Category Archives: Horror Stories
Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 3B
Posted by M.A.D. LIGAYA
Hinablot ni Tomas ang kawayang tikin at ibinaon sa madilim na tubig. Pinatakbo niya ang balsa sa pamamagitan ng malalakas na sikad. Mababaw na pala ang bahaging iyong ng dagat. Lampas lang ng kaunti sa kalahati ng tikin ang lumulubog sa tubig kapag ito’y ginagamit ni Tomas. Napaisip ako kung kawayan lang ba talaga ang nagpapatakbo sa amin o may tulong ng agos.
Ang tubig sa paligid ng balsa ay nanatili namanng payapa, sumasalamin sa tahimik na tensyon ng gabi. Kabaligtaran ito ng kaguluhang namumuo sa kalooban ko’t isipan dahil batid kong ang pagpunta namin sa Isla Miedo ay parang pag-gapang sa balag ng kawalang-katiyakan.
Habang nagpapatuloy kami, isang malamig na kilabot ang gumapang sa aking mga braso at leeg. Naalala ko na naman ang mga kwentong kababalaghan sa campus namin. Noong panahon na iyon, hindi ako naniniwala. Pero nang ikwento ng isa sa mga paborito kong propesor—isang taong rasyonal at matino ang kaiisipan—ang kanyang karanasan, nagsimula akong mag-isip.
Ikinuwento niya ang tungkol sa doppelganger—isang kapwa propesor niya na nakita niyang naglalakad sa dalawang magkaibang palapag sa iisang oras. Ikinuwento rin niya ang pagbisita sa burol ng tatay ng isang estudyante, at pagkalipas ng isang linggo, nakita niya ang multo ng ama ng naturang estudyante na nakatayo sa sulok ng classroom. Animo’y Pinapanood nito ang powerpoint presentation ng kanyang anak.
Naalala ko tuloy ang paniniwala na ang kaluluwa daw ng tao ay gumagala ng apatnapung araw bago tuluyang tumuloy sa kabilang buhay. Ang mga kwentong ito ay nagpapatayo ng balahibo ko, katulad ng naramdaman ko nang lumitaw ang balsa ni Kharon.
Minsan tinanong ko ang propesor kong iyon kung bakit bigla na lang akong kinikilabutan sa gabi o sa mga madidilim na lugar kahit walang nagbabanggit ng multo. “Sabi niya, kahit hindi nakakakita ang mata, ang katawan ay nagreresponde sa paligid. Ang tao raw ay may sixth sense—isang likas na pakiramdam sa enerhiya ng paligid. Ang katawan natin ay parang instrumento na may kakayahang maramdaman ang presensya o madinig ang mga boses mula sa kabilang mundo.”
“Naniniwala ba kayo sa multo, demonyo, o halimaw?” tanong ni Jasmine.
Tumango lang sina Tomas at Daniel. Siguradong naaalala rin nila ang mga kwentong katatakutan sa aming paaralan.
“Hindi pa ako nakakakita ng masamang espiritu,” sabi ko, “pero naniniwala akong totoo sila.”
Dagdag ni Daniel, “Naniniwala akong totoo ang mga multo, pero hindi sila nananakit. Sabi ng lolo ko, mga ligaw na kaluluwa lang sila sa purgatoryo na nangangailangan ng dasal.”
“Sana nga ay multo lang ang nasa islang iyan. Pero hindi. May mga masasamang halimaw na naghihintay sa atin doon.” Ang wika ni Jasmine, kasunod ng isang buntung-hininga.
Sasabihin ko sana na naniniwala ako sa multo—pero ang mga halimaw at demonyo ay parang kwentong-bayan lang para sa akin. Pero ang tono ni Jasmine ay parang pinapatotohanan niyang meron.Na nakita na siya ng mga ito.
Huminto muna si Tomas sa pagsikad ng balsa. Inilapag niya sa sahig ang kawayang tikin. “Sabi mo kanina, mababangis sila,” bulong niya.
Tumango si Jasmine.
“Anong klaseng nilalang ang nasa islang iyan? Mga bampira ba at aswang, o iba pa?” Ang tanong ko.
“Mga demonyo sila,” sabi ni Jasmine. “Itinapon sila ni Lucifer mula sa impiyerno dahil ayaw nilang yumuko sa kanya.”
Napataas ang kamay ni Daniel. “Wow… talaga? Sa mga kwento, si Lucifer ang pinalayas sa langit dahil sa pagsuway sa Diyos Ama. Ibig mong sabihin, may sumuway din kay Lucifer sa impiyerno? May mas matigas pa ang ulo kaysa sa kanya?”
Tumango si Jasmine. “Isang pangkat ng mga demonyo ang humamon kay Lucifer. Natalo sila.”
“Kaya pinalayas sila sa impiyerno,” patuloy ni Daniel. “At sa dinami-rami ng lugar, bakit sa islang pupuntahan natin sila itinapon ni Lucifer?”
“Sige, Daniel, kapag nakita ko si Lucifer, itatanong ko sa kanya kung bakit ang Isla Miedo ang ginawa niyang tambakan ng mga demonyong matitigas ang ulo,” biro ko para sana pagaanin ang nagiging seryosong usapan.
“Sutsot ang tawag sa mga demonyong iyon,” ani Jasmine.
“Sutsot? Bakit tinawag silang Sutsot?” Ang paguusisa ko.
“Ganoon ang tawag sa kanila dahil sinusutsotan o pinapaswitan nila mula sa likuran ang mga biktima nila para makuha ang kanilang atensyon.” Tumigil siya sandali.
Tahimik lamang kaming tatlo. Marami akong tanong pero ayaw kong putulin ang pagkukwento ni Jasmine tungkol sa mga halimaw ng Isla Miedo.
“Sa sandaling lumingon ang kanilang napiling biktima, papasok sila sa katawan nito sa pamamagitan ng kanilang mga mata.”
“Ibig sabihin, hindi sila makakasanib hangga’t walang eye contact?” tanong ko.
“Ang alam ko, kayang pumasok ng demonyo sa kahit anong paraan. Gaya lang ng mga nasa pelikula,” sabat ni Daniel na tila hindi makapaniwala.
“Totoo ‘yan,” tugon ni Jasmine habang tinatangay ng hangin ang kanyang basang buhok. “Pero ang mga pumapasok nang hindi dumaan sa mata ay kailangang makibahagi sa katawan kasama ang orihinal na kaluluwa—hindi nila ito lubos na makokontrol ang katawan ng biktima. Hindi nila ito makakain.”
Umingit ang balsa. Isang alon ang humampas dito, tumalsik ang tubig-alat sa mga mukha namin.
Iba ang mga Sutsot,” sabi ni Jasmine, halos malunod ang boses sa ingay ng dagat. “Ninanakaw nila ang katawan at itinutulak nila ang kaluluwa nito palabas. Kaya sila tinawag na body snatchers. Kapag nasa loob na sila, magagawa nila ang lahat ng gusto nila sa laman… kabilang ang pagkain dito.”
Napanganga si Daniel. “Ha… kinakain nila ang katawan ng tao?”
Tumango si Jasmine, ang mga mata niya’y nakapako sa madilim na alon. “Hindi gutom ang nagtutulak sa kanila. Kundi ang matinding galit sa mga tao, na tingin nila ay mas minahal ng Diyos kaysa sa mga anghel.”
“Hindi ako maniniwalang mas mahal tayo ng Diyos kaysa sa mga demonyong ‘yan,” hirit ni Daniel.
“Pwede ba, tumahimik ka at making na lang,” Ang pakiusap ko kay Daniel. “Sabi mo walang possession kapag walang eye contact?”
Tumango si Jasmine. Huminga siya nang malalim habang ang liwanag ng gasera ay gumagalaw sa kanyang mukha.
“Hindi nila maagaw katawan mo hangga’t hindi ka lumilingon,” sabi niya. “Ang mga mata ang bintana—kapag lumalabas ang kaluluwa, doon ito dumadaan.”
Tumigil na naman siya panandalian bago muling nagsalita.
“Iyon ang hinihintay ng mga Sutsot. Ang kaunting lamat sa konsentrasyon mo. Isang sulyap lang sa likuran, iyon lang ang kailangan nila.”
Patuloy lang sa pagsasalaysay si Jasmine sa mga nalalaman niya tungkol sa mga Sutsot.
“Ang mga lilingon,” ang dagdag niya “ay hindi na mabubuhay para i-kwento kung ano ang nangyari. Mas gusto ng mga Sutsot kapag lumilingon ang biktima. Doon sila pumapasok—nang walang sagabal.”
Saglit na huminto si Jasmine. Pumikit. Siguro may naalaala siya may damdaming napukaw habang siya ay nagkukwento. Marahil ay kaugnay ito sa sinabi niyang ang pagsama niya sa amin sa isla, bukod sa gusto niyang tumulong sa paghahanap kay Eve, ay may personal na kadahilanan.
Nang idilat niya ang kanyang mga mata, ay nagpatuloy siya ng ng pagpapaliwanag sa amin. Kaming tatlo’y parang mga estudyante at si Jasmine ang aming guro.
“Kapag lumitaw sila sa harapan niyo, ipikit niyo ang mga mata niyo—nang mahigpit. Hindi sila makakapasok sa ganoong paraan. Magiging pagkain lang kayo kung sila’y magtatagumpay na alisin ang kaluluwa ninyo sa inyong katawan. Labanan niyo sila, kahit nakapikit pa kayo. Hatawin ninyo sila ng kahit anong pwedeng makasakit.”
“Madali palang biktimahin ang mga taong hindi alam kung paano kumilos ang mga demonyong ito,” ang dagdag ko sa mga pahayag ni Jasmine.
Tumango si Jasmine, lalong naging seryoso ang mukha. “Ang mga Sutsot ay parang mga madidilim na ulap na hugis-tao. Kapag nakapasok na sila sa mga mata niyo, itutulak nila ang kaluluwa palabas ng inyong katawan. Ayaw nilang may kahati sa loob. Kapag nagtagumpay sila, gagawin nila ang kahit anong gusto nila sa katawan ninyo.”
Napapailing ako. Ang mga kakilakilabot na mga sinasabi ni Jasmine ay nagbuhol-buhol sa isip ko, hindi ko alam kung maniniwala ba ako o itataboy ang mga ito.
“Pwede niyo silang labanan, pero ang inyong panalo ay nakadepende sa inyong pananampalataya—kung gaano ito katatag, kung gaano kayo nagtitiwala sa Diyos. Ang iba ay mabilis sumuko. Ang iba ay lumalaban nang patayan. Hindi laging nananalo ang mga body snatchers.”
“Pwede ba silang mapalayas sa pamamagitan ng exorcism?” tanong ni Tomas.
Umiling si Jasmine. “Walang epekto ang exorcism sa kanila. Kapag naagaw na nila ang katawan mo eh katapusan mo na.”
“Grabe… lahat ng ito ay parang kalokohan lang,” bulong ni Daniel.
“Maniwala ka o hindi, nasa sa iyo ‘yan,” matalim na sagot ni Jasmine.
Sinubukan kong pagaanin ang seryosong pag-uusap. “Paano kung mag-sunglasses ako?”
“Willy,” ang nangingiting sagot niya, “tumatagos ang tingin nila sa sunglasses. Hangga’t nakadilat ang mata mo, may sunglasses man o wala, mahahanap nila ‘yan. Nararamdaman nila ang init ng kaluluwa mo na nananahan sa likod ng iyong mga mata. Iyon ang humihila sa kanila.”
Parang ayaw ko nang paniwalaan ang mga sinasabi niya. Pero sa mga nasaksihan ko’t naranasan ngayong gabi eh napakahirap balewalain ang lahat ng iyon.
Naalala ko ang madalas sabihin ng mga madasalin—na kung may gustong gawin si Lucifer at ang mga demonyo, iyon ay ang subukan at sirain ang pananampalataya ng tao sa Panginoon. Gustong-gusto nilang sinusubok ang katatagan natin. Binibiktima nila ang mga may mahinang paniniwala dahil alam nilang mas madali silang makuha.
Ang kawalan ng pananampalataya ay nagbubukas ng pinto sa takot.
Nakunot ang noo ni Daniel. “Sabihin na nating totoo ang lahat ng mga sinasabi mo, ano ang susunod na mangyayari kapag naagaw na ng mga Sutsot ang katawan ng isang tao?”
“Bago nila ito kainin, kailangan muna nilang angkinin ang katawan. Kakainin muna nila ang mga mata ng biktima para hindi na makabalik ang kaluluwang itinaboy nila. Pagkatapos, sisimulan na nilang kainin ang mga lamang-loob, ang laman—unti-unti habang nasa loob sila.”
Patuloy ang pag-iling ni Daniel. Parang gustong na niyang takpan ang kanyang mga tainga nang huwag marinig ang mga sinasabi ni Jasmine.
“Ang puso at utak ang huli. Hangga’t gumagana ang dalawang ‘yan, gagalaw ang katawan. Kaya nilang patakbuhin ang katawan inaagaw nila kahit puso at utak na lang ang natitira.”
Walang bakas ng takot sa mukha ni Jasmine habang sinasabi ang lahat ng iyon.
“Kung hindi balak ng isang Sutsot na manatili nang matagal, mabilis nitong kakainin ang alin mang bahagi ng katawan mo. Pagkatapos ay lulunukin nila ng buo ang puso mo at utak. Babasagin nila ang bungo ng biktima nila para doon sila lumabas.
Kung tutuusin ay nakakapanikip ng dibdib ang mga sinasabi ni Jasmine.. Sana ay nagiimbento lang siya ng kuwento. Sana ay script lang ng isang horror movie ang kanyang mga sinabi. Pero bakit siya mag-iimbento ng ganito kalaking kasinungalingan?
“Ang ibang mga Sutsot ay mga lamang-loob lang ang kinakain,” ani Jasmine. “Pero mata ang paborito nilang parte ng katawan.”
Parang gusto ng masuka ni Daniel. Pinipigil lang niya.
“Madalas na hindi sila nagtatagal sa isang katawan. Pero kung gusto sila ang ninakaw nilang katawan, mata lang ang kakainin nila at pagkatapos ay mananatili sila sa katawang iyon ng ilang araw o mas matagal pa.”
Hindi ko maiwasang magtaka kung paano niya nagagawang magsalita nang ganoon kakalma tungkol sa mga halimaw na Sutsot pero ginusto pa rin niyang sumama sa amin sa isla. Parang wala siyang takot.
“Gayunpaman, ang pinakamapanganib at pinakamatatalino sa kanila ay iyong mga hindi kumakain ng anumang bahagi ng katawang ninanakaw nila.”
Tumigil si Jasmine, tila pinapakiramdaman kung humihinga pa ba kami at nakikinig.
“Anong gagawin nila sa katawan kung hindi nila kakainin?” tanong ni Tomas.
“Ang ganitong uri ng Sutsot,” sabi ni Jasmine, “ay maaaring bumalik sa pamilya ng biktima, magpanggap na sila ang taong ninakawan ng katawan, at mamuhay kasama nila. Tahimik silang maghahanap ng ibang biktima para kainin habang suot ang katawang inagaw nila. Hindi sapat ang mga biktimang dinadala ni Kharon sa isla para ipakain sa kanila—kaya gagawin nila ang lahat para makaalis sa islang iyon.”
Isang nakapanghihilakbot na kaisipan ang pumasok sa isip ko—paano kung nakuha na si Eve? Paano kung ang taong hinahanap namin ay hindi na siya, kundi isang nilalang na suot lang ang kanyang mukha?
“Anong mangyayari sa pamilya ng taong napasukan nila?” tanong ni Tomas.
“Bihira nilang saktan ang mga ito,” sagot ni Jasmine. “Kailangan nila ang tiwala ng pamilya—isang tahanan, isang kanlungang magtatago ng kanilang kasamaan. Napakatuso ng mga demonyong ito. Kaya nilang paniwalain ang kahit sino na ang nilalang na nasa harap nila ay ang totoong mayari ng katawan.”
At may sinabi siya na mas nakakatakot. “Kayang gamitin ng mga Sutsot ang mga katawang ninakaw nila para magparami. Sila iyong pinakamapanganib—at pinakamatatalino—sa lahat. Kaya madalang nilang patayin ang mga magagandang lalaki at babaeng nakukuha nila, kahit pa nagugutom na sila.”
“Diyos ko!” bulalas ni Daniel.
Sa unang pagkakataon na narinig kong binanggit ni Daniel ang pangalan ng Panginoon nang may ganoong katindi na emosyon.
“Karaniwang pipiliin ng mga Sutsots ang mga biktimang kapareho ng kanilang kasarian, at napakagaling nilang pasunurin ang sinomang gusto nilang biktimahin. Magaling silang manukso at magpaikot para masunod ang kanilang mga utos.”
Tumigil si Jasmine. Tumingin sa akin si Daniel, may nakakalokong ngiti. “O sige, Willy, sabihin mo na.”
“Ang alin?” tanong ko, nag-aalangan.
“Na hindi ko kailangang mag-alala. Walang lalaking Sutsot ang gagamit sa katawan ko para sa layuning ‘yan, at walang babaeng Sutsot ang susubok na tuksuhin ako.”
Nagkibit-balikat ako, tinapik nang bahagya si Daniel sa dibdib. Mahirap nang magbiro sa ganitong sitwasyon. Ang tanging nasa isip ko matapos ang mga rebelasyon ni Jasmine ay ang kaligtasan ni Eve.



