Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 3A
Chapter 3A
“Sa Balumbon Ng Kawalang-katiyakan”
Katahimikan ang sumunod doon… subalit ito’y hindi nagtagal. Binasag iyon ng boses ni Daniel… tinig na puno ng pangamba.
“Teka—sandali, tingnan niyo ‘yun o!” Nakaturo ang parang nanginginig niyang kamay sa unahan.
Tinignan ang kanyang itinuturo. Ganoon din ang mga kasamahan ko. Noong una, hindi ko mawari kung ano ang itinuturo niya.
“Ang hamog,” mahinang sambit ni Tomas.
Gumagapang ang hamog mula sa laot papunta sa breakwater. Animo ito’y ulap na naligaw at hinahanap ang daan pabalik sa langit. Nagdilim ang paligid. Maging ang dagat ay tila pinigil ang paghinga. Parang nagbigay daan ang mga alon sa pagdating ng hamog.
“Jasmine, alam mo ba kung anong nangyayari?” tanong ko.
Hindi kaagad sumagot si Jasmine. “Ito na ang hudyat…,” bulong niya. “Darating na si Kharon.”
Para akong rebulto. Ganoon din ang mga kasamhan ko. Nakatitig kami sa papalapit na hamog at bago ito nakarating sa kinalalagyan nami’y para ito nahati sa gitna.
Mula sa kaibuturan ng hamog, lumitaw ang isang balsa—napakalapad at napakahaba—tahimik na dumadausdos sa ibabaw ng tubig. Yari ito sa kawayan, at ang bawat hugpong nito ay dumadaing na tila may pasan na hindi nakikitang bigat. Pakiwari ko’y humihinga ang balsa, tila may sariling buhay.
Mayroong isang tao nakatayo sa likuran ng balsa. Mahigpit ang kapit niya sa isang mahabang kawayan na tumutusok sa tubig-dagat. Nahagip ng liwanag ng parola ang kanyang mukha—matanda, humpak ang pisngi, at ang mga mata ay nagniningas na parang baga sa ilalim ng lambong.
Dahan-dahang umusad ang balsa papalapit sa breakwater.
Walang gumalaw sa amin. Tahimik lamang kami. Isang malamig na kilabot ang gumapang sa aking likuran—huli ko itong naramdaman noong may retreat namin sa eskwelahan, habang nagkukwentuhan ang mga kapwa ko mag-aaral tungkol sa mga multong gumagala sa campus.
Ikinuyom ko ang aking mga kamao, pilit na pinatitigil ang panginginig ng aking kamay habang rumaragasa na parang tubig ang kaba sa aking dibdib.
Ilang saglit rin bago ako nahimasmasan. Nang maging manipis na ang hamog malapit sa rampa, mas malinaw kong nakita ang hitsura ng matandang sakay ng balsa.
“Siya na nga si Kharon,” bulong ni Jasmine. “Sa wakas, nakita ko rin nang malapitan ang bangkero.”
“Talaga? Ang buong akala ko ay nakita mo na siya noon.” Ang tanong ko.
Nakita kong humigpit ang kapit ni Jasmine sa kanyang rosaryo. “Sa hindi malamang dahilan, hindi siya nagpapakita tuwing may balak kaming gawin laban sa kanya. Alam niya kung may pinaplano kami.”
Tumigil siya sandali, parang nag-iisip.
“May mga pagkakataong sinubukan naming kuhanan ng video ang nangyayari dito sa breakwater. Pero tuwing gagawin namin ‘yun, ang mga taong naghihintay sa kanya ay bigla na lang naglalaho… nang walang bakas. At sa bawat pagkakataon, walang lumalabas sa recording.”
“Huwag mong sabihing naglaho lang sila na parang bula,” sabat ni Daniel, nakakunot ang noo.
“Hindi ko alam,” sagot ni Jasmine. “At heto pa… tuwing may miyembro kaming nagbabalak sumakay sa balsang iyan patungong isla, ganoon din ang nangyayari. Sa sandaling lumitaw ang balsa mula sa hamog, ang mga kasama nila sa paligid ay nawawala at naiiwan ang mga miyembro namin.”
Napakunot ang noo ni Tomas. “Pero bakit ngayon? Kasama ka namin. Miyembro ka rin ‘di ba. Pero walang nangyayaring ganoon.”
Mabilis na tumingin si Jasmine sa tubig, balisa. “Hindi ko rin alam! Nagtataka rin ako. O baka alam na niyang tumiwalag na ako sa grupo namin. Ano kaya ang binabalak ng demonyong ito?”
Lumang itim na mga damit and suot ni Kharon. Punit-punit na ang kanyang pantalon at tila gulanit na pang-itaas. May suot siyang sumbrero na nagtatago sa kanyang mukha sa tuwing yuyuko siya.
Ibinaba niya ang hawak na kawayang tikin at inabot ang mga ilawang nakasabit sa apat na gilid ng balsa. Mga lumang gasera ang mga iyon, medyo kinakalawang na, at ang mga salamin ay parang malabo na.
Habang lumalalim ang dilim, bawat gasera ay nagliwanag na parang maliliit na bituin. Tila mahika ang paraan ng pagsisindi ni Kharon sa mga ito—wala siyang lighter o posporo. Ang apoy ay tila sumisibol mula sa kanyang mga daliri.
Nang nasindihan na, sumayaw ang mga ningas sa mga gasera na tila ba mga balisang espiritu, naghahatid ng pasulput-sulpot na liwanag sa buong balsa. Nangamoy kerosene sa paligid.
Nakamasid kami sa bawat galaw niya. Tila kami nahipnotismo, pigil ang hininga habang pinapanood ang bawat kilos ng bangkero.
Muling hinawakan ni Kharon ang kawayan nang masindihan na ang lahat ng gasera. Wala siyang sinabing anuman. Lumingon lang siya sa amin, yumuko nang bahagya, at naghintay na kami ay sumakay.
Lumipas ang mga sandali. Walang gumagalaw.
Dahan-dahan niyang ibinaon ang kawayang tikin sa tubig, tila handa nang umalis nang wala kami.
“Teka… sandali lang po!” Malakas ang boses ni Tomas.
Tuloy-tuloy ang bangkero sa pagbaon ng kawayan sa tubig at akmang isisikad na niya ito upang muling pumalaot. Nagmamadali kaming bumaba sa rampa. Unang tumalon si Tomas sa balsa. Nag-alinlangan ako ng kaunti, bago sumunod. Hindi ko siya hahayaang harapin ang panganib nang mag-isa. Pero ang mas matimbang na dahilan sa pagsama kong iyon papuntang isla ay si Eve.
Halos hindi man lang nauga ang balsa sa bigat namin. Matatag at matibay ang balsa. Sa ilalim ng aking mga paa, napansin kong ang balsa ay yari sa dalawang patong ng makakapal na kawayan, bawat isa ay kasing-laki ng aking binti, mahigpit na nakatali ng mga bagin at mga tulos na yari din sa kawayan.
Pagkapatapos ay natuon ang pansin ko kay Daniel na nag-alinlangang tumalon upang kami’y sundan sa balsa.
“Daniel, ayos lang kung hindi ka sasama,” sigaw ni Tomas. “Naiintindihan ko.”
Sinensyasan ko rin si Daniel na sumakay na.
“Puwede na po tayong umalis!” Wika ni Tomas sa matanda.
Naramdaman kong nagsimulang dahan-dahang lumayo ang balsa sa breakwater.
Nang walang babala, itinulak ni Jasmine si Daniel papunta sa balsa. Nasubasob si Daniel at napaluhod sa balsa bago nabawi ang balanse.
“Bakit mo ako tinulak?” Wika ni Daniel, nanlalaki ang mga mata. “Sasama naman talaga ako!”
“Eh ‘di mabuti at pinabilis ko lang ang pagkilos mo,” sagot ni Jasmine, matalim pero kalmado ang tono. Sumakay siya agad pagkatapos nito. “Inaaksaya mo kasi ang oras.”
Napangisi ako sa sinabi ni Jasmine.
“Hindi mo kailangang sumama sa amin,” wika ko sa kanya.
“Kailangan kong gawin ito,” sagot ni Jasmine. “Gusto kong tulungan kayong mahanap ang kapatid niya.” Itinuro niya si Tomas. “At may personal din akong dahilan… napakapersonal.”
Personal? Napatingin ako sa kanya. Anong ibig niyang sabihin?
“Saka,” dagdag niya, “tingin ko ay kakailanganin niyo ang tulong ko.”
Gusto ko sanang itanong kung anong klaseng tulong ang maibibigay ng isang babaeng katulad niya sa Isla Miedo—isang lugar na siya mismo ang nagsabi na napakadelikado.
“Jasmine! Tomas! Daniel! Willy!”
Boses iyon ni Kharon. Garalgal ito pero buong-buo.
Natigilan kaming lahat. Tinawag niya kaming lahat sa aming mga pangalan.
“Bakit niya alam ang pangalan natin?” tanong ko.
“Si Kharon at ang mga demonyo sa isla… mayroon silang kapangyarihan,” mahinang sabi ni Jasmine. “Mga bagay na hindi kayang unawain ng ordinaryong pag-iisip.”
“Binibigyan ko kayong lahat ng pagkakataon na tumalon pabalik sa breakwater. Malinaw kong nakikita kung paano kayo malalagas dito sa isla katulang ng mga nauna sa inyo..”
Walang gumalaw sa amin. Nakatitig lang kami sa kanya.
Tumalikod si Kharon at muling ginamit ang kawayan para itulak ang balsa palayo sa breakwater, pabalik sa hamog kung saan siya nanggaling kanina. Tiningnan ko ang aking relo: alas-sais y medya na ng gabi.
Bumulong si Tomas, nakakunot ang noo. “Kawayan lang ang gamit ng matanda para iugit itong balsa. Paano kapag nasa gitna na tayo ng dagat? Hindi na aabot sa ilalim ‘yang kawayan na ‘yan. Paano niya iuusad ito?”
“Gaano po ba kalayo ang Isla Miedo?” Ang pasigaw na tanong ko.
Nanatiling tahimik si Kharon. Tila wala siyang naririnig o wala siyang pakialam. Tulad ni Tomas, nagtataka rin ako kung paano kami nakakausad gamit ang kawayang hindi naman sapat ang haba para umabot sa pinakailalim ng dagat. Agos lang ba ang nagdadala sa amin?
“Malayo po ba?” Inulit ko ang tanong at mas nilakasan ko ang aking boses sa dahilang maingay ang dagat..
Lumingon din sa wakas si Kharon. Itinapat niya ang hintuturo sa kanyang mga labi, sinisenyasan kaming manahimik. Natatakpan ng anino ng sumbrero ang bandang itaas ng kanyang mukha tanging ang dulo ng ilong at ang kanyang bibig ang nakikita ko. Pagkatapos, ngumiti siya—ngiting makapangalisag-balahibo.
“Huwag kayong mag-alala,” sabi niya, tila nanunukso ang tono. “Makakarating kayo sa tamang oras. At may isa kayong dapat malaman.”
“Isa sa inyo ang mabubuhay para ibahagi ang kuwentong ito. Ang iba’y magiging plamuti sa kuwento.”
Nagpanama ang aming mga paningin. Pilit naming inuunawa ang talinhagang binitiwan ni Kharon.
“Nagbibiro lang siya, ‘di ba?” Hindi maitago ng ngiti ni Daniel ang pagkabahala.
Humigpit ang kapit ni Tomas sa kanyang baril. “Sa palagay mo ba eh may sense of humor ang mga demonyo?”
Gumagalaw ang mga labi ni Jasmine, bumubulong ng isang panalanging hindi namin naririnig.
Naramdaman ko ang bigat ng mga salita ng bangkero. Nanuot ito sa aking isip..
“O, mukhang masyado ninyong dinamdam ang mga sinabi ko. Malay ninyo mali pala ang nakita ko sa aklat ng inyong kapalaran.”
Sana nga mali. Sana ay makakabalik kaming lahat, hindi lamang isa, dito sa breakwater.
“Lasapin ninyo ang paglalakbay—patungo sa kaganapan ng tadhanang sa inyo’y naghihintay. At siyanga pala… Tomas at Jasmine… mag-ingat sa bagay na matalim.”
Tumawa nang tumawa si Kharon. Yumayanig ang kanyang mga balikat sa bawat halakhak habang ang mga gasera ay kumukurap na parang mga matang natatakot.
Muli isinikad ni Kharon ang hawak niyang tikin na kawayan.
Hinubad ni Jasmine ang rosaryo sa kanyang leeg at ipinulupot ito sa kaliwang kamay. Ang kanan naman ay mahigpit ang hawak sa kanyang hawak na patalim.
“Sila ang mag-ingat sa aking patalim.” Ang pabulong na wika ni Jasmine.
Tila tumimo sa isip ni Jasmine ang mga huling sinabi ng bangkero.
“… at sila’y mag-ingat sa bala ng aking baril. Mas matalas ito kaysa sa patalim.” Ang dagdag naman ni Tomas.
Pagkatapos niyon ay walang nagsasalita sa amin. Maging ang hangin ay tahimik.
Pilit ko mang iwinawaksi ay parang paulit-ulit kon naririnig ang mga talinhagang sinabi ng matandang bangkero.
*****
Lalong kumapal ang hamog habang papalayo kami sa breakwater, ito’y nanunuot sa bawat siwang sa pagitan naming mga sakay ng balsa. Sa sobrang kapal nito eh hindi ko na makita ang liwanag ng parola sa dulo ng breakwater… o talagang malayo na ang nalalakbay namin.
Nagpatuloy ang aming paglalakbay. Ang matanda ay naging isang malabong anino na lamang sa gitna ng hamog. Ang tanging liwanag ay mula sa kumukurap liwanag galing sa mga gasera. Ang kaunting liwanag na iyon ay ginawang tila buhay at nakakatakot ang dilim sa paligid namin.
Ilang sandali pa’y biglang huminto ang balsa.
“Teka… nasa Isla Miedo na ba tayo?” tanong ni Daniel.
Lumapit ako sa gasera para tingnan ang oras.
“Diyos ko… paanong nangyari ‘to?”
Kinuskos ko ang salamin ng aking relo para masiguradong tama ang nakita ko.
“Anong problema?” bulong ni Jasmine.
Umiling ako, saka ako nagtanong, “Gaano na tayo katagal dito sa balsa?”
Napakurap si Tomas. “Siguro wala pang dalawampung minuto,” sabi niya, halatang naguguluhan.
Napakunot ang noo ko. “Daniel, gaano na tayo katagal na bumabyahe?”
“Oo, tingin ko tama si Tomas. Siguro bente minutos o mahigit ng kaunti,” mabilis niyang sagot. “Bakit?”
“Umalis tayo sa breakwater ng alas-sais y medya. Alas-diyes na ng gabi.” Ang sagot ko habang tumuturo sa aking relo.
“Ano? Paanong nangyari ‘yun? Baka sira iyang relo mo!” Wika ni Daniel.
“Magmatyag lang tayo.” Kalmado lang si Jasmine. Parang hindi nasorpresa sa nangyayari.
Sa sandaling iyon, dahan-dahang napawi ang hamog, tila banayad na hinahawi ng hangin. Naghari ang ganap na kadiliman. Ang tanging natitirang liwanag ay ang galing sa mga gasera sa bawat kanto ng balsa.
“Nasaan ang matanda?” bulong ni Tomas habang mabilis na inililibot ang paningin.
Nakakapagtaka na bigla na lamang nawala ang bangkero. Naglaho siya kasabay ng hamog. Naiwan ang kanina’y hawak niyang kanyang kawayang tikin, nakahiga sa balsa, nag-aanyayang ito’y aming pulutin.
“Ano na ba ng nangyayari?” May pangamba sa tinig ni Daniel. “Ano ba itong pinasok natin?”
Tanging si Jasmine lang ang parang hindi nababahala. “Baka tahimik siyang lumubog sa dagat… o lumangoy palayo sa atin. Baka naman nalaglag siya’t nalunod.”
Parang nagbibiro na lang si Jasmine. Marahil gusto lang niyang maibsan ang tensyong nararamdaman namin. O kaya sana’y na siya sa mga ganitong sitwasyon.
Tumingin ako sa paligid. Madilim. Ang tanging nakikita ko’y hanggang saan nakakarating ang liwanag mula sa mga gaserang nakakasabit sa balsa.
Mula sa malayo, may isang liwanag na tila kumislap.
“Nakikita niyo ba ‘yun?” Lumingon ang iba sa direksyong itinuturo ko.
Sa gitna ng malawak na kadiliman, namumukod-tangi ang liwanag na nakikita namin. Gumagalaw ito at tila may nagwagayway. Mukha itong ningas ng sulo na dahan-dahang ikinakaway pakaliwa’t pakanan.
Naningkit ang mga mata ni Tomas at bumulong, “Liwanag ‘yun, ‘di ba? Baka may bangka roon.”
“Tingin ko hindi.” Ang wika ko. “Masyadong mataas ang pinanggagalingan ng liwanag. Para itong nasa mataas na bahagi.”
“Pabalik-balik sa kaliwa at kanan,” sabi ni Jasmine. “Para bang may taong may hawak nito. Sinasadya niyang igalaw nang ganyan para makuha ang atensyon natin.”
Dagdag ni Tomas, “Kung galing ‘yan sa lupa, baka nasa Isla Miedo ang taong may hawak niyan. Baka grupo na nina Eve iyan.”
“Puntahan natin,” sabi ni Jasmine.
Hindi maipagkakaila sa kilos ni Tomas na parang nabuhayan siya ng loob. Ako man ay nakaramdam bigla ng sigla. Ganito ang pakiramdam ko kapag nakakainom ako ng kape o energy drink. Nanatiling tahimik si Daniel at nakahalukipkip. Marahil ay pagod oh takot siyang tama nga ang hula namin na ang pinanggagalingan ng liwanag na iyon ay ang isla ng Miedo.
Simple lang ang gusto kong mangyari, makarating sa Isla Miedo at tiyaking ligtas si Eve.
Chapter 3B
“Sa Balumbon ng Kawalang Katiyakan”
Posted on August 3, 2018, in Creative Writing, Fiction, Horror, Kwentong Kababalaghan at Katatakutan, Maikling Nobela and tagged Creative writing, Fiction, Horror, Kwentong Kababalaghan at Katatakutan, Maikling Nobela. Bookmark the permalink. 2 Comments.




Pingback: Lingon | HARDPEN'S PORTFOLIO
Pingback: Lingon – MUKHANG "POET"