Blog Archives
Sa Duyan Ng Gunita
Duyan ng gunita’y umugoy… marahan
Nakaraa’y nagbukas ng tarangkahan
Bago pumasok kita’y aanyayahan
Sa pamamasyal doon ako’y samahan
Hayaang kamay mo’y muli kong hawakan
Na muli ng halik labi mo’y dampian
Sa duyan ng gunita ako’y hayaang
Mahimbing umidlip sa iyong kandungan
Pag-ugoy ng duyan huwag mong pipigilin
Hayaang gunita nakaraa’y lakbayin
Doon na lamang kita pwedeng dalawin
Doon pwede kitang hagkan at yakapin
Dahan-dahan sanang umihip ang hangin
Umawit ito at duyan ay uguyin
Nakaraa’y masuyo kong lalakbayin
Hanggang rurok ng ligaya’y aking marating
Halika na’t sa duyan ako’y samahan
Ang gunita’y magsilbi nating tagpuan
Naudlot na pagsuyo dito’y dugtungan
Sumpaa’y dito bigyan ng katuparan
Si Bathala sana sumamo ko’y dinggin
Nawa’y ‘di ihinto… pagihip ng hangin
Patuloy sana nitong duya’y uguyin
Sa gunita puso nati’y Kanyang bigkisin
Ako’y Alipin Mo
Ika’y pintig na sa puso ko’y tumibok
Lakas na sa mundo ko’y nagpapaikot
Ngunit ang ngiti mo sa akin ang dulot
Isang laksang saya’t labis-labis na lungkot
Ikaw ay kaligayahang dapat damhin
Gayon ma’y mabigat ka ring suliranin
Ika’y kayamanan kung aking ituring
At kabayarang dapat na balikatin
Ika’y amihang ginhawa sa tag-init
Hatid mo ri’y init pag gabi’y malamig
Kandungan mo’y itinuturing kong langit
Bilangguan nang inaliping pag-ibig
Ang ibigin ka’y parusa kung ituring
Ngunit takda ko’y maging iyong alipin
Hagupit ng pagmamahal tatanggapin
Kung ito ay sa puso mo manggagaling
Talinghaga kang mahirap na arukin
Palaisipang ‘di ko kayang sagutin
Magkaganun man ikaw ay mamahalin
Magpakaylan man ‘di kita lilimutin
Pangako mo ma’y mahirap panghawakan
Madali mang sa iyo na ako’y iwanan
Ang mahalin mo kahit panandalian
Dulot ay ligayang walang katapusan
Hanggang Sa Kawalang-Hanggan

Kita’y katabi, tag-araw o tag-lamig
Kaulayaw ka maging sa panaginip
Mga puso nating iisa ang pintig
Binigkis tayo sa tunay na pag-ibig
Sinamahan akong maglakbay sa dagat
Bangka ko’y nilagyan ng katig at layag
Araw kang sa umaga ko ay sumikat
Sa buhay naging sandigan ko’t lakas
Lagi kang nandoon, ‘di ako iniwan
Handa ka palagi na ako’y damayan
Matindi mang dagok sa buhay dumaan
Sa lungkot at saya ako’y sinamahan
‘Di ako iniwan, lagi kang nandoon
Buhay mo tila sa akin nakatuon
Kasama kita sa paglipas ng panahon
Mga pagsubok, sabay nating sinuong
Ano man ang ating mga pinagdaanan
Kamay ko ay mahigpit mong hinawakan
Pagmamahal mong sa aki’y pinaramdam
Ang ligayang dulot walang mapagsidlan
Pagmamahal mo ri’y tila isang paham
Gurong araw-araw akong tinuturuan
Kay daming aral sa ‘yo ko natutuhan
Pintig ng puso mo ako’y ginagabayan
Napakaraming taon man ang lumipas
Pagmamahal mo nanatiling matingkad
Tamis ng ngiti mo ay hindi kumupas
Hindi ko nanaising ito’y magwakas
Pag-ibig ko sa ‘yo, mananatiling wagas
Daang taon man sa panaho’y malagas
Mga kamay mo’y mananatiling hawak
Kawalang-hanggan ma’y marating ang wakas
Inggit

Bakit kung kapwa’y may biyayang nakamit –
Noo’y kumukunot, mata’y naniningkit?
Bakit ang dibdib mo’y biglang naninikip?
Apdo mo’y sasabog sa tindi ng inggit!
Ang inggit ay parang nagbabagang uling
Serenidad mo’y kaya nitong tupukin
Ipagpag ito’t ibaon sa buhangin
Sa isipan mo’y huwag itong pagapangin.
Inggit ay dalahing mabigat sa isip,
Parang tinik na bumabaon sa diddib.
Ito’y hadlang upang ika’y matahimik
Iwaksi ng ligaya’y iyong makamit.
At alalahaning inggit ay kabilang
Sa pitong nakakamatay na kasalanan
Kaya’t pananaghili mo na’y tigilan
Kinimkim mong inggit iyo nang bitiwan
Kung kapwa’y nagtagumpay, ‘wag managhili
Sa halip ay samahan silang magbunyi
Huwag kang magalit at manggalaiti
Kamayan mo sila’t bigyan ng papuri.
Magdiwang kung kaybigan mo’y umaangat
Tularan ginawa nilang pagsisikap
Pananaghili’y sagabal sa pagunlad
Taong mainggiti’y walang dignidad.
Magalak sa nakamit nilang tagumpay
Huwag dahil sa inggit, ika’y maglupasay
Bagkus magpunyagi’t piliting magsikhay
Sikaping iangat antas ng ‘yong buhay.
The White Lie

Believe me!
It’s true,
What they say about white.
That it stands for goodness…
It symbolizes innocence.
Believe me !
It’s true,
What somebody said, and I quote –
“White is
inclusive,
impartial color,
favoring no single hue and refusing to take sides.”
Don’t believe the lie
That white is a color
that could kneel on your neck
and spray your back with seven bullets.
Why?
Because white is pure… untainted.
It’s true.
Believe me!
Bolero

Gabi noon nang umuwi si mang Teban
Itong si Bebang sa pinto nakaabang
At nang asawa’y pumasok sa pintuan
Pinadapo’y hampas sa kanyang bumbunan.
Sa nakita’y natawa anak na si Juan
Amang napaluhod siya’y sinimangutan
At nang makatayo lumapit kay Bebang
At siya’y tinanong, “Bakit ngayon ka lang?”
“Darling… sorry ako kasi’y nagovertaym.”
“Hoy… hoy kalbo luma na ang tugtuging ‘yan
Kung ‘di OT… traffic ang idadahilan
Gasgas na ang mga palusot mong ‘yan.”
Alam mo ba Bebang na A-B-C-D ka,
Sa totoo lang eh E-F-G-H ka pa.
Ika’y I-J-K, maniwala ka sana.”
Si Bebang ay natahimik… takang-taka.
A – as in AWESOME… B… Bebang you’re a BEAUTY,
Bilang asawa ika’y napakabuti,
C – you’re CHARMING, taglay mong ganda ay matindi,
D – so DAZZLING, wala na akong masabi.
“Matandang kalbo ako’y tigilan mo na,
Ika’y diyan magaling… sa pambobola.”
Ngunit halatang si Bebang… kinilig na,
Habang si Juan sa gilid… tawa nang tawa.
“E – EXCITING, oh kay sarap mong kasama,
F – FAITHFUL, sa akin Bebang ay tapat ka,
G – I’m GLAD ika’y aking napangasawa,
H – You’re so HOT Bebang, sa kuwarto’y tara na.”
Hetong si Juan, sa nangyari’y takang-taka
Animo’y na-hypnotize ang kanyang ina
Ina’y sinundan ang nagbubunying ama
Silid nila’y magdamag na nakasara.
Kinabukasan nang sila’y nagsigising
Naisipan ni Juan na ama’y tanungin –
“I-J-K… ano po ang ibig sabihin?”
Bulong ni Teban … “I’M JUST KIDDING.”



