Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 3C
Chapter 3C
“Sa Balumbong Ng Kawalang -katiyakan”
At biglang naging seryoso nanaman si Jasmine. “Binubuhay ng mga lalaking Sutsot ang kanilang mga biktima hanggang sa maisilang ang kanilang mga anak,” sabi niya. Isang panginginig ang dumaan sa kanya, halos hindi mapansin sa gitna ng malamig na hangin. “Kung gusto nila ang babae, pananatilihin nila itong humihinga hangga’t nabibigyan sila ng anak.”
Tumagilid ang balsa nang tamaan nanaman ng isang malaking alon.
“Ang mga babaeng Sutsot naman,” patuloy ni Jasmine, halos pabulong na ang tono, “ay pumipili ng mga magagandang dalaga para pasukin.” Tumigil siya, tila bumara ang salitang maganda sa kanyang lalamunan. “Tinutukso nila ang mga lalaki para magpabuntis.”
May sasabihin pa sana siya. Naudlot ito ng biglang humihip ang malakas na hangin. Ang tanging naririnig namin ay ang tunog ng tubig na humahampas sa balsa—at ang isang malayong hagulgol, tila boses ng tao, na tumataas at bumababa kasabay ng mga alon.
At nang muli siyang magsalita sinabi niyang, “Hindi aabot ng siyam na buwan bago iluwal ang sanggol na Sutsot. Ilang araw lang ay lalabas na sila a sinapupunan.”
“Grabe!” Ang sabi ni Daniel, halatang hindi makapaniwal. “Ganoon ba sila kabilis isilang? Ilang araw lang?”
Masyado kaming nakatutok sa mga sinasabi ni Jasmine kaya hindi namin napansing tumigil na pala sa paggamit ng kawayang tikin si Tomas ngunit patuloy pa rin ang balsa patungo sa direksyon ng liwanag na nakita namin kanina.
Napailing si Daniel, pilit na tumatawa. “Tomas, mukhang napindot mo ang autopilot ng balsa ah.”
“Tingin ko ay ang agos ang nagpapatakbo sa atin,” sabi ni Jasmine.
Alam kung hindi agos. Lumaki akong nangingisda kasama ang mga tiyuhin ko, alam ko ang ritmo ng dagat—iba ito. Hindi kami hinahatak ng tubig; ginagabayan kami nito. Merong kung anong hindi nakikitang puwersa ang nagpapatakbo sa balsa.
Ibinaba ni Tomas ang kawayan. Nagtipon-tipon kami sa gitna, habang patuloy si Jasmine sa pagkwento tungkol sa mga demonyong nananahan sa Isla Miedo.
Nang umalis kami sa breakwater, nagduda ako kung anong tulong ang maibibigay ni Jasmine. Pero ngayon, habang nakikinig sa kanya, napagtanto ko na siya na lang ang tanging pag-asa namin—ang tanging tsansa namin na mahanap si Eve at makabalik nang buhay.
“Makinig kayo.” Mababa ang boses pero matalim. “Nakaamoy sila ng takot. Gustong-gusto nila ‘yun—mas madaling itaboy ang kaluluwa kapag natatakot ang biktima. Kaya magpakatatag kayo. Tibayan niyo ang loob niyo pagdating natin sa isla. At kapag may narinig kayong paswit… anuman ang mangyari, huwag kayong lilingon.”
“Siya nga pala.”
“Ano nanaman iyon Jasmine?” Ang tanong ko.
“Tinatawag din naming silang ‘mimics’ o manggagaya. Tandaan ninyo ito dahil ang kaligtasan niyo sa isla ay nakadepende sa pag-intindi sa mga halimaw na ito.”
“Diyos ko, Jasmine, hindi mo pa ba kami tapos takutin?” bulong ni Daniel.
“Kung kayo’y hindi lumingon kapag sumusutsot sila, hindi sila hihinto roon,” babala ni Jasmine.
“Ang susunod nilang gagawin ay manggaya ng tunog—iyak ng hayop, o boses ng taong kilala niyo… o mahal ninyo. Iiisipin niyong sila ‘yun,” patuloy niya, mabagal ang bawat salita, “pero hindi. Ang gusto lang nila ay lumingon kayo—para manakaw nila ang katawan niyo.”
Tumigil siya, naniningkit ang mga mata. “Sa sandaling lumingon kayo, bilang na ang mga segundo ninyo… hindi minute… hindi oras…. hindi araw… segundo lang.”
Patuloy pa rin sa pag-ilingiling si Daniel.
“Hindi lang ‘yun—kaya nilang manggaya ng hayop, at ang iba sa kanila ay kaya ring magbago ng anyo para maging kamukha ng kahit sinong kilala niyo. Gaya ngayon… sigurado ba kayong siya ang totoong Daniel?” tumuro ni Jasmine kay Daniel.
“Ano ba ‘tong pinasok natin?!” Ang halos mangiyak-ngiyak na wika ni Daniel. Mahirap sabihin kung nagtatanong ba isya o naglalabas lang ng sama ng loob.
“Shut up, Daniel. Lumangoy ka na lang pabalik kung saan tayo nanggaling,” sabi ko sa kanya.
“O mas mabuti pa, manatili ka na lang dito sa balsa mamaya at bantayan mo ‘to habang hinahanap namin Eve kami,” mungkahi ni Tomas.
Hindi na muling makapagsalita. Yumuko na laman siya, hindi kumikibo.
“Posible palang pasukin nila ang katawan ng tao—o kaya naman ay kopyahin lang ito. Gaya ng mga doppelganger,” sabi ko.
“Tama!” Ang wika ni Jasmine. “At tandaan niyo ito… ang mga Sutsot ay nanggagaling sa likuran. Lalapit sila at bubulong sa tainga niyo, pero hindi nila kayo masasaktan hangga’t hindi kayo lilingon.”
Sa malayo, isang ibon ang humuni—isang kakaiba at nakakapangilabot na huni na muling nagpatayo sa mga balahibo ko sa katawan. Napaigtad si Daniel nang marinig iyon.
Nagpatuloy si Jasmine. “Kung lumitaw man sila sa harapan ninyo, pumikit lang kayo. Huwag na huwag kayong magmumulat ng mata hangga’t hindi kayo nakakakatiyak na wala na sa harapan ninyo ang Sutsot.”
Kinuyom ni Jasmine ang isang kamao at tinapik sa balikat si Daniel. “Kailangan niyong lumaban kahit anong mangyari. At kung may armas kayo, gamitin niyo. Hatawin niyo sila ng kahit anong makakasakit.”
Matindi ang labang haharapin namin. Mga demonyo ang kalaban namin.
“Kapag ang mga Sutsot ay nasa loob na ng katawan,” sabi ni Jasmine, halos lunurin ng hangin ang kanyang boses, “doon na sila pwedeng manakit—o pumatay. At wala na kayong ligtas.”
Sinalpok nanaman ng malakas na alon ang balsa. Tumilansik nanaman sa amin ang tubig-dagat. Nalalasahan ko na ang tubig-alat sa labi ko.
“Pero huwag kayong matakot lumaban,” patuloy niya, nakahawak sa poste ng gasera para hindi matumba. “Hindi sila invincible. Puwede silang mamatay. At ang mga demonyong iyan ay takot mamatay. Sabi nga nila sa English, If they bleed, they can die.”
Ang huling sinabi ni Jasmine ay tila nagbigay ito ng lakas-loob sa akin.
Isang kidlat ang gumuhit sa kalangitan.
“Kaya minsan ay nag-aalinlangan silang sumalakay kapag may suot na silang katawan ng tao,” bulong ni Jasmine. “Alam nilang delikado rin sila.” Hinaplos niya ang talim ng kanyang kutsilyo. “Nararamdaman nila kapag may armas na malapit—isang armas na pwedeng tumapos sa kanila.”
Ang malaman na hindi sila imortal ay nagbigay ng munting pag-asa sa akin. Siguro ay may laban kami. “May baril si Tomas na may mga balang pwedeng makasakit sa kanila, at may patalim si Jasmine na binasbasan.
“Bakit ang dami mong alam tungkol sa mga demonyong iyon?” usisa ko, nakakamangha na sa kabila ng lahat ng alam niya ay pinili niya pa ring sumama.
Ilang sandali rin ang lumipas baog sumagot shindi sumagot. “Malalaman ninyo sa tamang panahon.”
Marami pa rin ang tanong. Anong ginagawa nina Marco at ng kanyang ama? Kanino sasabihin ang desisyon isusumbong ni Mang Fidel ang desisyon ni Jasmine?
Sa ngayon, tanging ang mga sinasabi lang ni Jasmine ang pwede naming panghawakan.
Ang balsang sinasakyan namin ay patuloy na tinatangay ng agos. Matapos lahat ng mga sinabi ni Jasmine ay binalot kami ng katahimikan at marahil kakambal nito ang agam-agam tungkol sa kung ano ang kahihinatnan ng pagpunta namin sa Isla Miedo. At kahit na nga marami nang sinabi si Jasmine tungkol sa halimaw na naghihintay sa amin doon ay marami pa ring katanungan ang naghihintay ng kasagutan unang-una na ay kung ano na nangyari kay Eve.
*****
Biglang may kumaskas sa ilalim ng balsa at huminto ito. Dahan-dahang tumayo si Tomas. Halos sabay kami ni Jasmine na tumayo rin. Iniabot ko kay Daniel ang aking kamay at tinulungan ko siyang tumayo.
Unti-unting nasanay ang mga mata ko sa dilim, at nakita ko ang anino ng isang dalampasigan. Tiningnan ko ang oras—hatinggabi na. Nakatayo lamang kami, nag-oobserba.
“Tingin ko ay nasa isla na tayo. Malalaman natin mamaya kung ito na nga ang Isla Miedo.” Wika ni Jasmine.
“Paano natin malalaman kung ito na nga ang Isla Miedo?” tanong ni Daniel.
“Maghintay ka lang, cowboy,” Sagot ni Jasmine.
Unang bumaba si Tomas patungo sa buhanginan.
“Tara na.” Senyas ko sa kanila.
“Teka, dalhin natin ang mga gasera,” sabi ni Jasmine. Kumuha ako ng dalawa at ibinigay ang isa kay Tomas.
Sabi ni Daniel, “Gagamitin ko na lang ‘yung flashlight sa phone ko.”
“Tipirin muna natin ang battery ng mga phones natin. Heto muna gamitin mo.” Iniabot ko kay Daniel ang gasera at kinuha ko pa ang isa.
Bawat isa sa amin ay may dalang gasera nang kami’y tumapak sa buhanginan. Pinagtulungan naming hilahin ang balsa palayo sa tubig para masiguradong hindi ito matangay ng alon papunta sa laot. Itinali ko ang lubid sa isang matulis na bato.
Naupo kami sa buhanginan. Ipinatong ko ang gasera sa tabi ko. Sa liwanag nito, nakita ko kung gaano kaputi at kapino ang buhangin.
“Sana mahanap na natin si Eve agad,” bulong ni Tomas.
“Brod, kung nandidito nga si Eve, ibig sabihin nasa Isla Miedo tayo, at nasa panganib tayo.”
Nakakainis kung tutuusin ang mga sinabi ni Daniel, pero pinalampas ko na lang.
Sa mga unang sandali na kami’y nakaupo, ang tanging naririnig namin ay ang mahinang hampas ng maliliit na alon. Pagkatapos ay ang huni ng mga kuliglig, ang huni ng kuwago, at sa malayo ay mga tahol at alulong ng aso o lobo.
May gubat sa malapit.
Ang mga tunog ay pamilyar, ibinabalik ako sa mga gabing natulog ako sa bahay ng lola ko sa paanan ng bundok. Ang huni ng mga paniki ay nagpaalala sa akin sa mga kwento niya tungkol sa mga mangangaso sa gabi na kumukuha ng mga batang ayaw matulog. At ang paniki naman daw ay malaki at mabangis na umaaligid sa mga bubong, inaamoy ang hininga ng mga batang gising at sila’y dudukutin mala sa bintana upang kainin.
Pagkatapos, mula sa kung saan, isang malalim at dumadagundong na atungal ang narinig—GRRROOOOOAAARRR!!!
Napatayo si Daniel. “Diyos ko! Ano ‘yun?”, ang nahihintakutang wika niya.
Nanatiling kalmado si Jasmine, halos hindi gumagalaw habang pinagmamasdan ang paligid.
Halos kahalintulad ng atungal na iyon na iyon ang atungal ng isang lalaking leon na nagpapa-alaala sa mga karibal nito kung kanino ang teritoryong kinalalalagyan nila.
GRRROOOOOAAARRR!!!
May sumagot sa naunang atungal. Kung ang naunang ungol ay malalim at dumadagundong, ang pangalawa’y mas matalim at mas mataas na ungol. Ganoon halos ang ungol ng isang babaeng leon na pinoproteksyonan ang mga anak nito.
Sinundan ito ng marami pang ungol at alulong. Tumayo yata lahat ng balahibo ko sa katawan. Bawat ugat ko ay nagising sa kakaibang koro ng mga hindi namin nakikitang nilalang.
Natitiyak kong hindi galing sa mga tao ang mga ingay na iyon at hindi rin galing sa mga ordinaryong hayop. Ang mga tunog ay parang baka o kalabaw na kinakatay. Wala pa akong narinig na ganoon sa buong buhay ko.
“Sutsot!” Ang halos pabulong na sabi ni Jasmine. “Ang mga alulong at ungol na ‘yan ay mula sa mga body snatchers. Ngayon masasabi ko na nang sigurado—nasa Isla Miedo na talaga tayo.”
Huminga siya nang malalim. “Welcome, my friends.”
Hindi mapakali si Daniel. Hindi niya alam kung sisiksik ba siya sa gitna namin ni Tomas o magtatago sa likod ko.
“Malamang ay naamoy na nila ang takot natin. Darating na sila rito. Alam nilang nagdala na naman si Kharon ng pagkain at laruan para sa kanila,” sabi ni Jasmine. “Handa na kayo. Mga ginoo, kung naniniwala kayong may Diyos, magdasal na kayo.”
Hindi man ako relihiyoso, nagdarasal ako bago matulog. Pero ngayong gabi, ramdam ko ang matinding pangangailangan na gawin ito. Ipinikit ko ang aking mga mata at bumulong ng pagsamo—para sa tulong, para sa lakas, para sa awa.
Aamining kong ang mga ungol at atungal naririnig ko eh pinabibilis ang tibok ng aking puso. Nanlalamig ang aking mga talampakan. Pero iisang pangalan lang ang nasa isip ko: Eve. Kailangan ko siyang mahanap. Kailangan kong maging matapang para sa kanya.
“Kailangan na nating hanapin ang kapatid ko at ang mga kaibigan niya,” mahinang sabi ni Tomas. “Pasensya na at nadamay pa kayo rito.”
Tinapik ko ang balikat niya. Wala nang kailangang sabihin pa.
Naunang lumakad si Tomas, ang baril niya ay nakahanda sa kanyang balakang. Si Daniel ay pabalik-balik sa gitna namin. Ang paa ko ay may natisod na isang sanga sa buhangin—isang sangang puti na sa katandaan. Kinuha ko ito at itinatarak sa lupa. Matibay. Parang baseball bat ang bigat. Pwede na. Isang pansamantalang pamalo—sapat na para basagin ang bungo ng isang demonyo.
“Sa likod na lang ako,” sabi ni Jasmine.
“Huwag!” Wika ko.“ Dito ka sa gitna namin, dumikit ka kay Daniel.”
“Ayos lang ako rito,” giit niya. Kalmado ang boses niya, pero ang mga mata niya ay hindi humihinto sa pagmamasid sa dilim.
Nang akmang sisimulan na namin ang paglakad ay biglang humihip ang hangin. May tunog akong narinig. Hindi ko tiyak kung may pumaswit o tunog iyong galing sa isang insekto. Narinig din nila iyon. Nagkatinginan kami.
Binunot ni Tomas ang baril sa kanyang baywang. Ikinasa ito.
Ibinaba ko ang ang aking bitbit na gasera at hinawakan ko ng dalawang kamay ang sanga ng kaho na pinulot ko.
Nakahanda na rin ang dala ni Jasmine na patalim.
Si Daniel ay kuyom ang mga palad. Handang makipagsuntukan.
Inabangan namin ang susunod na mangyayari. Halos dalawang minuto kaming nag-aabang.
False alarm!
At nagsimula na kaming humakbang pasulong sa kadiliman ng Isla Miedo.
Posted on August 12, 2018, in Creative Writing, Fiction, Horror, Kwentong Kababalaghan at Katatakutan, Maikling Nobela and tagged Creative writing, Fiction, Horror, Kwentong Kababalaghan at Katatakutan, Maikling Nobela. Bookmark the permalink. 1 Comment.




Pingback: Lingon – MUKHANG "POET"