Lingon (Part 5)

smokeHawak ni Jasmin sa kanan ang kanyang hunting knife at sa kaliwa nama’y nakapulupot ang rosaryo habang tangan niya ang bitbit na lampara.

“Bakit halos paatras kung maglakad ka.” ang tanong ni Tomas kay Jasmin.

“Baka isang paraan ito para hindi mapunta sa ating likuran ang mga sutsot. Di nga ba’t susutsot at sasalakay lang ang mga halimaw na iyon kung nakikita nilang nakatalikod ang mga biktima nila.”

“Maghalinhinan tayo ng pagbabantay sa ating likuran.” ang mungkahi ko.

Binaybay namin ang pampang. Dahan-dahan lang ang paglalakad namin habang si Tomas ay paulit-ulit na  isinisigaw ang pangalan ng kanyang kapatid.

“Ella! Ella! Kuya Tomas mo ito!!!”

Bawat sigaw ni Tomas ay sinusundan ng mga atungal at palahaw – katulad ng narinig namin kanina. Napansin kong papalapit ng papalapit ang pinanggagalingan niyon sa amin.

“Maya-maya lang ay bubuntutan na tayo ng mga sutsot. Alisto kayo.” ang sabi ni Jasmin.

“Teka…teka…” wika ni Tomas. “Parang may nakatayong tent doon oh.”

Itinaas ko ang bitbit kong lampara. Tent nga ang nakita ni Tomas. Nilapitan namin. Sa paligid nito’y maraming nagkalat na gamit. Inilapag ni Tomas sa buhanginan ang baril at bitbit na lampara at may pinulot siyang isang bagay – isang backpack.

“Hindi ako puwedeng magkamali, kay Ella ang bag na ito. Kasama niya ako noong binili niya ito.” ani Tomas. “Nasaan ang kapatid ko? …. Ella! Ella!”

Ginalugad namin ang  paligid. Tangan ko ng mahigpit ang napulot kong sanga ng kahoy. Si Daniel ay laging nakabuntot lang sa akin.

“Diyos na mahabagin!” ang bulalas ni Jasmin.

May nakita si Jasmin. Dali-dali namin siyang nilapitan.

Ang nakita niya’y bangkay ng isang babae at isang lalaki. Nakadapa pareho.

“Daniel tulungan mo nga ako, ihilata natin ang mga ito.” ang sabi ni Tomas.

Hindi makasagot si Daniel. Para siyang tuod na hindi makakilos sa kinatatayuan.

Ako na lang sana ang tutulong kay Tomas subalit mas mabilis na nakakilos si Jasmin. Itinihaya nila ni Tomas ang mga bangkay.

Bumaligtad halos ang sikmura ko sa amoy na umalingasaw nang galawin nila ang mga bangkay at nanlambot ang aking mga tuhod at napapikit na lamang ako ng makita ko ang hitsura ng mga patay na katawan – walang mga mata at wakwak ang kanilang tiyan hanggang dibdib.

Hindi nakatagal sa pagtingin sa mga bangkay si Daniel. Tumalikod ito. Sumuka. Nilapitan ko siya’t hinagod ko sa likuran.

Nang medyo umaayos ang pakiramdam niya’y bumulong sa akin, “Tol, mukhang katapusan na natin.”

Napaisip ako sa mga narinig kong iyon. Matagal-tagal din bago ako nakasagot.

“Hindi puwede, gusto ko pang makapag-asawa’t magkaroon ng anak. Marami akong pangarap sa buhay. Kaylangang buhay tayong makaalis sa islang ito.” ang sagot ko sa kanya.

“Buhay tayong lahat na aalis sa islang ito.” dugtong ni Jasmin. “Basta magtulungan tayo.”

Habang sinasabi iyon ni Jasmin eh nakatingin ito sa mga bangkay na parang wala lang.

“Mga kaybigan sila ni Ella. Sila ang sumundo sa kapatid ko kamakalawa sa bahay.” ang  wika ni Tomas.

“Ang pinakamababang uri ng sutsot ang nakadali sa kanila. Sila iyong ang gusto lang ay kumain, hindi upang manatili sa katawang kanilang inaagaw.”

Wala ng duda. Totoo nga ang lahat na sinasabi ni Jasmin.

“Ano na ang gagawin natin?” tanong ni Daniel. “Umalis na tayo habang may panahon pa.”

“Lintek naman Daniel eh! Ano ba!!! Napagtaasan ko na ng boses ang kaybigan namin. “O sige balikan mo iyong balsa sa pinagiwanan natin. Mauna ka na. Umuwi ka na.”

“Teka…teka. Magtigil kayo. Hindi natin kaylangang magbangayan ngayon.” ang sabi ni Jasmin.

Katahimikan ang sumunod… katahimikang tinapos kaagad ng nakakabinging mga atungal na iyon. Mas lumapit pa sa amin ang pinanggagalingan.

“Wala tayong laban sa mga mababangis na sutsot na iyan.”

Puno ng kawalang-pagasa ang mga salitang iyon ni Daniel. Hindi na ako kumibo, napagod na akong patulan ang aking kaybigan.

“Alam mo ba Daniel na amoy na amoy ng mga sutsot ang takot mong nadarama ngayon? Ikaw ang naghahatid sa mga sutsot dito.” ang madiing sabi ni Jasmin.

“Oo na… Oo na! Kasalanan ko na! ang pasigaw na sagot ni Daniel sa sinabi ni Jasmin.

Naglakad palayo sa amin si Daniel.

Akmang susundan ni Jasmin si Daniel.

“Tsk… Daniel sorry!”

Hinawakan ni Tomas si Jasmin sa kamay upang pigilan ito sabay sabing, “Hayaan mo lang siya Jasmin.”

“Pero… baka kung mapaano siya?” ang sagot ni Jasmin kay Tomas.

Hindi ko sigurado kung nadinig ni Daniel ang sinabi ni Tomas. Nakakailang hakbang pa lamang siya palayo nang bigla na lamang siyang huminto  sa paglakad. Bumalik ito papunta sa amin at umupo sa malapit sa akin. Itinukod ang kanyang mga braso sa mga tuhod niya’t doo’y parang pagong  na itinago ang kanyang ulo.

“Ayaw ko pang mamatay,” garalgal ang boses ni Daniel nang sabihin iyon. Para siyang umiiyak.

Naupo ako sa tabi ni Daniel. Inakbayan ko siya.

the-shape-shifting-ghost

“Walang mamatay sa atin tol,” wika ko. “Mga masasamang damo tayo… lalo na ikaw.”

Mula sa pinaglapagan ay kinuha ni Tomas ang kanyang baril at lampara. Nagsimula siyang maglakad ulit, sumunod kami.

“Jasmin, ako muna ang magbabantay sa likuran natin.”

Tinanguan lamang ako ni Jasmin. Nasa unahan pa rin si Tomas. Si Daniel nama’y nakapagitna sa amin ni Jasmin.

Ang pampang pa rin ang binaybay namin. Kami’y nakapagitna sa dagat sa kaliwa at ang pakiwari ko’y kakahuyan ilang dipa lang sa kanan namin. Sa kadilimang nakabalunbon sa amin ay tanging parang anino lamang ng kakahuyan ang nababanaag ko.

Ang kanina’y mga atungal at palahaw lamang ay nadagdagan pa ng mga kaluskos na nagmumula sa mga kakahuyan. Sinunsundan kami ng mga kaluskos na iyon. Humigpit ang hawak ko sa sangang pinulot ko. Nakahawak na sa balikat ko si Daniel.

“Tol, hayan na sila,” wika ni Daniel.

“Sabi ko nga sa inyo, hangga’t hindi  nila napupuntahan ang likuran natin at lumingon kapag sila’y pumaswit eh wala silang pwedeng gawin sa atin.” sagot ni Jasmin.

“Daniel… Daniel…”

Huminto kaming lahat.

“Sino iyon?” tanong ni Tomas.

“Si mama iyon ah!” bulalas ni Daniel. “Papaanong…”

“Hindi mo nanay iyon… sutsot iyon. Huwag ninyong pansinin.” ani Jasmin.

Nagpatuloy kami sa paglakad. Paparami ang mga dahon at sangang nadadaanan namin. Mukhang naubusan na kami ng pampang na dadaanan at kami’y papasok na sa kakahuyan.

“Tol, ilan ba ang kasama ni Ellen na nagpunta dito?” ang tanong ko kay Tomas.

“Kung tama ang pagkakatanda ko eh anim sila. Sana matagpuan nating buhay si Ella at iyong ibang kasama niya.”

“Sana nga tol.” Sagot ko kay Tomas.

“At sana lang makaalis din tayo dito ng buhay. Ayaw ko pang  mamatay.” ang wika naman ni Daniel.

“Daniel… anak… halika… uuwi na tayo!”

“Tol, alam mong imposibleng mapunta dito ang nanay mo.” ang paalaala ko sa kanya.

“Pero bakit kaparehong-kapareho ng tinig ni mama?”

“Isa lang iyan sa mga kayang gawin ng sutsot.” ang sagot ni Jasmin. “Mahirap ipaliwanag kung bakit kapag makita ka lang nila eh nalalaman na kaagad nila kung sino ang malalapit sa iyong mga tao at kaya nilang gayahin ang boses ng mga ito. Maging ang tunog ng anomang hayop. Minsan kapag may madidinig kang tumatahol sa likuran mo’y aakalain mong aso pero isa palang sutsot.”

Mukhang si Daniel ang pinupuntirya ng mga sutsot. Paulit-ulit siyang tinatawag habang patuloy kamin naglalakad.

Namatay na ang lampara kong bitbit. Ang mga hawak ng mga kasama ko’y halos maubos na rin daw ang lamang gaas.

“Sandali… magpahinga muna tayo. Bago tayo maubusan ng gaas eh gumawa tayo ng siga.”

Sinunod namin ang mungkahi ni Jasmin. Namulot  kami ng mga tuyong dahon at maliliit na sanga. Tinanggal ko ang mitsa ng namatay kong lampara. Sinindihan ito ni Daniel gamit ang kanyang lighter. Nang magliyab na ang mga dahon at sanga ay unti-unti namin itong nilalagyan ng mga kahoy na nagkalat sa paligid.

Nagsiupo kaming lahat malapit sa siga paharap sa kakahuyan.

“Tomas, sa tingin ko mas makakabuti sa atin kung hintayin na nating sumikat ang araw bago natin hanapin ang kapatid mo at ang mga kasama niya.” ani Jasmin.

“Sa tingin ko nga’y mas malaki ang tiyansa nating mahanap sina Ella at mas ligtas tayo kung maliwanag.” ang pagsang-ayon ko sa sinabi ni Jasmin.

Sumang-ayon din si Tomas sa panukala ni Jasmin.

Tatanungin ko sana kung mas malaki ba ang tiyansa namin laban sa mga sutsot kung maliwanag pero naunahan na ako ni Jasmin. Wika niya’y, “Hindi nangangahulugan na kapag sumikat na ang araw eh mas ligtas tayo sa mga sutsot. Magkapareho lang ang panganib na hatid nila araw man o gabi. Hindi sila katulad ng mga bampira na takot masikatan ng araw.”

At least kapag sumikat na ang araw at maliwanag, mas makakagalaw tayo ng maayos,” ang dagda ni Tomas.

“Sana nga’y masaksihan pa natin ang pagsikat ng araw.”

Dama ko ang kawalang-pagasa sa mga sinabing iyon ni Daniel. Aaminin kong magkahalong takot at kaba rin ang nararamdaman ko pero handa kong ipagtanggol ang aking sarili. Muli ay umusal ako ng panalangin. Sa mga ganoong sitwasyon na mas tumitibay ang pananalampataya ko sa Panginoon. Simple lang ang lohikang sinusundan ko. Kung may mga demonyong katulad ng sutsot ay totoong may Diyos na nagpalayas sa kanila mula sa langit nang si Lucifer ay pinamunuan ang isang rebelyon laban sa Kanya.

“PSSST!”

May pumaswit.

Katulad ko, nakakatiyak akong nanlaki ang mga mata ng mga kasama ko. Katulad ko rin marahil na napagtanto nilang lahat kami’y nakaharap sa kakahuyan. Wala sa amin ang nakapagisip na pumuwesto paharap sa dagat upang bantayan ang aming likuran.

“PSSSSTTTT!”

“Walang lilingon!” ang mahigpit na utos ni Jasmin.

Dinig ko nang magkasa ng baril si Tomas. Humigpit ang aking hawak sa  pamalong inihanda ko. Tumayo si Dennis at biglang umupo sa aking harapan sabay sabing “Heto na ang katapusan natin.”

“PSSSSSTTTTTTT!”

“Hoy Daniel! Bakit mo nanaman ako tinakasan ha.” Tinig iyon ng nanay ni Daniel. “Wala kang kadala-dala. Sa mga kaybigan mong iyan na wala namang kuwenta eh hindi ka makatanggi. Mahal na mahal mo ang mga iyan pero sa tingin mo gusto ka ba talaga nilang kasama ha. Hindi mo ba alam na pinaguusapan ka nila’t pinagtatawanan kapag nakatalikod ka.”

“Daniel, huwag kang maniniwala sa anomang sasabihin ng mga sutsot,” ang babala ni Jasmin. “Ganyan ang gawain nila. Hindi lang pananampalataya sa Panginoon ang gusto nilang sirain. Maging ang tiwala mo sa sarili at ang pagtitiwala mo sa mga mahal mo sa buhay at kaybigan. Gusto ng sutsot na magkagalit-galit tayo upang tayo’t magwatak-watak.”

“Tol,” wika ko. “Huwag na huwag mong pagdudahan ang pagkakaybigan natin. Higit pa sa magkakapatid ang turingan natin… alam mo ‘yan.”

“Sinungaling ka Willy. Daniel alam mo bang madalas lumakad ang dalawang yan na hindi ka kasama. Sablay  ka daw kasi. Puro daw palpak ang mga ginagawa mo’t sinasabi.”

“Tumahimik kayo mga gago! Alam kong lumalakad ang mga kaybigan ko minsan na hindi ako kasama eh ano naman ngayon?”

“Naku…naku… lagot kayo! Napipikon na si tabatsoy! Galit na si tabatsoy.”

Part 6

Advertisement

About M.A.D. LIGAYA

Teacher-Writer-Lifelong Learner I have three passions - teaching, writing, and learning. I am a Filipino currently residing and teaching in South Korea. I blog and vlog the things I write. I have two websites and two YouTube channels where I publish my works in my areas of interest. I also use Wattpad and Pinterest to publish my creative works. I am into research as well. Some of my articles were presented at conferences and published in indexed-journals. TO GOD BE THE GLORY!

Posted on August 7, 2018, in Creative Writing, Fiction, Horror Stories, Kwentong Kababalaghan at Katatakutan, Maikling Nobela and tagged , , , , . Bookmark the permalink. 1 Comment.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: