DAHIL SA BIGAS, NOODLES, AT SARDINAS
Kung noong may pagkakataon kang magsikap
… pagkakataong mag-ipon
Eh nag-ipon ka.
Nagtabi.
Kung noong tag-araw
Sa halip na sa ilog naligo’t nagtampisaw
Ikaw sana’y namingwit.
Ang nahuli mong isda…
hindi lahat kinain.
Ang iba sana’y ginawa mong daing.
Kung noon ika’y nagsuksok
Ngayon sana ika’y may madudukot.
Ngayon sana’y hindi ka parang kawawa
Nagmumukhang timawa.
Aasa ka ngayon sa ibibigay
ng munisipyo… ng barangay.
At kapag hindi ka nabigyan…
Sa ano mang kadahilanan
Magagalit ka.
Ika mo…
MGA WALANGHIYA KAYO!!!
NASAAN ANG BIGAS KO…
ANG DE-LATA KO…
ANG NOODLES KO?
Nagkakandalaiti ka.
Halos sumabog ang iyong ngala-ngala.
Halos malagot ang lahat ng litid mo sa lalamunan.
Isinumpa mo ang pamahalaan.
Nanakot ka pa na hindi mo na iboboto si mayor… si kap.
Susme.
Eh ‘di huwag!
Ika mo pa…
YOU”RE SO UNFAIR KAP!
WALA KANG KUWENTA!
Bakit sila meron, ako wala?
Eh ano ang gagawin kung naubos na.
Hindi lahat mabibigyan.
Sa dami ng nangangaylangan.
Maghintay ka lang.
Baka sa susunod ikaw naman.
At FYI mare… pare
Hindi isang karapatan
ang bigyan.
Ang tanong kasi –
Bakit kaylangang mong manghingi?
Bakit kaylangan mong bigyan?
Bakit kaylangan mong iaasa ang iyong buhay
sa limos, sa donasyon, sa bigay?
Walang-wala ka ba talaga?
Sobrang gipit?
Sa gutom mamimilipit
Kapag walang relief?
Eh bakit nagkaganoon?
Bakit hindi mo ito pinaghandaan?
Bakit sa halip na ikaw ang tumulong
eh ikaw pa ang dapat tulungan?
Bakit ang pagkaing ihahandog mo sa hapag…
Ang kanin at ulam na isusubo ng asawa mo’t mga anak.
Eh kaylangan mong iaasa kay mayor o kay kap?
Noon kasing wala pang COVID…
Noon kasing wala pang krisis…
Ano ang ginawa mo? Papetiks-petiks.
Painom-inom… patong-its tong-its.
Kaya hayan tanging ang pag-asa mo ngayon eh relief.
Makikapagkagalit ka
dahil sa ilang piraso ng noodles at sardinas,
dahil sa ilang kilo ng bigas.
Nasaan ang iyong dignidad?
Paano kung ang krisis matagal matapos?
Paano kung ang gobyerno wala na sa iyong ilimos?
Paano kung wala nang magbigay ng noodles at sardinas?
Paano kung wala nang magpamudmod ng bigas?
Ano na?
Game over ka!
Nganga!!!
At iyon namang ilang tao diyan
Na alam nating may mapagkukunan
Bakit pati kayo eh gusto pang maambunan?
Bakit pati kayo eh kaylangan pang tulungan?
Mare… pare
Ikaw na de-kotse
Wala na ba kayong bigas?
Talaga lang ha.
Sawa ka na ba sa baka at salmon
Sawa ka na ba sa hamon
Sa sobra bang sarap ng ulam ninyo
kaya sa noodles at sardinas nasabik kayo?
Posted on March 26, 2020, in Creative Writing, Malikhaing Pagsulat, Poetry, Relief Goods, Tula and tagged Creative writing, Malikhaing Pagsulat, Poetry, Relief Goods, Tula. Bookmark the permalink. Leave a comment.
Leave a comment
Comments 0