Sa Kuwarto Ni Father
Tinungo ni father likod ng simbahan
Doon si sister kanyang natyempuhan
Dahan-dahang ito’y kanyang nilapitan
Nalingong madre ay kanyang tinanguan.
Sila’y tumingin sa kaliwa’t sa kanan
Ang nandoon ay silang dalawa lamang
Pagkatapos niyon sila’y nagngitian
Halos pabulong silang naghuntahan.
“Wala ka bang gagawin mamayang gabi?”
Madre’y di makasagot, mata’y nanlaki.
“Okay lang naman sister kung kayo’y busy.”
Di naman sapilitan… pwedeng tumanggi.”
“Teka po father…pwede naman po ako
Tatapusin ko lang ang pagrorosaryo
Ayaw ko kasi na ika’y magtatampo
Sige mamayang gabi…magkita tayo.”
“Salamat sister…ako’y pinaunlakan
Sa kwarto ko mamaya, ako’y puntahan”
“Sa kwarto po n’yo?” Madre ay nagulantang.
Si father tumango’t madre’y nginitian.
Sumapit ang gabi, bandang alas-otso
Itong si sister ay kabadong-kabado
Sa TIRAHAN ni father siya’y tumungo
Nakita n’yang bukas pintuan ng kwarto.
At ang sabi ng madre, “I’m here now father.”
Kumatok pa’t nagtanong…”Father, are you there?”
Pari’y tumugon…”Come in I’m waiting sister.”
Dugtong pa nito’y…”Please push the door then enter.”
“Ay Diyos ko po father… bakit po madilim?
Naku po… ano ba ang ating gagawin?
Naku po father… mahabag ka sa akin,
Pwede po bang ilaw ay ating buhayin?”
Bumukas ang ilaw madre’y nagulantang –
Kasama ni father… dalawang sakristan.
Cake at ng regalo siya’y inabutan
Kinantahan dahil kanyang kaaarawan!
Posted on October 11, 2018, in Creative Writing, Filipino Humor, Pinoy Jokes, Poetry, Tula and tagged Creative writing, Filipino Humor, Pinoy Jokes, Poetry, Tula. Bookmark the permalink. Leave a comment.
Leave a comment
Comments 0