Paskong OFW
Walang simbahang dito’y mapupuntahan
Upang misa de gallo ay maipagdiwang
Sa bibingka’t puto-bumbong natatakam
Salabat na mainit walang makuhanan
Hanap-hanap ko ang mga batang paslit
Na tuwing gabi sa Disyembre’y nangungulit
Sintunado man kung sila ay umawit
Himig nilang pamasko’y nais madinig
Hinahanap ko’y parol na maliwanag
Walang matanaw makulay na Christmas lights
Wala ring Christmas trees na kumukutitap
Ganito ang pasko sa ibayong dagat
Ngunit ‘di bale nang wala iyong lahat
Kung ngayong pasko kita ay mayayakap
Ihain ma’y bibingka lang at salabat
Basta’t kapiling ka’t kamay mo’y aking hawak
Pagkaing masarap maghahanda pa ba
Kung sa noche buena ako’y mag-iisa
Aking christmas lights ‘di na sisindihan pa
Nang dibdib ‘di madurog sa pangungulila
Posted on December 24, 2016, in OFW, Poetry, Tula and tagged OFW, Poetry, Tula. Bookmark the permalink. Leave a comment.
Leave a comment
Comments 0