Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 2B
Chapter 2B
“Kung Saan Nananahan Ang Takot”
Pumunta si Mang Fidel sa unahan, si Marco naman sa likuran, hawak ang kani-kanilang sagwan.
“Mukhang buo na nga ang loob niyong pumunta sa isla,” ang seryosong wika ni Mang Fidel habang nagsisimulang sumagwan. “Nawa’y ilayo kayo ng Nazareno sa mga demonyo ng lugar na iyon. Protektahan nawa kayo ng arkanghel na si Miguel.”
Lumalayo na ang bangka sa breakwater. Nakita kong muling nag-usap ang mga tao sa bangka, hindi ko maulinigan dahil sa mga alon. Tumayo si Jasmine at naglakad patungo kay Mang Fidel sa unahan. Huminto ang huli sa pagsagwan.
Sa tantiya ko ang paguusap nila’y nauwi sa diskusyon. Nakikita kong nagsasalita si Jasmine pero hindi sumasagot ang kausap niyang si Mang Fidel. Bakas ang tensyon sa kanilang mga mukha.
Tumayo si Mang Fidel at iniwan si Jasmine. Pumunta siya sa likuran, at tumabi kay Marco. Nagpatuloy siya sa pagsagwan. Halos padabog niya itong ginagawa.
Hindi mapalagay si Marco, tumayo siya at lumapit kay Jasmine. Ngunit itinaas ng babae ang kanyang kamay para patigilin siya. Mabilis na hinubad ni Jasmine ang kanyang tunika at tumalon sa tubig. Naglaho siya na tila nilamon ng dagat.
Natigilan kaming tatlo. Nanlalaki ang mga mata naming nakatitig sa tubig kung saan nawala si Jasmine. Ilang sandali pa ay muli siyang lumitaw at at nagsimulang lumangoy patungo sa kinatatayuan namin sa breakwater.
Muling huminto sa pagsagwan si Mang Fidel, tila hindi maunawaan ang nangyari, nakatitig lang kay Jasmine habang nakakunot ang noo.
Nang malapit na si Jasmine sa breakwater, nagmamadali akong bumaba sa rampa upang tulungan siyang makaahon mula sa dagat.
Muling inilapit ng mag-ama ang bangka sa amin.
“Jasmine, pwede ka pang magbago ng isip.” Garalgal ang boses ni Mang Fidel. “Bumalik ka sa safehouse at magpalit ng damit. Maghihintay kami. Kailangan ka namin.”
Umiling lang si Jasmine, tikom ang bibig.
“Jasmine, pakiusap,” pagmamakaawa ni Marco.
“Pasensya na, Marco, kailangan ko itong gawin,” sagot niya habang umiiling.
“Jasmine, nakikiusap ako,” patuloy ni Marco.
Ngunit pinatigil siya ng matanda. “Hayaan mo na siya, anak. Hindi mo kailangang magmakaawa.”
Natahimik ang lahat.
Seryosong tumingin kay Jasmine si Mang Fidel. Galit pero pinipilit na maging kalmado.
“Iginagalang namin ang pasya mo, Jasmine,” ang sabi ni Mang Fidel. “Ipapaalam ko na lang sa grupo ang pag-alis mo.”
Huminga nang malalim si Jasmine, bakas sa mukha niya ang kalungkutan. Para bang nagdadalawang-isip kung paninindigan ba niya ang ginawang decision o tawagin pabalik ang mag-ama.
“Kailangan na naming umalis. Pero kahit wala ka, Jasmine, itutuloy namin ang dapat gawin,” ani Fidel.
Nanatiling nakatitig si Marco sa kanya habang papalayo ang bangka.
“Mang Fidel… Marco…” sigaw ni Jasmine.
Huminto sa pagsagwan si Mang Fidel… lumingon. “Salamat sa lahat ng naitulong ninyo sa akin. Mag-ingat po kayo.”
Tumango ang dalawang lalaki bilang pagkilala.
“Hihilingin ko sa Nazareno at sa mga arkanghel na bantayan kayo. Sana’y mapatawad niyo ako sa desisyong ito.”
Muling sumagwan si Marco, tinutulungan ang kanyang ama na ilayo ang bangka sa breakwater, bawat hampas ng sagwan ng mag-ama’y pinapalawak ang distansya sa pagitan namin.
Hindi ko na nabilang kung ilang beses lumingon si Marco. Si Mang Fidel naman ay parang dalawang beses lang tumingin sa likuran.
Inaasahan ba nilang magbabago ang isip ni Jasmine at tatawagin sila? Kay Marco, alam kong higit pa roon ang nararamdaman niya. Umaasa siya sa isang bagay na hindi niya maamin—kahit sa sarili niya. Pareho ba kaming nasa iisang bangka—dalawang lalaking takot aminin ang nilalaman ng puso sa babaeng mahal nila?
“Jasmine, kung gusto mong magpalit, may dala akong extra na T-shirt,” sabi ko habang sumusunod ako sa kanya palapit kina Daniel at Tomas.
“Salamat. Pero ayos lang ako. Dito muna kayo. Sandali lang. Babalik ako.”
Naglakad si Jasmine patungo sa pampang. Binaybay niya ang breakwater. Sinundan namin siya ng tingin. Pumunta siya sa lugar na pinanggalingan ng bangkang sinakyan nila. Nasa ilalim iyon ng isang punong talisay. Nang makarating siya doon, may mga tinanggal siyang bato malapit sa puno ng talisay at nagsimulang maghukay sa buhangin.
Matapos ang ilang minuto, may binitbit si Jasmine na isang maliit na kahon at dinala ito sa likod ng mga damuhan.
Nang muli siyang lumabas, nakasuot na siya ng bagong damit habang pinapagpagan ang buhangin sa kanyang braso.
Bumalik siya sa breakwater para samahan kami. Wala na sina Mang Fidel at Marco. Hindi na namin matanaw ang kanilang bangka.
Naglabas si Jasmine ng rosaryo mula sa bulsa ng kanyang maong at isinabit ito sa kanyang leeg. Pagkatapos ay isinuksok ang patalim niyang nakapaloob sa kaluban sa likurang bulsa ng pantalon.
Maraming kailangang ipaliwanag si Jasmine.
“Anong ibig sabihin ni Mang Fidel sa gagawin nila kahit wala ka na, Jasmine?” tanong ni Tomas.
Huminga nang malalim si Jasmine habang nakatingin sa papalubog na araw. “Mahabang kwento. Napakakumplikado, baka sabihin niyo pang imposible.”
“Pwede mo bang sabihin sa amin ngayon?” tanong ni Daniel, tila hindi na makapaghintay.
“Bigyan niyo pa ako ng kaunting panahon,” buntong-hininga ni Jasmine habang nakayuko.
Magsasalita pa sana si Daniel pero sinenyasan ko siyan manahimik.
“Pasensya na sa kaibigan namin. Minsan ay wala talagang preno ang bibig niyan,” sabi ko.
Tumango nang bahagya si Jasmine. “Humalik na ang araw sa dagat. Darating na si Kharon.”
“Kharon? Sino ‘yun?” Ang tanong ni Daniel.
“Siya ang magdadala sa mga tao sa Isla Miedo,” sagot ni Jasmine.
“Kharon? Parang nabasa ko na ang pangalang ‘yan sa isang kwento,” sabi ko.
“Oo, Willy. Ang bangkero na naghahatid sa mga pumanaw sa huling hantungan sa mitolohiyang Griyego ay kilala bilang si Kharon.”
Tumitig si Jasmine kay Tomas. “Ang mga Espanyol ang nagbigay sa kanya ng pangalang iyon. Sila rin daw ang nagpangalan ng Miedo sa islang iyon.”
Pagkatapos sabihin iyon ni Jasmine ay tumingin ako kalawakan ng dagat. “Sige, Jasmine… nasaan ba talaga ang islang ‘yan? Wala akong makita. Puro tubig lang sa kaliwa, kanan, at harapan.”
Yumuko si Jasmine. “Hindi ko masasagot ‘yan. Ang alam ko lang, ang sinumang gustong makarating sa Isla Miedo ay kailangang magpahatid kay Kharon doon. Wala nang ibang paraan para makapunta doon kundi sa pamaagitan ni Kharon.
Dagdag ni Tomas, “At tanging bangka lang ni Kharon ang makakapagdala sa atin doon.”
“Bangka?” sabi ni Jasmine, bahagyang naningkit ang mga mata. “Hindi gumagamit ng bangka si Kharon. Balsa ang gamit niya.”
Nagulat ni Daniel. “Balsa? Nagbibiro ka ba? Balsa ang sasakyan natin?”
“Tama ang narinig mo… balsa,” sabi ni Jasmine . “Mukhang itong kaibigan ninyong si Tomas ay may mga nalalaman tungkol sa bangkero at sa isla na hindi niya sinasabi sa inyo.”
Tiningnan ko si Tomas. Hinimok ko siyang magsalita.
“Brod, ano ba ang alam mo tungkol sa isla?” Ang tanong ko.
Tumitig din si Daniel kay Tomas. Naghihintay sa sasabihin ng huli.
Tumingin si Tomas sa aming dalawa. Huminga ng malalim bago nagsalita. “Ang isla… napakaganda nito. Mga puno ng niyog, mga bungangkahoy, at mga ligaw na hayop sa paligid. May mga usa, baboy-ramo, at may mga lobo rin daw na gumagala doon.”
“O, okay naman pala ang isla?” sabat ni Daniel. “Bakit pilit tayong pinipigilang ng mga kasama ni Jasmine na pumunta doon?”
Dagdag pa ni Tomas. “Lahat ng sinabi ni Marco kanina ay narinig ko na. Lubhang mapanganib nga ang isla. May mga nagpupuntahan doon para lumangoy, mag-picnic, mangaso, manguha ng prutas, pero wala pang nakakabalik.”
Habang sinasabi ni Tomas ang lahat ng iyon ay muling sumagi sa isip ko si Eve. Sana lang eh ligtas kaya siya? Ang pananabik kong makita siya’y napalitan ng pangamba. Pilit kong iwinawaksi sa isip ko ang posibilidad na baka hindi namin abutang buhay si Eve.
Sumingasing ang hangin at hinaplit ako sa mukha. Pagkatapos ay sunod-sunod na tumilamsik sa mukha ko, marahil sa mga kasamahan ko rin, ang malamig na tilamsik ng tubig-dagat.
Ang hangin ay tila bumubulong sa king ng banta. Pinipiglan akong pumuta sa isla. Pero walang makakapigil sa akin sa pagpunta ko doon upang tiyaking ligtas si Eve.
“Ano ang ginagawa ng mga pulis at militar dito?” Ang usisa ni Daniel.
“Maraming beses na silang nagpunta rito.” Ani Jasmine. “Kahit anong paghahanap ng Coast Guard at Navy, hindi nila matagpuan ang isla. Mula pa daw noong panahon daw ng Kastila ay sinimulan nang galugarin ang karagatang iyan pero wala silang mahanap. Tumulong na rin ang mga Amerikano sa paghahanap ng islang iyon gamit ang kanlang sattelites perso wala rin.”
Nagpatuloy si Jasmine sa pagkukuwento. “Ang natatagpuan lang ng mga imbestigador ay mga piraso ng balsa na napapadpad sa dalampasigang ito at sa mga kalapit na lugar. Kalaunan, pinili na lang ng mga awtoridad na balewalain ang mga ulat ng mga nawawalang tao na bumisita sa isla.”
Bigla kong naisip ang Bermuda Triangle, ang misteryosong bahagi ng Atlantic kung saan naglalaho ang mga barko at eroplano nang walang bakas.
“Parang imposbileng paniwalaan,” sabi ko, “pero may teorya tungkol sa parallel universe—isang space-time warp na humihigop sa lahat ng malapit sa ibang dimensyon.”
Natawa si Daniel. “Lalo akong nalalabuan. Mula horror, naging science fiction na. Masyado kang maraming napapanood na pelikula Willy.”
Hindi ko siya pinansin ang pangangatyaw ni Daniel.
“Paano ‘yung mga piraso ng balsa—hindi ba sapat na dahilan ‘yun para mag-imbestiga?” tanong ko.
Umiling si Jasmine. “Anong mapapatunayan niyan? Wala kahit isang katawan ang natagpuan. Wala kahit isang piraso ng buto.”
“Nalunod ba silang lahat? Bakit piraso lang ang nakukuha? Ibig mong sabihin, walang balsa na nakabalik nang buo dito sa pampang?” Ang tanong ko.
Umiling si Daniel. “Ano bang inaasahan mo sa balsang kawayan na tinalian lang ng baging? Malamang ay nawasak ng alon at kinain ng pating ang mga sakay. Nilunok pati mga buto nila kaya walang natira.”
“Hindi!” Matalim ang tingin ni Jasmine sa amin. “Hindi nalunod ang mga biktima. At hindi alon ang sumira sa mga balsa.”
Natahimik kaming lahat. Tila lalong dumilim ang paligid; ang mga tanong sa isip ko ay naiwang nakabitin at ang kasagutan ay parang itinatago ng kadiliman unti-unting gumagapang sa paligid..
“Paano mo nalaman?” tanong ni Daniel. ‘Yun din sana ang itatanong ko.
Ilang sandali ang lumipas bago sumagot si Jasmine.
“Ipapaliwanag ko sa inyo nang detalyado kapag dumating na ang tamang oras.” Pagkasabi niya niyon ay tumikom ang kanyang bibig.
Walang nang nagsalita. Malinaw ang mensahe ng nagsalubong na kilay ni Jasmine pagkatapos niyang saibhin iyon.
Katahimikan ang namayani. Para kaming nagkaroon ng tampuhan. Walang kibuan. Walang imikan.
Tumingin ako sa paligid—halos hindi na makita ang pampang, at ang ilang bahagi lang ng breakwater ang nagniningning sa ilalim ng ilaw ng parola, na naglalabas ng mahahaba at nanginginig na anino sa ibabaw ng tubig.
At pagkatapos, huminto ang paghihip ng hangin.
Wala na akong maisip gawin kundi titigan ang itim na kalawakang iyon.
Ang bahagi ng langit kung saan ako tumitig ay parang bintanang bumukas. May nakatabing dito na kurtina. May hanging dumampi sa aking pisngi pagkatapos ay hinawi nito ang kurtina. May sumilip doon.
Hindi tao.
Hindi hayop.
Kumurap ako, at naglaho iyon.
Imahinasyon ko lang siguro iyon. Nilikha ng mga pag-uusap namin tungkol sa mga bagay na kung tutuusin ay mahirap paniwalaang totoo. Para talagang kathang-isip lang ang lahat.
O maaari ngang may nakita talaga ako at gustong magbigay ng babala. At siguro kung hindi si Eve ang hahanapin namin ay baka hindi ko sasamahan si Tomas sa islang iyon.
Pinagmasdan ko ang aking mga kasama, lahat sila’y nakatingin sa kawalan. Mukhang naiinip na sa paghihintay.
Posted on July 31, 2018, in Creative Writing, Fiction, Horror, Kwentong Kababalaghan at Katatakutan, Maikling Nobela and tagged Creative writing, Fiction, Horror, Kwentong Kababalaghan at Katatakutan, Maikling Nobela. Bookmark the permalink. 4 Comments.




Kind of got the gist …. scary ! !
LikeLiked by 1 person
I came out with the idea for this story when one late afternoon sometime in June I was hiking alone in a mountain in South Korea I heard a sound from behind me. I wasn’t sure if it was someone whistling or was it just a hissing sound. I didn’t bother about it until I heard it for the second time. I stopped momentarily then I was torn between looking back or just walk faster. I chose the second.
This is the 3rd installment of the story. It’s going to be 5 to 6 parts.
LikeLike
Pingback: Lingon | HARDPEN'S PORTFOLIO
Pingback: Lingon – MUKHANG "POET"