Category Archives: Philippine Poetry

Sa Pagbuhos Ng Ulan

Bisyo

Picture1Hindi ako naninigarilyo.
Lalong hindi ako lasingero.
Sa sugal – hindi ako mahilig.
Hindi rin ako adik.

Iisa lang ang aking bisyo…

Ikaw!

Bakit hindi kita pagsawaan?
Hindi makalimutan.
Parang bisyo…
Kay hirap iwasan.

Para kang putahe ng ulam,
Na nang aking matikman –
Lalo akong nagutom.
Tubig na nang aking mainom,
Hindi natighaw
Ang aking uhaw.

Swabe kang magmahal.
Kung ika’y humalik –
Ubod ng tamis.
Kay higpit mong yumakap
Ang tama mo’y kay sarap.

Para kang alak,
Kay sarap mong tunggain.
Gustong-gusto kong sa iyo malasing.
Para kang sigarilyong kay sarap hithitin.

Para kang damo.
Kay tindi mong tumama.
Parang bato.
Delikado.
Mahal.
Bawal.

Okay lang na makulong.
Basta’t bisig mo ang rehas.

Susugal ako sa iyo.
Sige –
Hala!
Puso ko’y balasahin mo na.

Sigurista ka ba?
Ako?
Oo!
Walang katalo-talo!
Sino man kasi ang mahalin mo…
Tiyak panalo.

 

Kumpareng Baby

does-your-partner-use-their-phone-to-cheat“Sino itong Baby na nagte-text sa ‘yo?”
Tanong ng GF sa BF na palikero.
“Aking giliw, lalaki ‘yan, kumpare ko.”
Sagot ng BF sa GF na nagtatampo.

“Si pareng Baby ‘yan, kabarong barako.”
Ang paliwanag ng batikang bohemyo
“Alam mo namang ikaw lang ang mahal ko,
Ako giliw ay pagkatiwalaan mo.”

“O ano nga pala ang isasagot ko?”
Ang tanong ng GF sa BF nito.
“Kasi ‘di na daw tuloy ang lakad ninyo,
Biglang nagka-mens ang kumpareng Baby mo.”

Ang Pasahe

cars-jeepney-pixarBandang hapon pauwi na si mang Teban
Galing sa opisinang pinapasukan
Sa isang kanto’y nag-abang ng sasakyan
At isang jeep kaaagad s’yang hinintuan.

Dumukot si mang Teban ng ibabayad
Problema’y wala halos baryang mahagilap
Tig-lilimang daan kasi perang hawak
Apat na piso lang ang baryang nahanap.

Sa salamin ng jeep ang mama’y natingin
Sa mata ng driver meron s’yang napansin.
“Aha!” Wika n’ya, “Ang driver pala’y duling.”
Akala’y lutas na ang kanyang suliranin.

Ang apat na piso’y doble kung titignan
Kasi nga duling ang driver ng sasakyan
Kaya’t walong piso ang kakalabasan
Iyon ang pasaheng dapat n’yang bayaran.

Ang kwatro’y  iniabot bago bumaba
Ngunit wika ng driver, “Kulang po mama.”
Ani mang Teban, “Walong piso na ‘yan ah.”
At sagot ng driver – “Kayo po’y dalawa.”

PWEDE PO BANG MAGTANONG?

question

Sa paligid ay igala ang paningin
Mayroon bang nagbago sa bayan natin,
Asam na pag-unlad atin na bang narating,
Kapayapaang hangad atin bang angkin?

Tigilan na ang pagbulag-bulagan
Mata mo’y imulat sa katotohanan
Bayan nati’y lugmok sa kahirapan
‘Di makamit asam na kapayapaan

Ang tanong, “Sino ang dapat na sisihin?”
Sino ba ang hindi tumupad sa tungkulin?
Mga pinuno bang iniluklok natin,
O imaheng katitigan mo sa salamin?

Pinunong halal lang ba ang may tungkulin
Na paglingkuran ang inang-bayan natin?
Kung doon sa hapag mo’y walang pagkain
Sila nga lang ba ang dapat na sisihin?

Kaninong pinuno ka ba nasiyahan?
‘Di ba’t silang lahat ay iyong pinintasan?
Palaging may mali, palaging may kulang,
Kay hirap sundin ng iyong pamantayan.

Subalit kung ika’y aking tatanungin
May nagawa ka ba para sa bayan natin?
Sobra-sobra kung pinuno’y batikusin
Eh ikaw, “Ano ba ang kaya mong gawin?”

Para kasing kay talino mo’t kay galing
Eh ‘di sige mungkahi ko iyong sundin
Maging pinuno iyo kayang subukin
At problema ng bayan iyong lutasin

Kung hindi kaya aba’y manahimik ka!
H’wag ka nang makisawsaw sa pulitika!
Ang gawin mo sana’y maghanap-buhay ka
Ang itaguyod… sarili mo’t ang pamilya

Sa halip na pulitika ang atupagin
Buhay mo muna ang dapat na ayusin
Dahil kapag tagumpay… iyong narating
Maging ang bayan mo’y makikinabang din.