Lingon (Part 7)

smokeLumuhod ako sa lupa’t inusisa ko  ang makinang na bagay. Ito’y isang sing-sing. Nang pulutin ko ito’y nasa daliri pala ng isang kalansay. Hiniram ko ang hunting knife ni Jasmin at aking hinawan ang mga dahon at damo na nakatakip dito. Napaurong nang kaunti si Daniel ng makita ang kabuuan ng kalansay. Sa aki’y bale-wala na ito. Tila naubos na ang takot sa aking katawan.

Kinaylangan kong iangat ang buong kamay ng kalansay upang makuha ko ang sing-sing. Nang mabasa ko ang mga pangalang nakaukit dito’y  ibinigay ko ito kay Jasmin.

May mga luhang nangilid sa mga mata ni Jasmin ng sabihing “Engagement ring ito na bigay ni kuya kay Julie.”

Bakas sa mukha ni Jasmin ang pagalaala inisip isugro niya na sana’y hindi magkatulad ng sinapit ang kuya niya at ang kasintahan nito. Ngunit sandali lang ay bumalik ang kunot sa kanyang noo at ang lamlam sa kanyang mga mata’y hinanlinhan ng matalim na titig.

Matapos ibulsa ang singsing ay sinimulang muli ni Jasmin na ihakbang ang kanyang mga paa.

Nagpatuloy kami sa paglalakad – marahan pa rin ang aming mga hakbang at halinhinan naming binabantayan ang aming likuran. Habang papalayo kami sa aplaya palalim sa kakahuyan ay unti-unting nawawala ang amoy ng dagat pinalitan ng masangsang na amoy na kahalintulad ng naaamoy ko kapag naghahatid ako ng pagkain sa tiyuhin kong nagtatrabaho sa isang katayan – malansa at mabantot.

May ilang kalansay pa kaming natalisod sa paglalakad. Maging sa mga tulay sa mga puno’y may mga naglambiting mga bahagi ng kalansay ng tao.

Papaakyat kami. Pataas ang lebel ng lugar na nilalakaran namin. Hindi ko man makita ang bandang likuran namin dahil makapal ang puno ay natitiyak kong kami’y papaakyat dahil bigla na lamang akong hiningal at medyo bumigat ang aking mga paa. Ganoon ang pakiramdam ko kapag inakyat namin ang burol sa likurang ng bahay ng lola ko.

Sa isang bahagi ng kakahuyan ay nadaanan  namin ang isang grupo ng mga lobo na pinagpipyestahan ang isang nakahandusay na katawan ng tao.

Parang gusto nanamang masuka ni Daniel.

Nakita kami ng mga lobo. Ang ilan sa kanila’y tumigil sa panginginain at kami ang hinarap. Panay nakaangil at parang akmang kami’y sasalakayin.

Nakita kong dali-daling  nagpalit ng magasin ng bala si Tomas. Pinaputukan niya ang mga lobo. Tumimbuwang ang isa at ang iba nama’y nagtakbuhan palayo.

Nilapitan nina Tomas at Jasmin ang bangkay na nilapa ng mga hayop. Hindi ko nakuhang sumama. Ganoon din si Daniel.  Katulad ko, ayaw rin siguro ni Daniel na makita ang kalunos-lunos na hitsura ng bangkay.

“Walang natira sa mukha nung bangkay. Pero baka kasamahan rin siya ng kapatid kong si Ella. Sila lang naman ang alam kong nagpunta rito.”

“Araw-araw eh may inihahatid dito si tandang Kharon.” Ang sabi ni Jasmin. “Walang katiyakan kung ang patay na iyan eh kasamahan rin ng kapatid mo.”

“Ella… Ella!”

Paulit-ulit muli nanamang tinatawag ni Tomas ang pangalan ng kapatid at tuwing gagawin niya iyon ay susunod naman ang mga ingay na nililikha ng mga sutsot. Tantya ko’y napakalapit nanaman ng mga  halimaw sa aming kinalalagyan.

PSSSTTTT!

Hindi ako maaaring magkamali, nasa bandang itaas sa likuran namin nangaling ang pasuwit na iyon. Nasa mga baging na tulay ang mga sutsot. Dali-daling ibinalik ni Tomas sa kanyang baril ang magasin na may lamang mga silver bullets.

PSSSSTTTTT!

Huminto si Jasmin. “Walang titingin pataas.” Wika nito.

Ako ang nasa likuran at kaunting tingala ko lamang eh baka masaniban ako ng isang sutsot.

“Hoy Tomas! Di ba’t mahigpit kong bilin sa iyo na huwag na huwag mong pababayaan si Ella. Tignan mo ang nangyari… nawawala si Ella. Pabaya kang kapatid wala kang kwenta.”

“Tarantando kang sutsot ka. Nanahimik na ang ama ko eh idinadamay mo pa. Pasalamat ka’t nasa puno ka’t hindi kita pwedeng tignan kung hindi eh kanina ka pa tapos.”

“Eh bakit hindi ka lumingon o tumingala dito nang makita natin kung talagang sharp shooter ka oh.” Boses naman ni Patrick ang ginaya ng sutsot.

“Subukan mo kayang tumalon sa harapan namin nang makita mo hinahanap mo.”

“Aba matapang ah. Eh ikaw gusto mo bang makita ang hinahanap mo? Gusto mo makita si Ella?”

“Heto siya o katabi ko.”

“Kuya kumusta na… ako ito si Ella.”

Tinig ni Ella ang naririnig ko. Madalas kaming magpunta  kina Tomas kaya palagi  naming nakakakwentuha ito’t naging pamilyan ako sa kanyang boses.”

“Kuya, halika uwi na tayo.”

“Kung ikaw si Ella, ikaw ang lumapit sa amin.”

“Lumingon ka muna’t tumingala dito sa puwesto ko kuya… pakiusap!”

Nakita kong hinawakan ni Daniel sa balikat si Tomas. Marahil bilang pagpapaalala dito na hindi si Ella ang kausap niya kundi isang sutsot.

Nagpatuloy kami sa paglalakad. Marahan. Maingat. Nakatitiyak akong katulad ko’y nag-iingat ang mga kasama ko na huwag matingala’t matingin sa mga sutsot na bumabaybay sa mga tulay na baging.

Isang bagay na napansin ko’y madalas na boses ni Patrick ang ginagaya ng mga sutsot.

“May awa ang Diyos, makikita ko rin ang kapatid ko.”

“Tomas naniniwala ka ba talagang may Diyos?”

Hindi na sumagot si Tomas.

“Mahirap sagutin, di ba? Dahil kaylan ba ninyo naramdaman na may Diyos ngang gumagabay at nagmamahal sa inyo?”

Nagtinginan lang kaming magkakasama. Pakiramdaman ko na ang nga tanong na iyon ay hindi lamang para kay Tomas. Iyon ay tanong na lahat kami’y dapat sagutin.

Kaming lahat ba’y naniniwala sa Panginoon?

“Kung mayroong demonyong katulad ninyo eh tiyak na may Diyos.”

Ang sinabi kong iyon ay parang biglang nagpatahimik sa mga halimaw.

“Kayong lahat na mga gunggong… sa palagay ba ninyo eh kaya kayong iligtas ng kinikila ninyong Diyos?  Wala sa inyong pakiaalam ang Diyos. Kaya nga lahat ng napupunta dito sa aming isla eh wala pang nakakalabas ng buhay. Ang Diyos ninyo eh nakaupo sa trono, si Hesus ay nasa tabi niya. Pinapanood lang nila tayo ngayon. Sa palagay ninyo pupuntahan nila kayo para tulungan. Umaasa kayo sa wala. Bahag ang buntot ng Diyos ninyo.”

Sa pagkakataong iyon, hawak ang rosaryo, ay nagsimulang dasalin ni Jasmin ang “Ama Namin.”

the-shape-shifting-ghost

“Sige magdasal pa kayo. Akala mo naman may nangyayari sa mga padasal-dasal ninyo. Bingi ang Diyos ninyo. Nagaaksaya lang kayo ng panahon.”

Tahimik kong sinasabayan ang mga panalangin ni Jasmin.

“Aba si Willy nakikidasal oh. Hoy Willy, ilang panalangin mo na ba ang pinakinggan ng Diyos mo. Nagbalikan na ba ang naghiwalay mong nanay at tatay matapos ang halos gabi-gabi mong pananalangin. Binalikan ka na ba ng nagtaksil mong kasintahan matapos ang napakarami mong dasal para sa kanya. Hindi ka mahal ng mga magulang mo, hindi ka mahal ng kasintahan mo at lalong hindi ka mahal ng kinikilala mong Diyos.”

“Jasmin, paanong lahat ng mga bagay tungkol sa buhay ko eh alam ng mga lintik na iyan.”

“Dating anghel ang mga iyan bago sila naging demonyo. Taglay nila ang ilang kapangyarihan na taglay ng Panginoon. Kapag nakita na nila ang tao ay nalalaman nila ang mga kinikimkim mong sama ng loob, ang mga kabiguan mo sa buhay, at  ang mga itinatago mong kasalanan.”

Paano na kung hindi matibay ang pananampalataya sa Diyos at paninindigan ng mga taong pagsasabihan ng mga sutsot ng mga ganoong bagay? Paano kung ang makakadinig ng mga sinabi nilang iyon ay may pinagdadaanang mga pagsubok na nagbubunsod sa kanila upang parang maramdaman na parang hindi tinutugon ng Panginoon ang kanilang mga panalangin.

Para sa akin, ang mga sinabi ng mga demonyong sutsot ay nagsisilbing kumpirmasyon sa pagkakaroon ng isang Diyos na lumikha sa tao at sa mga anghel.

Totoong may Diyos. Totoo ang panginoong Hesus at maging siya man ay tinukso ng demonyo ng tatlong beses habang siya’y nagaayuno sa disyerto ng Judea.

Umatungal nanaman ang dalawang  sutsot na sinundan ng mga nakakabinging palahaw. Pakiramdam ko’y nasa ulunan lang namin sila.

Sunod-sunod na paswit ang aming nadinig…. matinis… nakakabingi.

“Mga putang-ina ninyo!” Si Daniel iyon. Sabay pukol sa hawak nitong kahoy… at sa pagpukol  niyang iyon ay mukhang hindi na niya naiwasang tumingala at tumingin sa direksyong pinagpukulan niya ng kahoy.

Napakabilis ng sumunod na pangyayari. Kitang kita ko ang pagpasok ng isang parang itim na usok sa kanyang mata. Bigla na lamang bumagsak sa lupa si Daniel.

Nagkikikisay!

Tumitirik ang mga mata niya!

Umuungol!

Ganoon ang itsura ng mga nakikita kong sinasaniban sa mga pelikulang horror na napanood ko noon.

Katulad ko, nataranta rin sina Tomas at Jasmin. Magkakatabi na kami halos. Wala ng nagbabantay sa aming likuran.

“Labanan mo Daniel. Huwag mong iwanan ang katawan mo.” Sigaw ni Jasmin.

Humawak si Tomas sa mga paa ni Daniel. Nasipa siya. Bumagsak sa tabi ko si Tomas.

Tumayo si Daniel. Tirik pa rin ang mga mata. Sinasabunatan ang sarili. Sinusuntok ang sariling mukha. Tumatadyak sa hangin.

“Umalis ka sa katawan ko. Umalis ka.” Boses iyon ni Daniel.

Nagpapaikot-ikot si Daniel na parang trumpo.

“Ikaw ang umalis, akin na  ito.” Iyon ay tinig ng kanyang ina.

Muling bumagsak sa lupa si Daniel.

Pumapalahaw muli ang mga sutsot. Parang nagbubunyi.

Tumayong muli si Daniel paharap sa amin ni Tomas.

Nakangiti ito, hindi na nagkikisay. Kitang-kita ko na nagsimulang  umaagos ang mga dugo sa isang mata ni Daniel. Unti-unti naglalaho ang mata niyang iyon, maging ang mga balat na nakapaligid dito. Parang may kumakain mula sa loob.

“Wala na si Daniel. Naagaw na ang kanyang katawan.” wika ni Jasmin.

Umalingaw-ngaw ang isang putok.

Bumaksak ang katawan ni Daniel.

Kitang-kita ko kung papaanong habang nakapikit eh nagpaputok pa ng kung ilang  beses si Tomas sa direksyon ng mga sutsot na nasa baging na tulay.

May nadinig akong nagbagsakan sa lupa na mabilis na sinundan ng mga palahaw at ingay na papalayo mula sa aming kinalalagyan. Matagal-tagal din bago muling nanahimik ang mga halimaw.

Nakaluhod sa harap ng katawan ni Daniel si Tomas. Sa mismong noo ng kaybigan namin  tumama ang bala. Hindi pula ang dugong lumalabas sa sugat… berde ito. Patay na si Daniel, patay na rin ang sutsot na sumanib sa katawan niya.

“Sorry tol… sorry tol.” Iyong ang paulit-ulit na  sinasabi ni Tomas habang tahimik na dumadaloy ang kanyang mga luha . “ Kinaylangan kong patayin ang sutsot na sumanib sa katawan mo.”

Hinawakan ko sa balikat si Tomas.

“Tol, wala na tayong magagawa. Nangyari na ang nangyari. Halika na hanapin na natin si Ella habang may panahon pa.”

“Dalawa pang sutsot ang napatay mo Tomas.” Ang sabi ni Jasmin.

Part 8

Advertisement

About M.A.D. LIGAYA

Teacher-Writer-Lifelong Learner I have three passions - teaching, writing, and learning. I am a Filipino currently residing and teaching in South Korea. I blog and vlog the things I write. I have two websites and two YouTube channels where I publish my works in my areas of interest. I also use Wattpad and Pinterest to publish my creative works. I am into research as well. Some of my articles were presented at conferences and published in indexed-journals. TO GOD BE THE GLORY!

Posted on August 16, 2018, in Creative Writing, Fiction, Horror, Kwentong Kababalaghan at Katatakutan, Maikling Nobela and tagged , , , , . Bookmark the permalink. 2 Comments.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: