Category Archives: Prose and Poetry

LINGON (4)

(Ikaapat na Bahagi)

smoke

Dagdag na tanong ni Daniel – “Sila ba’y mga aswang, bampira, taong lobo o ano?”

“Sila raw ay mga demonyong pinalayas ni Lucifer  mula sa impyerno dahil ayaw magpasakop sa kanya. Doon sila itinapon sa isla Miedo. Itim ang kanilang kulay. Kung tawagin sila’y sutsot,” ang tugon ni Jasmin.

“Sutsot?” ang paglilinaw ko. “Bakit tinawag silang sutsot?”

“Susutsotan ka nila kapag gusto ka nilang biktimahin. Kapag lumingon ka’y sasaniban nila ang iyong katawan. Sila’y parang itim na ulap na korteng tao. Papasok sila sa iyong bibig at kapag sila’y nasa loob na ng iyong katawan ay pilit nilang itutulak palabas ng katawan mo ang iyong kaluluwa. Maaari mong labanan ang ginagawang pangaagaw ng sutsot sa iyong katawan. Kung magtatagumpay ang sutsot o hindi ay nakadepende sa kagustuhan mong lumaban at sa tatag ng pananampalampataya mo sa Panginoon. Maaaring madali lang ang pang-aagaw ng sutsot, maari din namang matagal. Pinakamatagal na ang tatlong araw.”

Kay hirap paniwalaan ng mga sinasabi ni Jasmin. Pero paano nga kung totoo lahat ng iyon? Ngayon pa ba ako magdududa matapos ang ilang mga nangyayari na mismong nasasaksihan ko.

“Iisa ang misyon ni Lucifer at lahat ng mga demonyong katulad ng sutsot – gibain ang sandigan ng pananalig ng tao sa Dakilang Lumikha. Mas madali nilang maaagaw ang katawan ng taong hindi nanalig sa Panginoon at may mga kasalanang hindi pa naipangumpisal o naihingi ng tawad. Mabango ang amoy nila sa kasalanan – kahambugan, inggit, kasibaan, kalibugan, galit, pagkaganid at pagkabatugan ng taong pinunpuntirya nilang biktimahin.”

Kung tama ang pagkatanda ko ang mga binanggit ni Jasmin ay ang mga mortal na kasalanan.

 “Kapag naagaw na ng sutsot ang katawan ng biktima nila, ano na ang mangyayari?” ang tanong ni Daniel.

“Ang una’y tatanggalin ng sutsot ang mga mata ng kanilang biktima. Ang katawang inaagaw nila’y kanilang tirahan at pagkain. Mata ng biktima nila ang una nilang kakainin. Habang sila’y nasa loob ng katawan ay unti-unti rin nilang kakainin ang lahat ng lamang-loob at laman dito, hanggang maging kalansay ito. Aalis lamang ang sutsot sa katawang inaagaw nila kung wala na silang pwedeng kaining bahagi nito. Minsan, kahit meron pa ay iiwanan nila ito  kung may panibago silang mabibiktima.”

Sana hindi totoo ang lahat nang sinasabi ni Jasmin. Pero ano ang pwedeng maging dahilan niya para mag-imbento ng kwento?

 “Ngunit may mga sutsot na gusto lamang kainin ang mga mata at mga lamang-loob ng kanilang biktima. Hindi sila namamalagi sa katawan ng biktima nila. Kapag nagustuhan ng sutsot ang katawang sinaniban ay tanging mata lamang ang kanilang kakainin. Ang pinakamapanganib na uri sutsot ay iyong hindi kinakain ang alin mang bahagi ng sinasaniban nila. Ang ganitong uri ng sutsot ay uuwi sa pamilya nung biktima niya at magkukunwanring siya  iyon. Sila iyong maghahanap ng ibang biktimang kakainin gamit ang katawang kanilang sinaniban.”

Katahimikan nanaman ang sumunod sa mga sinabi ni Jasmin. Nagtinginan na lamang kaming magkakaibigan. At sa pagkakataong iyong ko napansin na hindi man isinisikad ni Tomas ang hawak na tikin ay kusa itong gumagalaw patungo sa direksyon ng liwanag na nakita ko.

“O di ba ang saya…napindot mo yata Tomas ang auto-pilot ng balsa.”

Ganun si Daniel, pinipilit mag-biro kapag nai-stress.

“Tingin ko’y agos ang nagpapagalaw sa balsa,” wika ni Jasmin.

Hindi ko na kinontra ang sinabi ni Jasmin. Marami akong natutuhan tungkol sa dagat dahil sumasama ako noong  mangisda sa aking mga tiyuhin. Kabisado ko ang galaw ng tubig sa dagat. Nakakatiyak akong hindi agos iyon. Hindi rin ang alon. Merong hindi ko malaman kung itinutulak ba o hinihila ang balsa.

Binitiwan na ni Tomas ang hawak na tikin. Kaming lahat ay nagumpukan sa gitna ng balsa.

Kung noong bago umalis ng breakwater ang balsa ay kinukwestiyon ko kung  anong uri ng tulong ang maibibigay sa amin ng isang babaeng katulad ni Jasmin, sa pagkakataong iyo’y napagtanto kong maaring siya pala ang tanging pagasa namin na mahanap ang kapatid ni Tomas at makabalik mula sa isla ng buhay.

“Makinig kayo sa akin,” wika ni Jasmin. “Ang mga  sutsot ay naaamoy ang takot. Gustong-gusto nilang natatakot ang mga biktima nila para mas madali nilang itulak palabas ng katawan ang kaluluwa nito.  Kaya sana tapangan ninyo’t pagtibayin ang inyong kalooban kapag nasa isla na tayo. Kapag nakarinig kayo na may pumapaswit, huwag na huwag kayong lilingon kung ayaw ninyong maging biktima. Kapag wala sa atin ang sinumang lilingon, ang  susunod na gagawin ng mga sustsot ay gagayahin ang tunog ng ano mang hayop o boses ng sinoman sa mga kakilala o mahal natin sa buhay. Aakalain mong sila nga iyon pero hindi. Sila’y mga sutsot na ang tanging nais eh lumingon ka upang masaniban nila ang iyong katawan. Sa paglingon ng biktima magsisimula ang lahat.”

“Ano ba kasi itong papasukin natin na ito?! ang hindi ko malaman kung nagtatanong ang naninising wika ni Daniel.

“Sige Daniel, lumangoy ka pabalik sa pinanggalingan natin,” ang inis na sagot ko sa kanya.

“O kaya tol, hintayin mo na lang  kami dito sa balsa para may magbantay nito,” ang mungkahi naman ni Tomas.

Pinili ni Daniel na huwag ng sumagot sa mga sinabi namin.

“Tandaan ninyo ito, tanging sa likuran lamang manggagaling ang mga sutsot. Lalapit sila’t sukdulang bubulong sa mismong tenga mo pero hindi ka nila gagalawin hangga’t hindi ka lumilingon.” ang dagdag pa ni Jasmin.

“Bakit ang dami mong nalalaman tungkol sa mga sutsot?” ang tanong ko kay Jasmin.

Matagal bago sumagot siya sumagot.

“Malalaman ninyo sa takdang panahon.”

Pangalawa na iyon sa mga katanungang ibinitin ni Jasmin ang sagot. Una, hindi niya sinagot kung ano ang nakatakdang dapat gawin nila nung mga kasama niya sa bangka. Nais ko din sanang malaman kung sino iyong ‘sila’ na sinabi nung mang Kanor na pagsasabihan niyang humiwalay na sa kanila si Jasmin.

Nagpatuloy ang ang pag-usad ng balsa.

Hindi lamang ang paligid namin ang sakmal ng kadiliman, maging ang kung ano mang naghihintay sa amin sa lugar na pagdadalhan sa amin ng balsa ay nakabalumbon sa kadiliman ng kawalang katiyakan.

Ang nakikita lamang namin ay ang kayang ilawan ng mga lamparang nasa unahan at likuran ng balsa. Katulad lang ng kaya  naming magkakaibigan na unawain tungkol sa isla at sa mga sutsot – nakadepende sa mga gustong sabihin sa amin ni Jasmin.

Ilang saglit pa’y naramdaman kong parang sumasadsad ang balsang kinalululanan namin. Huminto ito. Pasimpleng nagpunta sa bandang likuran ko si Daniel.

Nakakatiyak akong katulad ko’y nakikiramdam ang mga kasama ko. Nang ang mga mata ko’y nakasanayan ang dilim sa lugar na iyon ay unti-unti kong naaaninag ang paligid. Kami’y nasa isang pampang.

Inilapit ko sa lampara ang aking braso upang tignan ang oras – ika-siyam na ng gabi.

“Pakiwari ko’y nasa isang isla na tayo,” wika ni Jasmin. “Kung ito na nga ang isla Miedo ay malalaman natin.”

“Papaano natin malalaman?” ang tanong ni Daniel.

“Sasabihin ko sa inyo.” Ang sagot ni Jasmin.

“Si Tomas ang unang kumilos. Dahan-dahan itong umalis ng balsa’t yumapak sa buhanginan.

“Tara,” ang wika ko kina Jasmin at Daniel. “Baba na rin tayo.”

“Teka… dalhin natin ang mga lampara.” ang mungkahi ni Jasmin.

Dalawa ang kinuha kong lampara, ang isa’y iniabot ko kay Tomas.

“Flashlight ng cell phone na lang ang gagamitin ko,” ang wika ni Daniel.

“Tol, habang may gaas pa ang lampara eh ito ang gamitin natin, i-save mo ang battery mo para kapag kinaylangan natin mamaya eh may magamit tayo.” ang sagot ko kay Daniel.

Sumunod naman si Daniel.

Nang kaming lahat ay nasa pampang na’y nagtulong-tulong kaming hilahin palayo sa tubig ang balsa. Iisa marahil ang iniisip naming lahat – kaylangang tiyakin naming may masasakyan kami paaalis ng islang iyon kapag kakaylanganin.

Habang hinihila namin ang balsa papunta sa pampang ay napansin kong nagtatayuan nanaman ang mga balahibo ko sa batok at braso. Dala marahil iyong sa kaiisip ko  sa mga sinabi ni Jasmin tungkol sa mga sutsot.

Nang matapos naming iahon ang balsa ay nagsiupo kami sa buhanginan sa gilid ng dagat. Kung nasa isla Miedo nga kami ay totoo ngang pino’t maputi ang buhangin dito.

“Sana nandito sina Ella.” wika ni Tomas.

“Tol, kung nandito kapatid mo ibig sabihin nasa isla Miedo nga tayo at nanganganib tayo.”

Gusto kong mainis nang madinig ko iyon kay Daniel. Pinili ko na lang na manahimik kasi’y maraming beses ko na siyang binara sa araw na iyon.

Makalipas ang ilang sandali’y nakakadinig na ako ng ibang tunog. Sumasalit sa tunog na nililikha ng malumanay na paghampas ng mga maliliit na alon sa buhangin sa pampang ang huni ng mga kuliglig at kuwago. Paminsan-minsan ding pumupunit sa katahimikan ng lugar ang alulong ng aso… o baka lobo. Hindi ako pwedeng magkamali, may kagubatan sa islang iyon. Ganoon ang mga naririnig ko kapag nagbabakasyon kami sa bahay ng lola sa isang baryo na nasa paaanan  ng isang bundok.

Nang madinig ko ang ang isang pamilyar na siyap ng paniki  sa bandang itaas namin ay naala-ala ko ang pananakot na ginagawa ng lola noong bata kami. Galing daw ang huning iyon sa isang iki na nagahahanap ng mga batang gising pa kapag disoras ng gabi upang kainin ang mga lamang-loob nila.

Ang siyap ng paniking iyon ay sinundan ng isang kakaibang uri ng atungal, nakakabingi…nakakatakot. Sabay-sabay halos kaming napatayo.

“Ano iyon?” ang tanong ni Daniel na halatang katulad ko’y nahintakutan.

Naulit pa ang atungal. Sinundan pa ito ng mga palahaw. Lahat ng ingay na naririnig ay walang katulad sa mga narinig ko na. Medyo malayo sa kinalalagyan namin ang pinanggalingan. Kahalintulad ngunit sigurado akong hindi baka o kalabaw na kinakatay ang may likha ng atungal na nadinig namin. Hindi rin ganun ang ingay na nililikha ng mga malalaking hayop sa Africa. Nakakatiyak din ako na hindi tao ang pumalahaw matapos ang makapanindig-balahibong atungal na iyon.

“Sutsot. Galing sa sutsot ang atungal na iyon.” wika ni Jasmin. “Kumpirmado, nasa isla Miedo na nga tayo.”

Pagkarinig ng sinabi ni Jasmin ay parang hindi mapakali si Daniel. Hindi malaman kung sa likuran ko o sa likuran ni Tomas gustong sumiksik.

“Meron sa atin na sa ngayon ay takot na takot at marahil naamoy iyon ng mga sutsot. Maya-maya lang ay kasunod na natin sila.” dugtong ni Jasmin. “Humanda na kayo. Magdasal kayo kung marunong kayong magdasal.”

Sadyang ako’y nanalangin, bago matulog at pagkagising sa umaga. Sa unang pagkakataon na ako’y nanalangin ng hindi pa ako matutulog o hindi bagong gising.

(Itutuloy)

LINGON (3)

(Ikatlong Bahagi)

The-Shape-Shifting-Ghost

Tumigil ito nang madikit sa rampa.

Wala kaming kibo. Lahat kami’y natahimik.

Isang matanda nga ang lulan ng balsa.

“Iyan marahil si tandang Kharon,” ang pabulong na sabi ni Jasmin. “Nakita ko rin siya sa wakas.”

Mukhang luma at kulay itim lahat ng kasuotan niya – pantalon, kamisa de chino, at sombrero. Hindi ko maaninag ang mukha ng matanda, natatakpan ito ng suot niyang sombrero. Inilapag niya ang hawak na tikin at sinimulang sindihan ang mga lampara.

Walang kumikibo sa amin. Tahimik naming sinusubaybayan ang bawat kilos ng matanda.

Takip-silim na noon. Nagbibigay daan na ang liwanag sa dilim.

Nang masindihan lahat ng lampara’y muling hinawakan ng matanda ang tikin. Pumwesto sa bandang dulo. Wala itong sinasabi, nakaharap siya sa amin at nakayuko. Hinihintay kaming sumakay.

Ilang sandali rin ang dumaan. Nang walang kumikilos sa ami’y inilubog ng matanda ang tikin sa tubig akmang aalis na.

“Te…teka po,” ang atubiling wika ni Tomas.

Hindi huminto ang matanda. Unti-unti nang kumilos ang balsa palayo sa breakwater. Nagbabaan kaming lahat sa rampa. Nagmamadaling tumalon sa balsa si Tomas.

Atubili man ako’y sinundan ko siya. Tumalon din ako sa balsa.

Inihinto ng matanda ang balsa.

Hindi pa rin kumikilos si Daniel at si Jasmin nama’y nakamasid lang. Nakatingin sa amin si Daniel. Nakakunot ang noo. Akmang tatalon pagkatapos ay tatayo at hahagurin ng dalawang kamay ang kanyang buhok.

“Daniel,  ayos lang kung hindi mo kami sasamahan, maiintindihan ko,” wika ni Tomas. “Tara na po lolo.”

“Teka, teka po lolo,” wika ni Daniel. “Sasama po ako.”

Nang tumalon si Daniel ay sumunod rin si Jasmin.

“Jasmin, hindi mo kaylangang gawin ito,” ang bulong ko sa kanya.

Ang sagot niya’y “Kaylangan ninyo ng tulong ko.”

 Gusto ko sanang tanungin  si Jasmin kung anong tulong ang pwedeng gawin ng isang babaeng katulad niya sa amin sa mapanganib na isla ng Miedo.

Tumalikod sa amin si tandang Kharon. Isinikad na niya  ang kanyang tikin. Nagsimula nang lumayo ang balsa sa breakwater papasok sa balumbon ng ulap na nagluwal dito.

Tinignan ko ang aking relo – trenta minutos makalipas ang ika-anim ng hapon.

“Tikin lang ang gamit ng bangkero,” ang pabulong na wika ni Tomas. “Paano kapag nasa malalim na bahagi na tayo ng dagat?”

“Lolo, gaano po ba kalayo ang isla ng Miedo?,” ang tanong Daniel.

Hindi ko malaman kung bingi ang matanda o suplado. Hindi siya sumagot. Nagpatuloy lamang ito sa pagsikad ng tikin.

“Malayo po ba ang islang iyon lolo,”

Nilaksan ko ang aking boses. Iniisip kong baka hindi lamang nito narinig si Daniel. Kaya hindi ito nakasagot.

Lumingon sa amin ang matanda subalit sa halip na sumagot ay inilagay nito nang patayo ang hintuturo sa labi. Tanging ang babang bahagi ng kanyang ilong at labi lamang ang hindi natatakpan ng sombrero niyang suot. Nang tanggalin niya ang kanyang daliri sa labi ay ngumiti ito. Tumambad ang kanyang nangingitim na mga ngipin.

Muling isinikad ni tandang Kharon ang tikin.

“Napansin mo ba ang kanyang mga ngipin,” ang pabulong na tanong sa akin ni Tomas.

“Oo tol. Nangingitim,” ang tugon ko.

“Bukod doon,” ang dagdag ni Tomas. “Parang kasing may pangil siya… o baka naman sungki-sungki lang ang kanyang mga ngipin.”

“Pangil yata,” ang sabi ni Jasmin.

Nakita kong dinukot ni Jasmin ang rosaryo at ipinilupot sa kaliwa nitong kamay habang hawak naman sa kanyang kanan ang balisong.

Habang papalayo kami sa breakwater ay lalong kumakapal ang balumbong ng ulap. Halos hindi ko na matanawan si tandang Kharon sa harapan namin. Tanging ang liwanag na galing sa lampara sa harapan ng balsa ang nababanaagan ko. Pagkatapos ay naramdaman ko na lamang na tumigil ang balsa.

“Nasa isla Miedo na ba tayo?” ang tanong ni Daniel.

Ang sagot ko’y, “Imposible. Wala pa tayong sampung minutong naglalakbay.”

“Alisto lang kayo,” ang sabi ni Jasmin.

Ilang sandali pa’y unti-unting nawala ang ulap, parang unti-unting hinipan ng hangin palayo sa amin. Ang pumalit ay kadiliman. Tila kay bilis nawala ng liwanag. Ang mga lampara sa apat na gilid ng balsa ang tanging nagbibigay liwanag.

“Aba eh nasaan ang matanda?” wika ni Tomas.

Noon ko lang napansin na wala ang matandang bangkero. Parang sumama sa naglahong balumbong ng ulap. Ang tikin laman niya ang naiwan.

“Ano ba iyan!”  ang bulalas ni Daniel. “Ano ba kasi itong pinasok natin na ito… Lintsak, basang-basa na ang mga sapatos ko’t pantalon.”

“Isipin na lang natin na siguro tahimik na lumusong sa dagat ang matanda at lumangoy palayo sa atin,” ang wika ni Jasmin.

Luminga-linga ako sa paligid. Tumingala ako sa langit, wala ang buwan at ang mga tala nama’y parang itinago ng mga ulap. Sa bandang kanan namin ay may nakita akong  liwanag.

“Nakikita ba ninyo ang nakikita ko,” ang sabi ko sa aking mga kasamahan sabay turo sa bandang kanan namin na sila’y magtinginan sa akin.

Tanging ang liwanag na iyon ang nakikita sa gitna ng kadilimang nakapaligid sa amin ng maglaho ang balumbong ng ulap. Parang galing sa isang sulo. Gumagalaw ito pakaliwa’t pakanan.

“Liwanag iyon ah,” ani Tomas.

“Baka may bangka sa banda roon.”

“Hindi siguro,” ang sagot ko sa sinabi ni Daniel. “Medyo mataas ang lugar na pinanggagalingan ng liwanag.”

“Gumagalaw kaliwa’t kanan,” dugtong ni Jasmin. “Pakiwari ko’y sadyang iwinawagayway ang sulo ng sino mang may hawak nito.”

“Kung nasa kalupaan ang may hawak ng sulo  eh marahil ang kinalalagyan niya’y  ang isla Miedo,” ang sabi ni Tomas. “Baka grupo nina Ella yan.”

“Puntahan natin.” ang mungkahi ni Jasmin.

Sumangayon kami ni Tomas. Si Daniel naman ay tahimik lamang.

Kinuha ni Tomas ang tikin. Kanya itong isinikad. Nakapagtatakang malayo-layo na rin ang nalalakbay namin eh kalahati lamang ng tikin ang lalim ng dagat. Hindi ko alam kung napansin din iyon ng aking mga kasamahan. Hindi ko alam kung napansin din nila na kalmado ang dagat sa bahaging iyon. Walang along humahampas sa balsa

Nang kami’y umusad na patungo sa direksyon ng liwanag na nakita ko ay nagsimulang mangalisag ang aking mga balahibo sa batok at braso. Ganun ang nararamdaman ko tuwing nagkukwentuhan ng tungkol sa multo ang mga kaklase namin sa kolehiyo at mga guro at empleyado doon. Dati daw kasing sementeryo noong panahon ng Kastila ang lupang kinatitirikan ng eskwelahang iyon kaya’t ilang sa mga nag-aaral at mga nagtatrabaho doon na bukas daw ang “third eye” ay minsan nakakakita ng mga kaluluwang gumagala. Ang iba’y hinihimatay kapag nakakakita at bigla na lang tatakbo palabas ng classroom o opisina nila. Ang ilan nama’y tila nakasanayan na kaya bale-wala na sa kanila.

Ayaw kong maniwala noon kaya’t inisip kong baka nasisiraan ng bait iyong mga nagsasabing nakakakita’t tumatakbo pa nga’t minsa’y hinihimatay. Ngunit nang isang guro ko mismo na kilala kong disenteng tao at matino ang pag-iisip – wika nga’y may kredibilidad – ang nagkwento sa amin ay nagsimula akong maniwala na meron ngang multo at mga elementong gumagalaw sa mundo kasama ang mga tao.

Tandang-tanda ko nang ikwento sa amin ng guro kong iyon na minsan daw ay pinuntahan nila ang burol ng sumakabilang-buhay na ama ng isa sa mga estudyante niya. Makalipas ang isang buwan ay na-assign na reporter sa isang topic ang nasabing estudyante. Kitang-kita niyang biglang lumitaw sa harapan ang kaluluwa nung ama at pinanood ang kanyang anak habang ginagawa nito ang pagre-report.

Habang nagkukwento ang guro namin ay naramdaman kong nagtayuan ang mga balahibo ko sa katawan. Iyon ang unang pagkakataon na nagkaroon ako  ng ganoong uri ng pakiramdaman – isang bagay nga na muli kong naramdaman ng nagsimulang isikad ni Tomas ang tikin at muling gumalaw ang balsa.

Tinanong ko minsan sa guro naming iyon kung bakit may mga pagkakataon kapag gabi o kapag madilim ang isang lugar, lalo na sa ilang bahagi ng eskwelahan namin – kahit wala akong kakwentuhan tungkol sa alin mang katatakutan  ay bigla na lamang nangangalisag ang aking mga balahibo sa batok at braso. Ang sabi niya ay hindi man bukas ang third eye ko upang makita ko ang mga kaluluwang ligaw o ano mang elemento ay nararandaman daw ng katawan ko ang presensya nila.

“Naniniwala ba kayong may mga multo, maligno, at halimaw?” ang tanong ni Jasmin.

Pawang tango lamang ang isinagot nina Tomas at Daniel. Marahil ay naaalala pa rin nila ng kwento sa amin nung teacher namin noon.

 “Hindi pa ako nakakakita ng multo pero naniniwala ako,” ang tugon ko.

Wika ni Daniel ay “Naniniwala akong may multo. Pero ang alam ko’y hindi sila nanakit ng mga tao. Iyon ang sabi ng lola ko. Ang mga multo daw ay  mga kaluluwang ligaw na hindi kaagad makaakyat sa langit dahil nangangaylangan pa sila ng dasal ng kanilang mga iniwan.”

“Sana nga eh multong nananakot lang ang nandoon,” ang sabi ni Jasmin.  “Pero hindi eh. Pinamumugaran ang isla ng isang uri ng mabangis na halimaw.”

Saglit na katahimikan ang kasunod ng sinabi na iyon ni Jasmin. Gusto ko sanang sabihing naniniwala ako sa multo pero ang pagkakaalam ko sa mga halimaw at mga maligno eh pawang mga kathang isip lang. Pero sa tingin ko’y hindi nagbibiro o nagsisinungaling si Jasmin. Alam niya ang kanyang mga sinasabi.

Aamining kong nagsisimula na akong kabahan.

“Kanina sa breakwater ay nabanggit mo ngang mabangis sila,” ang sabi ni Tomas. Huminto ito sandali sa pagsikad sa hawak na tikin. “Anong uri ba ng mga nilalang ang nasa islang iyon?”

Dagdag na tanong ni Daniel – “Sila ba’y mga aswang, bampira, taong lobo o ano?”

“Sila raw ay mga demonyong pinalayas ni Lucifer  mula sa impyerno dahil ayaw magpasakop sa kanya. Itim ang kanilang kulay. Kung tawagin sila’y sutsot,” ang tugon ni Jasmin.

“Sutsot?” ang paglilinaw ko. “Bakit tinawag silang sutsot?”

(Itutuloy)

LINGON (2)

(Ikalawang Bahagi)

ghost

“Ipagpaumanhin ninyo pero hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Mga amang, kung ako sa inyo eh dumito na lamang kayo. Hintayin na lamang ninyo na bumalik sila.”

Ang lalaking nakakatanda ay parang isang ama na naguutos sa kanyang anak nang sabihin iyon sa amin.

“Bakit naman po?” ang tanong ni Daniel. “Ano po ba ang nasa islang iyon?”

“May mga rebeldeng NPA po ba doon?,” ang akin namang dugtong.

Hindi kaagad tumugon ang mga nasa bangka. Parang ayaw sagutin ang mga tanong namin.

“Pwede po ba ninyong sabihin sa amin ang dahilan,” ang sumamo ni Daniel.

“Mababangis sila,”  ang matipid na wika ng babae.

“May mga tigre at leon po ba doon?” ang parang nanunuyang tanong ni Daniel.

“Higit pa sila sa mga hayop na nabanggit mo.” ang sagot  ng babae.

Ang wika ko nama’y, “Halimaw lamang ang pwedeng humigit pa sa mababangis na hayop.”

“Tama ka! Kaya kung ako sa inyo ay huwag na kayong tumuloy sa isla. Kapahamakan ang naghihintay sa inyo doon.” ang pagbabanta ng lalaki.

Nagsalubong ang tingin namin ni Daniel. Tumingin siya kay Tomas at parang may gusto sanang sabihin. Sinenyasan ko siyang manahimik.

“Hindi ko po maaaring pabayaan ang aking kapatid.” ang wika ni Tomas. “Kung totoo ang mga sinasabi ninyo eh lalo kong dapat puntahan ang isla’t hanapin ang kapatid ko.”

“Tol, sigurado ka ba?” ang nag-aatubiling tanong ni Daniel.

“Daniel, Willy… sige na umuwi na kayo. Ako na lang ang pupunta sa isla. Ayaw kong madamay pa kayo.”

“Ano ba kasi Daniel… umuwi ka na nga!” ang inis kong bulyaw sa kaybigan namin.

Natameme si Daniel sa sinabi ko. Lumayo ito nang bahagya at tumalikod sa amin, pabulong-bulong na parang nagmamaktol.

Nang ibaling ko ang aking tingin sa mga nasa bangka’y nakita kong matamang pinagmamasdan nung babaeng nasa bangka si Tomas. Ang pormal na timpla ng mukha niya nang una kaming makita ay parang napalitan ng kalungkutan matapos marinig ang sinabi ni Tomas.

“Sa tingin ko eh desidido ka na amang na pumunta sa isla,” wika ng lalaking nakatayo sa harap ng bangka.

Napansin kong inilayo ng lalaking sumasagwan ang kanilang bangka sa breakwater. Muling nag-usap ang mga nasa bangka. Tumayo ang babae at nilapitan ang lalaking nasa unahan. Tingin ko’y parang nagtatalo sila. Tinalikuran ng lalaki ang babae. Nagpunta sa dulo ng banka, kinuha ang sagwang hawak  kanina ng babae at nagsimulang sumagwan palayo. Nagpatuloy sila sa pagtatalo. Tumayo ang nakababatang lalaki at akmang lalapitan ang babae. Bago pa man ito nakalapit ay  kitang-kita ko nang hubarin ng babae ang suot nitong tunika at biglang tumalon sa dagat. Lumangoy siya pabalik sa breakwater.

Tumigil sa pagsagwan ang lalaki. Parang nagulat sa ginawa ng kasama nila.

Ilang sandali pa’y nakarating na sa kinalalagyan namin ang babae. Bumaba ako sa rampa’t sinalubong ko siya upang tulungang makasampa.

Basang-basa ang mga suot nitong damit na lumapat sa mahubog niyang katawan.

Inilapit ng matandang lalaki sa breakwater ang bangka at sinabing, “Jasmin, pwede mo pang baguhin ang desisyon mo. Bumalik ka dito sa bangka. Kaylangan ka namin.”

Tanging iling lamang ang isinagot ng babae.

“Jasmin, halika na,” wika naman nung isa pang lalaki.

Tinignan siya ng babae at sinabing, “Sorry, kaylangan kong gawin ito.”

“Nakikiusap ako Jasmin,” dugtong nung lalaki.

“Hayaan mo na siya,” matigas nawika naman nung nakakatandang lalaki. “Huwag kang parang nagmamakaawa.”

Sumalampak sa sahig ng bangka ang lalaki. Tumingin na parang nagsusumamo sa babae.

“Iginagalang namin ang iyong kagustuhan. Sasabihan ko na lang sila tungkol sa desisyon mo sa susunod na pulong namin. Paalam Jasmin, gagampanan pa rin namin ang aming nakatakdang gawain namin kahit wala ka na.”

Pagkasabi niyon ay nagsimulang sumagwan  palaot ang nakakatandang lalaki habang ang isa nama’y nanatili sa kinalalagyan at hindi inihihiwalay ang tingin sa babae.

“Mang Kanor… Gener,” wika ng babae.

Tumigil sa pagsagwan ang matanda. Lumingon ito’t tumingin sa babae.

“Salamat po sa lahat. Mag-ingat po kayo.”

Tinanguan lamang  ng mga nasa bangka ang babae. Nagpatuloy na ang mga ito sa pagsagwan palaot.

*****

Mula sa rampa’y umakyat sa breakwater si Jasmin. Sinundan ko siya.

“Basang-basa ka miss… Jasmin. May baon akong ekstrang damit.”

Mula sa aking backpack ay kinuha ko ang isang t-shirt at maong na short at iniabot ko kay Jasmin. Hindi na ito nagpakyeme pa. Kinuha niya ang mga ito’t sinimulang hubarin ang kanyang mga basang kasuotan. Nagkusa kaming  magkakaibigan na tumalikod habang siya’y nagibibihis.

“Okay na. Salamat sa inyo,” wika ni Jasmin matapos ang ilang sandali.

Medyo may katangkaran si Jasmin,  hanggang tenga lamang niya ako at halos magkasing-tangkad sila ni Daniel. Sa aming tatlong magkakaibigan, si Tomas ang pinakamatangkad at may pinakamatikas na pangangatawan. Basketball player siya at masipag mag-exercise. Pareho kaming chubby ni Daniel. Sineryoso ang pagsama sa gym kay Tomas kaya medyo lumilintog na ang muscles sa ilang bahagi na aking katawan at mas maliit na ang tiyan ko kumpara kay Daniel.

Dinukot ni Jasmin sa harapang bulsa ng  hinubad na pantalon ang isang rosaryo at sa bulsa naman sa likuran  ng pantalaon ang isang balisong.  Ginamit nito ang balisong pampunit sa nabasa niyang t-shirt. Ginawa  niya ito na parang belt upang huwag malaglag ang medyo may kalakihan sa kanyang shorts na ipinahiram ko. Mukhang bihasa sa paggamit ng balisong si Jasmin, may kalalagyan ang sinomang magtangkang manalbahe sa kanya.

Napakadami kong gustong itanong kay Jasmin. Marahil sina Daniel at Tomas ay ganun din. Pero hindi ko alam kung saan ko sisimulan.

“Ah… Jasmin, ano iyong sinasabi nung tinawag mong mang Kanor na nakatakda nilang gawin?” ang tanong ni Tomas sa babae.

Bumuntung hininga ang babae, tumingin sa papalubog na araw at sinabing, “Malalaman ninyo kapag nagtagumpay kayong makaalis ng isla at makabalik dito.”

“Ha! Bakit ayaw mo pang sabihin ngayon?” ang parang inis na sabi ni Daniel.

“Please lang… please lang… sandali lang. Hayaan ninyo muna ako.”

May sasabihin pa sana si Daniel subalit tumigil ito ng titigan ko siya nang matalim.

“Jasmin pasensya ko na dito sa kaybigan namin. Wala talaga preno ang bibig nito,” ang wika ko.

Tumango lamang si Jasmin.

Ah ako nga pala si Willy,” ang  pagpapakilala ko. “Mga kaybigan ko sila – sina Daniel at Tomas. Si  Ella naman iyong kapatid ni Tomas na susundan namin sa isla Miedo.”

Tinanguan din lamang ako ni Jasmin at pagkatapos ay sinabing,  “Hayan humalik na ang araw sa dagat. Maya-maya lang eh darating na si tandang Kharon.”

“Sino iyon?” ang tanong ni Daniel.

“Siya ang bangkerong naghahatid ng mga gustong pumunta sa isla ng Miedo.”

“Eh maiba ako Jasmin. Saan ba banda ang islang iyon,” ang tanong ko. “Mukhang malayo ah. Puro dagat lang  kasi iyang nakikita ko sa unahan at kaliwa’t kanan natin.”

“Hindi ko kayang sagutin ang tanong mo.  Basta’t ang sabi nila eh sundan lang daw ang nilulubugan ng araw eh makakarating ka sa isla Miedo.”

“At tanging sa pamamagitan lamang daw ng bangka ni tandang Kharon na pwedeng makarating doon,” ang dugtong ni Tomas.

“Tomas,” ang wika ni Jasmin. “Hindi bangka ang gamit ni tandang Kharon kundi balsa – balsang yari sa kawayan.”

“Balsa! Nagbibiro ka ba Jasmin. Sa lalim ng dagat na ‘yan at mukhang kay layo ng pupuntahan natin eh  balsa lang ang sinasakyan?,” ang parang naiinis na wika ni Daniel.

“Tama ka. Balsa nga,” ang sagot ni Jasmin.  “Itong kaybigan ninyong si Tomas eh  mukhang may nalalaman tungkol sa isla at kay tandang Kharon.”

“Tol, may gusto ka bang sabihin pa sa amin tungkol sa isla?” ang tanong ko.

“Ituloy mo nga iyong parang naputol mong sasabihin kanina tungkol doon,” ang madiing wika ni Daniel.

Tinignan kami ni Tomas.

“Nakapakaganda ng islang iyon. Bukod sa mga niyog eh napakarami daw namumungang mga puno doon. Maraming migratory birds ang nagpupunta. May mga baboy damo at usa din. Meron din daw doong mga lobo. Maputi’t pino pa ang buhangin katulad ng Boracay kaya marami ang naeenganyong  magpunta doon.”

“O iyon pala naman eh anong problema?” biglang sabat ni Daniel. “Bakit ganun na lang ang pagpipigil sa atin nung mamang kasama ni Jasmin  kanina?”

“Sinasabi nilang nakakatakot daw ang isla ng Miedo. Marami daw mula noon ang nagtangkang magpunta doon para mamaril ng ibon at manghuli ng mga hayop, manguha ng mga bunga ng niyog at ang iba’y upang mag-excursion pero haggang ngayon eh hindi pa nakakabalik.”

Ang tanong ko’y, “Ni isa, walang nakabalik.”

“Eh ano ang ginagawa ng mga pulis at militar dito,” ang paguusisa ni Daniel.

Sinagot iyon ni Jasmin, “Maraming beses ng nagpunta dito ang mga awtoridad. Ang navy at ang coast guard eh ginalugad na ang sinasabing posibleng katatagpuan ng isla Miedo pero wala silang makita. Wala ito sa mapa. Ang madalas lang na nakikita ng mga nagiimbestiga ay ang ilang piraso ng mga sira-sirang balsa na inaanod  sa kahabaaan ng aplaya dito. Wala silang makitang koneksyon sa mga sirang  balsa at sa mga nawawalang tao.  Kaya kapag may nagrereport na may mga nawawalang mga tao na nagpunta sa isla Miedo eh hindi na pinapansin ng mga  awtoridad.”

“Bakit may natatagpuang mga sirang balsa?, ang pag-uusisa ko. “Ano ang koneksyon ng mga ito sa  sinasabin mong balsa ni tandang Kharon.”

“Iyon mismo ang mga balsang ginagamit nung bangkero,” ang sagot ni Jasmin.

“Aba eh natural na magkakalasog-lasog ang balsa pagdating sa gitna ng dagat,” wika ni Daniel. “Yari lang sa kawayan iyon at kapag hinampas paulit-ulit ng alon eh unti-unting makakalag ang mga taling ginamit upang pagdikit-dikitan ang mga kawayan o magkabali-bali ang mga ito.”

Sa unang pagkakaton sa araw na iyon na may sinabing may punto si Daniel. Sumang-ayon ako sa sinabi niya.

“Ang mga nawawala ay maaaring palang nangalunod,” ang dagdag ko sa mga sinabi ni Daniel.

“Hindi! Hindi sila nalunod, ang mga balsa’y hindi alon ang sumira.”

Natahimik kaming tatlo nang sabihin iyon ni Jasmin. Lalong dumami ang mga bagay na gusto kong itanong sa kanya.

“Ipapaliwanag ko sa inyo ang lahat,” ang dugtong ni Jasmin.

“Teka, teka, tignan ninyo iyon oh.”

Tinignan namin ang itinuturo ni Daniel.

“Sobrang baba ng ulap. Halos nakadikit na sa dagat,”  ang halos pabulong na sabi ni Daniel.

“Oo nga ano. O…, mukhang papalapit dito sa atin ang ulap.” ang wika naman ni Tomas.

“Nangyayari ba talaga iyan dito Jasmin?” ang nagtatakang tanong ko.

At ang sagot niya’y, “Iyan daw ang palatandaan na darating na si tandang Kharon.”

Tumahimik kami at hinintay ang susunod na mangyayari. Nang ilang dipa na lamang ang layo sa amin ng ulap eh lumabas ng unti-unti ang isang mahaba’t may kalaparang  balsa. Lulan nito ang  isang tao na may hawak na mahabang tikin. Sa apat na sulok ng balsa ay may mga lampara na nakalambitin sa mga posteng yari din sa kawayan.

**********

Tumigil ito ng makadikit sa rampa. Wala  kaming kibo. Lahat kami’y natahimik.

Isang matanda nga ang lulan ng balsa.

“Iyan marahil si tandang Kharon,” ang pabulong na sabi ni Jasmin. “Nakita ko rin siya sa wakas.”

(Itutuloy)

%d bloggers like this: