Blog Archives

One-sided

Single Woman Alone Swinging On The BeachI love you.
I worship you.
Like a goddess.
My heart,
Mind,
Soul…
Your pedestal.

I care for no one but you.
I dream of a world where there’s only you and me.
Together.
Forever.

And you?
I feel needed.
Not loved.
You never loved me.

You never cared…
Never dreamt about you and me.
There’s no us.
There’s  only you.
Your wants.
Your needs.
Your whims.
Your fancies.

You’re so in love.
With…
Yourself!

Me?
Loved me?
You never did.
Never will.

Lingon

(Maikling Nobela)

smoke

Kapag naglalakad kang mag-isa sa gubat, sa isang madilim na eskinita, o sa likod ng bahay ninyo at may pumaswit sa iyo eh huwag kang lilingon. Baka kasi ang  nasa likuran mo’y isang uri ng halimaw  na kung tawagin ay  SUTSOT. Ano man ang mangyari eh magpatuloy ka lang maglakad at huwag na huwag kang lilingon. Mas maganda kung tumakbo ka na lang… mabilis na mabilis. Kung naniniwala ka sa Diyos eh magdasal ka  na rin. Ano man ang sabihin nila eh basta huwag kang lilingon. Gagayahin nila ang boses ng nanay, tatay,  o sino man sa mga mahal mo sa buhay.  Ano man ang gawin nilang pambubuyo eh huwag na huwag kang lilingon. Hindi ka nila gagalawin… sasaktan… kakainin… kung hindi mo ibabaling sa likuran ang iyong tingin.

**********

PART 1

Picture2

Hindi ko na mabilang kung ilang beses tumingin sa kanyang relo si Daniel at pagkatapos ay bubuntong hininga.  Wala na siyang sigarilyong masindihan pero patay-sindi pa rin ang ginagawa sa hawak na lighter. Matagal nang ubos ang laman ng  kaisa-isang pakete ng sigarilyo na binili niya sa terminal ng bus bago kami bumiyahe. Ako nama’y nang magsawang makinig sa mga kantang nasa cellphone ko’y pinanood ko na lamang ang mga bankang inuugoy ng mga alon malapit sa pampang habang nagbabalik-tanaw ako sa aking kamusmusang ginugol ko sa tabing-dagat sa bayang aking sinilangan. Magkatabi kami ni Daniel na nakaupo  sa dulo isang baytang ng hagdanan ng parola na nasa dulo ng konkretong breakwater. Mababa lang ang parolang iyon. Sa tantiya ko ay higit-kumulang na 10 talamapakan lang ang taas. Isang malaking bombilya ang nakalagay sa ibabaw nito na nakapaloob sa isang lagayang yari sa makapal na salamin. Gabay iyon ng mga mandaragat upang malaman nila kung saang banda ang pampang kapag madilim ang gabi, lalo na kung masama ang panahon.

Si Daniel ay may takip na panyo sa ilong. Halatang hindi sanay sa amoy na isinisingaw ng dagat at ng buhanginang nagsisilbing libingan ng mga patay at nabubulok na lamang dagat. Pablihasa nga ako’y laking dagat kaya bale-wala sa akin ang amoy ng tubig-alat na itinuturing ni Daniel na mabaho at malansa. Para sa akin, di-hamak na mas mabaho ang amoy ng sigarilyong kumapit sa suot niyang t-shirt at mas malansa ang hininga niyang may halong amoy ng nikotina.

May isang luma na’t sira-sirang rampa na yari sa magkahalong kahoy at kawayan na nakadikit sa breakwater na sa tinging ko’y nagsisilbing daungan ng mga bangka at siguro ay babaan rin ng mga isda at iba pa mga lamang-dagat na nahuhuli ng mga mangingisda kapag kati at hindi makatuloy sa pampang ang kanilang mga bangka. Dalawang baytang na hagdanang yari sa kahoy ang nakapagitan sa rampa at breakwater. Malamang na yari sa kongkreto o malaking kahoy ang nagsisilbing poste ng rampang iyon. Hindi ko makita sa dahilang taog noon.

Nakatayo sa gilid ng rampang iyon  si Tomas at nakatingin sa direksyon ng araw na malapit ng lunurin ng dagat. Habang kami ni Daniel ay umiiwas sa tilamsik ng tubig dagat na hatid ng along humahampas ng paulit-ulit sa aming kinapupuwestuhan ay hinahayaan lamang niyang mabasa siya nito. Taog nga kasi at medyo may kalakasan pa ang hangin kaya maalon.

“Anong oras ba talaga darating ang bangkang sasakyan natin,” ang tanong ni Daniel kay Tomas. “Aba’y makapananghalian pa tayo naghihintay dito ah.”

“Oo nga naman tol, hayan papalubog na ang araw o,” ang dugtong  ko.

“Aywan ko ba,” ang sagot ni Tomas. “Ang sabi niyong kakilala ko na kapag wala na ang araw at lalatag na ang dilim eh saka pa lamang daw darating ang bankang naghahatid sa mga gustong pumunta sa isla. Akala ko nagbibiro lang siya pero mukha yatang totoo ang sinabi niya.”

Pailing-iling na tumingin sa akin si Daniel. Hindi iyon nalingat kay Tomas.

“Pasensya na mga tol,” ang dugtong nito. “Nadamay pa kayo sa problema ko. Kung gusto na ninyong umuwi eh okay lang. Ako na lang ang maghahanap sa kapatid ko.”

Nanahimik na lamang kami matapos iyon sabihin ni Tomas.

Maya-maya pa’y sabay kami halos ni Daniel na bumaba sa rampa upang lapitan si Tomas.

“Tol, sorry, hindi ka naman namin pwedeng iwanan dito,” wika ko sabay akbay sa aming kaybigan. “Kami naman ang nagpumilit sumama sa iyo dito di ba. Wala tayong iwanan. Mula noon ganyan tayo.”

“Nakakainip lang kasi tol, dalawang oras pa halos ang biniyahe natin patungo dito kanina,” ang dagdag ni Daniel. “Tapos mahigit isang oras pa tayong naglakad papunta dito. Sumakit ang mga paa ko dito sa suot kong sapatos.”

“Eh engot ka kasi eh,” ang sabi ko. “Alam mo namang dagat ang pupuntahan natin at sasakay pa tayo ng bangka eh nag-rubber shoes ka. Dapat kasi tsinelas o sandals ang sinuot mo. Tapos nakapantalon ka pa.”

“Nakalimutan ko nga,” ang sagot ni Daniel. “Hay naku, akala ko’y naiwan ang nanay kong sermon nang sermon. Kasama ko pala”

“Ganyan ka kapag napapansin ang kaengotan mo.” ang sabi ko.

“Oo na… oo na. Ikaw na magaling.”

Tinampal ko sa balikat si Daniel. Lumayo siya sa akin ng kaunti. Parang nagtatampo.

“Pagod na, gutom pa. Napakalayo pa naman ng mga bahayan na nadaanan natin kanina. Wala man lang mabilhan ng pagkain at mahingan ng kahit tubig man lang na maiinom.”

“Magtigil ka nga Daniel,” wika ko. “Ayos lang na naglakad tayo ng malayo at wala tayong pagkain para pamin-minsan eh nakakapag-exercise ka at nakakapag-diet. Tignan mo nga iyang tiyan mo oh, parang tambol na ah.”

“Kung makapagsalita ka Willy eh parang ke payat-payat mo,” ang sagot ni Daniel sa akin.

Tumawa ako’t tinampal ko nanaman sa balikat si Daniel sabay sabing, “Joke lang tol. Pero tignan mo… di hamak na mas malaki ang tiyan mo sa akin.”

Binuksan ko ang aking dalang backpack. “O heto tubig. Kundi ka ba naman talaga engot ni tubig ‘di ka man lang nagbaon.”

“Eh tumakas nga lang ako di ba.”

“O heto pa biscuit, isaksak mo sa ngala-ngala mo.”

“Hindi ko kasi natanong doon sa nakausap  ko kung may mga karinderya o tindahan dito. Pasensya na mga tol.”

Tumingin ako kay Daniel, sinimangutan ko ito’t sinenyasang manahimik.

“Ang tigas kasi ng ulo ni Ella. Pinagbawalan ko siyang sumama sa mga kaybigan niyang mag-night swimming eh hindi nakinig.”

“Eh mukhang lahi yata talaga kayo ng matitigas ang ulo tol,” ang hindi ko malaman  kung nanunuya o nagbibirong sabi ni Daniel.

“Baka naman nagtanan na si Ella at ang nobyo niya kaya hindi pa umuuwi,” dagdag ko naman.

“Hinahanap nga siya ni Jeff sa bahay kagabi kaya nalaman ng nanay namin na wala pa siya. Pilit ko siyang pinagtakpan pero bistado kami. Masyado nang nagaalala si nanay kaya pinapasundan na sa akin. Aywan ko ba. Kinakabahan talaga ako. Sa lahat pa naman ng mapipiling puntahan eh ang isla pang iyon.”

“Bakit Tomas? ang tanong ni Daniel. “Anong meron sa islang iyon?”

“Ha… eh, wala naman  tol,” ang sagot ni Tomas.

the-shape-shifting-ghost

Pakiramdaman ko’y may gustong sabihin si Tomas. Pinagmasdan ko siya at nang magkasalubong ang aming tingin eh ngumiti siyang pilit.

“Ano iyon tol?” ang tanong ko kay Tomas.

Kilala ko si Tomas. Meron siyang dapat sabihin sa amin. High school pa lang eh magkakabarkada na kaming tatlo. Nagdesisyon din kaming pumasok sa iisang kolehiyo at pare-pareho pa ang kursong kinuha namin. Halos araw-araw eh magkakasama kami. Wika nga’y kabisado namin ang likaw ng bituka ng bawat isa.

“Puro sabi-sabi lang ang mga naririnig ko tungkol sa islang iyon.”

“Ah, haunted ang islang iyon. Parang isang haunted house –  may mga multo at maraming kababalaghang nagaganap,” ang pabirong sabi ni Daniel.

“Sabihin na nating parang ganoon na nga. Idagdag mo na na may mga maligno doon at halimaw.”

Hindi ko masabi kung seryoso ba si Tomas ng sabihin iyon o sinakyan lamang niya ang biro ni Daniel.

Tinanong ko si Tomas, “Siyanga pala tol, bakit hindi mo niyayang sumama dito ang nobyo ng kapatid mo?”

“Hindi daw siya pinayagan ng kanyang mommy. Sinubukan niyang magpaalam.”

“Mama’s boy.  Mabuti pa itong si Daniel… mama’s boy din pero marunong tumakas.”

“Naku Willy. Ako nanaman ang nakita mo.”

“Pero heto, pinahiram ako ni Jeff ng kalibre .45 at nagbigay  pa ng mga bala, meron pa ngang ibinigay na isang magazine ng silver bullets. Baka daw kaylanganin natin. Mukhang may alam din iyong tao tungkol sa islang iyon.”

“Silver bullets? Bakit meron bang bampira at werewolf sa pupuntahan natin?!!”

Hindi namin pinansin ang parang nanunuyang pagtatanong ni Daniel.

“Bakit nagdala ka pa ng baril tol? Mabuti wala tayong nadaanang checkpoint.” ani ko.

“Para lang sa proteksyon natin ito. Hindi natin kabisado ang lugar na pupuntahan natin. Ayaw kasing ipagamit sa akin ni nanay ang baril ni tatay kaya nanghiram ako sa nobyo ni Ella.”

Dating pulis ang ama ni Tomas at siya’y tinuruan nitong gumamit ng baril. Madalas kaming isinisama ni Tomas kapag nagpupunta silang mag-ama sa shooting range. Kasama rin madalas si Ella. Doon nga sila nagkakilala ni Jeff.

Namatay sa isang police operation ang ama ani Tomas.

“Mga tol!”

Nang kami ni Tomas eh tumingin kay Daniel eh tumuro ito sa direksyon ng pampang. May tatlong tao na humihila ng isang bangka palusong sa dagat. Binantayan namin ang kanilang mga kilos. Sumakay ang mga ito’t sumagwan papalaot patungo sa direksyong kinalalagyan namin sa breakwater. Nakaupo sa likod ng bangka ang dalawa sa kanila, sumasagwan, habang ang isa’y nakatayo sa bandang unahan. Nasa dulo kami ng breakwater kaya’t medyo natagalan bago nakalapit sa amin ang bangka.

Umakyat ako pabalik sa breakwater. Gusto kong may distansya kami ng kaunti sa mga taong paparating. Sumunod sa akin ang dalawa.

Tumigil ang bangka sa dulo ng breakwater  sa  tapat mismo namin. Medyo may kahabaan ang bangka at de-motor pala ito, hindi lang nila pinapaandar. May mga katig sa magkabilang bahagi at sa bandang unahan ay merong parang spotlight. Dalawang lalaki at isang babae ang lulan nito. Tantiya ko’y kasingtanda ng aking ama ang lalaking nakatayo sa harap ng bangka,   higit-kumulang na singkwenta siguro. Ang babae at iyong isang lalaki nama’y parang mga kasing-edad lang namin. Pakiwari ko’y mga estudyante rin sila sa kolehiyo. Tingin ko’y mag-ama ang dalawang lalaki. Sila’y magkahawig. Hindi ko masabi kung kaano-ano nila ang kasama nilang babae. Iba ang hugis ng mukha nito. Maganda siya’t morena at balingkinitan ang katawan.

Maari kong sabihing hindi sila mga mangingisda. Bukod sa mga pantalon nila’t kamiseta ay  may suot sila na parang tunika na kulay magulang na pula. Kung hindi ako nagkakamali eh mga deboto sila ng Nazareno… o baka miyembro sila ng isang kulto. Ang nagsisilbing sinturon nila’y parang malaking rosaryo at nakalawit sa bandang harapan ang krus. Wala rin akong nakitang gamit-pangisda sa kanilang banka. Ang nandoo’y mga lubid, sibat na kawayan at tulos. Ang nakakapagtaka ay  may dala silang isang kahon na may lamang mga bote na ang nagsisilbing takip ay punit na damit. Nakatitiyak akong hindi ilawan ang mga iyon kundi  parang mga Molotov cocktail. Gumagawa ng ganoon ang mga kaybigan kong aktibista unibersidad  kapag may sasalihan silang rally. Kapansin-pansin rin ang mga mahahabang gulok na nakapatong sa mga upuan sa bangka.

“Makikisuyo na nga po mga amang. Puwede bang pakibukas niyang ilaw sa parola. Nasa ilalim ng ika-pitong baytang niyang hagdanan ang switch. Ang pakiusap ng lalaking nasa unahan ng bangka.

“Oh sige po. Ako na lang po.” ang sabi ni Daniel.

“Salamat mga amang. Mawalang-galang na … mukhang may hinihintay yata kayo?”

Ang sumagot ay si Tomas. “Opo, iyong bangka papuntang isla Miedo.”

Natahimik at nagkatinginan ang mga kausap namin. Ang lalaking nakaupo sa likod ay sumagwan at mas inilapit pa sa  kinalalagyan namin ang kanilang bangka.

“Sa anong dahilan at pupunta kayo sa isla Miedo?” ang tanong naman ng babae.

Si Tomas muli ang sumagot, “Nagpunta doon ang kapatid ko at mga kaybigan niya. Nag-swimming sila doon kahapon. Hindi pa sila nakakabalik. Hahanapin namin sila.”

Muling nagtinginan ang mga nasa  bangka. Sila’y nag-ilingan. Nilapitan ng babae ang kasama niya’t may ibinulong. Nag-usap sila habang parehong nakatingin sa amin. Hindi namin maulinigan ang kanilang pinaguusupan. Nilulunod ng ingay  ng mga along humahampas sa breakwater ang kanilang mga tinig.

“Ipagpaumanhin ninyo pero hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Mga amang, kung ako sa inyo eh dumito na lamang kayo. Hintayin na lamang ninyo na bumalik sila.”

Ang lalaking nakakatanda ay parang isang ama na naguutos sa kanyang anak nang sabihin iyon sa amin.

Part 2

 

Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 6A

Chapter 6A
“Sa Gitna Ng Libingan”

Kasabay ng pagsikat ng araw ay muling nag-ingay ang mga Sutsot sa may di kalayuan.

Ikinasa ni Tomas ang dalang baril at sinimulang maglakad papasok sa kakahuyan. Sinundan namin siya. Maingat kaming naglakad. Ang bawat hakbang nami’y pinabibigat ng mga babalang galing kay Jasmine.

“Teka… sandali lang.” ang sabi ni Daniel.

Ininom ni Daniel ang natitirang mineral water mula sa kanyang backpack at doo’y pinagsamasama niya ang mga natirang gaas sa mga gasera bitbit namin. Isinilad niya ang pinaglagyang plasctic bottle sa kanyang backpack.  Maging ang mga mitsa ng gasera’y hinugot ay isinama niya sa lalagyan. Pumulot din ito ng isang sanga ng kahoy. Kung nang nakaraang gabi’y halos manginig siya sa takot sa mga Sutsot, sa umagang iyon ay isang palabang Daniel ang nakita ko.

Wika nito’y “Sige ako muna ang bahalang magbantay sa likuran natin.”

Nagkatinginan kami ni Tomas. Pareho kaming bahagyang nangiti.

Matapos kong tampalin sa balikat si Daniel ay ipinagpatuloy namin ang pagpasok sa kakahuyan.

Mga puno ng niyog ang una naming nadaanan. Nagkalat ang mga palapa at mga magugulang na niyog sa lupa. Hindi masyadong madamo sa lugar na iyon dahil marahil sa medyo mabuhangin. Nang malampasan namin ang mga puno ng niyog ay bumulaga sa amin ang mga nagtataasang mga puno na ang  mga balat ay kulay berde dahil sa mga lumot na na nakadikit dito.

Karamihan sa mga puno ay hindi ko kayang ikulong sa yakap sa laki. Nagmistulang sahig ang mga napakaraming nagkalat na mga tuyong dahon at at mga sanga na dinudurog ng aming mga maliliit at dahan-dahang hakbang. Ilang hakbang pa nami’y nagsimula nang maging madawag ang aming dinaraanan. Hanggang tuhod ko halos ang taas ng mga damo at sa dinaraanan namin ay  naglambitin ang mga baging.

Sa bahaging iyon ng kakahuyan ay may mga parang tulay na yari sa mga malalaking baging na nagdudugtong sa bawat puno. Napansin din iyong ng mga kasama ko at marahil katulad ko ay iniisip din nila kung tao ba ang gumawa niyon o ang mga Sutsot.

Nagpunta sa unahan namin si Jasmin at gamit ang kanyang hunting knife ay kanyang hinahawanan ang aming dinaraanan.

Sa pagitan ng mga masinsing mga puno at sa siwang ng kanilang mga makapal na dahon ay pilit sumisingit ang sikat ng araw

May napansin akong kumikinang sa dinaraanan namin.

“Sandali lang.” Ang wika ko.

Huminto sila’t tumingin sa akin.

Lumuhod ako sa lupa’t inusisa ko  ang makinang na bagay. Ito’y isang sing-sing. Nang pulutin ko ito’y nasa daliri pala ng isang kalansay. Hiniram ko ang hunting knife ni Jasmin at aking hinawan ang mga dahon at damo na nakatakip dito. Napaurong nang kaunti si Daniel ng makita ang kabuuan ng kalansay. Sa aki’y bale-wala na ito. Tila naubos na ang takot sa aking katawan.

Kinaylangan kong iangat ang buong kamay ng kalansay upang makuha ko ang sing-sing. Nang mabasa ko ang mga pangalang nakaukit dito’y  ibinigay ko ito kay Jasmine.

May mga luhang nangilid sa mga mata ni Jasmin. “Engagement ring ito na bigay ni kuya kay Julie.”

Bakas sa mukha ni Jasmine ang pag-alaala. Maaaring hiniling na sana’y hindi magkatulad ng sinapit ang kuya niya at ang kasintahan nito. Naglakad siya sa paligid ng kalansay ni Julie. Gamit ang isang sanga ng kahoy ay hinawan niya ang mga dahon sa nilalakaran niya’t kinalkal ang lupa. Batid ko kung ano ang ginagawa niya. Ako ma’y naglakad-lakad din nang kaunti. Ginaya ko ang ginagawa ni Jasmine.

Ganoon rin ang ginawa ni  Daniel at Tomas. Sa loob ng ilang minuto, hinalughog namin ang paligid para sa iba pang posibleng labi ng tao. Wala na kaming ibang nakitang kalansay.

Tumayo nang matuwid si Jasmine. Nakita ko siyang pumikit at huminga nang malalim, tila nagninilay. Pagkaraan ng ilang sandali, iminulat niya ang kanyang mga mata. Nakakunot ang noo at tila nagngangalit ang kanyang mga ngipin.

Ibinulsa niya ang singsing. Huminga ng malalim at pagkatapos ay  nagsimula siyang pumulot ng mga batong nakakalat sa paligid. Pinagpatong-patong namin ang mga bato sa ibabaw ng ng kalansay ni Julie.

Minarkahan namin ang libingan ng isang krus na gawa sa tuyong sanga. Matapos mag-alay ng maikling dasal para sa kaluluwa ni Julie, lumakad na kami palayo, bitbit ang isang bahagi ng aming puso na naiwan doon.

“Teka, papunta kaya tayo sa direksyon niyong sulo na nakita nating kagabi?”

“Sana!”

Iyon lamang ang isinagot ni Jasmine sa tanong ko. Wala sa aming nakakatiyak kung papunta nga kami doon.

Nagpatuloy kami sa paglalakad – marahan pa rin ang aming mga hakbang at halinhinan naming binabantayan ang aming likuran. Habang papalayo kami sa aplaya palalim sa kakahuyan ay unti-unting nawawala ang amoy ng dagat pinalitan ng masangsang na amoy na kahalintulad ng naaamoy ko kapag naghahatid ako ng pagkain sa tiyuhin kong nagtatrabaho sa isang katayan.

Nasa katayan kami… hindi ng baboy o baka… Ito ay katayan ng tao.

May ilang kalansay pa kaming natalisod sa paglalakad. Maging sa mga tulay sa mga puno’y may mga naglambiting mga bahagi ng kalansay ng tao. Lahat halos ng madaanan naming kalansay ay tinitignan ni Jasmine ang daliri ng mga ito.

Papaakyat kami. Pataas ang lebel ng lugar na nilalakaran namin. Hindi ko man makita ang bandang likuran namin dahil makapal ang puno ay natitiyak kong kami’y papaakyat dahil bigla na lamang akong hiningal at medyo bumigat ang aking mga paa. Ganoon ang pakiramdam ko kapag inakyat namin ang burol sa likurang ng bahay ng lola ko.

Mas maraming pang baging ang tumambad sa amin habang lalong lumalalim sa gubat. Noon lang ako nakakita ng mga baging na ganoon kakapal, halos kasing-laki ng isang kamao. Nakapulupot ang mga ito sa mga puno, tila mga nakabiting tulay na bumubuo ng animo’y sapot ng gagamba.

Mahirap sabihin kung ang mga tulay na baging na ito ay tumubo nang natural o sadyang ginawa ng mga halimaw. Ang ilang puno, kasama ang kanilang makapal na sanga, ay may malalaking pugad na gawa sa mga patpat at tuyong dahon—mga pugad na nagpaalala sa akin sa mga pugad ng agila na nakikita ko sa mga documentaries.

“Baka pugad ‘yan ng mga Sutsot,” kabadong hula ni Tomas.

Sa kalaunan, mas marami pa kaming nakitang kalansay at ang  mga bahagi ng nabubulok na laman ng tao na nakabitin sa mga baging sa itaas namin.

Patuloy ang aming paglalakad. Nagsimulang bumigat ang aking mga paa. Bahagya akong hinihingal, ganoon di ang mga kasama ko. Ito’y indikasyon na pataas ang lugar na nilalakaran namin.

Biglang huminto si Tomas sa paglalakad at sinenyasan kaming tumigil.

Ilang metro sa unahan, isang pangkat ng mga lobo na nakapaligid sa isang bangkay.

Ang kanilang mga balahibo ay puno ng dugo at putik, bakas ang kanilang mga nakausling buto sa tagiliran. Mukhang mga gutom na gutom. Ang ilan sa kanila’y halinhinang kumakagat sa bangkay. Ang iba nama’y nagsisilbing guwardiya, ang mga tenga ay gumagalaw sa bawat kaluskos na naririnig.

Akala ko’y babaligtad ang sikmura ko sa nadatnan eksena. Pero hindi.  Hindi na ako kayang gulatin ng kahit ano. Ang takot ay naging isang bahagi na lang ng ingay sa paligid.

Ganoon din si Daniel. Hindi na siya  nangiming  panoorin ang ginagawa ng mga lobo. Ang kanyang mukha ay kakikitaan ng ano bang bakas ng takot o diri. Mukhang tumibay na ang kolooban at sikmura ni Daniel.

Naramdaman kami ng mga lobo. Isa-isa silang tumingala. Sila’y nagtinginan sa aming direksyon.  Ang kanilang mga mata ay kumikinang na parang mga baga sa dilim.

“Totoong mga lobo ba ‘yan… o mga Sutsot na nagbago ng anyo?” tanong ko nang pabulong.

Bago pa makasagot si Jasmine, nagsimula ang mga ungol—mababa, sabay-sabay, gumugulong sa paligid na parang kulog sa ilalim ng lupa.

“Totoong mga lobo sila,” sabi ni Jasmine.

Hindi nag-atubili si Tomas. Binunot niya ang kanyang kalibre 45, pinalitan ang mga pilak na bala ng ordinaryong bala, at nagpaputok ng isa. Agad na bumagsak ang pinakamalapit na lobo. Ang iba ay nagsitakbuhan sa takot nang marinig ang putok.

“Lintik… kung makakaligtas ka man sa mga demonyo rito, baka maging biktima ka pa rin ng mga lobo,” mahinang babala ni Daniel.

Nilapitan nina Tomas at Jasmine ang bangkay na nilalapa ng mga lobo.

“Wala nang natira sa mukha. Pero posibleng isa sa mga kasamahan ito ng kapatid ko. Sila lang ang alam kong pumunta rito,” Ang wika ni Tomas.

“Gabi-gabi, maraming inihahatid si Kharon sa islang ito. Hindi lang ang mga galing sa breakwater na pinanggalingan natin,” dagdag ni Jasmine. “Hindi natin masisiguro kung ang bangkay na ito ay isa sa mga kaibigan ng kapatid mo.”

“EVELYN!” biglang sigaw ni Tomas. “EVELYN!”

Halos nakalimuta ko na na Evelyn ang buong pangalan ni Eve. Ang boses ni Tomas ay umalingawngaw sa katahimikan ng gubat—at sinagot ito ng koro ng mga Sutsot.

Nararamdaman ko ang paglapit ng mga halimaw.

PSSSTTTT!

Ang paswit ay nanggaling sa itaas—sa mga tulay na baging kung saan nagtatago ang mga Sutsot. Mabilis na ikinasa ni Tomas ang kanyang baril.

“Walang titingala,” babala ni Jasmine, ang boses ay matigas… naguutos.

Nasa hulihan ako. Kaylangan kong tiyakin na hindi ako titingala, ano man ang pambubuyo na gawin ng mga Sutsot. Isang pagkakamali lang, isang tingin, iyon lang ang kailangan nila. Kapag nagtama ang aming mga mata ay aariin na nila ang aking katawan at ang kaluluwa ko’y lulutang sa kawalan.

“Hoy Tomas! Di ba’t mahigpit kong bilin sa iyo na huwag na huwag mong pababayaan si Eva. Tignan mo ang nangyari… nawawala si Eva. Pabaya kang kapatid wala kang kwenta.”

“Tarantando kang sutsot ka. Nanahimik na ang ama ko eh idinadamay mo pa. Pasalamat ka’t nasa puno ka’t hindi kita pwedeng tignan kung hindi eh kanina ka pa tapos.”

“Eh bakit hindi ka lumingon o tumingala dito nang makita natin kung talagang sharp shooter ka oh.” Boses naman ni Adam ang ginaya ng sutsot.

“Subukan mo kayang tumalon sa harapan namin nang makita mo hinahanap mo.”

“Aba matapang ah. Eh ikaw gusto mo bang makita ang hinahanap mo? Gusto mo makita si Eve?”Nandito siya, sa tabi ko mismo. Wow! Ang ganda ng kapatid mo. Ang lusog ng dibdib niya. Yummy!!!

Hinigpitan ko ang hawak sa aking pamalo. Kung makikita ko lang ang demonyong bumababoy kay Eve, dudurugin ko ang bungo nito.

Pwede ko bang hawakan ang dibdib mo, Eve?

HUWAG…. HUWAG. Please. Bitawan MO ako. Kuya, tulungan mo ako. TULONG!

Boses ni Eve ang narinig ko. Hindi ako maaaring magkamali. Narinig ko na ang boses na ‘yan na tumatawa, nakikipagtalo, at kumakanta. Ang marinig itong nagmamakaawa—hindi ko kaya. Hindi ko hahayaang mawala siya kay Tomas… o sa akin.

“Alam mong hindi mo kapatid ‘yan,” wika ko kay Tomas habang kinukumbinsi ko rin ang sarili ko.

HUWAG PO…. HUWAG PO!. Please. Huwag niyo akong hubaran. Huwag niyo akong hawakan! Kuya, tulungan mo ako!

Inilagay ni Daniel ang kamay niya sa balikat ni Tomas, marahil para ipaalala na hindi si Eve ang nagsasalita, kundi ang demonyong gamit ang boses nito.

Panandaliang katahimikan ang namayani. Pagkatapos ay may bigla nanamang nagsalita—pero sa pagkakataong ito, sa akin naman siya bumaling.

Hey, Willy boy! Boses ni Eve iyon.

Nakahubad na ako ngayon. Gusto mo ako, ‘di ba? Huwag kang magkaila! Huwag kang mahiya. Tingnan mo ako. Tingnan mo ang katawan na matagal mo nang pinapangarap… na gabi-gabi ay pinapantasya mo. Gusto mo ako… Mahal mo ako… tama ba?

Para akong yelong natutunaw pagkatapo niyon.  Lumingon sa akin sina Tomas at Daniel, bakas ang pagkalito sa kanilang mga mata.

Oops… sorry, bulong ng nilalang. Ang sikretong malupit na matagal mo nang kinikimkim… Ayaw mong malaman ng kapatid ko. Takot na takot ka na malaman niya kung kaninong mukha ang pumapasok sa isip mo kapag naninigas iyang alaga mo…

Pakiramdam ko’y parang lumulubog ako sa kinatatayuan ko. Parang  gumuho ang aking dibdib. Bistado na ang sikretong matagal kong itinatgo.

Alam nila. Alam ng mga hayop na demonyong ito. Gumapang sila sa isip ko at kinaladkad ang aking kahihiyan sa labas.

Naramdaman ko ang kamay ni Tomas sa aking balikat. Ang kanyang hawak ay matatag, parang sa isang kapatid—ang uri ng hawak na nagpapatawad sa mga bagay na hindi kayang sabihin ng salita.

“Huwag kang mag-alala, bro,” mahina niyang sabi. “Alam ko. Hindi naman ako engot para hindi ko mahalata. Matagal ko nang alam. At nagpapasalamat ako na pinanatili mong ganoon.”

“Pasensya na, bro,” bulong ko, basag ang aking boses.

Sinubukan ni Daniel na tumawa. “Bistado na kita… ako’y mahal mo rin…”

Dinaan ni Daniel ang pangangantyaw sa akin sa pamamagitan ng bahagi ng kantang iyon.

“Tama na iyan Daniel.” Ang wika ni Tomas.

“Tumahimik kayo,” ang parang inis na sinabi ni Jasmine. “Hindi ito ang oras para sa drama at komedya. Mag-focus kayo.”

Huminga nang malalim si Tomas. “Okay lang bro.” sabi niya sa akin. “Hindi naman ako magagalit kung naging boyfriend ka ni Eve.”

Para akong nakahinga ng maluwag. At sa pagkakataong iyon ay nakaramdam ako ng panghihinayang. Sana pala ay sinabayan ko si Jeff sa pangliligaw kay Eve.

Hindi pa tapos ang mga sutsot.

Oh… tingnan niyo kung sino ang dumating, wika ng isa sa mga demonyo na gumamit ng boses ni Eve.

 Jeff, darling. Kumusta ka na?

Pagkatapos ay dumating ang sagot—ang boses ay siguradong kay Jeff.

Ayos lang ako, sweetheart. Sorry na-late ako.

Isang mapang-uyam na tawa ang sumunod. Oh… wait! Ikaw ba ‘yan, Willy boy? Kaibigan ko… sorry at ninakaw ko si Eve mula sa iyo. . Pero hey—akin siya, at hindi magiging sa’yo. Pero gusto mo pa rin ba siya kahit gamit na gamit ko na siya. Araw-araw kasi kaming… nagaanuhan… alam mo na iyon di ba??

At alam mo ba, Willy boy? Napakagaling ni Jeff. Madali niya akong nadadala sa rurok ng kaligayahan. Kaya mo kaya ‘yun? Tara, halika, subukan natin.

Iyon ay boses ni Eve—tinutuya ako. Pagkatapos ay sumunod ang mga ungol—malaswa, nang-uuyam,.

Nagngangalit ang aking panga. Gusto kong ipikit ang aking mga mata, takpan ang aking mga tenga.. Ang pang-iinis ng mga Sutsot na ginagamit ang mga boses nina Eve at Jeff ay parang lang naglulubog sa akin sa matinding pagsisis kung bakit hindi ko sinabi kay Eve ang aking pagkagusto sa kanya.

Pagkatapos ay muling nagsimula ang alulong.

Okay, kuya,  Kung hindi mo ako tutulungan, hahayaan ko sina Adam at Jeff na pagsaluhan ako nang sabay… Oh… parehong malaki ang sa inyo. Duda ako kung ganyan din ang batutoy ni Willy boy.

Nagtawang at sigawan ang mga sutsot. Kung ano-anong kalaswaan ang kanilang isinisigaw. Nakakabingi. Nakakainis. Si Jasmine ay nagtakip ng kanyang tenga. Pailing-iling.

Pahigpit ng pahigpit ang pagkakakuyom ko sa aking mga kamay.

“Nakasuka!” sigaw ni Jasmine.

Ay… hindi kaya sister. Ang sigaw ng Sutsot gamit ang boses ni  Tomas. Hindi ito nakakasuka. Hindi mo pa lang natitikman pero masarap ito. Bakit hindi mo subukan sa isa sa kanila… o sa kanilang lahat nang sabay-sabay? Magugustuhan mo.

“Magsama kayo sa impiyerno!” dura ni Jasmine.

Owww… nanggaling na kami doon, parang nang-iinis na sagot ng Sutsot. Pero hindi na kami welcome. Hindi na kami gusto ni Lucifer doon.

Isang buhos nanaman ng tawanan at sigawan ang sumunod—mas malakas, mas nakakatulig, mas mapang-inis. Nagpatuloy kami sa paglalakad, habang ang tawanan ng mga demonyo ay patuloy sa bandang itaas namin. Kahit ano man ang sabihin nila’y hindi na namin pinapansin. Basta handa kaming lumaban kapag sila’y nagpasyang sumugod.

Pagkatapos ay muling pumainlanlang ang isang pamilyar na atungal. Hindi ako puwedeng magkamali… iyong ang unang atungal na narinig namin nang kami’y nandoon pa sa pampang. At katulad ng inaasahan ko ay sumunod ang isa pang atungal. Dalawang halimaw, lalaki at babae, ibinuhos ang kanilang galit sa pamamagitan ng atungal.

Sina  Berith at Empusa kaya ang mga iyon?

_____

Chapter 6B
“Sa Gitna Ng Libingan”

Huwang Kang Lilingon ~ Chapter 5B

Chapter 5B
“Bulong Mula Sa Kawalan”

Napaurong si Jasmine, saka iwinasiwas ang hawak na patalim. Humabas ang talim sa hangin. May tinamaan. Nagpakawala ito ng isang matinis at hindi makataong hiyaw bago muling naglaho sa hamog.

Itinaas ni Tomas ang kanyang baril, ang mga mata ay mabilis na nagmamasid sa dilim. “Huwag tayong maghihiwa-hiwalay!” sigaw niya. Dinig ang pagkakasa ni Tomas ng bitbit na baril

Tumayo nang matatag si Jasmine, nakahanda ang kutsilyo. “Iyukod niyo ang mga ulo niyo—huwag titingin kahit saan kundi sa ibaba!” sigaw niya.

Si Daniel ay napaluhod. Yukong-yuko. Nanginginig sa takot.

May anino ring tinangka akong sugurin.. Iwinasiwas ko ang aking pamalo, buong lakas. Meron akong natamaan. Sinundan iyon ng ingay… ng parang baboy na ginigilitan sa leeg. At ang nilalang na iyon ay napaurong pabalik sa dilim. Tumabi sa akin si Jasmine, ang kanyang punyal niyang hawak ay nagkukulay-pula sa liwanag ng apoy.

Panandaliang katahimikan ang sumusunod. Dinig na dinig ang madiing paghinga nina Tomas at Jasmine at ang paghikbi ni Daniel na nakaluhod pa rin at itinatago ang kanyang ulog sa kanyang mga hita at tinatakpan naman ng kanyang mga braso.

 Pagkatapos ay bumalik ang mga bulong—mas malapit na ngayon, pinalilibutan kami na parang isang pangkat ng mga lobo.

Tinakpan ni Daniel ang kanyang mga tenga. Ang ingay ay tila alon na gusto siyang lunurin. Ngunit hindi ako  puwedeng magpatalo sa takot. Dapat akong lumaban. Kaylangan kong mabuhay… para kay Eve.

“Diyos ko! Bitawan n’yo ako! Tulungan mo ako, Willy!”

Puno ng desperasyon ang boses ni Daniel nang may mga kamay na biglang lumabas mula sa dilim, pilit siyang hinahila palayo sa amin. Sumigaw siya, pilit na kumakawala.

“Pikit ka lang Daniel… pikit ka lang!” Wika ni Jasmine.

Huminga ako nang malalim, ipinikit ang aking mga mata, at iwinasiwas ang sanga patungo sa mga aninong nakahawak sa kanya. Tumama ito nang may mabigat na tunog. Napabitaw ang kalaban at nakawala si Daniel at bumagsak sa buhanginan. Lumuhod si Daniel at muling isinubsob ang kanyang ulo sa kanyang hita. Pinaligiran namin si Daniel.

Ramdam ko ang kagustuhan ng bawat isa sa amin na lumaban.

Isang putok ng baril ang umalingawngaw. Matatag na nakatayo si Tomas, nakatutok ang ang baril niya patungo sa dagat. Sinundan pa ito ng isa pang putok. Kasunod ng mga putok na iyon ang hiyaw ang ingay na likha na mga Sutsot. Dinig ko ang mga hakbang na palayo sa amin.

Ilang sandali pa’y katahimikan naman ang namayani sa paligid.

Ang mga demonyong halimaw ay lumayo na. Ang mga kaluskos at yabag ay naging mahina, nilalamon na ng tunog ng dagat. Dahil man iyon sa mga bala ni Tomas o sa tapang na ipinamalas namin sa pagtatanggol sa aming sarili ay hindi na mahalaga. Ang importante eh napaatras namin ang mga halimaw—sa ngayon.

Gayunpaman, muli naming narinig ang mga nakakapanghilakbot na mga hiyaw at tilian, pero sa pagkakataong ito ay mula na sa malayo.

Lumingon si Jasmine sa dagat at nagbigay ng babala, “Siguraduhin nating hindi tayo nakatingin sa iisang direksyon lang. Susubukan nilang bumalik para tapusin ang kanilang masamang balak bago mag-umaga. Sa ilalim ng kadiliman, mas madali para sa kanila ang sumalakay.”

Tumayo ako at nagsimulang manguha ng mga tuyong sanga para sa apoy. Habang inaayos ko ito, tinanong ko si Jasmine, “Kailan ba pumunta ang kapatid mo sa islang ito?”

“Matagal-tagal na rin—halos tatlong taon na. Isang writer ang kapatid ko at dati ring sundalo. Obsessed siya sa mga bagay na hindi nakikita at mahirap ipaliwanag. Mahilig siya sa mga kuwentong kababalaghan. Naakit siya sa mga misteryo ng islang ito at sa mga demonyong sinasabing nananahan dito.”

Tumigil sandali si Jasmine sa pagkukuwento. Pakiwari ko’y nangingilid ang kayang mga luha.. “Mahilig si Adam sa mga horror films—lalo na ‘yung tungkol sa possession at exorcism. Marahil ang kuryosidad na iyon ang nagdala sa kanya sa akala niya ay kwento lang.”

“Anyway,” patuloy ni Jasmine, “maikli lang ang panahon niya sa pagiging sundalo—dalawang taon. Umalis siya matapos makakita ng sobrang korapsyon sa sistema.”

“Paano niya nalaman ang tungkol sa Isla Miedo?” tanong ni Tomas.

“Nalaman niya ito sa girlfriend niyang si Julie, na ang tatay ay isa sa mga leaders ng Guardians of Light. Siya rin ang dating commanding officer ng kapatid ko sa militar.”

“Guardians of Light? Iyon ba ang pangalan ng grupong sinalihan mo?” tanong ni Daniel.

“Oo. Iyan ang pangalan ng isang grupo ng mga deboto ng Nazareno na inialay ang kanilang buhay upang labanan ang mga Sutsot. Sila ang pumipigil sa mga demonyong ito na makarating sa mainland. At kung may makalusot man sa kanila—gaya ng nangyari na noon—hindi titigil ang grupo hangga’t hindi sila nahanap at nauubos.”

“Bakit ka sumali sa grupong ‘yan?” usisa ni Daniel habang lumalapit.

“Kailangan kong malaman kung anong nangyari sa kapatid ko. Iyan ang aking pangunahing dahilan”

Huminga si Jasmin nang malalim bago nagpatuloy. “Lubos ang lubos ang pagnanais ng kuya kong pumunta sa islang ito para magsulat ang tungkol sa mga demonyo. Sabi niya, kailangan niya ng impormasyong galing mismo sa karanasan. Walang nagawa si ate Julie kundi sumama sa kanya.”

Nagsimulang mangilid ang luha ni Jasmine “Simula nang araw na iyon, naglaho ang kapatid ko nang walang bakas. Nang hanapin ng mga magulang ko si Julie, nalaman kong pati siya ay nawawala na rin.” Dama ko ang lungkot ni Jasmine habang ikinukwento ang mga nangyari.

Habang nagsasalita siya, tila may kumurot sa dibdib ko. Kung mawawala sa akin si Eve sa parehong paraan—kung lalamunin siya ng mga anino ng islang ito—igugugol ko ang buong buhay ko sa pagsisisi na hindi ko man lang nasabi sa kanyang mahal ko siya.

“Sigurado akong pumunta sila rito,” ani Jasmine. “Hindi naniniwala ang mga kaanak ni ate Julie  pero naaalala ko ang pananabik ng kapatid ko na sa wakas ay makarating dito. Sabi niya, sa wakas ay mabubunyag na niya ang misteryo ng mga Sutsot at ng Isla Miedo. Susulat daw siya ng isang libro tungkol sa islang ito at sa mga Sutsot. Kung totoo ang sinabi ng kapatid ko, may grupo rin ng mga tao na interesadong-interesado sa isla ang sumama sa kanila.”

Tumigil siya panangdalian, pilit binabalikan ang mgaa nakaraan. “Sa isang pista noon ng Nazareno, isinama ako ni Julie sa isa sa kanilang mga pagtitipon. Doon ko nakilala si Marco.”

Isang matipid na ngiti ang sumilip sa kanyang mga labi perso mabilis na naglaho. “Naging magkaibigan kami, at ginamit ko ang pagkakaybigan naming iyon para makasali sa kanila. Mahigit isang taon na ako sa grupo. Pero matapos ang ginawa kong pagsuway kay Mang Fidel eh baka tinanggal na nila ako.”

Patango-tango lamang kaming tatlo. “Ang tatay ni Marco ay isa sa aming mga pinuno.”

“Siguro ay alam ng Simbahang Katolika ang tungkol sa grupo niyo,” and seryoso kong tanong.

“Alam nila. May papel ang Simbahan sa pakikipaglaban sa mga Sutsot. Karaniwan, ang kura paroko ang isa sa mga pinuno ng grupo.” Bahagyang lumapit si Jasmine, tila papahina ang boses niya. Marahil ay napagod siya sa dami ng pinagdaanana naming pagsubok.

Pagkatapos ay nagtanong siya, “Pamilyar ba kayo sa mga Knights Templar?”

“Teka!” sabat ni Tomas. “Parang narinig ko na ‘yan nung napanood ko ‘yung The Da Vinci Code.”

Nabuhayan si Daniel. “Napanood ko iyon! ‘Yung tungkol sa mga secret orders?”

Hindi ko mapigilang tumawa. Ang banggitin ang mga bagay na sinasabi nila   sa lugar na ito ay parang kalokohan. Sino’ng mag-aakalang ang mga Sutsot ay may kaugnayan sa kasaysayan ng mga sinaunang lihim na samahan ng mga Kristiyano?

“Isipin niyo na lang na mga sundalo sila ng sinaunang simbahan,” sabi ni Jasmine. “Nilalayon nilang protektahan ang mga tao—laban sa mga masasamang tao at laban sa tinatawag nilang mga halimaw. Nilalabanan nila ang laman at ang espiritu.”

Napakunot ang noo ni Tomas. “Huwag mong sabihing… may mga Templar sa grupo niyo?”

Nagsalubong ang mga kilay ni Jasmine. “Hindi Templars mismo—kundi mga kahalintuland na grupo na may parehong paniniwala. Sila ang tumulong na itatag ang Guardians of Light at nagsanay sa mga unang miyembro nito daan-daang taon na ang nakalipas. Kahit ngayon ay tumutulong pa rin sila sa grupo”

Hinalo niya ang mga baga sa siga gamit ang isang sanga. “Pumunta dito ang mga Kristyano mula sa Europa noong panahon ng kolonyalismo hindi lang para sa teritoryo, kundi dahil naniniwala silang may mga demonyong nakatira rito. Pakiramdam nila ay tungkulin nilang ubusin ang mga halimaw. Bago pa man sila magpunta, ang mga mandirigmang Hindu at Muslim ay nakipaglaban na rin sa mga halimaw na ito. Nang mabigo silang pukasain ang mga demonyo y humingi sila ng tulong mula nga sa mga Kristiyano.

Napapabuntung-hininga si Daniel sa mga karagdagang naririnig tungkol sa mga Sutsot. “Eh ano pa ang sino ang pwedeng tumalo sa kanila? Kung ang mga mandirigmang Hindu, Muslim at Kristyano ay hindi sila nagapi eh ano ang magiging laban natin sa kanila.”

Gusto ko sanang paalalahanan si Daniel na may training kami sa martial arts at sa paggamit ng baril dahil nga Crinimology ang kurso namin. Pero sapat ba iyon laban sa mga halimaw.

“Sabi nga ni Jasmine, puwede silang patayin,” ang wika  ni Tomas.

“Oo,” tango ni Jasmine. “Pero hayaan niyong linawin ko ang ilang bagay. Kapag pumasok na sila sa katawan ng tao, mapapatay ninyo sila sa pamamagitan ng bala o anumang matalim na bagay na binasbasan ng banal na tubig—gaya ng hunting knife ko. Ang mga sibat at itak na ginagamit namin, na malamang ay nakita niyo sa bangka namin kanina, ay binasbasan ng mga pari sa aming grupo. Ganoon din ang mga bala sa baril nina Sir Fidel at Marco.”

Nagtanong ako, “Paano naman ‘yung mga bote ng gasolina? Para saan ‘yun?”

“Para ‘yan sa mga Sutsot  na hindi pa nakakapasok sa katawan ng tao. Bahagi ito ng parusang ibinigay ni Lucifer nang palayasin sila sa Impiyerno. Apoy ang tatapos sa kanila.”

“Napaka-ironic naman niyon na ang mga demonyong galing sa impyerno eh sa apoy mamamatay.” Ang wika ni Daniel, mukha niya’y larawan ng pagdududa.

“Takot ang mga Sutsot sa apoy. Tinutupok nito ang kung ano mang sangkap ang bumubuo sa kanila. Umiiwas sila sa ningas ng apoy. Iyon ang dahilan kung bakit may dala kaming mga flame thrower kapag hinahanap namin sila.”

“Bakit hindi natin sunugin ang gubat?” biglang sabi ni Daniel. “Lintek na mga demonyong ‘yan! Gawin na natin ngayon!”

“Kapag nahanap ko na ang kapatid kong si Eve, gagawin natin ‘yan,” sabi ni Tomas.

“…at ang kapatid kong si Adam,” mahinang dagdag ni Jasmine.

Ang kanilang mga pangalan—Adam at Eve—ay nagpapa-alaala sa Hardin ng Eden… pero ang lugar na ito ay malayo sa paraiso. Ang Isla Miedo ay ang impiyerno sa lupa.

“Hindi ba naisip ng grupo ninyo na sunugin ang buong isla para maubos ang mga halimaw na ito?” tanong ni Tomas.

“Bahagi ‘yan ng plano,” sabi ni Jasmine, “pero wala ngang nakakarating sa isla maliban na lang kung ihahatid sila ni Kharon. At lagi kaming bigo tuwing gumagawa kami ng hakbang para makarating dito.”

Muling umiral ang katahimikan sa isla. Tila napagod ang mga Sutsot sa kakaatungal.

“Sige, magpahinga na muna tayo. Kung kaya niyo, matulog muna kayo. Maghalinhinan tayo sa pagbabantay,” sabi ko, paos ang boses sa pagod.

Ang paliwanag ni Jasmine ang nagpatatag sa akin. Ang takot na kanina pa nakapulupot ng mahigpit sa dibdib ko ay medyo lumuwag. Nasusugatan sila… dumudugo. Namamatay sila. May laban kami.

Ang mga hiyaw ng mga Sutsot ay hindi na nakakatakot katulad noong una kong marinig ang mga ito. Ang malaman na puwede silang sugatan at patayin ay nakabawas sa talim ng aking takot. May pag-asa pa kaming makalabas sa islang ito nang buhay.

Ang babala ni Kharon—na isa lang sa amin ang mabubuhay—ay nananatili pa rin sa isip ko na parang isang mantsa. Siguro ay hindi na ito mawawala. Pero nagpasya ako noon din na gagawin ko ang lahat para mabuhay… at para masiguradong ligtas si Eve.

Bumulong ako ng isang dasal, humihingi ng lakas at proteksyon.

*****

Nagsimulang sumilip ang bahagyang liwanag. Nagsimulang magising ang kagubatan. Naririnig ko na ang huni ng iba’t ibang ibon. Noon ko nakita ang ganda ng Isla Miedo sa buong ningning nito. Ang buhangin ay pino at puti, at ang mga bato ay maliliit at bilog. Hangga’t abot ng aking tanaw, ang matatayog na puno ng niyog ay tila umaabot sa langit. Sa likod ng mga ito ay may mga puno pang mas matatayog.

Pero ang islang ito ay impiyerno sa likod ng isang magandang maskara. Sa unang tingin, hindi mo iisiping sa likod ng mga punong iyan ay may mga halimaw na nag-aabang. Ang mga puno ay nagsisilbing piping saksi sa karahasang ginawa at ginagawa ng mga demonyo.

Sa may gilid ng dagat, napansin ko ang dalawang katawan na nakahiga malapit sa amin. Itinuro ko iyon kay Jasmine, na kasama kong nagbabantay habang umiidlip sina Tomas at Daniel.

Ginising namin sila at nilapitan namin ang mga bangkay. Nanguna si Tomas, nakatutok ang baril.

Ang mga bangkay ay nababalutan ng isang madulas at kulay-berdeng likido—malapot, kumikinang, tila nagliliwanag. Dugo, sa isip ko—dugo ng mga halimaw.

Tinulak ni Tomas ang isang bangkay gamit ang kanyang paa. Sinusuri kung gagalaw ito.  Hindi ito tuminag.

“Teka,” sabi ni Jasmine, habang binubunot ang kanyang hunting knife.

Bago ko pa maitanong kung anong gagawin niya, hinablot niya ang isang kumpol ng buhok at iwinasiwas ang talim sa lalamunan. Napangiwi ako sa tunog nang nilalaslas na laman. Nang gawin niya rin iyon sa isa pang bangkay, tumalikod na ako.

Nakakita na ako ng mga hayop na kinakatay noon. Ang isa kong tito ay isang matadero. Nakita ko na siyang gumilit ng lalamunan ng baboy at magbalat ng baka na parang wala lang. Maraming beses ko na ring natulungan ang aking nanay na magkatay ng manok. May mga pagkakataon na ako mismo ang gumigilit sa leeg ng manok. Akala ko ay manhid na ako sa paningin ng dugo.

Pero ito—iba ito. Ang makitang gawin ito sa isang tao ay nakakapangilabot.

“Kailangan nating masiguro,” sabi niya. Pagkatapos, sinalubong ang tingin ko, dagdag niya, “Kung sakaling pasukin ako ng isang Sutsot… gawin nyo sa akin ang ginawa ko. Huwag kang mag-aalinlangan.”

Sandaling walang nagsalita sa amin. Nakaluhod kami sa tabi ng mga bangkay, sinusuri ang mga mukhang dati ay sa tao na inagaw ng halimaw. Wala na ang kanilang mga mata. Ang ibang bahagi ng kanilang katawan ay nanatiling buo.

Hindi mo talaga aakalaing ganoon katapang at katibay ang sikmura ni Jasmine. Resulta ito marahil ng matagal na panahong ginugugol sa pagsasanay bilang isang Guardian.

Kung titignan si Jasmine ay parang babaeng mahinhin. Mayumi. Parang hindi makabasag-pinggan. Hindi ko akalain na makabasag-bungo pala. Matibay hindi lamang ang loob kundi pati sikmura.

“Mga kasama  sila ng kapatid ko,” bulong ni Tomas, paos at hindi pantay ang boses. “Madalas silang bumisita kay Eve kapag walang klase.”

Ang pighati sa boses ni Tomas ay nagdulot ng matinding pag-aalala rin sa akin para sa kaligtasan ni Eve.

Totoo nga, kung gayon, na ang mga Sutsot ay namamatay kapag nasa loob na sila ng katawan ng kanilang biktima.

“Silver bullet ba ang ginamit mo?” mahina kong tanong.

Tumango si Tomas. “Anim na bala na lang ang natitira, nakagamit na ako ng dalawa.”

“Ang ganitong uri ng bala ay kaya silang patayin kaagad. Ang ordinaryong bala na hindi pilak o binasbasan ay tumatagos lang sa katawang sinaniban nila pero hindi nasasaktan ang demonyo. Maaaring magdulot ito ng pagdurugo, pero hindi sila mamamatay,” ang paliwanag ni Jasmine.

Habang nagpapatuloy si Jasmine sa pagpapaliwanag, ay muli akong umuusal ng panalangin.

“Kapag namatay ang mga demonyong katulad ng Sutsot,  ang kaluluwa nila’y nakatakdang mapupunta sa dagat ng apoy—isang lugar ng walang hanggang parusa na hindi na nila matatakasan.”

Nang matapos magsalita si Jasmine ay tinanong ko sila. “Bakit parang nag-aalinlangan ang mga Sutsot na salakayin tayo ng sabay-sabay? Sa dami nilang iyon, walang tayong magiging depensa. Mapapatay natin siguro ang  ilan lang sa kanila.”

Naghari ang katahimikan. Tumutunog ang apoy habang pinag-iisipan nila ang tanong ko.

“Dahil ba alam nilang ang mga bala ni Tomas at ang patalim ni Jasmine ay makakapatay sa kanila?” tanong ko.

“O siguro ay marami pa silang mga lamang kinakain.” Seryosong sabi ni Tomas. “Baka tayo ang inirereserba nila para sa huli.”

Dagdag ni Daniel, “Maaari kayang may iba pang dahilan?”

Ang mga mata ni Jasmine ay nanatiling nakatutok  sa madilim na guhit ng mga puno. Nang sa wakas ay magsalita siya. “Ang mga demonyong ito—lalo na ang pinuno nilang si Berith—ay napakatuso. Mahirap hulaan kung anong masamang plano ang hinahabi nila.”

Muling lumitik ang apoy, at ang gabi ay tila nagpipigil ng hininga. Sa likod ng mga punong iyon ay naghihintay ang mga Sutsot.

Unti-unting humina ang ningas, ang mga talsik ng apoy ay tumatalsik paitaas gaya ng mga ligaw na kaluluwang nilalamon ng dilim.

At sa gitna ng katahimikang iyon—lumitaw ang mga unang sinag ng araw.

Chapter 6A
“Sa Gitna Ng Libingan”

Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 5A

Chapter 5A
“Bulong Mula Sa Kawalan”

Lalong lumakas ang mga kaluskos. Ang mga anino ay tila nabuhay. Sinunsundan kami, ayaw kaming lubayan.

“Diyos na mahabagin… nandito na nga ang mga halimaw,” bulong ni Daniel.

“Tandaan niyo ang lahat ng sinabi ko,” ang mahigpit na bilin  ni Jasmine, “hangga’t hindi tayo lumingon kapag tinawag nila tayo, ligtas tayo.”

Huminga siya nang malalim habang tinititigan ang mga puno sa unahan. “Uulitin ko… makukuha lang nila ang katawan natin kung lilingon tayo—kung magtatagpo ang ating mga mata.” Bahagyang gumaralgal ang kanyang boses, bagaman pilit niya itong pinapakalma. “Sa dilim, hindi niyo makikita ang kanilang hungkag na mga mata… pero nakikita nila kayo. Mas malinaw nilang nakikita ang takot sa inyong mga mata kaysa sa liwanag ng araw.”

Kahit kami’y nasa binggit ng panganib. Si Eve sa isip ko ay hindi mawaglit. Labis akong nagaalala para sa kanya. Kasama sa aking panalangin ang kaligtasan niya. Hinihiling ko sa Panginoon na sana ako ang unang makatagpo sa kanya at hindi ang mga Sutsot. Matay ko mang isiping eh paano niya maipagtatanggol ang kanyang sarili sa mga halimaw. Maliban na lang kung may tutulong sa kanya. At sana nga meron.

Dannniieel!

Ang boses ay nanggaling sa hindi kalayuan.

Natigilan kaming lahat. Tumayo kami nang nakatalikod sa bawat isa. Halos magkakadikit na ang aming mga balikat. Binantayan namin lahat ng direksyon.

Nakakasa ang baril ni Tomas.

Nakaumang ang patlim ni Jasmine.

Si Daniel, takot man, ay nakakuyom ang mga kamay. Handang sumuntok.

Handa ko ring iwasiwas ang pamalo ko kung sino man ang iluwal ng kadiliman sa harapan namin.

“Sino ‘yun?” tanong ni Tomas.

Daniel… nakikita kita!

“Diyos ko, parang boses ni Nanay ‘yun!” biglang sabi ni Daniel, napahawak sa kanyang noo. “Paanong…”

“Hindi mo ‘yan nanay… Sutsot ‘yan,” mabilis na pagputol ni Jasmine. “Napakalapit na nila sa atin.”

Naalala ko ang sinabi niya—na ang pakikipagtitigan sa kanila ay katumbas ng kamatayan.

Naghari muli ang katahimikan. Nawala ang tinig at ang mga kaluskos.

Maingat kaming nagpatuloy sa paglalakad.

Parang kumikipot ang dalampasigan. Mukhang mabato na ang nilalakaran namin. Naubos na ang mga buhangin. Tila mararating na namin ang dulo ng dalampasigan. Kakahuyan na ang aming tumtumbukin.

“Teka, ilang tao ba ang kasama ni Eve?” tanong ko kay Tomas.

“Kung tama ang pagkakaalala ko, anim sila. Sana mahanap natin sila… at buhay.” Ang sagot ni Tomas matapos bumuntong-hininga.

“Sana nga,” sabi ko.

“Sana makalabas din tayong lahat dito nang buhay. Ayokong mamatay,” pabulong na sabi ni Daniel.

Daniel, halika na… uuwi na tayo! Hindi ka mamamatay. Pramis.

Muling bumalik ang boses.

Umuwi ka na, Daniel… huwag matigas ang ulo! Halika na,

“Bro, alam mong imposibleng pumunta ang nanay mo rito,” paalala ko sa kanya.

Itinuon ng mga Sutsot ang kanilang atensyon kay Daniel. Paulit-ulit nilang tinatawag ang pangalan niya habang habang patuloy kaming naglalakad. Nakatutok ang baril ni Tomas sa direksyon ng gubat. Ang daliri niya’y nakakabit na sa gatilyo. Hinigpitan din namin ni Jasmine ang hawak sa aming mga armas, matamang nagmamasid sa dilim.

Nang tumigil ang panggagaya ng boses, muli kaming kumilos.

“Bakit boses na boses ni Nanay ‘yun?” panginginig na bulong ni Daniel.

“Isa lang ‘yan sa maraming kayang gawin ng mga body snatchers,” sagot ni Jasmine.“Sa sandaling makita nila kayo, agad nilang nararamdaman kung sino ang mga pinakamahalagang tao sa inyo—saka nila gagayahin ang boses ng mga ito. Kaya nilang gayahin ang kahit sino… o kahit ano.”

“Paano?” tanong ni Daniel, puno ng pag-aalinlangan.

“Hindi sila ordinaryong halimaw,” sabi ni Jasmine. “Mga demonyo sila—mga super natural being sila. Dati silang mga anghel bago sila itinapon sa impiyerno dahil sa pagaaklas laban sa Diyos Ama.”

Marami talagang nalalaman si Jasmine tungkol sa mga halimaw sa isla. At sa lahat ng naranasan at nakita naming kakaiba mula pa noon sumakay kami sa balsa ni Kharon ay wala na akong makitang dahilan para hindi siya paniwalaan.

Patuloy kong nararamdaman ang kilabot sa aking balat.

“Ang pag-aaklas sa Langit,” patuloy ni Jasmine, ang mga mata ay nakapako sa malayo na tila may tinatanaw na kung ano, “ay hindi lamang simplrnh pagtataksil. May mga pangkat—mga nilalang sa langit na nalinlang ni Lucifer at sumama sa kanyang pag-aaklas laban sa Diyos. Ang isang pangkat na iyon ay kinalaban din si Lucifer mismo sa impiyerno, hinamon ang kanyang kapangyarihan, pero natalo sila. Ang pinuno nila ay si Berith—ang tinatawag na Duke ng Impiyerno. Siya at ang kanyang legion ay may kakayahang makakita sa lahat ng panahon: nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap. Pero hindi lang ‘yun ang regalo sa kanila; sila rin ay magaling sa panlilinlang at panloloko.”

“Nang maglaon, ipinakilala ni Kharon si Empusa at ang iba pang mga babaeng demonyo kay Berith at sa kanyang pangkat, upang maging katuwang nila sa Isla Miedo. Ang pagsasama ng mga demonyong iyon ang nagluwal sa mga Sutsot.”

“Empusa?” ang paguusisa ko. “Ngayon ko lang narinig ang pangalang ‘yan.”

“Isa siyang babaeng demonyo na nagbabago ang anyo,” paliwanag ni Jasmine. “Kayang-kaya niyang maging isang napakagandang babae para akitin ang mga lalaki sa kanyang higaan, bago niya lalamunin ang kanilang laman at dugo. Nang makatagpo niya si Berith, hindi na siya umalis sa tabi nito. Marahil ay naakit siya nito. Naging anino siya ni Berith, ang kanyang katuwang.

Naalala ko tuloy ang dalawang malalakas na atungal na narinig ko kanina. Maaring si Berirth iyong boses lalaki at si Empusa naman iyong boses babae.

“Ang mga Sutsot na may kakayahang manggaya at magbago ng anyo ay ang mga naging supling nina Berith at Empusa,” dagdag ni Jasmine. “Sila ang pinakamatalino at pinakamapanganib sa lahat.”

“Natutunan mo ba ang lahat ng ‘yan sa grupong sinalihan mo—kina Marco at Fidel?” tanong ni Tomas.

Dahan-dahang tumango si Jasmine. “Ang headquarters namin ay nasa ilalim ng isang Katolikong simbahan sa bayan na may sakop sa pinanggalingan nating breakwater. Tatlong palapag ang lalim nito. May library doon, isang malawak na archive tungkol sa mga nilalang na nananahan sa Langit, Purgatoryo, at Impiyerno. Para itong encyclopedia ng mundong hindi nakikita.”

“Mukhang malaking grupo ‘yan at maraming pondo,” ang paguusisa ni Tomas.

“Totoo,” sagot ni Jasmine. “Ang training namin ay hindi lang pang-combat. Mahalaga rin ang kaalaman. Pinag-aaralan namin ang aming mga kaaway—ang kanilang lakas, kahinaan, at mga panlilinlang. Doon lang namin malalaman kung paano sila tatalunin.”

Ipinaliwanag pa niya na ang kanilang organisasyon ay may mga satellite center at safehouse sa kahabaan ng dalampasigan, kabilang na ang bahay na may gate na nakita namin kanina malapit sa breakwater. Ang headquarters daw ang nagbabantay sa mga center na ito sa pamamagitan ng network ng mga CCTV camera.

Marami pang sinabi si Jasmine at kahit na huminto na siya sa pagpapaliwanag ay pilit ko pa ring pinoproseso ang mga sinabi niya. Mahirap paniwalaan pero sa mga makakakita ng nakita namin at makakaranas ng mga pinagdaanan namin ay walang magiging puwang ang pagdudua..

Namatay na ang ningas ng aking gasera. Ang sa mga kasamahan ko’y buhay pa.

“Teka,” sabi ni Jasmine. “Magpahinga muna tayo sandali. Bago pa maubos ang gas, gumawa tayo ng siga.”

Sumunod kami sa kanya, nag-ipon kami ng mga tuyong dahon at sanga. Hinila ko ang mitsa mula sa aking patay na gasera, at kinuha ni Daniel ang kanyang lighter. Isang maliit na apoy ang kumapit sa mga dahon, saka sa mga sanga, hanggang sa isang matatag na siga ang nagliyab sa harap namin, nagbibigay ng gintong liwanag sa aming mga mukha.

Naupo kaming magkakatabi, nakaharap sa gubat.

“Tomas,” mahinahong sabi ni Jasmine, “maghintay muna tayo ng pagsikat ng araw bago natin ituloy ang paghahanap sa kapatid mo at sa iba pa.”

Tumango lamang si Tomas.

Hindi iyon ang nais ko. Ang gusto ko’y magpatuloy kami at walang oras na sayangin. Hindi ako mapakali sa dahilang nasa gitna ng gubat sa harapan namin si Eve, naghihintay na tulungan namin. Pero alam kong nangangaylangan din kami ng kahit kauting pahinga.

Itatanong ko sana kung may bentahe kami laban sa mga demonyo kung araw at maliwanag pero naunahan ako ni Jasmine. Sabi niya, “Hindi dahil sumikat ang araw ay ligtas na tayo sa mga Sutsot. Ang panganib na dala nila ay pareho lang, araw man o gabi. Hindi sila gaya ng mga bampira na takot sa araw. Pero mapapaso rin sila kapag humawak sila sa krus at maaari silang masaktan kapag nadadapuan  ng banal na tubig.

“Kahit papaano, kapag araw, mas malaya tayong makakagalaw,” bulong ni Tomas.

“Sana lang ay buhay pa tayo pagsikat ng araw,” sabi ni Daniel. Punong-puno siya ng kawalang-pag-asa.

Dinagdadgan  ni Jasmine ng mga tuyong sanga at dahon ang siga. Iniusog ang mga ito sa gitna ng apoy gamit ang isang stick. “Tandaan niyo ang sinabi ko kanina,” tahimik niyang sabi. “Kaya rin ng mga nilalang na ito na manggaya ng tunog ng hayop. Ang tahol sa likod niyo ay baka hindi aso—baka isa na ito sa kanila.”

Panibagong impormasyon, dag-dag na pangamba. Pakiwari ko tuloy eh dapat palagi kong hawak ang sangang pinulot ko.

Tahimik akong nagdasal. Alam ko na sa mga ganitong pagkakataon, tanging Diyos na lang ang makakatulong sa amin. Simple lang ang lohika para sa akin: kung totoong may mga demonyong gaya ng mga Sutsot, totoo rin ang Diyos na nagpalayas sa kanila sa langit noong nag-aklas si Lucifer. Ang presensya nila ay lalo lamang nagpapatibay sa aking pananampalataya. May Diyos—at hinding-hindi Niya hahayaang magtagumpay ang mga demonyong ito.

PSSST!

Mas parang singasing ito kaysa bulong.

Nasa tabi ko si Daniel. Napaigtad ito nang marinig iyon.  Payukong iginala ni Tomas ang paningin sa bandang likuran naming.  Walang sinuman sa amin ang makapagsalita. Ang liwanag ng apoy ay nagpapahaba sa aming mga aninong nanginginig sa buhanginan. Doon ko lang napagtanto—ang aming mga likuran ay lantad na lantad sa dagat.

PSSSSTTTT!

“Huwag kayong lilingon!” sigaw ni Jasmine.

Nagkasa ng baril ni Tomas. Inihanda ko ang aking pamalo; ramdam ko ang gaspang ng balat nito sa aking palad habang hinihigpitan ko ang hawak.

Pagkatapos ay katahimikan. Ang pinakamabigat na katahimikang naranasan ko sa buong buhay ko.

Meeeowww…

Inisip kong malamang na hindi totoong pusa iyon.

Mukha sana itong walang panganib—maliban na lamang sa babala ni Jasmine. Biglang napatayo si Daniel, bago muling napaluhod sa harap ko. “Katapusan na natin ‘to.”

PSSSSSTTTTTTT!

Patuloy kaming ginugulo at nililito ng mga Sutsot.

Hoy, Daniel! Bakit ka na tumakas ha?

Boses ito ng isang babae—nanay niya.

Wala ka talagang silbi. Wala kang magawang tama kasama ‘yang mga tinatawag mong kaibigan. Mahal na mahal mo sila, pero sa tingin mo ba gusto ka nilang kasama? Hindi mo ba alam na pinagtatawanan ka lang nila sa likod mo?

“Daniel, huwag kang maniniwala sa kahit anong sinasabi ng Sutsot!” sigaw ni Jasmine. “Ganyan ang ginagawa nila. Hindi lang ang pananampalataya mo sa Diyos ang gusto nilang sirain—pati ang tiwala mo sa sarili mo, sa mga taong mahal mo, at sa mga kaibigan mo. Nagtatanim sila ng sama ng loob para pag-awayin at paghiwalayin tayo.”

“Brod,” ang wika ko, “magkakapatid ang turingan natin… Alam mo ‘yan.”

Nagsisinungaling ka, Willy. Daniel, alam mo ba na ‘yang dalawang ‘yan, may mga ginagawang silang magkasama na hindi ka kasali? Sinasabi nilang wala kang silbi. Lahat ng ginagawa at sinasabi mo ay palpak, and dagdag ng Sutsot na ginagaya ang boses ng ina ni Daniel.

“Tumahimik kayo! Tumahimik kayo!” ungol ni Daniel.

Oww… patay tayo niyan! Nagagalit na ang tabatsoy! Napipikon na si fatboy! panunukso ng boses.

“Huminga ka nang malalim, brod,” ang mungkahi ni Tomas, sinusubukang pakalmahin si Daniel.

“Daniel, balewalain mo lang ang mga walang kwentang demonyong ‘yan.”

Wow, Jasmine, parang santo ka kung magsalita. Alam ba ng mga bago mong kaibigan ang totoong dahilan kung bakit gustong-gusto mong pumunta sa islang ito?

Ang boses ay hindi na sa ina ni Daniel.

Ang alam naming lahat, sumama si Jasmine para tulungan si Tomas na mahanap si Eve. Pero naalala kong binanggit niya na may personal siyang dahilan na ayaw niyang sabihin.

Miss mo na ba ang kapatid mo, si Adam? Tumingin ka rito, kung gusto mo siyang makita. Nandito lang siya sa tabi ko.

Hey, Adam, batiin mo ang kapatid mo.

Pumikit si Jasmine, iling ng iling, pilit panipigl ang pagluha.

Hello, mahal kong kapatid! Kumusta ka na? Kumusta sina Nanay at Tatay? Miss na miss ko na kayong lahat.

Ang boses na iyon—siguradong sa isang lalaki. Lumingon ako kay Jasmine. Napatingala siya pero nakapikit, malalim ang bawat paghinga niya. Siguradong boses iyon ng kanyang kapatid.

Salamat at pumunta ka dito para hanapin ako, sis. Please… kailangan ko ang tulong mo. Iligtas mo ako sa mga halimaw na ito.

Ngayon ko lang naintindihan. Ang determinasyon ni Jasmine na sumama sa amin ay hindi lang dahil sa kagustuhang tulungan kami sa paghahanap kay Eve. Ito ang sinabing niyang personal na dahilan kung bakit gusto niyan magpunta sa Isla Miedo. Gaya ni Tomas, may nawala rin siyang mahal sa buhay sa islang ito… ang kanyang kuya Adam.

“Jasmine,” babala ni Tomas, “tandaan mo ang sinabi mo kanina. Gagawin ng mga demonyong ‘yan ang lahat para mapalingon ang kanilang mga biktima.”

Muling naupo si Jasmine, ang ulo ay nakabaon sa kanyang mga tuhod. Dama ko ang kalungkutan bumabalot sa kanya. Kay tagal niyang hinintay na muling makita ang kuya niya. Sabik siyang muling makasama nito ngunit hindi siya nakakatiyak jung si Adam ang tumatawag sa kanya.

Kung boses ni Eve ang tumatawag mula sa dilim, hindi ako sigurado kung magagawa ko ang katatagang ipinapakita ni Jasmine. Hindi ako nakakatiyak na mapipigilan ko na huwag lumingo..

Nagpatuloy ang nagpapanggap na si Adam na tawagin si Jasmine, determinado itong palingunin ang huli. Subalit matibay ang paninindigan ni Jasmine. Unti-unti lumuwag ang hawak ni Jasmine sa hawak na patalim hanggang sa ito’y kanyang bitawan at hayaang malaglag sa buhanginan. Hinawakan niya ng ang kanyang rosaryo ng dalawang kamay. Dinig ko ang kanyang pabulong na pagdarasal.

Ang sumunod ay malakas na ingay at palahaw ng iba’t-ibang hayop… aso, pusa, kambing, unggoy, baka, ibon, at kung ano-ano pa. Subalit hindi hayop ang mga iyon. Iyon ay mga mapanlinlang na Sutsot.

Parang naalimpungatan si Jasmine. Mabilis nitong pinulot ang patalim inilaglag sa buhanginan nang siya’y nagsimulang manalangin.

Isang malamig na bugso ng hangin ang dumampi sa aking leeg. Palapit nang palapit ang mga ingay at palahaw ng mga hayop. Ang ingay ng nakakabinging mga tunog ay hindi na malayo—parang nararamdaman na namin ang hininga nila  sa aming balat.

Isang anino ang sumugod mula sa dilim. Napa-igtad si Jasmine nang may nagtangkang hawakan siya sa balikat. Kitang-kita ang mga kamay na iyon. Kamay ng tao.

Chapter 5B
“Bulong Mulas Sa Kawalan”

Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 4

Chapter 4
“Ang Paglusong Sa Kadiliman”

Ang unang mga hakbang ko palayo sa balsa ay mabigat. Parang ayaw kumilos ng aking mga paa. Parang pinipigilan ako. Maaring ganoon din ang pakiramdam ng aking mga kasama. Ang sanga ng kahoy  sa aking kamay ay hindi ko malaman kung hawak ko ba  o ito’y kinakapitan ko… parang salbabidang ayaw kong bitawan baka ako malunod.

Mahigpit ang hawak ni Jasmine sa patalim  sa kanyangkamay.  Ang rosaryong nakapulupot sa kanyang kaliwang pulso ay tila nagsisilbing panangga.

Pinagmasda ko siya—matatag, tahimik, inihahanda ang sarili sa ano mang panganib na aming susuungin.

Sinulyapan siya ni Tomas. “Baka ma-injure ka niyan, Jasmine. Halos paatras  ka na kung lumakad.”

“Ayos lang,” bulong ni Jasmine, lalong hinigpitan ang pagkakahawak sa kanyang patalim. “Kung aatake ang mga Sutsot mula sa likuran, handa ako. Traydor at tuso kasi ang mga iyan, saka sumasalakay kapag nalingat ka.”

“Sige… sige… Magpapalitan na lang tayo sa pagbabantay sa likod,” sabi ko.

“Bago tayo pumasok sa gubat, bagtasin muna natin itong dalampasigan,” mungkahi ni Jasmine. “Malamang na nag-camp ang kapatid mo at ang mga kaibigan niya sa tabi lang ng dagat para mas malapit sa gusto nilang languyan.”

Maingat kaming kumilos. Bawat hakbang ay tila sinusukat. Ang tanging ingay ay ang paglangitngit ng buhangin sa ilalim ng aming mga paa. Napakatahimik ng gabi—isang uri ng katahimikan na nakakabingi… katahimikang hindi kapayapaan ang dala kundi matinding kaba at takot. Bawat ingay na nililikha namin ay tila umaalingawngaw nang mas matagal na tila ba nais na iparating sa mga halimaw na nakatira doon na may mga dumating na tao. Ramdam namin ang bigat ng panganib. Alam naming naroon lang sa paligid ang mga halimaw, naghihintay.

Nangunguna na si Jasmine… ako naman ang nagbantay sa aming likuran. Nakakahiya—ang kaisa-isang babae sa aming grupo ang siyang umaakay sa amin sa dilim. Nakaharap na niya’t nakalaban ang mga Sutsot noon… at nabuhay para ikwento ito.

Biglang tumawag si Tomas. Hindi na mapigil ang sarili..

“EVEEE! EVEEE…! Nandidito kami!”

Ang kanyang sigaw ay naglakbay sa tilaa walang lamang dalampasigan, bumabalik mula sa mga hindi nakikitang bangin. Sa bawat pagbanggit niya sa pangalan ni Eve, tila pumupuno sa  puwang sa puso kong na matagal ko nang inilaan para sa kanya.

Ngunit isang nakapanlulumong sagot ang bumalik sa tawag ni Tomas—isang koro ng nakakagimbal na alulong at garalgal na ungol ang nagmula sa gilid ng gubat. Ang mga ingay na iyong ay  rumagasa patungo sa amin na parang alon na gusto kaming lunurin sa takot. Bumilis ang kabog ng dibdib ko. Lalong napahigpit ang kapit ko sa hawak kong pamalo. Nararamdaman ko ang mga matang nakamasid sa amin mula sa dilim. Sobra-sobra ang pangangalisag ng mga balahibo ko sa buong katawan.

“Nandiyan na sila,” babala ni Jasmine. Kalmado ang kanyang boses sa kabila ng tensyong unti-unting namumuo. “Magmatyag kayo.”

“Teka… sandali lang,” bulong ni Tomas, halos malunod ang boses sa hampas ng alon. “Parang may tent sa banda doon.”

Tama siya. Sa malabo at pasulput-sulpot na liwanag ng aking gasera, nakita ko ang isang tent na gula-gulanit. Gusto ko sanang tumakbo para tingnan kung nandoon si Eve, pero pinigilan ako ng babala ni Jasmine.

Habang papalapit kami, nagsimulang lumitaw ang mga bakas ng buhay na naiwan… mga damit na nagkalat, mga boteng walang laman, at isang sapatos na kalahati nito’y nakabaon sa buhangin.

Napaluhod si Tomas sa tabi ng isang lumang backpack. Inilapag niy ang hawak na baril at gasera, at kinuha ang backpack.

“Hindi ako puwedeng magkamali. Bag ito ni Eve. Ako mismo ang bumili nito para sa kanya.” Garalgal ang kanyang boses sa tindi ng emosyon. Sinasalamin ni Tomas ang aking nararamdaman. “Diyos ko… nasaan ang kapatid ko?”

Naghiwa-hiwalay kami para suriin ang paligid. Ang mga anino ay tila yumuyuko papalapit, nakikinig.

Hinawakan ko nang mahigpit ang sanga—hindi lang bilang armas, kundi bilang pangako. Anuman ang mangyari, ipaglalaban ko siya.

“O mahabaging Nazareno!” Ang gulat na gulat na wika ni Jasmine.

Nagmadali kaming lumapit sa kanya. Doon tumambad sa amin ang kanyang nakita. Sa liwanag ng gasera, bumulaga ang dalawang bangkay—isang lalaki at isang babae—nakasubsob sa buhangin.

“Tulungan mo ako, Daniel.” Ang wika ni Tomas. “Bilis!!! Tignan natin kung sino ang mga ito.”

Napaurong si Daniel. “Bakit ako?” nauutal niyang tanong.

Wala nang nagawa si Tomas kundi umiling.

Kahit nag-aalinlangan, susubukan ko sanang tumulong, pero naunahan na ako ni Jasmine. Matatag at walang kaba niyang tinulungan si Tomas na iikot  ang mga bangkay.

Nang galawin nila ang mga bangkay ay umalingasaw ang amoy na nakakasulasok. Halos bumaligtad ang aking sikmura. Pero mas nakakapangilabot ang kanilang hitsura.

Ang kanilang mga braso at binti ay tila buto’t balat na lamang, ang kanilang mga tiyan laslas at ang kanila bungo ay wasak. Ang natitira sa kanilang mga lamang-loob ay nangingitim at pinagpipiyestahan na ng mga uod.

Wala ang kanilang mga mata.

Mabilis kong iniwas ang aking tingin bago pa man tumatak nang mas malalim ang imaheng iyon sa aking isipan.

Hindi kinaya ni Daniel ang nakita. Tumalikod siya at nasuka sa buhangin. Nilapitan ko siya at hinaplos ang kanyang likod hanggang matapos ang kanyang pagsusuka at siya’y kumalma.

“Katapusan na natin ito,” mahina niyang bulong nang makahinga nang malalim.

Biglang umalingawngaw sa isip ko ang mga salita ni Kharon:

“Isa sa inyo ang mabubuhay para ibahagi ang kuwentong ito. Ang iba’y magiging plamuti sa kuwento.”

Sandaling namayani ang katahimikan. Ang tunog ng mga alon ay tila isang mabigat at mabagal na paghinga. Tumingin sa akin si Tomas, pagkatapos ay kay Jasmine. Nagtagpo ang aming mga mata—tatlong kaluluwang nakakulong sa pagitan ng pagkabigla at ng katotohanang nagsisimula na ngang magkatotoo ang propesiya ni Kharon.

“Hindi,” sabi ko nang mahinahon pero may paninindigan. “Hindi dito magtatapos ang lahat-lahat. May mga pangarap pa ako… ang magpakasal, ang magkaroon ng pamilya. Marami pa akong gustong marating. Hindi dito magtatapos ang kwento ko—o ang sa inyo.”

Sinubukan kong ngumiti para kay Daniel, kahit na nanginginig ang boses ko. “Aalis  tayong buhay dito. Makakabalik tayo sa pinanggalingan nating breakwater. Makakauwi tayo sa ating mga bahay.”

Lumapit si Jasmine, seryoso pero determinado. “Makakabalik tayo sa breakwater nang buhay.”

Sinuri ni Jasmine ang mga bangkay nang masinsinan, parang bale-wala lang sa kanya ang ginagawa niyang iyon. Matibay ang kanyang sikmura. Mukhang sanay siya sa mga ginagawa niya.

“Mga kaibigan sila ni Eve,” bulong ni Tomas. “Kasam sila sa mgasumundo sa kanya noon sa bahay. Iyan ang mga damit na suot nila”

“Nabiktima sila ng mga pinakamababang uri ng Sutsot,” ani Jasmine, habang ang mga mata niya ay mabilis na nagmamasid sa paligid. “Mas gusto nilang kainin ang mga lamang-loob ng tao kaysa manatili sa loob ng katawan ng biktima nila.”

Nawala ang lahat ng pagdududa ko. Ang mga babala ni Jasmine ay totoo. Nakakilabot at nakakatakot, pero toto. Ang lahat ng ibinunyag niya kanina ay hindi script ng pelikula. Ang lahat ay nangyayari eksakto sa paraang inilarawan niya.

“Anong gagawin natin ngayon?” puno ng taranta ang boses ni Daniel. “Dapat na tayong umalis sa islang ito bago pa maging huli ang lahat!”

Daniel, tama na!” ang wika ko, mas malakas ang boses ko kaysa sa gusto kong gawin. Ayaw ko kasi sanang mas lalong bumaba ang morale ng kaybigan namin. “Hahanapin natin si Eve. Pero kung gusto mong tumakbo, gaya ng sabi ko kanina, sige—lumangoy ka pabalik sa pinanggalingan nati, o bumalik ka sa balsa at hintaying mo na lang kami doon.!”

Hindi ko na mababawi ang mga sinabi ko. Hindi ko na napigilang pa. Nakita ko ang gulat sa mukha ni Daniel at naramdaman ko ang titig ni Tomas—marahil nagtataka. Ganoon ba kahalata na mas mahalaga sa akin ang mahanap si Eve kaysa sa sarili kong kaligtasan?

Para yatang sumobra ako sa mga sinabi ko kay Daniel. Tama bang singhalan ko siya nang ganoon? Siguro sinasabi lang ni Daniel ang totoong nararamdaman naming lahat. Siguro nagagalit ako dahil tuluyan na akong nilamon rin ng takot. Ang pagsabog ko ba ay isa lamang desperadong paraan para itago ang sarili kong pangamba?

Pumagitna si Jasmine sa amin, kalmado pero matigas ang tono. “Guys, please. Hindi ito ang oras para mag-away.”

“Pasensya na Daniel… sorry.” Ang wika ko ng buong pagpapakumbaba.

Pagkatapos ay nakarinig kami  ng matitining na sigaw t garalgal na ungol ng mga nilalang na pakiramdam ko papalapit na sa amin. Parang nanigas ang bawat kalamnan sa katawan ko. Napakalapit na nila—masyadong malapit.

Bumulong si Daniel, nanginginig sa takot, “Wala tayong laban sa mga halimaw na ‘yan. Para tayong mga tupang ini-aalay sa kanila.”

Tiningnan ni Tomas si Daniel. Walang galit sa kanyang mga mata—pawang habag at pang-unawa lamang.

Tila nauunawaan niya ang taranta ni Daniel, marahil ay nararamdaman din niya ito, pero tumanggi siyang magpatalo rito. Bumuka ang kanyang mga labi, tila sasagot, magpapakalma, o magagalit. Mahirap sabihin. Pero pinigil niya ang sarili. Nilunok niya ang mga salitang namumuo sa kanyang lalamunan at hinayaan ang katahimikan ang mamayani.

Ang pigil na emosyon sa kanyang mga mata ang nagsabi ng lahat… ang takot ay nanunuot na sa pagkatao aming lahat sa pagkakataong iyon, pero hindi niya hahayaang ito ang maghari.

Nagpasya na rin akong manahimik. Pagod na akong makipag-talo kay Daniel. Ang pasensya ko ay tila isang lubid na sobrang nang nahigit at malapit nang maputol. Pero hinayaan ko na lang.

Napasubasob si Daniel ng ilang hakbang bago tuluyang lumuhod. Nakayuko. Nanginginig ang mga balikat. “Ayokong mamatay,” bulong niya sa sarili.

Tumabi ako sa kanya at ipinatong ko ang aking kamay sa kanyang balikat. “Hindi tayo mamamatay, Daniel,” ang mariing kong sabi. “Matibay at matapang  tayo. Kaya nga gusto nating maging pulis ‘di ba.”

Hinawakan niya ang aking braso. “Pasensya na, bro.”

“Kalimutan mo na ‘yun, bro.” Inabot ko ang aking kamay para tulungan siyang tumayo. “Hindi tayo pababayaan ng Diyos.”

Nag-alinlangan siya, bago bumulong, “Paulit-ulit na pumapasok sa isip ko ‘yung sinabi ni Kharon. At kung isa lang ang mabubuhay, siguradong hindi ako iyon.”

Inabot niya ang kamay ko at dahan-dahang tumayo. Ang hindi niya lang alam ay paulit-ulit ko ring naiisip ang mga sinabing iyon ni Kharon. At puwede ko ring sabihin na imposibleng nakalimutan na nina Tomas at Jasmine ang mga iyon.

 Habang pilit niyang pinatatatag ang sarili, idinagdag niya, “Kung sino man sa inyo ang makakabalik sa atin… pakisabi sa nanay ko, sorry. Sabihin niyo, mahal na mahal ko siya.”

“Tigilan mo ang kalokohang ‘yan,” madiing sabi ni Tomas.

“Hindi… mangako kayo sa akin,” giit ni Daniel.

“Okay… okay…,” ang wika ko. “Promise.”

Sandaling walang nagsalita—ang hangin ay may dalang mahinang ugong ng dagat at ang kaluskos ng isang bagay na hindi nakikita sa likod ng mga puno.

Kinuha ni Tomas ang kanyang baril at gasera at muling naglakad, ang kanyang mga hakbang ay nagpapahayag ng katiyakan.

Habang sinusundan namin siya, lalong humigpit ang kapit ko sa hawak kong kahoy. Ang isiping si Eve ay nasa kalagitnaan ng pugad ng mga halimaw… nagtatago…nag-iisa… natatakot… ay nagbibigay sa akin ng dahilan para tibayan ko ang aking dibdib.

“Jasmine, ako na ang titingin sa likod natin,” sabi ko.  Tumango siya at nag-antanda ng krus. Nanguna si Tomas, habang nakasunod si Daniel sa likod niya.

Nagpatuloy kami sa paglalakad sa kahabaan ng  dalampasigan—ang dagat sa aming kaliwa, ang kadiliman sa aming kanan. Ang mga puno ay tila mga bantay, nagpapatong-patong ang kanilang mga anino, ang kanilang kaluskos ay mahina at tila nagbabanta. Ang mga tunog ay pabalik-balik, nanunukso sa aming pandinig.

Biglang nag-iba ang ihip ng hangin, may dalang isang bulong—masyadong mahina para malaman kung ano, pero masyadong matalim para balewalain.

Dumampi ito sa aking tenga, na tila hininga mula sa isang bagay na hindi nakikita.

Chapter 5A
“Bulong Mula Sa Kawalan”

Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 3C

Chapter 3C
“Sa Balumbong Ng Kawalang -katiyakan”

At biglang naging seryoso nanaman si Jasmine. “Binubuhay ng mga lalaking Sutsot ang kanilang mga biktima hanggang sa maisilang ang kanilang mga anak,” sabi niya. Isang panginginig ang dumaan sa kanya, halos hindi mapansin sa gitna ng malamig na hangin. “Kung gusto nila ang babae, pananatilihin nila itong humihinga hangga’t nabibigyan sila ng anak.”

Tumagilid ang balsa nang tamaan nanaman ng isang malaking alon.

“Ang mga babaeng Sutsot naman,” patuloy ni Jasmine, halos pabulong na ang tono, “ay pumipili ng mga magagandang dalaga para pasukin.” Tumigil siya, tila bumara ang salitang maganda sa kanyang lalamunan. “Tinutukso nila ang mga lalaki para magpabuntis.”

May sasabihin pa sana siya. Naudlot ito ng biglang humihip ang malakas na hangin.  Ang tanging naririnig namin ay ang tunog ng tubig na humahampas sa balsa—at ang isang malayong hagulgol, tila boses ng tao, na tumataas at bumababa kasabay ng mga alon.

At nang muli siyang magsalita sinabi niyang, “Hindi aabot  ng siyam na buwan bago iluwal ang sanggol na Sutsot. Ilang araw lang ay lalabas na sila a sinapupunan.”

“Grabe!” Ang sabi ni Daniel, halatang hindi makapaniwal. “Ganoon ba sila kabilis isilang? Ilang araw lang?”

Masyado kaming nakatutok sa mga sinasabi ni Jasmine kaya hindi namin napansing tumigil na pala sa paggamit ng kawayang tikin si Tomas ngunit patuloy pa rin ang balsa patungo sa direksyon ng liwanag na nakita namin kanina.

Napailing si Daniel, pilit na tumatawa. “Tomas, mukhang napindot mo ang autopilot ng balsa ah.”

“Tingin ko ay ang agos ang nagpapatakbo sa atin,” sabi ni Jasmine.

Alam kung hindi agos. Lumaki akong nangingisda kasama ang mga tiyuhin ko, alam ko ang ritmo ng dagat—iba ito. Hindi kami hinahatak ng tubig; ginagabayan kami nito. Merong kung anong hindi nakikitang puwersa ang nagpapatakbo sa balsa.

Ibinaba ni Tomas ang kawayan. Nagtipon-tipon kami sa gitna, habang patuloy si Jasmine sa pagkwento tungkol sa mga demonyong nananahan sa Isla Miedo.

Nang umalis kami sa breakwater, nagduda ako kung anong tulong ang maibibigay ni Jasmine. Pero ngayon, habang nakikinig sa kanya, napagtanto ko na siya na lang ang tanging pag-asa namin—ang tanging tsansa namin na mahanap si Eve at makabalik nang buhay.

“Makinig kayo.” Mababa ang boses pero matalim. “Nakaamoy sila ng takot. Gustong-gusto nila ‘yun—mas madaling itaboy ang kaluluwa kapag natatakot ang biktima. Kaya magpakatatag kayo. Tibayan niyo ang loob niyo pagdating natin sa isla. At kapag may narinig kayong paswit… anuman ang mangyari, huwag kayong lilingon.”

“Siya nga pala.”

“Ano nanaman iyon Jasmine?” Ang tanong ko.

“Tinatawag din naming silang ‘mimics’ o manggagaya. Tandaan ninyo ito dahil ang kaligtasan niyo sa isla ay nakadepende sa pag-intindi sa mga halimaw na ito.”

“Diyos ko, Jasmine, hindi mo pa ba kami tapos takutin?” bulong ni Daniel.

“Kung kayo’y hindi lumingon kapag sumusutsot sila, hindi sila hihinto roon,” babala ni Jasmine.

“Ang susunod nilang gagawin ay manggaya ng tunog—iyak ng hayop, o boses ng taong kilala niyo… o mahal ninyo. Iiisipin niyong sila ‘yun,” patuloy niya, mabagal ang bawat salita, “pero hindi.  Ang gusto lang nila ay lumingon kayo—para manakaw nila ang katawan niyo.”

Tumigil siya, naniningkit ang mga mata. “Sa sandaling lumingon kayo, bilang na ang mga segundo ninyo…  hindi minute… hindi oras…. hindi araw… segundo lang.”

Patuloy pa rin sa  pag-ilingiling si Daniel.

“Hindi lang ‘yun—kaya nilang manggaya ng hayop, at ang iba sa kanila ay kaya ring magbago ng anyo para maging kamukha ng kahit sinong kilala niyo. Gaya ngayon… sigurado ba kayong siya ang totoong Daniel?” tumuro ni Jasmine kay Daniel.

“Ano ba ‘tong pinasok natin?!” Ang halos mangiyak-ngiyak na wika ni Daniel. Mahirap sabihin kung nagtatanong ba isya  o naglalabas lang ng sama ng loob.

Shut up, Daniel. Lumangoy ka na lang pabalik kung saan tayo nanggaling,” sabi ko sa kanya.

“O mas mabuti pa, manatili ka na lang dito sa balsa mamaya at bantayan mo ‘to habang hinahanap namin Eve kami,” mungkahi ni Tomas.

Hindi na muling makapagsalita. Yumuko na laman siya,  hindi kumikibo.

“Posible palang pasukin nila ang katawan ng tao—o kaya naman ay kopyahin lang ito. Gaya ng mga doppelganger,” sabi ko.

“Tama!” Ang wika ni Jasmine. “At tandaan niyo ito… ang mga Sutsot ay nanggagaling sa likuran. Lalapit sila at bubulong sa tainga niyo, pero hindi nila kayo masasaktan hangga’t hindi kayo lilingon.”

Sa malayo, isang ibon ang humuni—isang kakaiba at nakakapangilabot na huni na muling nagpatayo sa mga balahibo ko sa katawan. Napaigtad si Daniel nang marinig iyon.

Nagpatuloy si Jasmine. “Kung lumitaw man sila sa harapan ninyo, pumikit lang kayo. Huwag na huwag kayong magmumulat ng mata hangga’t hindi kayo nakakakatiyak na wala na sa harapan ninyo ang Sutsot.”

Kinuyom ni Jasmine ang isang kamao at tinapik sa balikat si Daniel. “Kailangan niyong lumaban kahit anong mangyari. At kung may armas kayo, gamitin niyo. Hatawin niyo sila ng kahit anong makakasakit.”

Matindi ang labang haharapin namin. Mga demonyo ang kalaban namin.

“Kapag ang mga Sutsot ay nasa loob na ng katawan,” sabi ni Jasmine, halos lunurin ng hangin ang kanyang boses, “doon na sila pwedeng manakit—o pumatay. At wala na kayong ligtas.”

Sinalpok nanaman ng malakas na alon ang balsa. Tumilansik nanaman sa amin ang tubig-dagat. Nalalasahan ko na ang tubig-alat sa labi ko.

“Pero huwag kayong matakot lumaban,” patuloy niya, nakahawak sa poste ng gasera para hindi matumba. “Hindi sila invincible. Puwede silang mamatay. At ang mga demonyong iyan ay takot mamatay. Sabi nga nila sa English, If they bleed, they can die.”

Ang huling sinabi ni Jasmine ay tila nagbigay ito ng lakas-loob sa akin.

Isang kidlat ang gumuhit sa kalangitan.

“Kaya minsan ay nag-aalinlangan silang sumalakay kapag may suot na silang katawan ng tao,” bulong ni Jasmine. “Alam nilang delikado rin sila.” Hinaplos niya ang talim ng kanyang kutsilyo. “Nararamdaman nila kapag may armas na malapit—isang armas na pwedeng tumapos sa kanila.”

Ang malaman na hindi sila imortal ay nagbigay ng munting pag-asa sa akin. Siguro ay may laban kami. “May baril si Tomas na may mga balang pwedeng makasakit sa kanila, at may patalim si Jasmine na binasbasan.

“Bakit ang dami mong alam tungkol sa mga demonyong iyon?” usisa ko, nakakamangha na sa kabila ng lahat ng alam niya ay pinili niya pa ring sumama.

Ilang sandali rin ang lumipas baog sumagot shindi sumagot. “Malalaman ninyo sa tamang panahon.”

Marami pa rin ang tanong. Anong ginagawa nina Marco at ng kanyang ama? Kanino sasabihin ang desisyon isusumbong ni Mang Fidel ang desisyon ni Jasmine?

Sa ngayon, tanging ang mga sinasabi lang ni Jasmine ang pwede naming panghawakan.

Ang balsang sinasakyan namin ay patuloy na tinatangay ng agos. Matapos lahat ng mga sinabi ni Jasmine ay binalot kami ng katahimikan at marahil kakambal nito ang agam-agam tungkol sa kung ano ang kahihinatnan ng pagpunta namin sa Isla Miedo. At kahit na nga marami nang sinabi si Jasmine tungkol sa halimaw na naghihintay sa amin doon ay marami pa ring katanungan ang naghihintay ng kasagutan unang-una na ay kung ano na nangyari kay Eve.

*****

Biglang may kumaskas sa ilalim ng balsa at huminto ito. Dahan-dahang tumayo si Tomas. Halos sabay kami ni Jasmine na tumayo rin. Iniabot ko kay Daniel ang aking kamay at tinulungan ko siyang tumayo.

Unti-unting nasanay ang mga mata ko sa dilim, at nakita ko ang anino ng isang dalampasigan. Tiningnan ko ang oras—hatinggabi na. Nakatayo lamang kami, nag-oobserba.

“Tingin ko ay nasa isla na tayo. Malalaman natin mamaya kung ito na nga ang Isla Miedo.” Wika ni Jasmine.

“Paano natin malalaman kung ito na nga ang Isla Miedo?” tanong ni Daniel.

“Maghintay ka lang, cowboy,” Sagot ni Jasmine.

Unang bumaba si Tomas patungo sa buhanginan.

“Tara na.” Senyas ko sa kanila.

“Teka, dalhin natin ang mga gasera,” sabi ni Jasmine. Kumuha ako ng dalawa at ibinigay ang isa kay Tomas.

Sabi ni Daniel, “Gagamitin ko na lang ‘yung flashlight sa phone ko.”

“Tipirin muna natin ang battery ng mga phones natin. Heto muna gamitin mo.” Iniabot ko kay Daniel ang gasera at kinuha ko pa ang isa.

Bawat isa sa amin ay may dalang gasera nang kami’y tumapak sa buhanginan. Pinagtulungan  naming hilahin ang balsa palayo sa tubig para masiguradong hindi ito matangay ng alon papunta sa laot. Itinali ko ang lubid sa isang matulis na bato.

Naupo kami sa buhanginan. Ipinatong ko ang gasera sa tabi ko. Sa liwanag nito, nakita ko kung gaano kaputi at kapino ang buhangin.

“Sana mahanap na natin si Eve agad,” bulong ni Tomas.

“Brod, kung nandidito nga si Eve, ibig sabihin nasa Isla Miedo tayo, at nasa panganib tayo.”

Nakakainis kung tutuusin ang mga sinabi ni Daniel, pero pinalampas ko na lang.

Sa mga unang sandali na kami’y nakaupo, ang tanging naririnig namin ay ang mahinang hampas ng maliliit na alon. Pagkatapos ay ang huni ng mga kuliglig, ang huni ng kuwago, at sa malayo ay mga  tahol at alulong ng aso o lobo.

May gubat sa malapit.

Ang mga tunog ay pamilyar, ibinabalik ako sa mga gabing natulog ako sa bahay ng lola ko sa paanan ng bundok. Ang huni ng mga paniki ay nagpaalala sa akin sa mga kwento niya tungkol sa mga mangangaso sa gabi na kumukuha ng mga batang ayaw matulog. At ang paniki naman daw ay malaki at mabangis na  umaaligid sa mga bubong, inaamoy ang hininga ng mga batang gising at sila’y dudukutin mala sa bintana upang kainin.

Pagkatapos, mula sa kung saan, isang malalim at dumadagundong na atungal ang narinig—GRRROOOOOAAARRR!!!

Napatayo si Daniel. “Diyos ko! Ano ‘yun?”, ang nahihintakutang wika niya.

Nanatiling kalmado si Jasmine, halos hindi gumagalaw habang pinagmamasdan ang paligid.

Halos kahalintulad ng atungal na iyon  na iyon ang atungal ng isang lalaking leon na nagpapa-alaala sa mga karibal nito kung kanino ang teritoryong kinalalalagyan nila.

GRRROOOOOAAARRR!!!

May sumagot sa naunang atungal. Kung ang naunang ungol ay malalim at dumadagundong, ang pangalawa’y mas matalim at mas mataas na ungol. Ganoon halos ang ungol ng isang babaeng leon na pinoproteksyonan ang mga anak nito.

Sinundan ito ng marami pang ungol at  alulong. Tumayo yata lahat ng balahibo ko sa katawan. Bawat ugat ko ay nagising sa kakaibang koro ng mga hindi namin nakikitang nilalang.

Natitiyak kong hindi galing sa mga tao ang mga ingay na iyon at hindi rin galing sa mga ordinaryong  hayop. Ang mga tunog ay parang baka o kalabaw na kinakatay. Wala pa akong narinig na ganoon sa buong buhay ko.

“Sutsot!” Ang halos pabulong na sabi ni Jasmine. “Ang mga alulong at ungol na ‘yan ay mula sa mga body snatchers. Ngayon masasabi ko na nang sigurado—nasa Isla Miedo na talaga tayo.”

Huminga siya nang malalim. “Welcome, my friends.”

Hindi mapakali si Daniel. Hindi niya alam kung sisiksik ba siya sa gitna namin ni Tomas o magtatago sa likod ko.

“Malamang ay naamoy na nila ang takot natin. Darating na sila rito. Alam nilang nagdala na naman si Kharon ng pagkain at laruan para sa kanila,” sabi ni Jasmine. “Handa na kayo. Mga ginoo, kung naniniwala kayong may Diyos, magdasal na kayo.”

Hindi man ako relihiyoso, nagdarasal ako bago matulog. Pero ngayong gabi, ramdam ko ang matinding pangangailangan na gawin ito. Ipinikit ko ang aking mga mata at bumulong ng pagsamo—para sa tulong, para sa lakas, para sa awa.

Aamining kong ang mga ungol at atungal naririnig ko eh pinabibilis ang tibok ng aking puso. Nanlalamig ang aking  mga talampakan. Pero iisang pangalan lang ang nasa isip ko: Eve. Kailangan ko siyang mahanap. Kailangan kong maging matapang para sa kanya.

“Kailangan na nating hanapin ang kapatid ko at ang mga kaibigan niya,” mahinang sabi ni Tomas. “Pasensya na at nadamay pa kayo rito.”

Tinapik ko ang balikat niya. Wala nang kailangang sabihin pa.

Naunang lumakad si Tomas, ang baril niya ay nakahanda sa kanyang balakang. Si Daniel ay pabalik-balik sa gitna namin. Ang paa ko ay may natisod na isang sanga sa buhangin—isang sangang puti na sa katandaan. Kinuha ko ito at itinatarak sa lupa. Matibay. Parang baseball bat ang bigat. Pwede na. Isang pansamantalang pamalo—sapat na para basagin ang bungo ng isang demonyo.

“Sa likod na lang ako,” sabi ni Jasmine.

“Huwag!” Wika ko.“ Dito ka sa gitna namin, dumikit ka kay Daniel.”

“Ayos lang ako rito,” giit niya. Kalmado ang boses niya, pero ang mga mata niya ay hindi humihinto sa pagmamasid sa dilim.

Nang akmang sisimulan na namin ang paglakad ay biglang humihip ang hangin. May tunog akong narinig. Hindi ko tiyak kung may pumaswit o tunog iyong galing sa isang insekto. Narinig din nila iyon. Nagkatinginan kami.

Binunot ni Tomas ang baril sa kanyang baywang. Ikinasa ito.

Ibinaba ko ang ang aking bitbit na gasera at hinawakan ko ng dalawang kamay ang sanga ng kaho na pinulot ko.

Nakahanda na rin ang dala ni Jasmine na patalim.

Si Daniel ay kuyom ang mga palad. Handang makipagsuntukan.

Inabangan namin ang susunod na mangyayari. Halos dalawang minuto kaming nag-aabang.

False alarm!

At nagsimula na kaming  humakbang pasulong sa kadiliman ng Isla Miedo.

Chapter 4
“Ang Paglusong Sa Kadiliman”