Blog Archives
TIBOK
Animo’y tibok ng puso ang ritmo na dumadaloy sa bawat taludtod ng mga tulang nagpapahayag ng pag-ibig. Mabilis na tibok ang kahalintulad ng walang mapagsidlang saya ng taong umiibig. Wika nga’y malakas ang kabog. Subalit unti-unting babagal ang tibok na para bang malalagutan na ng hininga kapag ang saya sa pusong umiibig ay naglaho.
Maaring sanhi ito ng hindi pagkakaintindihan ng magsing-irog o kaya’y isa sa kanila’y tumalikod sa sumpaang hanggang sa huling tibok ng kanilang mga puso na sila’y mag-iibigan.
Ang mga tula sa bahaging ito ay tungkol sa pag-ibig at sa lahat ng damdaming pinupukaw nito. Ang mga unang kinatha kong tula noong aking kabataan ay tungkol sa pag-ibig. Magpahanggang ngayon ay kumakatha pa rin ako ng mga tulang hindi niliklika ng isip kundi’y itinitibok ng puso.
Ang mga sumusunod ay ilan sa mga tulang itinibok ng aking puso.
1. Andap
2. Dito
3. Kangkarot
4. Kape’t Manamis
5. Larawan
6. Lamig
7. Parang Hangin 1
8. Parang Hangin 2
9. Parang Hangin 3
10. Tuyong Dahon
Tungkol din sa pag-ibig ang mga tulang inipon ko sa link na sumusunod: Tinulang Tugtog.
SA PILING NG MGA HAYOP

Iba’t-ibang tao, iba’t-iba ang ugali. May ugaling maganda, at syempre may pangit din. Sa madaling salita, may mga taong asal HAYOP at sila’y nakaksalamuha natin araw-araw.
Kung may mapagbigay ay meron ding madamot. May masipag at meron din naman nuknukan ng tamad. May mga taong mabuti na ayaw gumawa ng ano mang bagay na nakakasakit sa kapwa-tao at meron namang ang makapanakit ang hanap. May mga taong ang nais ay tumulong, ang mai-angat ang moral at dignidad ng kapwa nila. Sa kabilang banda, may mga taong mapanira at mapanakit na ang nais ay masira ang buhay ng mga taong kinaiinisan o dili kaya’y kina-iinggitan nila. May mga taong ang bisyo ay hanapin ang kapintasan ng iba upang ito’y pag-usapan at pagtawanan. May mga taong mapagsamantala sa kahinaan ng iba.
Saan ka… saan ako… saan tayo nabibilang na uri ng tao? Mabuti o masama? Totoo o mapagkunwari? Anong ugali tayo meron? Tao ba tayong asal-hayop? Tayo ba’y banal o nagbabanalbanalan? Bulayi’t pag-isipan natin.
Ganyan ang mga kaybigan natin at mga mahal sa buhay…hindi perpekto. Maging ang mga kapit-bahay natin, ang mga kasamahan sa trabaho at mga taong nasasalubong natin sa daan. Hindi rin sila perpekto.
Minsan tumatahimik na lamang tayo kung may mga hindi magandang ugali tayong nakikita. Meron naman lumalayo na lamang upang walang maging problema.
Kapag nagpakita ang isa tao ng kagaspangan ng ugali wala rin akong sinasabi, pero may sinusulat ako…mga satirikong tula.
Ang mga satirikong tula kong nandito ay ang pagpuna ko sa ibang-ibang ugali na nakikita ko sa mga tao na nakakasalamuha ko sa paligid, sa pamayanan na kinabibiliangan ko at sa trabaho.
Ang Buwitre sa Kumbento
Ang Huklubang Ipis
Ang Loro
Ang Mga Buwaya
Ang Mga Hayop sa Manggahan
Ang Mga Hungyano
Ang Mga Unggoy, Ahas at Talangka
Ang Palatawang Tarantula
Ang Banal Na Tupa
Kakaibang Mga Hayop
Mga Talangka sa Banga ng Kimchi
Pintaserong Butanding
Source: SA PILING NG MGA HAYOP
Kangkarot
P
ara kang kangkarot
Hay naku sobrang harot
Kapag katawan mo’y inindayog
Hininga ko’y malalagot
Ngiti mo’y parang pagkit
Sa diwa ko nakadikit
Titig mong anong lagkit
Puso ko’y pinipitik
Nang matikman iyong halik
Tuhod ko ay nanginig
Halik mong sobrang tamis
Hanap-hanap bawat saglit
Bisig mo kasi parang sapot
Sa kaluluwa ko nakapulupot
Kandungan mo sa akin ang dulot
Ligayang di malilimot
Panibugho’y sobrang ramdam
Kapag ikaw ay nilalapitan
Lintek na mga asungot at aswang
Agawin ka’y di papayagan
Huwag na huwag kang aalis
Dibdib ko’y magsisikip
Kapag sa piling mo nawaglit
Mamatay sa hapis
Halika ka na sa silid
Pintuan ay ipinid
Ikukulong kita sa aking bisig
Sa ulap kita ihahatid
Paskong OFW

Walang simbahang dito’y mapupuntahan
Upang misa de gallo ay maipagdiwang
Sa bibingka’t puto-bumbong natatakam
Salabat na mainit walang makuhanan
Hanap-hanap ko ang mga batang paslit
Na tuwing gabi sa Disyembre’y nangungulit
Sintunado man kung sila ay umawit
Himig nilang pamasko’y nais madinig
Hinahanap ko’y parol na maliwanag
Walang matanaw makulay na Christmas lights
Wala ring Christmas trees na kumukutitap
Ganito ang pasko sa ibayong dagat
Ngunit ‘di bale nang wala iyong lahat
Kung ngayong pasko kita ay mayayakap
Ihain ma’y bibingka lang at salabat
Basta’t kapiling ka’t kamay mo’y aking hawak
Pagkaing masarap maghahanda pa ba
Kung sa noche buena ako’y mag-iisa
Aking christmas lights ‘di na sisindihan pa
Nang dibdib ‘di madurog sa pangungulila
LAMIG

Lamig na sa katauhan ko’y lumukob
Di kayang itaboy ng balabal at kumot
Di rin malusaw ng kapeng hinihigop
Kaylangan ko’y yakap mo oh aking irog
Sa kalungkutan ako ay nanginginig
Malayo ka kasi’t ngayon ay tag-lamig
Kapag ako’y nakita kagyat lumapit
Kandungan ako’t ikulong sa ‘yong bisig
Pasikatin ang ngiti mo’t nyebe ay tunawin
Lungkot ko’t inip sa tawa mo’y basagin
Tabihan ako’t hagkan mo at yakapin
Pamamanglaw sa iyo’y tuluyang lusawin
Halika giliw kamay ko na’y abutin
Sa mahigpit mong yakap lamig ay durugin
Nanlamig na puso’y muling pag-alabin
Namamanglaw na gabi’y ating pag-initin
Oh C.M.!

You’re sweet
You’re strong
You lift me up
You make my heart beat fast
You gave me sleepless nights
They say you’re no good for me
I then tried hard to avoid you
…against my will
I succeeded
But just briefly
For one day, that familiar fragrance
Shattered what’s left of my conviction
Never to submit again to your spell
So down I went to the coffeehouse where I first met you
I was excited oh C.M.
To have my soul
Enslaved again by your fullness
Twisted by your sweetness
There in the coffeehouse I told the server
“C.M. please!”
“And what’s that sir?” She asked.
“Caramel macchiato!!!” I replied.
Nang Ako’y Iwan

(Based on William Brothers’ “Can’t Cry Hard Enough”)
Naging bingi ako sa iyong panaghoy
Bulag sa luha mong sa pisngi dumaloy
Bakit ba puso’y parang binasang kahoy
Sa init ng kalinga mo’y ‘di mapag-apoy
Ako’y tinik na sa laman mo’y binunot
Tiniis mo ang hapdi, naluha sa kirot
Mapagmahal mong puso biglang napagod
Lumisan ka’t ako’y ‘binaon sa limot
Nang maglaho ka’t sa tanaw ‘di maabot
Mundo ko’y parang tumigil sa pag-inog
Kapag kita’y naisip dibdib ko’y kikirot
Sa ilog ng pighati ako’y nalulunod
Sarangola ka palang kapag nabitawan
Madudurog ang puso sa panghihinayang
Sana pala hawak sa iyo’y hinigpitan
Hangin ma’y lumakas ‘di dapat binitawan
Para akong musmos na humahagulhol
Tumakbo papunta sa dulo ng burol
Sa sarangolang binatawan nais humabol
Inaabot pising dito’y nakabuhol
Sa langit malaya ka nang lumilipad
Nagtatampisaw sa ibabaw ng ulap
Tumitingala’t pilit kang hinahahap
Baka pisi mo’y akin pang mahagilap
