Tuwing Bubuhos Ang Ulan (6)

(6th of 7 Parts – A Novelette in Filipino)

Binigyan mo ako ng matinding isipin. Iyon ang pinakamabigat na suliranin na  kinaharap ko. Ang bumubuhos na ulan ay parang sa loob ng bungo ko dumadaloy. Parang akong malulunod sa pag-iisip. Ikaw ba o si Elena?

Hindi ko na hinintay na tumila ang ulan. Umuwi na rin ako at habang daan ay paulit-ulit kong naiisip ang  sinabi mo matapos mo akong hagkan bago ka lumabas ng kubo – na iyon na ang huling halik mong matitikman ko kapag hindi ako pupunta sa kubo kinabukasan. Iyon marahil ang pinakatamis sa lahat ng halik mo sa akin. Parang bang sinadya mong gawing marubdob ang halik mong iyon bilang pagpapaalaala kung ano ang mawawala sa akin kung hindi ikaw ang pipiliin ko. Para bang pinaso mo ang mga labi ko upang pag-isipan kong mabuti kung kaninong kandungan ang mas mainit – sa iyo o kay Elena.

Nang makarating ako ng bahay ay masaya akong sinalubong ni Elena sa may terrace.

“O kita mo nga dad, hindi ka nabasa ngayon dahil nagdala ka ng payong.”

“Oo nga mommy.” Sagot ko sabay salampak sa isang upuang nasa terrace.

Naupo rin sa isang upuan sa harapan ko si Elena.

“Mukhang pagod na pagod nanaman ang daddy ko ah. May nagpakita nanaman bang diwata at nagpa…”

“Oo na… oo na… may diwatang dumating sa kubo at nagdyugdyugan kami. Kaya heto pagod ko.”

Iyon ang unang pagkakataon na parang binulyawan ko si Elena. Nabigla lang ako. Napayuko siya, parang napahiya.

Mabilis akong nakaisip ng paraan para makabawi. Bigla akong tumawa ng tumawa.

Gulat na napatingin sa akin si Elena.

“Mommy pinaprank lang kita. Kunwari lang akong naggalit-galitan.”

“Akala ko dad totong galit ka.”

“So… sorry mommy. Sobra lang yata akong napagod.”

Iniusod ko ang aking upuan palapit sa kanya. Hinagilap ang kanyang kamay at masuyong hinalikan.

Tumayo si Elena at pagkatapos ay kumandong sa akin. Nagulat ako ng ako’y bigla niyang hinalikan.

Noon ko napagtanto kung ano ang pagkakaiba ng mga halik ninyo – ang sa iyo’y puno ng init ang sa kanya’y tigib ng pagmamahal. Marubdob ka ngunit si Elena’y malambing.

Maraming bagay talaga akong dapat timabangin bago ako gumawa ng desisyon kung sisiputin ba kita sa kubo bukas o hindi.

“Okay ka lang ba dad?”

Tumango lamang ako.

“Gusto mo bang bumalik na lang tayo sa Pasig? Kanina kasi iniisip ko na baka nai-stress ka sa mga gulong dinatnan natin dito.”

“Mommy… okay lang ako.”

“Talaga?”

“Oo nga.”

“Hayaan mo daddy, kapag magaling na ang inay, papasyal tayo doon sa lugar na may mga nakalambiting ataol. May mga falls din at kuweba dito sa Sagada. Pupuntahan natin lahat ng mga iyon. Pupunta rin tayo ng Banaue para makita mo iyong mas malawak na rice terraces.”

“Sige mommy, aasahan ko iyan ha.”

“Prommmiissee!!! Now dad, what do you want – coffee, tea, or me?”

Sinakyan ko ang biro ni Elena.

“Coffee now and you later.”

 Iyon pa ang isang bagay na gustong-gusto ko kay Elena, ang kanyang sense of humor. Ikaw… wala. Mahirap basahin ang totoong pagkatao mo dahil nagkakilala tayo sa pagkakataon na tadtad ka ng suliranin. Kaya ang tingin ko sa iyo ay masyadong seryoso at parang laging aburido.

Ganoon pa man, bakit ang pakiramadam ko ay mas malamang na ikaw ang aking pipiliin.

**********

At dumating ang araw na kinaylangan kong gumawa ng desisyon. Mas malamang nga na puntahan kita sa kubo pero nagdadalawang-isip pa rin ako. May kumukurot as aking konsensiya. Hindi madaling iwanan si Elena. Pero may isang dahilan para gawin ko iyon – ikaw. Ano naman kaya ang puwedeng maging dahilan na hindi ikaw ang pipiliin ko? Sana makahanap ako ng dahilan. Hindi ako pala-simba at paladasal pero itong gagawin kong desisyon ay inilapit ko sa kanya. Ang bagay na ito ay ibinulong ko sa panalangin at sinabing bahala na Siya.

Tinanghali na ako ng gising. Halos umaga na kasi nang makatulog ako dahil sa sobrang pagiisip.

Muli ay sa kabilang kuwarto natulog si Elena upang bantayan ang nanay niyang may sakit.

Nang tinungo ko ang terrace ay nandoon na si Elena at ang kanyang nanay. Gising na sila.

“Ang sarap ng tulog mo hijo ah, aba’y halos alas nuwebe na.” Wika ng nanay ni Elena.

“Malayo-layo rin po kasi ang nilakad ko kahapon. Malapit na nga daw po ako sa Marlboro Hills kahapon sabi ng nakasalubong ko.”

“Ah… so dad nakita mo na pala iyong Marlboro Hills.”

“Hindi nga eh. Dahil alanganin na ako sa oras eh bumalik na ako para mapuntahan ko pa  iyong mini rice terraces. Sa susunod na labas ko eh doon ako pupunta.”

“I see. Eh dad, may balak ka bang lumabas ngayon?”

“Ha? Eh… Hindi ako sigurado. Bahala na mamaya.”

“Okay, hintayin mo ako bago ka umalis. Pupunta lang kami sandali ng inay sa clinic sa bayan. Paalis na kami hinihintay ka lang namin na gumising.”

“Maiwan ka muna namin Jeff.”

“Sige po. Ingat po kayo.”

“Bibili na lang muna ako ng lutong ulam para sa tanghalian natin mamaya.”

Ang sabi ni Elena bago sila umalis.

Sinamantala ko ang pagkakataong walang ibang tao sa bahay para makapagmuni-muni ng maayos ukol sa desisyong gagawin ko. Nagpasiya akong gawin ang desisyon pagkatapos ng tanghalian.

**********

Halos tanghali na nang makabalik si Elena at ang nanay niya. Mabuti na lang at nakapagsaing na ako. 

Tinulungan ko si Elena na ihanda ang mga pagkain sa mesa.

“Naku Jeff, may sorpresa iyang si Elena sa iyo mamaya.”“Sorpresa po? Ano po iyon?”

“Sorpresa nga eh. Si Elena na lang magsasabi sa iyo.”

Ngumiti lang si Elena nang natingin siya sa akin. Inisip kong baka may binili siyang gamit ko sa bayan.

Nang handa na ang mesa ay nagsimula na kaming kumain. Sa pagkakataong iyon ay inisip ko kung nasa kubo ka na. Inisip ko kung ano ang mangyayari kapag nagpasiya akong sumama sa iyo paalis ng Sagada. Ang pag-iisip kong iyon ay naputol ng akmang susubuan ako ni Elena ng pagkain.

Pagkatapos niyon ay nagsalita ang kanyang nanay.

“Elena, ibigay mo na ang sorpresa mo kay Jeff.”

“Ay oo nga pala.”

“Ano ba kasi iyong mommy?”

“Sandali lang… masyado kang excited.”

Tumayo si Elena’t kinuha ang kanyang shoulder bag. Mula doo’y may inilabas siya. Iniabot sa akin.

Pregnancy kit pala iyon. Nasorpresa ako sa aking nakita .

Positive.

Buntis si Elena. Hindi ako nakapagsalita kaagad.

“Ay, mukhang hindi ka excited dad.”

Nang nahimasmasan ako’y napayakap ako ng mahigpit kay Elena.

“Nagulat lang ako mommy. Pero hindi mo lang alam kung gaano ako kasaya. Magiging ama na ako.”

“… at magiging lola na ako sa wakas. Ang gusto ko eh magpakasal na muna kayo sa huwes sa lalong madaling panahon. Simpleng handaan na lang. Ayaw kong makita ng tao dito sa amin na buntis ang anak ko pero hindi naman nila nabalitaang nagpakasal kayo.”

“Opo inay. Tatawagan ko po mamaya ang mga magulang ko’t sasabihin namin ni Elena ang aming mga balak.”

Masayang-masaya si Elena sa mga narinig niya. Hinaplos ko siya sa pisngi at hinalikan naman niya ang aking kamay.

“O… dalian mong kumain dad. May lakad ka pa.”

“Ha… parang tinatamad na akong lumabas. Dito na lang muna ako sa tabi mo.”

“Naks, biglang naging sweet ang daddy ko. Kahapon lang ang sungit-sungit mo.”

Naiisip pa rin kita sa kalagitnaan ng mga pag-uusap na iyon. Ikaw ang dahilan kung bakit puwede kong iwanan si Elena subalit ngayo’y nakakita na rin ako ng dahilan para hindi ikaw ang piliin ko – ang magiging anak namin ni Elena. Hindi ko na kaylangang mag-isip pa at siguro kapag nalaman mo ang dahilan kung bakit hindi kita sinipot sa tagpuan natin eh maiiintindihan mo.

Puwede ko sigurong sabihin na dininig ng Panginoon ang aking panalangin. Sabihin na lang natin  na nakita ng Panginoon ang mangyayari sa kinabukasan at marahil ay alam Niyang masusubo ako sa ganitong pagkakataon kaya’t kinaloob Niyang magdalang-tao si Elena upang hindi ko gawin ang katarantaduhang balak ko sanang gawin.

Hindi nangangahulugang naniniwala na ako sa tadhana… na may gulong ang kapalaran. Dalawa ang regalong bigay sa atin ng Panginoon. Una ang buhay at ang pangalawa’y ang kalayaang gawin ang ano mang desisyong gusto natin. Hindi Niya pinakikialaman kung ano mang landas ang tahakin natin. At batid kong hindi kaparusahang galing sa Kanya ang mga dinaranas nating kalungkutan at kabiguan. Ang mga iyon ay resulta ng mga maling desisyon natin.

Subalit paminsan-minsan ay may pabor na ginagawa ang Panginoon para sa mga taong kinalulugdan Niya. Hindi ko sinasabing sa akin Siya nalugod kundi kay Elena sa dahilang napakabuting tao ng kasintahan ko. Hindi ko sinasabing hindi ka mabuting tao. Wala akong karapatang husgahan ka dahil ako man ay hindi kalugod-lugod sa mata ng Panginoon.

Ang nakakatakot ay ang karma. Nangamba akong baka singilin si Daniel sa mga kawalanghiyaang ginawa niya sa iyo. At nangamba rin akong  baka singilin tayo sa mga kataksilang ginawa natin at sa kawalanghiyaan na balak sana nating gawin. Sana lang eh hindi na sa dahilang hindi naman natuloy ang balak natin.

**********

Kinagabihan ay ginising kami ng sunod-sunod na busina ng sasakyan. Lumabas kami ng kuwarto ni Elena, ganoon din ang kanyang nanay. Sumilip ako sa bintana.

“Inay, buksan nga po ninyo ang gate.”

Si Daniel ang tumatawag.

“Pakibukas mo nga Jeff ng gate.” Wika ng kanilang nanay.

Binuksan ko ang gate. Ipinasok ni Daniel ang sasakyan at pagkatapos ay binuhat niya si Camille papasok ng bahay. Basang-basa ka at mukhang lasing na lasing.

Inihiga ni Daniel sa sofa sa salas. Dagling pumasok ang nanay nila sa kuwarto, kumuha ng shorts at tshirt, at pinalitan ang basang damit ni Camille.

“Bakit ba kasi kayo’y ayaw magsipagdala ng payong eh alam naman ninyong tag-ulan ngayon.” Sabi ng nanay nila.

“Ano ang nangyari kay ate Camille kuya?” Ang tanong ni Elena.

“Kaninang tanghali eh umalis siya ng bahay at may pupuntahan lang daw. Dala niya ang kaniyang shoulder bag at may bitbit na malaking plastic bag.”

“Teka nga’t mahilamusan ko si ate ng maligamgam na tubig.” Ani Elena.

At nagpatuloy sa pagkukuwento si Daniel.

“Nang dumilim kanina’t hindi pa siya bumabalik eh hinanap ko na siya. May nakapagsabi na bandang alas-tres eh bumili siya  ng alak sa tindahan at parang pumasok daw sa kakahuyan papunta doon sa may mini rice terraces doon. Naisip ko na baka nasa kubo siya kaya pumunta ako doon.  Iyon kasi yata ang madalas niyang tinatambayan nitong mga nakaraang araw. At doon ko nga siya nakita.”

Nakinig lamang ako sa mga usapang iyon. Wala naman akong puwedeng sabihin. Awang-awa ako sa nakita kong kalagayan mo. Parang gusto kong sisihin ang sarili ko. Pero hindi ko puwedeng iwanan si Elena, hindi ko puwedeng talikuran ang batang  nasa sinapupunan niya.

“Mga damit pala ang laman ng dala niyang plastic bag. Tingin ko eh balak akong iwanan ni Camille.”

Natahimik kaming lahat sandali.

“Kaya nga Daniel, magisip-isip ka sana. Ayusin mo ang pakikitungo kay Camille. Sinabi rin niya sa amin na gusto ka na niyang hiwalayan.”

“Oo nga po inay. Nang mapagtanto kong iiwan na pala niya ako eh doon ko na-realize na ayaw ko pala siyang mawala sa akin. Pipilitin kong isalba ang pagsasama namin. Pililitin ko na pong magbago inay.”

Habang pinupunasan ka ng bimpo na basa ng maligamgam na tubig ay bigla kang nagmulat ng mata. Nagpanama ang ating paningin.

“Akala ko mahal mo ako. Hindi pala. Pinaasa mo lang ako.”

Nagulat ako nang sabihin mo iyon. Napatingin sa akin si Elena. Takang-taka.

“Ca… Camille… Si Jeff ito… Hindi ako si Daniel.”

“Ha, ganoon ba.” Wika mo.

Pagkatapos niyon ay tumawa ka ng tumawa.

“Si Jeff ka pala… hindi si Daniel. Eh ‘di sorry naman.”

“Naku, mukhang nagdidiliryo si Camille.” Wika ng nanay nina Elena.

“Oo nga po. Akala siguro si Jeff eh ako.”

Wika ng asawa mo.

Nakahinga ako ng maluwag sa mga narinig kong iyon  pero napansin kong nakakunot ang noo ni Elena. Patay malisya lang ako.

Pumikit kang muli. Nakatulog ka na ng tuluyan.

Nagpasiya si Daniel na doon na kayo magpalipas ng gabi.

Part 7

Advertisement

About M.A.D. LIGAYA

Teacher-Writer-Lifelong Learner I have three passions - teaching, writing, and learning. I am a Filipino currently residing and teaching in South Korea. I blog and vlog the things I write. I have two websites and two YouTube channels where I publish my works in my areas of interest. I also use Wattpad and Pinterest to publish my creative works. I am into research as well. Some of my articles were presented at conferences and published in indexed-journals. TO GOD BE THE GLORY!

Posted on August 21, 2020, in Creative Writing, Fiction, Maikling Kuwento, Short Story. Bookmark the permalink. 2 Comments.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: