Sa Alon Ng Pagsubok
Kapag umibig ka’t ‘di na makaiwas
Tiyaking handa’t kalooba’y matatag
Pagkat ang umibig parang naglalayag
Sa ganda’t panganib na hatid ng dagat.
Ihanda mo ang sagwan, layag mo’t katig.
Punuin mo ng tibay ang iyong dibdib.
Tandaan na pag-ibig dagat ay kawangis,
Ito’y sala sa lamig, sala sa init.
Sa duyan ng alon ikaw ay sumabay,
Tataas… bababa habang naglalakbay,
Tiyakin lamang na katig ay matibay,
Hampasin man ng alon ay’ di bibigay.
At kapag alon ma’y malakas ang hampas,
Kamay ng sinta’y hawakan, h’wag kakalas,
Tumingala sa langit sa Kanya’y tumawag…
Ang pagsubok ng alon tiyak na lilipas.
At kapag kamay mo’y kanyang binitiwan…
Kung pag-ibig n’ya’y bangkang sa tibay kulang,
Katig sa dibdib mo’y mahigpit hawakan
Lumangoy kang pabalik doon sa pampang.
H’wag hayaan na ikaw ay malunod!
H’wag pagagapi sa alon ng pagsubok!
Muling magmahal, muli kang pumalaot
Dagat papanatag matapos ang unos.
Posted on October 6, 2018, in Creative Writing, Poetry, Tula and tagged Creative writing, Poetry, Tula. Bookmark the permalink. Leave a comment.
Leave a comment
Comments 0