Salamin
Aking salaming nakasabit sa dingding,
Samo ko ay laging ibulong sa akin,
Na dungis ng iba, bago ko punahin,
Uling sa mukha ko dapat ay linisin.
Turuan mo nga akong maghunos-dili,
Na h’wag perpekto kung tignan ang sarili.
Pagsabihan ako na h’wag magmapuri,
Kasi ako ma’y puwedeng magkamali.
Sabihin mong wala akong karapatan
Na kapwa ko tao ay aking pulaan,
Dahil ako ma’y maraming kakulangan –
Pagkatao ko’y tadtad sa kapintasan.
Sa tuwing kita’y lalapitan sa dingding,
Paalalahanan ako oh salamin
Na sariling buhay ko’y dapat ayusin
At h’wag buhay ng may buhay ang punahin.
Sana’y tulungan mo akong unawain,
Na oras akin lamang sasayangin
Kung kakulangan ng iba’y laging papansinin
At pagkakamali nila ang laging hahanapin.
Pilitin mo namang ituro sa akin
Na galit sa puso’y hindi ko kimkimin,
Na inggit sa limot lagi kong ilibing,
Na kapwa-tao’y lagi kong unawain.
Oh salamin ako’y paalalahanan
Na dapat saliksiki’y tamang katwiran
Na kung tamang landas… aking dadaanan
Panginoong Diyos ako’y gagabayan.
Posted on May 7, 2020, in Creative Writing, Malikhaing Pagsulat, Poetry, Tula and tagged Creative Writig, Malikhaing Pagsulat, Poetry, Tula. Bookmark the permalink. 6 Comments.
Ito rin ang tula mo noong May 31, 2018…
LikeLiked by 1 person
Yeah. May mga pagkakataon na nire-repost ko mga old posts ko.
LikeLike
Malamang paborito mo ito…
LikeLike
Hindi naman. May mga naulit na ako na 2 beses o baka nga higit pa before. Ikaw ba, hindi ka ba nagrerepost ng mga articles mo?
LikeLike
Iniisip ko nga mag repost kasi malamang wala nang mababasa ng mga lumang post ko…
LikeLike
Masipag ka namang magsulat kaya kaya mong laging bago ang mga ipo-post mo. Ako kasi once or twice a week lang nakakapagsulat. Nagtuturo kasi ako kaya madalas preoccupied. Ikaw ba ano trabaho? Saan ba probinsiya mo sa Pinas?
LikeLike