Category Archives: Pinoy Jokes
Bata… Bata… Saan Ka Ginawa?
Inay… si kuya ay mainit ang ulo
Hayun sa kuwarto nagmamarakulyo
Barkada n’ya kasi siya’y niloloko
Bakit kasi pangalan niya’y Anito?
“Kasi anak nagdate kami ng tatay n’yo
Doon namin nabuo iyang kuya mo.”
“Ah… eh… alam ko na kung bakit si diko
Ang ipinangalan n’yo sa kanya’y Sogo.”
“Tama! Napakatalino mo Luneta,
Mabuti na lang sa akin ka nagmana.”
“Ay inay, hayan, si bunso po’y gising na.”
“Oh FX! Halika nga, hug mo ang mama!”
Nang mag-ring ang phone sinagot ni Luneta.
“Inay, si ate nasa kabilang linya.”
“Akin na! Hello… Sofa… aba’y gabi na!
Hala… uwi! Si Rooftop, kasama mo ba?
Punso Sa Likod Bahay
“Nagmamadali ka yata pareng Teban?”
Ang tanong ni Pedro sa kanyang kaybigan.
“Oo pare, albularyo’y pupuntahan,
Nagkaproblema inaanak mong si Juan.”
“Lumaki’t namaga ang paa ni bunso
Nang sa likuran namin sila’y naglaro
Paano ba naman sinipa ang punso
Kaya hayon nagalit yata ang nuno.”
“Pati nga iyong kaybigan n’yang kalaro
Aba eh dinuraan daw iyong punso
Kaya’t sa kanya ma’y nagalit ang nuno
Hayun ang pobre… namamaga ang nguso.”
“O… pareng Pedro saan ang tungo mo n’yan?
Biglaan mo yata akong nilayasan!”
“Pare… likod-bahay ninyo’y pupuntahan –
Iyong punso doo’y aking iihian.”
Nang Maholdap Si Mam
Kayo po ay muli kong kukwentuhan,
Paksa natin ngayo’y tungkol sa holdapan,
Kwento na nasagap sa isang huntahan,
Nang mga kapwa guro’y naka-umpukan.
Nang kwentong holdap ko’y kanilang nadinig –
Aba’y may isa ng tawa’y bumunghalit.
Isang kwento daw ang samagi sa isip,
Nang magsimula siya kami’y tumahimik.
Isang gabi guro niya sa kolehiyo,
Sumakay sa bandang Taft papuntang Recto,
May mga kawatan… bilang daw ay tatlo,
Sumigaw – “Walang kikilos holdap ito!”
Ibang pasahero syempre’y nataranta,
Ngunit ang guro mukhang naka-relax pa,
Holdapan yata ay nakasanayan na,
Inihanda ang relo’t kaniyang pitaka.
Madaling-madali ang mga kawatan,
Mabilis na mga gamit ay sinamsam,
At nang ang guro na ang nilalapitan,
Isang holdaper kasama’y pinigilan.
Ang wika niya, “Brod, balato ko na si mam!”
“Magaling kong guro noon sa iskul ‘yan,”
Dugtong pa ay, “Hi! Good evening po madam.”
“Ako po ba ay inyong natatandaan?”
Natamemeng guro ay umiling lamang,
Ibang pasahero’y nagulumihanan,
At bago bumaba ang mga kawatan,
Wika ng isa – “Goodbye na po, ingat mam!”
Ang Kasalanan ni Sister Joy
May apat na madreng namasyal sa labas
Nang makabalik… sa kumbento’y naglakad
Kanilang superyora sila’y tinawag
At sa opisina sila’y kinausap.
“Dating gawi tayo mga kapatid ko,
Pumasok kayo’t magusap-usap tayo.
Ano ang nangyari nang lumabas kayo?
Kung kayo’y nagkasala’y aminin ninyo.”
“Mother Claire… Ano ba ang dapat kong gawin?”
Hiyang-hiyang wika ni sister Luningning.
“Sa umiihing mama ako’y natingin
Nakita ko po’y kobrang nakalambitin.”
“Nagulat po ako sa aking natanaw
Tinignan ko lang po… hindi ko ginalaw”
“Naku Luningning, masyado kang magaslaw,
Mabuti at kobra’y hindi ka tinuklaw.”
“Luningning ang hardin ay iyong puntahan
Sa ilalim ng manga ay may sisidlan
Tubig doo’y akin nang nabendisyunan
Sumalok ka’t mata mo’y hugasan”
Hetong si sister Joy nang iyo’y madinig
Hindi napigilang siya’y humagikgik
At nang si mother Claire sa kanya’y tumitig
Napayuko siya’t biglang tumahimik.
“Mother Claire… Ako man po’y nagkasala.”
Ang sinabi naman ni sister Donita.
“Sumakay kasi ako ng jeep kanina,
Nang biglang pumreno ako ay nagitla.”
“O, ano ba ang nangyari ng pumreno?
Ano ang kasalanan na nagawa mo?”
“Lalaki pong nakaupo sa kanan ko…
Mother… nahawakan ko po sa pundiyo.”
“May nadakma po ako na parang bato,
Napakatigas mother… parang martilyo.”
“Donita… anak ka nga ng karpintero.
Hugasan ng holy water ang kamay mo.”
Si sister Joy muli nanamang natawa
Huminto lang nang tignan ng superyora.
Anito’y, “Sister Joy baka mautot ka,
Bakit mukha yatang ikaw ay masaya?”
“At sister Joy ha… meron akong napansin
Tuwing holy water aking babanggitin
Ang pagtawa’y hindi mo kayang pigilin
Mamaya ipaliwanag ‘yan sa akin.”
At superyora’y kay sister Lyn bumaling.
“O sister Lyn, meron ka bang aaminin?”
“Mother… ako ay pupunta na sa hardin
At holy water ay aking mumumugin”
“Ha! Ano ba ang ginawa mo sister Lyn?
Bakit ba ang bibig mo ang lilinisin?”
“Mother… may lalaking kumindat sa akin,
‘Di ko po napigilang siya’y murahin.”
“Akala ko… Oh sige ika’y magmumog,
Pagbalik mo holy water ako’y isalok,
Kasi eh gusto ko munang maghilamos,
Bago kami nitong si Joy eh magtuos.”
Naghilamos nga ang madre superyora,
Nang holy water ay kanya nang nakuha,
At si sister Joy tumawa nang tumawa
Habang si mother Claire sobrang nagtataka.
“Sister Joy tigilan mo na ang pagtawa.
Ayusin ang sarili’t magsalita ka.”
Tawahing madre’y pumormal at kumalma,
At bago nagsalita’y umubo muna.
“Iyong sisidlan sa ilalim ng mangga,
Ang nakalagay holy water po pala.
Napagkamalan ko kasing arinola
Eh doon po ako umihi kanina.”
Pagbigyan Ang Hiling
Mula bilibid, isang preso’y tumakas
Hating-gabi noon nang siya’y naglakad
Mapapasok na bahay pilit naghanap
Nang ng pera’t damit siya’y makadekwat.
Nakatagpo siya isang gate na bukas
Itinulak niya ito’t pumasok siyang kagyat
Bukas ding pintua’y kanyang itinulak
At sinimulan n’ya ang pangungulimbat.
At nang ang kuwarto ay kanyang binuksan
Mag-asawang nag-aano’y nagulantang.
“Walang sisigaw!” Ang banta ng kawatan.
At ang mag-asawa’y kanyang tinalian.
Ang lalaki’y masyadong kinakabahan
Dorobo kasi’y siya’y tinititigan
At matapos na babae’y saglit lapitan
Iniwan sila’t banyo’y pinuntahan
“Honey halatang ikaw ay kanyang tipo
Nilapitan ka’t humalik pa sa iyo.
Kaya nga’t nang manatiling buhay tayo
Pakiusap ko’y pagbigyan mo ang loko.”
“Hindi niya ako hinalikan darling.
Bagkus sa akin ay meron siyang inamin
Tinanong din kung meron tayong Vaseline
Kako’y doon sa banyo’y kanyang kuhanin.”
“Vaseline? Saan niya ‘yon gagamitin?”
“Darling… Siya daw kasi ay isang bading
At para tayo’y hindi niya patayin
Pagbigyan mo siya sa balak niyang gawin.”
Ang Talong Ni Father
Heto pong si Father ay mayroong hardin
At talong ang noo’y doon nakatanim
Isang araw nang mga bunga’y aanihin
Biglaang mga bisita’y nagsidating.
Naroo’y si lola Basyang, isang biyuda
Kasama’y si Luring, matandang dalaga
At nang mga talong kanilang nakita
Biglaang nanlaki kanilang mga mata.
“Ang talong po ba ninyo’y puwedeng hawakan?”
Ang tanong kay Father nitong lola Basyang.
“Basta ba paghawak mo’y hinay-hinay lang.”
Ang wika ng pari bilang katugunan.
“Ah father …” Wika naman ni aling Luring.
“Ang talong po ninyo’y kay sarap himasin.
Mahaba’t kay kinis ang sarap kagatin.”
Ani father, “Inyo po munang lutuin.”
“Naku… naku kayo po eh sobrang pilya.
Kung talong ko’y gusto n’yo, sige dampot na.”
“Ay thank you po! Ang bait mo father talaga.”
Ang sabay na sabi ng soltera’t biyuda
“Oh bakit po tatlo ang inyong kinuha
Gayong kayo naman po eh dadalawa?”
At ang kasagutan ng biyuda’t soltera –
“Eh uulamin po namin itong isa.”
Sorry Honey!
“Honey! Sira na yata ang electric fan.”
Ang wika ng kanyang misis kay mang Teban.
“Pakisuyo nga, pwede bang iyong tignan?”
“Sorry darling! I am not an electrician!”
Tila nagulat sa sagot na nadinig,
Napabuntong-hininga kawawang misis,
Tiniis na lamang ang matinding init,
At siya’y nagpatuloy sa paglilinis.
At nang dumating pang-display na inorder…
“O pakipako na lang nito sa pader.”
At ang sagot ni mang Teban kay kumander,
“Sorry darling! But I am not a carpenter!”
At pagkatapos, si mang Teba’y nagbihis,
Pasipol-sipol pa nang ito’y umalis,
Iniwan ang asawang inis na inis,
Hating-gabi na nang siya ay bumalik.
Nang ang pintua’y binuksan ni mang Teban,
Siya’y nagulat sa eksenang dinatnan –
Umaandar na ang sirang electric fan…
Si misis – display sa pader, minamasdan.
“Wow! Fixed na pala ang mga problema mo.”
“Yes!” Sagot kay mang Teban ng misis nito.
“Pag-alis mo… may dumaang estranghero,
Pumayag naman siyang tulungan ako.”
“Ngunit ang loko’y may hininging kapalit
Magbake ako ng cake o – kami’y magtalik.”
“Aba, oportunista pala ang lintik.”
Wika ni mang Tebang, halatang naiinis.
“Kaya’t pinagbigyan ko na’t sobrang kulit.”
“Ha? You mean ipinag-bake mo siya ng cake?
Sumagot ang misis, parang kinikilig –
“Sorry honey! I’m not a baker. I shouldn’t bake.”
