Blog Archives
Punso Sa Likod-bahay
“Nagmamadali ka yata pareng Teban?”
Ang tanong ni Pedro sa kanyang kaybigan.
“Oo pare, albularyo’y pupuntahan,
Nagkaproblema inaanak mong si Juan.”
“Lumaki’t namaga ang paa ni bunso
Nang sa likuran namin sila’y naglaro
Paano ba naman sinipa ang punso
Kaya hayon nagalit yata ang nuno.”
“Pati nga iyong kaybigan n’yang kalaro
Aba eh dinuraan daw iyong punso
Kaya’t sa kanya ma’y nagalit ang nuno
Hayun ang pobre… namamaga ang nguso.”
“O… pareng Pedro saan ang tungo mo n’yan?
Biglaan mo yata akong nilayasan!”
“Pare… likod-bahay ninyo’y pupuntahan –
Iyong punso doo’y aking iihian.”
BUNTIS

Ina’y nabagabag nang anak tumangis.
“Aking anak bakit ka naghihinagpis?”
“Sorry po… batid kong kayo’y magagalit
Ako’y nagkasala… ako po ay buntis.”
“Okay lang yan anak, h’wag mong problemahin.”
“Ganun inay… ‘di n’yo ako sasampalin?
Wala lang po? ‘di n’yo na tatanungin
Kung sino ba ang nakabuntis sa akin.”
Kinurot ng ina ang anak sa singit.
“Aray naman inay… kurot n’yo masakit.”
“Huwag nang uliting pangaraping mabuntis
Kasi Roberto wala ka namang matris.”
Happy Teachers’ Day Po Mam!!!

Kayo po ay muli kong kukwentuhan,
Paksa natin ngayo’y tungkol sa holdapan,
Kwento na nasagap sa isang huntahan,
Nang mga kapwa guro’y naka-umpukan.
Nang kwentong holdap ko’y kanilang nadinig –
Aba’y may isa ng tawa’y bumunghalit.
Isang kwento daw ang samagi sa isip,
Nang magsimula siya kami’y tumahimik.
Isang gabi guro niya sa kolehiyo,
Sumakay daw sa may Taft papuntang Recto,
May mga kawatan… bilang daw ay tatlo,
Sumigaw – “Walang kikilos holdap ito!”
Ibang pasahero syempre’y nataranta,
Ngunit ang guro mukhang naka-relax pa,
Holdapan yata ay nakasanayan na,
Inihanda na relo’t kanyang pitaka.
Madaling-madali ang mga kawatan,
Mabilis na mga gamit ay sinamsam,
At nang ang guro na ang nilalapitan,
Isang holdaper kasama’y pinigilan.
Ang wika niya, “Brod, balato ko na si mam!”
“Magaling kong guro noon sa elem ‘yan,”
Dugtong pa ay, “Hi! Good evening po madam.”
“Ako po ba ay inyong natatandaan?”
Natamemeng guro’y tumango na lang,
Ibang pasahero’y nagulumihanan,
At bago bumaba ang mga kawatan,
Wika ng isa – “Happy teachers’ day po mam!”
Ang Tatay Ni Juan
Excited si Juan nang ama’y kinausap –
“Itay, sa wakas ay aking nang nahanap
Iibigin, ko’t pakakasalang dilag
Bukod sa maganda’y ubod pa ng sipag.”
Nangiti si mang Pedro anak niyakap
“Yes! Magkakaapo na ako sa wakas.”
At tinanong ng ama ang kanyang anak –
“Eh Juan, sino ba itong bago mong sweetheart?”
“Siya po’y si Helen anak ni aling Bebang
Sila’y nakatira sa kabilang kanto lang.”
“Anak, si aling Bebang bang nagpapakwan?”
“Opo itay… ‘yong madalas ninyong bilhan.”
“Naku anak, ako sana’y iyong sundin
Iyang si Helen ‘di mo pwedeng ibigin”
“Bakit po itay? Inyo ngang liwanagin.
“Anak si Helen… sa akin din nanggaling.”
“Itay… si Helen pala’y aking kapatid!
Talagang sa babae kayo’y malupit.
Si aling Bebang kayo ang nakabuntis,
Di ka nasindak sa mister niyang pulis.”
“Si Helen ay pilit kong kakalimutan
Si Joy na lang po ang aking liligawan
Mukha’y maamo’t maganda ang katawan
Siya’y anak ng kumpare ninyong si Teban.”
“Hep! Hep! Hep! Ikaw nga anak eh tumigil
Anak… kay Joy eh huwag ka sanang mang-gigil
Bunga din s’ya nang aking pagtataksil
Nang si kumare ay hindi ko napigil.”
“Ang liligawan ko na lang eh si Gracia,
Nag-iisang anak ni aling Maria.”
“Naku hijo, sorry, pero pasensya na,
Si Gracia’y galing rin sa aking semilya.”
Naglasing ng todo ang dismayadong Juan
Mga kapatid kasi ‘di pwedeng ligawan
Kaya’t ang nanay niya’y kanyang nilapitan.
“Inay…ako po ba’y pwedeng pagpayuhan?”
“Tatlong dilag… aking pinagpipilian
Isa sa kanila nais kong ligawan
Ngunit si itay ako ay pinigilan
Siya daw ang tatay ng mga naturan.”
“Inay si itay ika’y pinagtaksilan
Kataksilang aking pinagdudusahan.”
“Tama na anak pag-iyak ay tigilan
Itong sasabihin ko’y iyong pakinggan.”
“Si Helen at Gracia pwede mong ligawan
Tanging si Joy lang ang dapat mong iwasan.”
Eh bakit po inay? Pwede bang malaman?
“Anak… tunay mong ama’y si pareng Teban.”
