Hindi Nga Ba Ukol? (3)
(3rd of 7 parts)
Tama ang hula ko. Iyon nga ang itatanong ni Kath.
“O bakit kumukunot ang noo mo… nagagalit ka?”
“Hindi ah.” Ang sagot ko sa kanya.
“Sagutin mo… may kilala ka bang Mayette?”
Tumango ako.
Alam ko namang hindi maikakaila kay Kath ang kuwento namin ni Mayette. Ilang buwan ding nakasama ko sa trabaho si Kath at marami siyang naging kaybigan doon. Makakarating at makakarating sa kanya ang nangyari sa amin ni Mayette.
“Kaylangan ko pa bang ikuwento sa iyo?”
Ngumisi si Kath at sinabing…
“I think hindi na. Alam ko ang lahat nang nangyari. Detalyado… mula sa pagkakahuli sa inyo ni Anna sa apartment ni Mayette hanggang sa kinaylangan kang itapon diyan sa South Korea ng mama at tito mo. Gusto ko lang na aminin mo sa akin.”
Hindi muna ako sumagot.
“Tama ba Marco? Puwersahan kang dinala sa Korea para makaiwas ka kay Mayette.”
Tumango na lang ako. At pagkataos ay…
“Natatandaan mo pa iyong huling pagkikita natin noon? Noong may problema kayo ni Jay?”
“Oo nga, napagusapan natin kanina di ba? Bakit?”
“Sasabihin ko na sana sa iyo noong ang tungkol sa amin ni Mayette… sasabihin ko rin sana noon sa iyo na pupunta ako ng Korea dahil sa problemang iyon.”
“Grabe ka Marco. Ang likot mo kasi sa aparato. Lahat ba kami na naging intern mo eh…”
“Oo na… oo na…” Hindi ko na hinihintay kung ano pa sana ang idudugtong ni Kath. “Sige na… masama na akong tao.”
Hindi sumagot si Kath. Aaminin kong medyo napikon ako sa pagkakataong iyon. Hindi ko na lang dinugtungan ang sinabi ko’t baka kasi bigla akong makapagtaas pa ng boses.
Matagal na wala kaming imikan ni Kath.
Pinagmasdan ko siya. Nakatakip ang kamay niya sa kanyang noo.
Ako na ang bumasag sa katahimikang biglang namagitan sa amin.
“Natutulog ka na ba Kath?”
“O sige matulog ka na kung ayaw mo na akong kausapin. O sige na… logout ka na.”
Nabigla ako sa tugon niyang iyon.
“Ano ba! Tinatanong ko lang naman kung natutulog ka na.”
Mula sa pagkakahiga eh muling naupo si Kath.
“Diyan ba Marco sa Korea, may girlfriend ka rin ba? Naka-ilang Koreana ka na?”
Napailing ako sa sinabi niyang iyon.
“Sabihin ko mang wala eh hindi ka naman maniniwala sa akin, di ba.”
“Sana nga wala. Sana eh pagkatapos ng nangyari sa inyo ni Mayette eh natapos na ang pambabae mo.”
Medyo napipikon na talaga ako. Kung alam lang sana ni Kath ang buong pangyayari.
“Kasalanan mo eh.” Aniko.
“Ha… kasalanan ko ang alin?”
“Iniwan mo ako.”
Tumawa ng tumawa si Kath matapos kong sabihin iyon…. tawang pinalutong ng inis.
“That’s ridiculous. Ginusto ko bang ilipat ako ng office. At saka, ano bang meron tayo noon ha? Meron bang tayo noon? Ano bang role ko sa buhay mo noon? Hingahan ng problema. Sumbungan ng mga pagkukulang ni Anna?” Hahalikan kung kaylangan mo ng kahalikan. Ano? Ano ba talaga ako sa iyo noon?”
Si Kath naman ang nagtaas ng boses.
“At natatandaan mo naman siguro ang hindi mo pagsipot noong dapat eh nagkita tayo at dadalawin sana natin ang mama mong nasa hospital. Sabi mo pa may pupuntahan tayo noon. Baka hindi mo alam, pinuntahan ko pa rin noon si mama… I mean ang mama mo. Pinagmukha mo akong tanga noon Marco.”
Parang may sinipa sa may bandang paanan niya si Kath. May narinig akong lagabog.
“Wala akong balak na hindi ka siputin. Ang problema, nang sabihin ko kay Anna na dadalawin ko si mama sa hospital ay sinabi niyang sasama siya. Kaya dinelay ko nang dinelay ang alis namin dahil baka kako puntahan mo pa rin si mama. At ibinulong nga sa akin ni mama noon na muntik na tayong mag-pangabot sa hospital.”
“You never told me that. You never explained. Dapat man lang tumawag ka. Kahit text lang eh okay na. Sana sinabi mo na hoy gaga hindi ako darating.”
Pinakinggan ko lang si Kath. Hinyaan ko siyang ilabas kung ano man ang mga bagay na gusto pa niyang sabihin.
“At ano ba talaga ang dahilan kung bakit ako inilipat noon?” Kagagawan ba iyon ni Anna? Alam ko namang very close sila ng tito mo. May nalaman ba si Anna tungkol sa atin?”
Bumuntong-hininga ako bago sumagot.
“Kath… si mama ang may kagagawan niyon. Ni-request niya sa tito na ilipat ka ng office.”
“What? I can’t believe this. I thought okay kami.”
At dapat ko nang sabihin kay Kath ang matagal ko nang dapat sinabi.
“Alam ni mama ang tungkol sa atin. Alam ni mama ang balak kong gawin noon… and she wanted to protect you. Huwag na huwag ko daw gagawin iyon kung ayaw kong magkagalit kami.”
At sinabi ko nga kay Kath na balak ko nang hiwalayan si Anna noon. Na noong araw mismo na dapat ay magkikita kami at hindi ako sumipot ay noon ko dapat sasabihin sa kanya ang gusto kong mangyari. Balak ko noong mag-book kami ng flight papuntang Cebu para maglagi doon habang inaayos ko ang paghihiwalay namin ni Anna.
Nakita kong tumulo ang mga luha ni Kath habang nakikinig siya sa mga sinasabi ko.
“Ayaw ni mama na mangyari iyon hindi dahil ayaw niya sa iyo. Gustong-gusto ka ni mama. Ayaw niyang mangyari iyon dahil ayaw niyang masira ang buhay mo dahil sa akin.”
“Damn you Marco. Bakit wala kang sinabi sa akin noon. Sa halip after that day na hindi ka sumipot sa usapan natin eh parang unti-unti ka pang nagbago.”
“Because Kath… I felt you rejected me”
“What? Rejected you?
“Natatandaan mo pa ba the day after hindi ako sumipot sa usapan natin? Inabot tayo ng gabi noon sa opisina. Di ba? May tinapos tayong report. Matapos mong iabot sa akin iyong kapeng tinimpla mo eh niyakap kita’t hinalikan.”
“How can I forget that. You never kissed and touched me that way. Natakot ako noon.”
“Gusto kong may mangyari sa atin noon. I wanted us to go all the way. Para mas madali kitang ma-convince na sumama sa akin.”
“At sa palagay mo naman eh papayag ako noon?”
“I know. I felt it. Kaya nga tumigil ako. Noong time na iyon ay talagang desidido na akong hiwalayan si Anna at yayain kitang sumama sa akin kung saan man ako pupunta. Kahit pa itakwil ako ni mama. When I felt na ayaw mo eh inisip kong baka hindi ka talaga sigurado sa feelings mo sa akin. You never told me you love me.”
Muling namagitan ang katahimikan sa amin. Napayuko siya.
Maya-maya’y biglang na-cut ang aming video call.
Siguro ayaw na akong kausapin ni Kath… o naglobat lang siya. Sinabukan kong tumawag. Hindi niya nire-reject pero hindi rin niya ina-accept ang tawag ko sa Messenger.
Nakalimang beses sigurong ganoon. Hanggang tumigil na ako.
Nag-message siya…
“Minahal kita noon pero hindi ko puwedeng ipaglaban iyong nararamdaman ko dahil kay Anna. Mali eh. Ang linaw namang mali di ba. Each time we kissed eh sobrang guilty ako. Isa pa, I never knew na seryoso ang intentions mo sa akin. You never told me a damn thing about it. Feeling ko noon eh gusto mo lang ako gawing… alam mo na.”
Nabasa ko iyon. Siguradong nakita niyang “seen” ang message niya. Pero hindi ako nag-reply.
Medyo nakaramdam ako ng lungkot. Katulad ng lungkot naramdaman ko noong nag-resign siya. Katulad ng lungkot na naramdaman ko nang sabihin niya sa aking ikakasal na sila ni Jay.
Minabuti kong magpaalam na lang sa kanya.
“Happy birthday ulit Kath. Thanks for the chat. Goodnight. Ingat ka lagi diyan.”
At bigla siyang tumawag sa Messenger.
Matagal bago ko sinagot.
“Sawa ka na bang makipagusap sa akin?”
“Hindi naman Kath… nakakalungkot lang.”
“Ang alin?”
“The way things turned out for us.” Ani ko.
Nagtinginan lang kami. Seryoso siya. Matagal ulit na wala kaming imikan.
Sa wakas ay ngumit siya.
At tinanong niya ako.
“Ilang buwan na nga kayong kasal ni Anna bago ako naging intern sa office mo noon?”
“Two months.” Ang sagot ko. “Na-delay ng two months ang dating mo sa buhay ko.”
“Talaga lang ha. Sige… bola pa more.”
Birong totoo ang sinabi kong iyon. Dalawang buwan matapos kaming ikasal ni Anna ay dumating sa buhay ko si Kath. Kaming dalawa naman ni Anna ay halos six months lang na magkakilala nang magpasya kaming magpakasal. Biglaan kung tutuusin kaya hindi namin lubusang kilala ang isa’t-isa. Pareho kami ni Anna na kagagaling lang sa break-up noon. Iniwan ako ng girlfriend ko dahil ayaw kong sumunod sa kanya sa US para doon kami mag-settle at iniwan naman ni Anna ang kanyang boyfriend dahil dimauno ay tamad ito at ayaw magtrabaho after ng graduation nila. Si Anna naman, dahil ninong niya ang tito ko eh sa opisina namin pumasok at doon nga kami nagkakilala.
“Sayang talaga Kath.”
“Marco… it’s plain and simple. Hindi ukol. We were not meant to be.”
“Yeah. Mahirap tanggapin pero ganoon na nga iyon.”
Hindi natuloy ang paghihiwalay namin ni Anna. Pilit kamin pinagayos nina tito at mama. At pinadala nga nila ako dito sa Korea para malayo ako kay Mayette. Pinatawad ako ni Anna sa lahat ng kabulustugang ginawa ko. Isa sa amin ang dapat magparaya para maayos ang pagsasama namin. Ako iyon. Tinigilan ko ang pagse-set ng standards. Tinanggap ko na si Anna ay si Anna. Hindi siya si Kath. Si Kath na susuportahan ako sa mga plano ko… Si Kath na puwede kong makausap sa ano mang level na gusto ko… Si Kath na puwede akong sakyan sa mga kababawan ko at pupurihin ako kung may kapuri-puri sa akin… Si Kath na malumanay magsalita… Si Kath na marunong maglambing.
Noong tinanggap kong si Anna ay si Anna ay nakita ko na marami rin naman siyang mga magagandang katangian. Tinanggap ko na lang na hindi kami magkatugma sa paniniwala at pananaw sa maraming bagay. Inunawa ko lang ang pagiging sumpungin niya. Isa lang ang puwedeng dahilan kung hihiwalayan ko man noon si Anna – si Kath.
“Sorry Kath.”
“For what?”
“That when I lost you, eh parang nagwala ako. Bukod kay Mayette eh may isa pang intern akong nakarelasyon. Ang nagiging ganti ko kay Anna tuwing inaaway niya ako eh pambababae. I wasn’t not proud of what I did.”
“Mabuti nama’t hindi mo hiniwalayan si Anna para magsama kayo ni Mayette.”
Natawa ako sa sinabi ni Kath.
“Ganyan talaga kasama ang tingin mo sa akin.”
“Eh bakit nga ba hindi mo ginawa with Mayette iyong balak mong gawin sana natin?”
“Mayette is not Katherine. As simple as that.”
“Shoot nanaman ang bola ng lolo ko. Eh bakit noong sinabi ko sa iyong magpapakasal kami ni Jay ni hindi ka naman apektado.”
“I was. I was so affected.”
“Marco… Ilang beses ba tayong nagkita after ko mag-resign noon? Maraming beses ‘di ba. Pero we never talked about these things.”
“Yeah… finally we did.” Ang sagot ko kay Kath.
“Ang mahalaga eh okay na kayo ngayon ni Anna.”
“And… okay na rin kayo ni Jay.”
“Hoy lolo…. alas-tres na ng madaling araw. Tulog na muna tayo. Let’s chat some other time.”
“Okay Kath. Goodnight.”
“Goodnight Marco!”
Bago ako natulog eh nagsend ako ng message kay Kath.
“Luv u… my friend.”
“Friend? Friendzone na ba?”
“Ha!? What do you mean Kath?”
“Joke lang… Don’t take it too seriously.”
“Can I take it seriously Kath?”
“Magtigil ka Marco… good night na.”
“Okay…okay…”
“Marco… idelete mo nga pala itong convo natin ha.”
“Bakit?”
“Basta! I-delete mo.”

Posted on March 5, 2021, in Creative Writing, Maikling Kuwento, Malikhaing Pagsulat, Prose and Poetry, Short Story and tagged Creative writing, Maikling Kuwento, Malikhaing Pagsulat, Prose and Poetry, Short Story. Bookmark the permalink. 4 Comments.
Yieeee! Kinilig ako 🙂
LikeLiked by 1 person
Thanks for reading.
Kung may time pakibasa nito…
LikeLiked by 1 person
Pingback: Hindi Ukol (Closure) – MUKHANG "POET"
Pingback: Hindi Nga Ba Ukol (4) | M. A. D. L I G A Y A