iyang tiyan mo oh, parang tambol na ah.”

“Kung makapagsalita ka Willy eh parang ke payat-payat mo,” ang sagot ni Daniel sa akin.

Tumawa ako’t tinampal ko nanaman sa balikat si Daniel sabay sabing, “Joke lang tol. Pero tignan mo… di hamak na mas malaki ang tiyan mo sa akin.”

Binuksan ko ang aking dalang backpack. “O heto tubig. Kundi ka ba naman talaga engot ni tubig ‘di ka man lang nagbaon.”

“Eh tumakas nga lang ako di ba.”

“O heto pa biscuit, isaksak mo sa ngala-ngala mo.”

“Hindi ko kasi natanong doon sa nakausap  ko kung may mga karinderya o tindahan dito. Pasensya na mga tol.”

Tumingin ako kay Daniel, sinimangutan ko ito’t sinenyasang manahimik.

“Ang tigas kasi ng ulo ni Ella. Pinagbawalan ko siyang sumama sa mga kaybigan niyang mag-night swimming eh hindi nakinig.”

“Eh mukhang lahi yata talaga kayo ng matitigas ang ulo tol,” ang hindi ko malaman  kung nanunuya o nagbibirong sabi ni Daniel.

“Baka naman nagtanan na si Ella at ang nobyo niya kaya hindi pa umuuwi,” dagdag ko naman.

“Hinahanap nga siya ni Jeff sa bahay kagabi kaya nalaman ng nanay namin na wala pa siya. Pilit ko siyang pinagtakpan pero bistado kami. Masyado nang nagaalala si nanay kaya pinapasundan na sa akin. Aywan ko ba. Kinakabahan talaga ako. Sa lahat pa naman ng mapipiling puntahan eh ang isla pang iyon.”

“Bakit Tomas? ang tanong ni Daniel. “Anong meron sa islang iyon?”

“Ha… eh, wala naman  tol,” ang sagot ni Tomas.

the-shape-shifting-ghost

Pakiramdaman ko’y may gustong sabihin si Tomas. Pinagmasdan ko siya at nang magkasalubong ang aming tingin eh ngumiti siyang pilit.

“Ano iyon tol?” ang tanong ko kay Tomas.

Kilala ko si Tomas. Meron siyang dapat sabihin sa amin. High school pa lang eh magkakabarkada na kaming tatlo. Nagdesisyon din kaming pumasok sa iisang kolehiyo at pare-pareho pa ang kursong kinuha namin. Halos araw-araw eh magkakasama kami. Wika nga’y kabisado namin ang likaw ng bituka ng bawat isa.

“Puro sabi-sabi lang ang mga naririnig ko tungkol sa islang iyon.”

“Ah, haunted ang islang iyon. Parang isang haunted house –  may mga multo at maraming kababalaghang nagaganap,” ang pabirong sabi ni Daniel.

“Sabihin na nating parang ganoon na nga. Idagdag mo na na may mga maligno doon at halimaw.”

Hindi ko masabi kung seryoso ba si Tomas ng sabihin iyon o sinakyan lamang niya ang biro ni Daniel.

Tinanong ko si Tomas, “Siyanga pala tol, bakit hindi mo niyayang sumama dito ang nobyo ng kapatid mo?”

“Hindi daw siya pinayagan ng kanyang mommy. Sinubukan niyang magpaalam.”

“Mama’s boy.  Mabuti pa itong si Daniel… mama’s boy din pero marunong tumakas.”

“Naku Willy. Ako nanaman ang nakita mo.”

“Pero heto, pinahiram ako ni Jeff ng kalibre .45 at nagbigay  pa ng mga bala, meron pa ngang ibinigay na isang magazine ng silver bullets. Baka daw kaylanganin natin. Mukhang may alam din iyong tao tungkol sa islang iyon.”

“Silver bullets? Bakit meron bang bampira at werewolf sa pupuntahan natin?!!”

Hindi namin pinansin ang parang nanunuyang pagtatanong ni Daniel.

“Bakit nagdala ka pa ng baril tol? Mabuti wala tayong nadaanang checkpoint.” ani ko.

“Para lang sa proteksyon natin ito. Hindi natin kabisado ang lugar na pupuntahan natin. Ayaw kasing ipagamit sa akin ni nanay ang baril ni tatay kaya nanghiram ako sa nobyo ni Ella.”

Dating pulis ang ama ni Tomas at siya’y tinuruan nitong gumamit ng baril. Madalas kaming isinisama ni Tomas kapag nagpupunta silang mag-ama sa shooting range. Kasama rin madalas si Ella. Doon nga sila nagkakilala ni Jeff.

Namatay sa isang police operation ang ama ani Tomas.

“Mga tol!”

Nang kami ni Tomas eh tumingin kay Daniel eh tumuro ito sa direksyon ng pampang. May tatlong tao na humihila ng isang bangka palusong sa dagat. Binantayan namin ang kanilang mga kilos. Sumakay ang mga ito’t sumagwan papalaot patungo sa direksyong kinalalagyan namin sa breakwater. Nakaupo sa likod ng bangka ang dalawa sa kanila, sumasagwan, habang ang isa’y nakatayo sa bandang unahan. Nasa dulo kami ng breakwater kaya’t medyo natagalan bago nakalapit sa amin ang bangka.

Umakyat ako pabalik sa breakwater. Gusto kong may distansya kami ng kaunti sa mga taong paparating. Sumunod sa akin ang dalawa.

Tumigil ang bangka sa dulo ng breakwater  sa  tapat mismo namin. Medyo may kahabaan ang bangka at de-motor pala ito, hindi lang nila pinapaandar. May mga katig sa magkabilang bahagi at sa bandang unahan ay merong parang spotlight. Dalawang lalaki at isang babae ang lulan nito. Tantiya ko’y kasingtanda ng aking ama ang lalaking nakatayo sa harap ng bangka,   higit-kumulang na singkwenta siguro. Ang babae at iyong isang lalaki nama’y parang mga kasing-edad lang namin. Pakiwari ko’y mga estudyante rin sila sa kolehiyo. Tingin ko’y mag-ama ang dalawang lalaki. Sila’y magkahawig. Hindi ko masabi kung kaano-ano nila ang kasama nilang babae. Iba ang hugis ng mukha nito. Maganda siya’t morena at balingkinitan ang katawan.

Maari kong sabihing hindi sila mga mangingisda. Bukod sa mga pantalon nila’t kamiseta ay  may suot sila na parang tunika na kulay magulang na pula. Kung hindi ako nagkakamali eh mga deboto sila ng Nazareno… o baka miyembro sila ng isang kulto. Ang nagsisilbing sinturon nila’y parang malaking rosaryo at nakalawit sa bandang harapan ang krus. Wala rin akong nakitang gamit-pangisda sa kanilang banka. Ang nandoo’y mga lubid, sibat na kawayan at tulos. Ang nakakapagtaka ay  may dala silang isang kahon na may lamang mga bote na ang nagsisilbing takip ay punit na damit. Nakatitiyak akong hindi ilawan ang mga iyon kundi  parang mga Molotov cocktail. Gumagawa ng ganoon ang mga kaybigan kong aktibista unibersidad  kapag may sasalihan silang rally. Kapansin-pansin rin ang mga mahahabang gulok na nakapatong sa mga upuan sa bangka.

“Makikisuyo na nga po mga amang. Puwede bang pakibukas niyang ilaw sa parola. Nasa ilalim ng ika-pitong baytang niyang hagdanan ang switch. Ang pakiusap ng lalaking nasa unahan ng bangka.

“Oh sige po. Ako na lang po.” ang sabi ni Daniel.

“Salamat mga amang. Mawalang-galang na … mukhang may hinihintay yata kayo?”

Ang sumagot ay si Tomas. “Opo, iyong bangka papuntang isla Miedo.”

Natahimik at nagkatinginan ang mga kausap namin. Ang lalaking nakaupo sa likod ay sumagwan at mas inilapit pa sa  kinalalagyan namin ang kanilang bangka.

“Sa anong dahilan at pupunta kayo sa isla Miedo?” ang tanong naman ng babae.

Si Tomas muli ang sumagot, “Nagpunta doon ang kapatid ko at mga kaybigan niya. Nag-swimming sila doon kahapon. Hindi pa sila nakakabalik. Hahanapin namin sila.”

Muling nagtinginan ang mga nasa  bangka. Sila’y nag-ilingan. Nilapitan ng babae ang kasama niya’t may ibinulong. Nag-usap sila habang parehong nakatingin sa amin. Hindi namin maulinigan ang kanilang pinaguusupan. Nilulunod ng ingay  ng mga along humahampas sa breakwater ang kanilang mga tinig.

“Ipagpaumanhin ninyo pero hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Mga amang, kung ako sa inyo eh dumito na lamang kayo. Hintayin na lamang ninyo na bumalik sila.”

Ang lalaking nakakatanda ay parang isang ama na naguutos sa kanyang anak nang sabihin iyon sa amin.

Part 2

 

Advertisement

Lingon (Part 10)

smokeAtungal ang isinagot ng sutsot na inakala naming lahat ay si Patrick.

“Huwag po ninyong saktan si Patrick.” ang sigaw ni Ella.

Iyon ang isang bagay na hindi ko maintidihan – bakit parang ipinagtatanggol pa ni Ella ang halimaw. Si Jasmin man ay napatingin kay Ella ng sabihin iyon. Iyon ba’y pagtanaw lamang ng utang na loob dahil iniligtas siya noon ng sutsot na nagkunwaring si Patrick?

Meron nanamang mataas na alon na tumama sa amin. Humiwalay ang balsa sa bangka ngunit naiilawan pa rin ito ng spotlight. Nakita kong naggigirian sina Patrick at mang Kanor. Gulok ang hawak ni Patrick, punyal naman ang kay mang Kanor. Iniabot ni mang Kanor kay Tomas ang punyal at pagkatapos ay binunot niya mula sa puluhan nito ang kanyang gulok.

Patuloy ang pagatungal ng sutsot na nasa katawan ni Patrick.

Nakita kong si Gener ay may hawak na baril at pilit inaasinta si Patrick.

Umalingawngaw ang putok… isa… dalawa.

Hindi tinamaan ang sutsot. Malikot kasi ang bangka at ganoon din ang balsa dahil sa mga alon.

Nagsunod-sunod na ang mga matataas na along dumaan at naglaho na sa paningin namin ang balsa. Iniikot ni Gener ang spotlight sa bangka ngunit wala kaming makita.

Ang huling atungal na narinig namin ay parang kay layo na nang pinanggalingan.

Pinaandar ni Gener ang motor ng bangka pero ayaw. Ilang beses niyang sinubukan ngunit kung bakit sa pagkakataon iyon pa tila nasira ang makina.

Tuluyang ng umulan. Malakas.

Ginamit namin ang sagwan. Sinubukan naming hanapin ang balsa ngunit sa lakas ng hangin at alon ay wala kaming direksyong mapuntahan kundi ang pabalik sa pampang.

Paulit-ulit naming tinawag ang pangalan nina Tomas at mang Kanor hanggang sa maihatid kami  ng alon sa mismong breakwater. Nilampasan namin ang rampa hanggang sa sumadsad sa gilid ng dagat ang bankang sinasakyan namin.

Batid ko mang hindi pa tapos ang problema namin ay nakahinga ako ng maluwag nang sa wakas ay muli akong nakatapak sa buhanginang iyon.

Bitbit ang kanyang flashlight ay pinangunahan kami ni Gener patungo sa niyugan hanggang makarating  kami sa isang lumang bahay. Sumilong kami sa terrace nito. Nagpunta sa likuran ng bahay si Gener. Ilang sandali pa’y may maririnig na ugong ng isang makina at nakita naming nagliwanag sa terrace at sa loob ng bahay. Binuksan ni Gener mula sa loob ang harapan sa pintuan. Nagsipasok kami.

May isang kuwarto at hiwalay na palikuran sa loob. Magkabukod ang kainan at salas. May mga kagamitan din. Halatang tinitirahan ang bahay.

“Pahingahan ito ng mga tagapagbantay,” ang sabi ni Jasmin. “Dito na tayo magpalipas ng magdamag.”

“Teka lang, may mga damit sa kwarto. Magpalit kayo.” ang sabi ni Gener habang hinuhubad niya ang suot na tunika at t-shirt.

Pinauna na ako ni Jasmin at nang ako’y lumabas sila naman ni Ella ang pumasok sa kuwarto upang magpalit ng damit.

“Brod, baka kaylanganin mo ito.” Inaabot sa akin ni Gener ang isang mahabang gulok at pagkatapos ay nagsuot ng tuyong damit pantaas. “Benditado ang gulok na yan. Tatalab iyan sa mga sutsot.”

“Salamat! Ano na kaya ang nangyari kay Tomas at kay mang Kanor?”

“Bukas na natin siguro malalaman. Malaki ang kumpiyansa ko sa aking ama. Marami na siyang napatay na sutsot mula pa noon.” ang sagot ni Gener na sa pagkakataong iyo’y nililinis ang kanyang baril. Kalibre .45 rin ang gamit niya.

Mahirap isiping tapos na ang pinagdadaan naming krisis hanggang hindi namin alam ang sinapit ng kaybigan ko at ng ama ni Gener… at kung buhay pa o patay na ang sutsot na umagaw sa katawan ni Patrick.

Binuksan ko ang bintana ng bahay. Tila huminto na ang ulan.

Lumabas sa kuwarto sina Ella at Jasmin. Pareho silang naka-shorts at t-shirt lang.

Dumiretso sa lutuan si Jasmin at sinabing “Magpapainit ako ng tubig nang tayo’y makapagkape.”

Nagsiupo kami sa sala habang hinihintay naming kumulo ang nakasalang na tubig.

Si Gener ay kung ilang beses na tumayo at bukas-sara sa pintuan sa likuran at harapan at sinisilip ang paligid.

“Aray.” Si Ella iyon. “Sumasakit ang tiyan ko.”

“Gutom ka siguro.” Ang sabi ko kay Ella.”

“Siguro nga.” Ang sagot ni Ella. “Arrrayyy! Mukhang tumitindi ang sakit ah. Parang humihilab. Teka, punta lang ako ng CR.”

Nang makapasok ng palikuran si Ella ay binulungan ako ni Jasmin. “May boyfriend ba si Ella?”

“Oo, meron. Jeff ang pangalan.” Ang sagot ko. “Bakit mo natanong?”

“Kasi parang malaki ang tiyan niya. Parang buntis.”

“Tulong! Tulungan n’yo ako. Ang sakit ng tiyan ko” ang sigaw ni Ella mula sa CR.”

Mabilis naming tinungo ang CR. Si Jasmin ang pumasok.

“Anong nangyari? Willy… Gener… dinudugo si Ella. Tulungan ninyo ako.” ang sabi ni Jasmin. “Ilabas natin siya dito.”

Nagtulong kami ni Gener na buhatin si Ella palabas ng CR. Inihiga namin siya sa sofa sa sala. Umaagos ang dugo sa mga hita niya. Namimilipit sa sakit sa Ella.

“Ella, lumalaki pa lalo ang tiyan mo.”

Nakita kong lumaki ngang bigla ang tiyan ni Ella. Parang may gumagalaw sa loob.

Sa pagkakataong iyon ay biglang bumukas ang pintuan ng bahay sa likuran. Nagulat kaming lahat.

Sina Tomas at mang Kanor ang pumasok. Basang-basa sila.

“Itay, salamat at buhay kayo!” ani Gener. “Napatay ba ninyo ang sutsot?”

Umiling si mang Kanor at sinabing “Bumaligtad ang balsa dahil sa alon. Lumubog kaming tatlo sa dagat. Lumangoy kami nit Tomas papuntang pampang. Mabuti’t buhay ang bombilya ng parola sa breakwater. Teka ano ba nangyayari dito?”

Nakita ni Tomas ang kalagayan ni Ella.

“Kuya tulungan mo ako. Napakasakit ng tiyan ko.”

Nilapitan ni Tomas si Ella. Napaluhod ito, mangiyak-ngiyak.

“Ano ba ang nangyari?” ang tanong ni Tomas.

Una’y tumingin lamang si Ella kay Tomas. Ayaw magsalita. Panay lang ang iyak.

“Ella,  magsalita ka. Ano ba nangyari?” si Tomas ulit iyon.

Parang alam ko na ang nangyari. Pinagtagni-tagni ko ang mga napansin ko mula pa doon sa kubo ni Patrick sa isla Miedo hanggang sa makaalis kami doon.

“Kuya… kuya!”

“Ano?.. Ella!!!

“May nangyari sa amin ni Patrick sa isla. Maraming beses. Hindi ko napigilan ang pangaakit niya sa akin.”

At mula sa harapan ng bahay ay narinig namin ang pamilyar na atungal ng sutsot.

Ang sutsot… si Patrick. Buhay.

Malakas na lagabog sa pintuan ng bahay ang sumunod sa atungal ng sutsot.

Ipinutok ni Gener sa direksyon ng pintuan ang kanyang baril. Tumigil ang paglagabog doon.

Umatungal muli ang sutsot.

“Kuya…kuya… hindi ko na kaya.”

“May mga sutsot sa sinapupunan ng kapatid mo.” ang sabi ni mang Kanor

“Tulungan mo ako kuya! Anong gagawin ko!!! Kuya!!!”

“Dapat mamatay si Ella bago lumabas ang mga sutsot sa katawan niya.” ang wika naman ni Gener at umakmang lalapit kay Ella.

“Teka… teka…teka… baka may iba pang paraan.” ang sigaw ni Tomas. Iniharang ang kanyang katawan sa nakahigang si Ella at itinutok sa mukha ni Gener ang hawak nitong punyal. Tinabihan ko ang aking kaybigan. Nakahanda ang aking gulok.

“Ganyan nga Tomas. Huwag mo silang hahayaang patayin ang kapatid mo. Willy, tulungan mo ang kaybigan natin.” Tinig ni Daniel ang ginaya ng sutsot. Tanaw ko ang halimaw mula sa bintana.

Nagpaputok uli si Gener. Nawala ang sutsot.

Mabilis kong isinara ang binatana.

“Kuya, hindi ko na kaya!!! Parang sasabog na ang tyan ko!!!”

Muling umatungal ang sutsot. Parang nagbubunyi.

the-shape-shifting-ghost

Gamit ang pintuan sa likuran ay lumabas sina mang Kanor at Gener. Tumungo sa magkabilang direksyon ng bahay.

Ilang sandali pa’y nakarinig kami ng sigaw… atungal… putok… lahat ng iyon habang patuloy si Ella sa pamimilipit sa sakit.

Bumukas ang pintuan sa harap ng bahay.

Pumasok si Patrick….Tutop ang tiyan. Dumadaloy ang kulay berde niyang dugo. Naglakad papunta kay Ella.

“Ella… Ella…”

Sa gitna nang pamimilipit ni Ella sa sakit ay parang gusto niyang bumangaon at salubungin si Patrick.

“Patrickkk!!!” ang sigaw ni Ella.

Isang putok pa ang umalingawngaw.

Bumagsak sa harapan namin si Patrick at mula sa kanyang likuran ay lumitaw  si Gener… nabitiwan nito ang baril at paluhod na bumaksak  sa sahig. Duguan.

“Gener!” ang sigaw ni Jasmin.

Nilapitan namin ni Jasmin si Gener. Nakatarak sa likod niya ang isang gulok.

“Jasmin, pa…patay na ang tatay. Hi… Hindi na rin ako magtatagal. Gawin mo pa rin sana ang sinumpaan mong tungkulin. Sa… sa ngalan ng Nazareno.”

Pagkasabi niyon ay tuluyan nang bumaksak sa sahig si Gener.

“Kuya… parang may kumakagat sa tiyan ko…kuya! Arrayyyy! Kuyyyaaa.”

Binunot ni Jasmin ang gulok na nakatarak sa likod ni Gener at sinugod si Ella sa upuang kinahihigaan nito. Gusto kong pigilan subalit sobrang bilis ng mga pangyayari.

Itinaas ni Jasmin ang hawak na gulok, akmang tatagain si Ella ngunit tila mas mabilis si Tomas. Sinalubong niya ng saksak sa tiyan si Jasmin.

“Patawad Jasmin. Kaylangan kong protektahan ang aking kapatid.” ang sabi ni Tomas habang nakayakap sa kanya si Jasmin.

Bago bumagsak si Jasmin ay kitang-kita kong naiwasiwas niya sa leeg ni Tomas ang hawak na gulok.

Napaluhod si Tomas. Tutop-tutop ang leeg. Nakatingin sa akin. May gustong sabihin subalit sa halip na boses eh dugo ang bumulwak mula sa kanyang bibig. Bumagsak siya sa tabi ni Jasmin.

“Kuuyyyaaaaa!!!”

Wala akong magawa kundi panoorin lamang lahat nang nangyayari.

Tigmak sa dugo ang sahig… pula… berde.

Kitang-kita ko ang paghihingalo nina Jasmin at Tomas.  Nadinig ko ang kanilang huling mga hininga.

Tila patay na rin si Ella.

Kitang-kita ko kung paaanong unti-unti pang lumalaki ang kanyang tiyan. Parang lobong hinihipan ng hangin.

Kitang-kita ko kung paano dahan-dahang tumihaya ang duguang sutsot na nasa katawan ni Patrick.

Naupo. Tumingin sa akin. Nakangisi. Ngisi ng nagbubunying demonyo.

Umatungal ang sutsot ng malakas kasabay ang parang pagputok ng tiyan ni Ella.

Gusto kong tumakbo pero parang nakapako ang mga paa ko sa sahig. Sumisigaw ako pero walang boses na lumalabas sa aking bibig.

Kitang-kita ko ang ilang sanggol na nasa ibabaw ng bangkay ni Ella… tatlo… apat… lima… hindi ko matiyak kung ilan. Mapuputi’t magaganda. Parang mga kerubin. Ang isa sa kanila’y dumakot ng dugo sa pinanggaling tiyan. Tinikman. Dumakot itong muli… at isa pa… at ang iba pang mga munting sutsot ay nagsigaya.   Nag-aaagawan sa mga lamang loob ng katawang pinanggalingan nila.

Napansin ako ng isa sa kanila.

Nanlisik ang mga mata… matang lumaki’t naging kulay itim.

Tumalon siya sa sahig. Gumapang dahan-dahan papunta sa akin. Nagsalubong ang aming tingin… kitang-kita ko kung paanong bigla itong naging parang usok. Hindi ko nagawang pumikit. Napasok niya ang aking mata. Pakiramdam ko’y parang may tumutulak  sa akin palabas sa aking katawan… papunta sa aking mata.

Sana’y ang lahat ng nangyari sa breakwater… sa isla Miedo… sa bahay na iyon ay hindi totoo. Sana’y ang lahat ay panaginip lamang.

Isa na lang ang puwede kong sandigan… ang Diyos.

Habang kami ng sutsot ay nagpapambuno sa loob ng aking katawan ay umusal ako ng panalangin. At nang parang lumalabas na ako sa aking katawan at ang mga  kamay ko’y talukap na lang ng aking mga mata ang hawak eh naramdaman kong may sumampal sa mukha ko.

Sinundan iyon ng isa pa.

“Hoy…Willy…Willy… gumising ka!”

Iminulat ko ang aking mata.

“Gising anak!”

Halos patalon akong bumangon. Ang aking ina ang gumising sa akin. Niyakap ko siya nang mahigpit… mahigpit na mahigpit.

“Teka…teka… ano ba Willy… hindi ako makahinga.”

“Panaginip lang! Panaginip lang ang lahat!”

“Tange, hindi panaginip. Mukhang binangungot ka ng matindi. Nagsisisigaw ka’t parang nakikipagbuno ka sa hangin.”

Thank you Lord… Thank you Lord.”

“Aba at mukhang natuto ka na yatang magpasalamat sa Panginoon.”

Niyakap kong muli  ang aking ina.

“Ay siya… ay siya. Bumaba ka na at kanina ka pa hinihintay nina Tomas at Daniel.”

“Po?”

“Nasa baba sina Tomas at Daniel. May lakad daw kayo.”

Dali-dali akong bumaba.

Nandoon nga ang dalawa kong kaybigan. Buhay na buhay.

Sabay kong niyakap ang mga kaybigan ko.

“O bakit Willy?” ang tanong ni Tomas. “Ang sweet mo naman yata ngayon!”

“O tol, gumayak ka na at pupunta daw itong si Tomas sa isang isla. Aba eh samahan natin at baka kung mapaano itong best friend natin.” ang sabi ni Daniel.

“Isla ba kamo? Saan?”

“Sa isla Miedo.” ang sagot ni Tomas.

– W A K A S –

Lingon (Part 9)

smokeLubog na ang araw ng makalabas kami sa kakahuyan at mula sa tabi ng dagat ay kitang-kita kung gaano na kalawak ang apoy na nilikha namin sa kakahuyan.

Maari kong sabihing naipaghiganti na namin ang pagkamatay ni Daniel. Naipaghiganti namin ang pagkamatay ng iba pang nabiktima ng mga sutsot.

Magkahalong mga palahaw at mga panaghoy ang nanggagaling sa nasusunog na kakahuyan. Hindi magtatagal at ang mga sutsot na makakaligtas sa sunog ay makakarating na rin sa tabi ng dagat… o baka nauna pa sila sa amin.

Unti-unti nang dumidilim. Binaybay namin ang pampang papunta sa pinagiwanan namin sa balsa ni tandang Kharon. Ako ang nasa hulihan.  Mabilis ang takbo nina Patrick at Tomas sa unahan. Hindi ko mabilisan ang aking takbo sa dahilang inaalalayan ko sina Jasmin at Ella. Ako ang nasa hulihan.

May nadidinig akong parang mga tumatakbo sa likuran namin pero sinikap kong huwag lumingon.

Nakita kong unang nakarating si Tomas sa pinag-iwanan namin ng balsa ni tandang Kharon. Tinulungan siya ni Patrick na hilahin palusong sa dagat ang balsa.

Naunang sumampa sa balsa si Tomas. Inihanda niya ang tikin. Hinintay kami ni Patrick. Pinauna niyang sumampa sina Jasmin at Ella. Nakaharap siya sa pinanggalingan namin hawak ang gulok.  Nagsimula nang isikad ni Tomas ang tikin.

“Bilisan mo pa Willy!” ang sigaw ni Patrick.

Eksakto ang lundag ko sa balsa. Gumewang-gewang pa ito paglapag ko doon. Ang huling sumampa sa balsa ay si Patrick.

Isinikad na ni Tomas ang hawak na tikin ngunit bago tuluyang nakalayo sa pampang ang sinasakyan namin ay may tumalon dito… isa…dalawa…tatlo… tatlong sutsot na nakasanib sa katawan ng tao.

Halos tumaob ang balsa. Napunta ako, kasama sina Ella at Jasmin sa likuran.

Tatlong putok ang umalingawngaw.

Sapol ang dalawa. Nahulog sila sa dagat. Ngunit ang isa’y hindi tinamaan ni Tomas.

“Hindi sa lahat ng pagkakataon ay tatama ka Tomas.”

Boses ng babae.

Katawan din ng babae ang sinanibang ng sutsot na iyon.

Kinalabit muli ni Tomas ang gatilyo ng kanyang baril.

Hindi pumutok, ubos na ang bala.

Ipinukol ni Jasmin ang hunting knife sa sutsot. Nakaiwas ito ng bahagya kayat hindi napuruhan. Sa balikat lang  ito tinamaan at parang walang anoman na binunot niya ang patalim. Mula sa sugat niyang dumaloy ang kulay berdeng dugo.

Naggirian sina Patrick at ang sutsot. Hawak ni Patrick  ang kanyang gulok at ang sutsot nama’y ang hunting knife ni Jasmin.

Nagsalita ang sutsot.  Parang kinakausap si Partick gamit ang isang lengwaheng hindi namin maintidihan. Parang kinagagalitan si Patrick habang itinuturo ang nagliliyab na kakahuyan. Sa pakiwari ko’y parang sinusumbatan si Patrick.

Umiiling-iling lang si Patrick. Hindi sumasagot.

Umatungal ang sutsot. Iyon ang isa sa dalawang atungal na madalas kong naririnig. Iyon ang palaging pumapangalawa.

Nagpambuno ang sutsot at si Patrick. Natumba silang pareho at napailalim si Patrick. Nakita kong pigil-pigil ng sutsot ang kamay ni Patrick na may hawak na gulok samantalang nakaipit naman sa kili-kili ni Patrick ang kamay ng sutsot na hawak ang hunting knife ni Jasmin.  Halos sabay kaming kumilos ni Tomas upang tulungan si Patrick. Mahigpit kong hinawakan ang braso ng sutsot at pilit namang ibinuka ni Tomas ang kamay nito upang mabitawan ang hunting knife. Tumulong na rin sa Jasmin hangang matanggal nito sa kamay ang hunting knife at  makawala mula sa ilalim ng sutsot si Patrick.

Hawak namin ni Tomas sa magkabilang braso ang nakadapang sutsot at si Jasmin nama’y inupuan ang dalawang paa nito.

Napagtanto kong hindi pala ganoon kahirap labanan ang mga sutsot kapag nakasanib sila sa katawan ng tao. Siguro’y nagiging kasing-lakas lamang sila at kasing-ligsi ng taong kanilang sinasaniban o higit lang nang kaunti.   Marahil mas nahirapan kami kung nagkataong lalaki ang nasaniban ng sutsot na katunggali namin.

“Bakit mo ito ginawa sa akin Patrick. Ano ba talaga ang binabalak mong gawin.”  ang wika ng sutsot.

Nilaslas ni Patrick ang lalamunan ng sutsot gamit ang kanyang gulok.

Patay na ang sutsot nang bitiwan namin ito. Inihulog ito ni Patrick sa dagat.

Batid kong nagtataka rin sina Tomas at Jasmin kung bakit sinabi iyon ng sutsot kay Patrick.

Ipinagpatuloy ni Tomas ang pagsikad sa tikin. Unti-unit na kaming lumalayo sa isla Miedo. Pinagmasdan  ko ang isla. Mas lumaki pa ang apoy. Mas lumakas pa ang mga palahaw.

Sana’y walang matira sa mga sutsot.

Sana’y walang nang iba pang mga tao ang magawi pa roon.

Nilapitan ni Ella ang kanyang kuya at yumakap dito habang si Jasmin ay napansin kong parang tumitingin lamang kay Patrick.

Binuksan ko ang aking backpack. May kadiliman na. Tanging ang flashlight ng cellphone ang pwede naming gamitin kung kakaylanganin.

“Hayun. Tignan ninyo.” Ang sabi ni Tomas.

May balumbon ng ulap na lumitaw mula sa direksyon ng nilubugan ng araw… katulad ng nagluwal kay tandang Kharon doon sa breakwater.

“Dali Tomas, puntahan mo iyon bago maglaho. Tanging iyan ang pwede nating daanan palabas sa lugar na ito.” ang sabi ni Jasmin.

Tumalima si Tomas.

Pinasok namin ang balumbon ng ulap. Madilim na. Binuksan ko ang flashlight ng aking cellphone.

Tahimik kaming lahat. Kusang gumagalaw ang balsa kahit hindi isinisikad ni Tomas ang tikin.

Hanggang sa pagkakataong iyon ang hindi nawawala ang pangangalisag ng mga balahibo ko sa batok at braso.

Si Ella, sa halip na sa kuya niya nakahawak eh parang sa likuran ni Patrick nagsumiksik at sa braso nito kumakapit. Isang bagay na siguradong hindi rin nalingat kina Tomas at Jasmin.

Sa bandang unahan ay may papasalubong sa amin na mga liwanag. Tama ang hinala ko – si tandang Kharon iyon,  sakay ng kanyang balsa. May mga angkas nanaman siya… nakahiga, parang natutulog. Lahat ay babae.

“Magsigising kayo!!! Huwag kayong tumuloy sa isla!!!’ ang sigaw ni Jasmin.

Ngunit tulog na tulog ang mga nakasakay sa balsa ni tandang Kharon.

“Tanda, wala na ang isla mo. Sinunog na namin.” ang sigaw ni Tomas.

“Iyon ang akala mo.”

the-shape-shifting-ghost

Hindi ako pwedeng magkamali… boses iyon ni Daniel.

“Patay na ang lahat ng amo  mong sutsot.” ang pahabol pa ni Tomas.

Inulit lamang ni tandang Kharon ang kanina’y kanyang sinabi, “Iyon ang akala mo.”

Tuluyang nang nakalayo ang balsang sinasakyan ni tangdang Kharon kasabay ng paglabas namin sa balumbon ng ulap.

Isang malakas na alon ang sumalubong sa amin pagkalabas ng balsa sa balumbong ng ulap. Malakas ang hihip ng hangin. May liwanag akong nakikita sa aming unahan. Medyo malayo pa. Iyon marahil ang ilaw sa parola na nasa dulo ng breakwater.

Maya-maya’y may kumalabog sa unahan ng balsa namin. Tinutukan ko ito gamit ang  flash light sa aking cellphone.  Sibat na may lubid na nakatali. At mula sa itaas ay may nakita akong paparating na apoy. Pagkalapag sa balsa ay nabasag ang isang bote na may nakasinding mitsa. Molotov cocktail iyon katulad ng nakita ko sa bangkang sinakyan nina Jasmin kahapon.  Mabuti na lamang at nabasag lang ang bote at hindi sumabog. Nag-amoy gasolina sa balsa ngunit namatay kaagad ang apoy sa mitsa dahil sa mga along tumatama sa balsa.

Nagsimulang hilahin ang balsa namin patungo sa aming kaliwang direksyon. Halos maglalaglagan kami sa balsa. Bukod tangi na si Patrick ang matibay ang pagkatayo sa gilid ng balsa. Hawak niya ang kanyang gulok. Tinaga niya ang sibat. Naputol ang lubid. Isinikad ni Tomas ang balsa palayo sa bangka ngunit may sibat nanamang tumusok sa bandang unahan namin at muli’y may puwersahang humila papalapit sa isa palang nakatigil na bangka.

Patuloy ang malakas na hihip ng hangin.   Maya-maya’y humampas sa amin ang isang may kataaasang alon. Basang-basa kaming lahat at kung walang  lubid na nakatali sa sibat na iyon eh malamang bumaligtad ito.

Papalakas ang hihip ng hangin. Nagsimulang umambon.

“Gener…Mang Kanor… kayo po ba iyan.” ang sigaw ni Jasmin. “Si Jasmin po ito.”

Walang sumasagot pero kapangsin-pansing naging marahan bigla ang ginagawang paghila sa aming balsa hanggang makadikit ito sa sa isang katig ng bangka. Nababanaag kong may dalawang lalaking sakay ito.

Akmang tatalon sa bangka si Patrick ngunit hinawakan siya sa kamay ni Jasmin.

“Huwag kayong kikilos ng hindi maganda. Kung mga tagapagbantay ang nasa bangka’y baka barilin tayo.” ang pabulong na babala ni Jasmin.

Ang akala ko pagkaalis sa isla Miedo ay tapos na ang mga problema namin. Hindi pala. Noon ko naalala ang mga sinabi ni Jasmin tungkol sa mga tagapagbantay.

Nagbukas ng flashlight ang isa sa kanila. Isa-isang inilawan ang aming mga mukha.

“Sino iyang dalawang kasama ninyo?” ang tanong ng isang lalaki.

Tinig iyon ni mang Kanor at maaaring ang kasama niya ay si si Gener.

“Si Ella po, iyong sinabi sa atin ni Tomas kahapon na kapatid niyang hahanapin nila sa isla. Eto naman pong katabi ko ay si kuya Patrick. Siya po ang dahilan kung bakit nakiusap ako sa inyo kahapon na samahan ko sila sa isla Miedo.”

Katahimikan ang kasunod niyon.

“Nilinlang mo kami Jasmin. Itinago mo sa amin ang totoong dahilan kung bakit ginusto mong maging tagapagbantay.” ang sabi ni mang Kanor.

“Alam ko pong hindi ninyo ako papayagang makapasok sa grupo kung nalaman ninyong may nawawala akong kapatid na nagpunta sa isla Miedo.”

Nagliwanag sa bangka at sa balsa nang bumukas ang spotlight na nasa unahan ng bangka nina mang Kanor.

“Kung hindi dahil sa pakiusap ni Gener at sa mga magandang naimbag mo sa mga tagapagbantay ay kanina pa nawasak ang balsa ninyo at  maaaring patay na rin kayo.”

“Maraming salamat po mang Kanor.” ang sagot ni Jasmin.

“Ngunit gusto naming makatiyak na walang nasaniban sa inyo ng sutsot. Alam mo Jasmin na tuso at matalino ang mga demonyong iyon.  Maging ikaw ay hindi ko tiyak kung ikaw nga talaga si Jasmin.”

“A…ano po ang dapat naming gawin?” ang tanong ni Tomas.

“Bahagya kong susugatan ang  palad ng bawat isa sa inyo gamit ang bentitado kong punyal. Tignan natin kung ano ang kulay ng dugo na dadaloy.” ang sagot ni mang Kanor sa tanong ni Tomas.

Matapos tanggalin ang sibat at sinupin ang lubid na ipinanghila sa balsa namin ay may malapad na tablang inilatag si Gener upang magsilbing tulay sa pagitan ng balsa at bangka. Ginamit ito ni mang Kanor upang lumipat sa aming balsa.

Nagprisinta si Ella na mauna.

Pulang dugo ang dumaloy mula sa sugat ni Ella.

“Pasensya na hija, kaylangan kong gawin ito. Sige lumipat ka na sa bangka namin.”

Magkasunod kami ni Jasmin na sinugatan ni mang Kanor.

Nagpasalamat ako’t nakumpirma kong hindi pa ako isang sutsot. Pula ang dugong lumabas sa akin. Ganoon din si Jasmin.

Nakalipat na kami ni Jasmin sa bangka matapos sugatan ni mang Kanor si Tomas.

“Patrick ikaw na ang sunod.” ang wika ni mang Kanor habang si Tomas ay naghahandang lumipat sa bangka.

Kitang-kita ko kung papaanong sa halip lumapit kay mang Kanor ay umurong sa bandang dulo ng balsa si Patrick. Hawak ang dala niyang gulok. Parang naghandang lumaban.

Umatungal si Patrick, atungal na kahalintulad ng una naming narinig sa isla Miedo.

Si Patrick pala’y nasaniban rin ng sutsot.

Kaya pala wala siyang maikwento tuwing nagtatanong si Jasmin. Kaya pala mula ng kasa-kasama na namin siya ay ayaw huminto ang aking panginiglabot.

Napaluhod sa bangka si Jasmin. Marahil ay hindi siya makapaniwala sa nasaksihan.

“Kuya Patrick!” ang sigaw ni Jasmin.

Atungal ang isinagot ng sutsot na inakala naming lahat ay si Patrick.

Part 10

%d bloggers like this: