Lingon (Part 6)
“Tol, kumalma ka.” ani Tomas kay Daniel.
“Daniel, hayaan mo lang ang mga sutsot na iyan. Kaya nga sila demonyo eh dahil puro kademonyohan ang mga ginagawa nila.”
“Kung makapagsalita ka Jasmin eh parang ke tino-tino mong tao. Alam ba niyang mga bago mong kaybigan ang totoong dahilan kung bakit gustong-gusto mo noon pa na pumunta dito sa isla?”
Ang pagkakaalam ko’y gusto lamang ni Jasmin na tulungan kami na mahanap si Ella.
“Nami-miss mo na ba ang kuya Patrick mo? Lumingon ka dito nang makita mo siya. Heto siya o katabi ko. Hoy Patrick kumustahin mo naman ang kapatid mo.”
Sumubsob sa kanyang mga tuhod si Jasmin.
“Jasmin…Bunso kumusta ka na? Kumusta na ang nanay at tatay? Miss na miss ko na kayong lahat.”
Tinig iyon ng isang lalaki. Natingin ako kay Jasmin. Napatingala siya’t bumuntuong-hininga.
“Salamat bunso at pinuntahan mo ako dito. Tulungan mo ako. Iligtas mo ako sa mga halimaw na ito.”
Ngayon ko naintindihan kung bakit nagpumilit si Jasmin na sumama sa amin. Katulad ni Tomas ay may kapatid siyang nagpunta sa isla Miedo at hindi pa nakakabalik.
Binantayan ko ang kilos ni Jasmin. Tingin ko’y para gusto na niyang lumingon. Tumayo siya. Tumayo rin si Tomas at wika nito’y “Jasmin… ipinapaalaala ko lang sa iyo ang mga sinabi mo kanina na gagawa ng paraan ang mga demonyong yan para matukso kang lumingon.”
Muling naupo si Jasmin at ang ulo’y isinubsob sa kanyang mga hita.
Patuloy pa rin ang mga sutsot sa pambubuyo kay Jasmin na lumingon. Ilang sandali pa’y nakita ko si Jasmin na inayos ang puwesto ng pagkakaupo. Binitiwan ang hawak na hunting knife at hinawakan ng dalawang kamay ang kanyang rosaryo. Wari ko’y tahimik siyang umuusal ng panalangin.
Muli’y nadinig namin ang malakas na mga atungal at mga palahaw.
Gusto kong lumingon at hambalusin ng hawak kong pamalo ang mga sutsot na nasa likod namin.
Nagtakip ng dalawang tenga si Daniel.
Biglang umalingaw-ngaw ang isang putok… at isa pa. Nakita kong nakatutok sa likod ang baril ni Tomas. Ipinutok niya iyon nang hindi tumitingin sa likod. Pagkatapos ay narinig nanaman namin ang kakaibang mga palahaw na iyon. Malakas sa una pagkatapos ay humina na parang papalayo sa amin. Ang mga yabag at mga kaluskos na naririnig ko’y ganoon din – papalayo.
Mukhang nagtakbuhang palayo ang mga sutsot. Alin sa dalawa, dahil sa panalangin ni Jasmin o sa pagputok ng baril ni Tomas.
Muli nanamang umatungal ang isang sutsot – at ang isa pa – at sinundan ulit ng mga palahaw ng iba pa. Malayo na sila sa amin.
Umikot si Jasmin ng upo – paharap sa dagat at sinabing “Tiyakin na nating hindi lahat tayo’y nakaharap sa iisang direksyon. Pipilitin ng mga iyan na bumalik at tapusin tayo bago magliwanag. Mas madali sa kanilang gawin iyon habang madilim pa.”
Tumayo ako’t nanghanggilap ng mga tuyong sanga para sa siga. Habang inaayos ko ang siga’y tinanong ko si Jasmin, “Kaylan ba nagpunta dito ang kuya mo?”
“Matagal na. Higit kumulang tatlong taon. Writer si kuya at gusto niyang magsulat ng tungkol sa islang ito at sa mga halimaw na narito. Dati nga pala siyang sundalo. Naka-isang taon lang sa serbisyo pero lumabas dahil hindi niya masikmura ang sang-ayon sa kanya’y hindi magandang sistema ng militar.”
“Paano nalaman ng kuya mo ang tungkol sa isla Miedo?” ang tanong naman ni Tomas.
“Sa kasintahan niya – si Julie – anak ng isang miyembro ng grupong Tagapagbantay. Dating commanding officer daw ni kuya ang tatay ni Julie. ”
“Tagapagbantay ba kamo? Tagapagbantay ng ano?” tanong ni Daniel.
“Iyan ang tawag sa isang grupo ng mga deboto ng Nazareno na ang misyon ay huwag hayaang makatawid mula sa islang ito ang mga sutsot.”
“Naging miyembro ka di ba?” ang sumunod na tanong ni Daniel.
“Oo. Sinikap kong mapabilang sa grupo dahil gusto kong malaman kung buhay pa si kuya Patrick. Nagpumilit na pumunta dito ang kuya, gusto nga kasi niyang magsulat ng kuwento tungkol sa mga demonyong sutsot. Napilitan si Julie na samahan siya. Hindi na bumalik mula noon si kuya at nang hanapin ng mga magulang niya si Julie sa amin ay noon ko nalaman na kahit siya man ay nawawala rin. Tanging ako ang nakakaalam na nagpunta sila sa isla Miedo.”
“Isang tanong na lang Jasmin,” dagdag pa ni Daniel. “May sutsot na ba o mga taong nasaniban nila na nakatawid mula sa islang ito.”
“Merong mangingilan-ngilan pero lahat sila’y natunton at napatay rin ng mga miyembro ng Tagapagbantay.
Ang tanong naman ni Tomas ay, “Paano mo napasok ang grupo?”
“Naisama na ako minsan ni Julie sa kanila ng ipagdiwang doon ang kapistahan ng Nazareno. Doon ko nakilala si Gener. Naging magkaybigan kami at ginamit ko ang pagkakaibigan namin upang makapasok ako sa grupo. Isang taong mahigit na akong miyembro nila. Sa ginawa ko kanina eh matitiwalag na ako. Isa sa mga lider ng grupo si mang Kanor, ang tatay ni Gener.”
“Paano patayin ang mga sutsot?” ang dagdag na tanong ni Tomas.
“Kapag sila’y nakasanib na sa katawan ng tao ay pwede silang patayin gamit ang bala ng baril o ano mang matalas na bagay na nabendisyunan. Katulad nitong hunting knife ko. Ang mga gamit naming sibat at gulok na siguro ay nakita ninyo sa bangka namin kanina ay bentitado ng mga paring miyembro ng grupo. Maging ang mga bala sa baril nina Mang Kanor at Gener.”
Ang tanong ko nama’y “Saan ginagamit iyong mga boteng may lamang gasolina?”
“Sa apoy lang puwedeng patayin ang mga sutsot na hindi pa nakakasanib sa katawan ng tao.”
“Bakit ‘di na lang natin silaban ang gubat?” ang wika ni Daniel. “Putang-inang mga sutsot na iyan. Ano!!? Simulan na natin.”
“Kapag nahanap ko na ang kapatid kong si Ella, gawin natin iyan.”
“… at si kuya Patrick.”
“Hindi ba naisip ng grupo ninyo na sunugin na lang isla para malipol na ang mga sutsot?”
“Alam ni tandang Kharon kung ang mga naghihintay sa breakwater ay mga tagapagbantay. Hindi siya darating.”
Iyon ang tugon ni Jasmin sa tanong ni Daniel.
At muli ay narinig namin ang mga atungal at palahaw ng mga sutsot.
“Sige, magpahinga tayo. Kung kakayanin eh umidlip tayo kahit kaunti. Maghalinhinan tayo sa pagtulog. Dalawa magbabantay habang ang dalawa’y natutulog.
Hindi na ako nagugulantang kapag nag-iingay ang mga sutsot. Hindi na rin kasingtindi katulad noong una ang takot ko’t pangamba sa kanila matapos kong marinig ang mga sinabi ni Jasmin. Hindi imortal ang mga sutsot. Pwede silang patayin. May pag-asang makaalis kami ng buhay mula sa isla.
*****
Unti-unti sumilay ang liwanag… unti-unti ring gumigising ang kakahuyan. Huni ng ibat ibang ibon ang naririnig ko. Noon ko nakita ang kagandahan ng isla Miedo. Pino’t maputi nga talaga ang buhangin at ang mga bato’y maliliit at bilog. Hanggang sa abot ng aking tanaw sa kaliwa’t kanan ko’y nakikita ko ang mga matatayog na niyog at iba’t iba pang mga puno sa kanilang likuran.
Sa bandang unahan ko paharap sa dagat napansin kong may dalawang katawang nakahandusay sa malapit lamang sa amin. Itinuro ko ito kay Jasmin na kasama kong nagbantay nang sina Tomas at Daniel naman ang umidlip.
Ginising na namin ang dalawa at sabay-sabay naming nilapitan ang nakita kong mga katawan. Nasa unahan si Tomas, nakatutok ang baril sa mga katawang nakadapa.
Tigmak sa kulay berdeng likido ang mga katawan. Iyon marahil ang kanilang dugo. Sinipa-sipa ni Tomas ang isa. Tinitignan kung ito’y buhay pa. Ititihaya na sana ni Tomas ang katawan nang siya’y pinigilan ni Jasmin.
“Teka muna,” wika ni Jasmin habang inilalabas sa sukbitan ang kanyang hunting knife.
Hinawakan ni Jasmin sa buhok ang katawan at hiniwa sa leeg. Napangiwi ako ng kaunti sa aking nasaksihan at nang ganoon din ang ginawa niya sa isa pa’y hindi ko na lamang tinignan. Madalas akong makakita ng baboy at bakang kinakatay dahil ang isang tiyuhin ko’y matadero at minsan naman sa bahay kapag ang nanay ko’y magkakatay ng manok eh hinahawakan ko ang pakpak at mga paa habang hinihiwa ang leeg. Pero iba pala ang pakiramdam kapag makikita mong ito’y ginagawa sa tao. At hindi ko talaga inakalang kayang gawin ni Jasmin na humiwa ng leeg ng tao.
Si Jasmin na rin ang nagtihaya sa mga katawan.
“Kaylangan nating makatiyak.” wika ni Jasmin. “Kung ako man ang masaniban ng sutsot eh gawin din ninyo ang dapat ninyong gawin para siguradong patay ang sutsot na nasa katawan ko.”
Inusisa namin ang mga katawang nasa buhanginan. Walang mga mata ang mga nasaniban ng sutsot pero buo ang mga katawan.
“Mga kasamahan din sila ng kapatid ko. Pinupuntahan nila madalas sa bahay si Ella kapag walang pasok.”
Totoo ngang napapatay ang mg sutsot kapag sumasanib sila sa katawan ng kanilang mga biktima.
“Silver bulletsS ba ang ginamit mo?” ang tanong ko.
Tumango si Tomas. “anim na rounds pa, naitira ko na ang dalawa.” wika nito.
“Hindi ko alam na tinatablan sila ng silver bullets. Ordinaryong bala kasi na hindi bentitado eh tumatagos lang sa katawang sinasaniban nila pero hindi nito nasasaktan ang mga sutsot.” ani Jasmin.
*****
Kasabay ng pagsikat ng araw ay muling nag-ingay ang mga sutsot sa may di kalayuan.
Ikinasa ni Tomas ang dalang baril at sinimulang maglakad papasok sa kakahuyan. Sinundan namin siya.
“Teka… sandali lang.” ang sabi ni Daniel.
Sa isang lumang plastic na bote ng mineral water na pinulot ay pinagsamasama ni Daniel ang mga natirang gaas sa mga lampara at inilagay sa kanyang backpack. Maging ang mga mitsa ng lampara’y hinugot ay isinama niya sa lalagyan. Pumulot din ito ng isang sanga ng kahoy. Kung nang nakaraang gabi’y halos manginig siya sa takot sa mga sutsot, sa umagang iyon ay isang palabang Daniel ang nakita ko.
Wika nito’y “Sige ako muna ang bahalang magbantay sa likuran natin.”
Nagkatinginan kami ni Tomas. Pareho kaming bahagyang nangiti.
Matapos kong tampalin sa balikat si Daniel ay ipinagpatuloy namin ang pagpasok sa kakahuyan.
Mga puno ng niyog ang una naming nadaanan. Nagkalat ang mga palapa at mga magugulang na niyog sa lupa. Hindi masyadong madamo sa lugar na iyon dahil marahil sa medyo mabuhangin. Nang malampasan namin ang mga puno ng niyog ay bumulaga sa amin ang mga nagtataasang mga puno na ang mga balat ay kulay berde dahil sa mga lumot na na nakadikit dito. Karamihan sa mga puno ay hindi ko kayang ikulong sa yakap sa laki. Nagmistulang sahig ang mga nagkalat na tuyong dahon at at mga sanga na dinudurog ng aming mga maliliit at dahan-dahang hakbang. Ilang hakbang pa nami’y nagsimula nang maging madawag ang aming dinaraanan. Hanggang tuhod ko halos ang taas ng mga damo at sa dinaraanan namin ay naglambitin ang mga baging.
Sa bahaging iyon ng kakahuyan ay may mga parang tulay na yari sa mga malalaking baging na nagdudugtong sa bawat puno.
Nagpunta sa unahan namin si Jasmin at gamit ang kanyang hunting knife ay kanyang hinahawanan ang aming dinaraanan.
Sa pagitan ng mga masinsing mga puno at sa siwang ng kanilang mga makapal na dahon ay pilit sumisingit ang sikat ng araw
May napansin akong kumikinang sa dinaraanan namin.
“Sandali lang.” ang sabi ko.
Huminto sila’t tumingin sa akin.
Posted on August 12, 2018, in Creative Writing, Fiction, Horror, Kwentong Kababalaghan at Katatakutan, Maikling Nobela and tagged Creative writing, Fiction, Horror, Kwentong Kababalaghan at Katatakutan, Maikling Nobela. Bookmark the permalink. 1 Comment.
Pingback: Lingon – MUKHANG "POET"