Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 6B
Chapter 6B
“Sa Gitna Ng Libingan”
Kasunod nito ang mga alulong at ungol—ang mga sigaw ng mga Sutsot ay nagiging mga boses ng mga taong kilala at malapit sa amin: ang aming mga ina, ama, kapatid… kaybigan. Kopyang-kopya ng mga Sutsot ang boses ng mga mahal namin sa buhay. Lubos man ang pananabik namin sa kanila ay hindi kami puwedeng lumingon.
Habang naglalakad kami, ang mga Sutsot ay sumusunod—nakadapo sa mga sanga, tumatawid sa mga tulay na baging. Nasusulyapan ko sila kapag bahagya kong itinitagilid ang aking mata sa kaliwa’t kanan. Isang bagay ang napansin ko. Ang madalas gayahin ng mga Sutsot ay ang boses ni Adam.
“Sa awa ng Diyos, makikita ko uli ang kapatid ko,” deklara ni Tomas.
Tomas, naniniwala ka ba talaga na may Diyos?—boses iyong ng tatay ni Tomas.
Hindi na sumagot si Tomas. Tanging ang tunog ng nagngangalit niyang ngipin ang aking narinig.
Talaga lang ha. Hindi ka sumasagot. Kunwari cool na cool ka lang. Pero ramdam ko ang galit at panggigil mo. Sige Tomas. Kailan mo naramdaman na ang Diyos ay tunay na gumagabay at nagmamahal sa’yo?
Napaisip ako, ganoon din maraghil ang mga kasama ko. Ang tanong na iyon ay hindi lang para kay Tomas. Ito’y tanong para sa aming lahat.Sinusubok ang aming pananampalataya.
Naniniwala pa ba kami sa Diyos?
Sasabihin ko ito sa inyo, mga tao ulol… Sa tingin niyo ba ay maililigtas kayo ng inyong Diyos? Wala Siyang pakialam sa inyo. Iyan ang dahilan kung bakit ang bawat taong tumapak sa islang ito ay hindi na nakabalik, sa loob ng daan-daang taon. Kahit isa. Tingnan ninyo… pinabayaan na kayo ng inyong Diyos. Hinayaan Niya kayong maging pagkain namin. Thank you, Lord… Thank you, Lord.
Ang boses na iyon mula sa isang Sutsot ay iba. Ito’y kakaiba. Hindi boses ng isang tao. Boses iyong ng nilalang na galing sa impyerno.
AMMMEEENNNN… AMMEEENNNN
Parang tinutuya ng mga demonyo ang pananampalataya ng mg Kristyano. Sinundan iyong ng mga tawang at hiyawan. Tinakpan ko ang aking mga tenga, pero tumatagos ang kabastatusang ginagawa ng mga halimaw..
Ang Diyos ninyo ay nandoon at kampanteng nakaupo sa kanyang trono, kasama ang Anak at ang Espiritu Santo, nanonood sa inyong pagdurusa. Wala silang pakialam. Naniniwala ba kayo na tutulungan nila kayo?
YES JESUS… YES JESUS…
Kumakapit kayo sa walang kwentang pag-asa. Walang kapangyarihan ang inyong Diyos, nakabahag ang buntot.
Ang huling boses na iyon—kay Adam.
“Nakakatawa kang demonyo ka. Walang kapangyarihan ang Diyos? Eh kaya nga kayo naitapon dito sa lupa dahil hindi kayo nagtagumpay labas sa kanya.” Wika ni Jasmine.
Wow, ipanagtatangol mo ang Diyos… nakaka-touch naman. Mas kinakampihan mo ang Diyos kaysa akin na kapatind mo… ha..
Hinigpitan ni Jasmine ang hawak sa kanyang rosaryo. Pumikit siya. Taimtim ang ginagawang panalangin
Sige, magdasal ka pa, ang sigaw ng isang pang Sutsot, ginagaya ang boses ng ina ni Daniel. Sa tingin mo ba ay maililigtas ka ng mga dasal mo? Bingi ang Diyos mo. Nag-aaksaya ka lang ng oras.
Sumama ako sa pagdarasal ni Jasmine.
Tingnan niyo si Willy, nagdadasal, patuloy nito, ang pinanggagalingan ng boses ay napakalapit lang sa akin. Sabihin mo sa akin, Willy—ilang dasal na ba ang sinagot ng Diyos mo? Nagkabati ba ang mga magulang mo matapos ang lahat ng gabing nakiusap ka para sa kapayapaan sa bahay niyo?
YES JESUS… YES JESUS
Pinigilan ba ng mga dasal mo ang pagkamatay ng kapatid mo sa liver cancer? At paano naman si Eve? Ipinagdasal mo rin ang pag-ibig niya, ‘di ba? Sabihin mo sa akin—nakikinig ba ang Langit noon?
Ang tawa ng Sutsot ay naging isang paos na hiyaw.
Bingi ang Diyos mo. At sino ka ba, Willy, para pagbigyan Niya?
AMMMEEENNNN… AMMEEENNNN
“Pati ba naman ang mga iyon eh alam din ng mga demonyong iyan ha Jasmine?” Ang tanong ko.
“Natatandaan mo pa ba ang sinabi ko kagabi?” Ang tanong ni Jasmine. “Dating anghel ang mga iyan bago sila naging demonyo. Taglay nila ang ilang kapangyarihan na taglay ng mga anghel. Kapag nakita na nila ang tao ay nalalaman nila ang mga kinikimkim mong sama ng loob, ang mga kabiguan mo sa buhay, at ang mga itinatago mong kasalanan.”
Tumigil sandali si Jasmine. Tumingin sa akin. “Sa isang tingin lang ay parang isang aklat na nababasa nila ang nakaraan ng isang tao. Pero nang itapon sila mula sa langit, nawala sa kanila ang isang kakayahan makita ang darating pa lang.”
Biglang muling nag-ingay ang mga Sutsot.. Pakiramdam ko ay nasa mismong itaas lang ng nilalalakaran namin.
“HAYOP KAYO!”
Sumigaw si Daniel at iwinasiwas ang hawak niyang pamalo sa mga tulay na baging nang buong lakas.
Napatingala si Daniel sa pinaghagisan ng hawak niyang pamala.
Naganap ang lahat sa isang iglap. Isang guhit ng itim na usok ang bumulusok pababa, diretso sa kanyang mata.
Pagkatapos ay bumagsak si Daniel. Ang kanyang katawan ay nangingisay; ang kanyang mga paa’t kamay ay pumipitlag sa lupa. Tumirik ang kanyang mga mata, at isang paos na ungol ang kumawala sa kanyang lalamunan—isang tunog na hindi nagmula sa tao.
Hindi namin malaman kung ano ang gagawin. Nalito kami sa bilis ng mga pangyayari.
“Laban, Daniel! Huwag mong hayaang maagaw ang katawan mo!” sigaw ni Jasmine, puno ng desperasyon.
Sinubukan ni Tomas na hawakan ang mga binti ni Daniel, pero kalaunan ay ay nasipa siya at gumulong sa tabi ko. Biglang tumayo si Daniel, ang mga mata ay dilat at ligaw. Sinasabunutan niya ang kanyang sarili, sinasampal ang kanyang mukha, at hinahampas ang hangin.
“Lumabas ka sa katawan ko! Lumabas ka!” sigaw ni Daniel, hirap na hirap.
Umiikot siya nang mabilis, ang kanyang katawan ay naging isang ipo-ipo.
Lumabas ka—akin na ang katawang ito! Boses iyon ng nanay ni Daniel. Ang katawang ito ay galing sa aking sinapupunan. Ibalik mo ito sa akin!
Bumagsak si Daniel, nangingisay sa lupa. Sa itaas namin, ang mga demonyo ay tumitili at tumatawa. Tuwang-tuwa silang pagmasdan ang paghihirap ni Daniel.
Pinilit ni Daniel na tumayo. “Tomas… patayin mo na ako. Please… tapusin mo na.”
Lalong lumakas ang tili ng mga Sutsot. Nakakarinding pakinggan ang ingay na likha nila.
“Sorry…” hingal ni Daniel. “Hinayaan kong kainin ako ng galit ko… nawalan ako ng kontrol.”
Pagkatapos ay naging tahimik siya. Sobrang tahimik.
Isang sandali pa, nakita ko ang isang malaking usok—parang usok ng sigarilyo—na lumabas sa kanyang mga mata. Iyon marahil ang kaluluwa niya.
Isang ngisi ang gumuhit sa mukha ni Daniel—hungkag, hindi natural. Umagos ang dugo mula sa kanyang mga mata. Dahan-dahan, ang laman sa paligid nito ay nagsimulang lumubog at matunaw, tila ba may kumakain sa mga ito mula sa loob.
Nakakasuka ang naririnig kong ingay mula sa katawan ni Daniel. Parang may napupunit na laman, parang may ginigiling na karne. Ang hungkag na mga hukay ng mata ay nakatitig sa akin. Ang katawan ni Daniel ay nanginginig, ang mga labi ay gumagalaw sa isang piping sigaw, habang ang bagay sa loob niya ay nagpapakasasa nang walang awa.
“Wala na si Daniel. Nakuha na ang katawan niya,” bulong ni Jasmine, garalgal ang boses.
Kaibigan ko siya. Sa isang iglap, nakita ko ang totoong Daniel sa likod ng mga nagdurugong matang iyon—nagsusumamo na palayain siya.
Nang walang kamukat-mukat , si Daniel—o ang bagay sa loob niya—ay sumugod sa akin. Ayaw gumalaw ng mga binti ko. Maging ang paghinga ay parang nakalimutan ko. Hindi halimaw ang nakita kong pasugod sa akin—kundi isang kaibigan na humihiling ng yakap.
Isang putok ng baril ang umalingawngaw. Bumagsak ang katawan ni Daniel, berdeng likido , hindi dugo, ang lumalabas sa sugat sa kanyang sentido. Agad siyang nilapitan ni Jasmine, itinusok ang kanyang kutsilyo sa dibdib nito.
Isa pang putok pa ang umalingawngaw. Si Tomas, habang nakapikit ang mga mata, ay nagpaputok pataas sa direksyon ng mga Suksok. Naghiyawan ang mga Sutsot. Isang bagay ang bumagsak sa mga sanga at umatras sa likuran ng mga puno.
Muling naghari ang katahimikan. Lumuhod si Tomas sa harap ng wala nang buhay na katawan ni Daniel. Patuloy ang pag-agos ng berdeng likido mula sa mga sugat. Sa sandaling iyon, naging malinaw: wala na si Daniel, at wala na rin ang Sitsit na kumuha sa kanyang katawan.
“Sorry, bro… sorry, bro,” paulit-ulit na sinsabi ni Tomas, umaagos ang luha sa kanyang mukha.
Ipinatong ko ang aking kamay sa balikat ni Tomas. “Bro, wala na tayong magagawa. Tapos na.”
Sandaling walang kumilos sa amin. Ang mundo ay tila lumiit sa bahagi ng lupang kumandong sa bangkay ni Daniel. Ang kanyang pagkawala ay tila isang bigat na hindi namin kayang buhatin. Ang isiping kasama pa namin siya ilang minuto lang ang nakalipas—tumatawa, nakikipagtalo, buhay—ay mas masakit pa sa anumang sugat. Ang pighati ay nanuot sa aming mga buto, habang ang isla mismo ay tila nagluluksa kasama namin.
At sa dulo ng isip ko, isang boses ang narinig—malalim, malayo, hindi maiiwasan.
Ang babala ni Kharon.
“Isa sa inyo ang mabubuhay para ibahagi ang kuwentong ito. Ang iba’y magiging plamuti sa kuwento.”
Naramdaman ko iyon—hindi bilang isang hula, kundi bilang isang katotohanang nagsisimula nang mabuo.
*****
Nanginginig na nagsimulang maghukay si Tomas gamit ang kanyang mga kamay. Alam ko ang ginagawa niya. Humahagulgol siya, at lumuhod kami sa tabi niya para tumulong. Huling beses ko siyang nakitang umiyak nang ganoon ay noong namatay ang tatay niya.
“Kasalanan ko ang lahat ng ‘to. Hindi ko sana kayo hinayaang sumama. Anong sasabihin ko sa nanay ni Daniel? Paano ko ipapaliwanag ‘to sa kanya?”
“Hindi na bata si Daniel. Isang matanda na siya na gumawa ng sariling desisyon,” sabi ni Jasmine.
“Kahit na. Idinamay ko ang mga kaibigan ko sa kamalasan ko. Isa sa kanila ang namatay dahil dito.”
“Kusang loob ang pagsama namin sa iyo. Hindi na kami mga bata. At kahit ayaw mo pa, magpupumilit kaming sasama. Hindi ka namin puwedent pabayaan.”
Sandaling hindi kami gumalaw. Tatlong taong pinagbuklod ng pagkawala, dumi sa ilalim ng kuko, dugo sa mga kamay, at pighating hindi kayang sukatin.
Pero hindi hinintay ng isla na matapos ang aming pagdadalamhati. Muling gumalaw ang gubat, ipinapaalala sa amin na ang kamatayan ni Daniel ay simula pa lamang.
Mababaw lang ang hukay pero malalim ang pighating nararamdaman namin sa pagkawala ng am ing kaybigan. Inangat ni Jasmine ang kanyang kutsilyo, nag-atubili lang ng isang saglit bago pinutol ang ulo ni Daniel.
“Sorry,” bulong niya. “Kailangang gawin ‘to.”
Naintindihan naming dalawa ni Tomas. Tumalikod siya, at ipinikit ko ang aking mga mata. Nang matapos si Jasmine, tinabunan namin ang katawan ni Daniel ng lupa at bato. Iyon ang ikalawang libingang hinukay namin sa araw na iyon.
Namayani ang katahimikan. Ang hamog ay parang balumbon ng kalungkutan na bumalot sa amin.
Inilibing namin si Daniel, pero pakiramdam ko ay naghuhukay din kami ng libingan para sa aming sarili. Ngunit sa gitna ng aming pagdadalamhati ay hindi namin puwedeng kalomutan na si Eve ang nasa isla at nahaharap sa matinding panganib. Hindi kami pwedeng huminto. At alam kong hindi rin titigil si Jasmine hangga’t hindi niya nahanap ang kanyang kapatid.
Hinawakan ko sa balikat si Tomas. “Kailangan nating hanapin si Eve habang may oras pa. Hinihintay niya tayo.”
Hindi na ako nag-atubiling malaman pa ni Tomas na katulad niya, gusto-gusto ko ring mahanap at tiyakin ang kaligtasan ni Eve. Mahalaga sa akin si Eve. Handa akong suungin ang ano mang panganib para sa kanya.
Sa gitna ng mga pagsubok at panganib na aming pinagdaanan at ang nakakalungkot na pagkawala ni Daniel, nalusaw na ang ano mang takot ko at pagaalinlangan. Tila ang mga ito’y sumama sa hukay ng aming kaybigan
At dito, kung saan ang kamatayan ay nasa likod lang namin, wala talagang puwang ang takot at pag-aalinlangan. .
Bago kami nagpatuloy, kinuha ko ang backpack ni Daniel. Tinignan ko ang laman nito. Nandoon ang kanyang lighter at ang inipon niyang gaas at mga mitsa ng mga gasera.
Ipinagpatuloy namin ang paglalakad sa gubat. Tatlo na lamang kami. Sa paglalakad namin ay aming tiniyak na hindi kami mabubulaga kapag biglaang sumalakay ng mga Sutsot. .
Criminal ka, Tomas. Pinatay mo ang sarili mong kaibigan, panunukso ng isang boses, perpektong ginagaya ang boses ni Adam.
Wala kang puso, Tomas. Kinuha mo ang buhay ng anak ko. Pagbabayaran mo ‘to, sabat ng isa pang boses—boses ngy nanay ni Daniel, puno ng galit at pighati.
Itinaas ni Tomas ang kanyang baril sa mga anino.
“Mga ulol!” sigaw niya. “Kapwa ninyo halimaw ang pinatay ko, hindi ang kaibigan namin! Kayo ang kumuha sa buhay ni Daniel. Magpakita kayo! Harapin niyo ako!”
Matapang ka lang dahil may baril ka. Pero tandaan mo, darating ang oras na mauubusan ka ng bala. At kapag nangyari ‘yun, humanda ka—dahil tayo na lang dalawa ang maghaharap.
Iba ang tono sa pagkakataong ito—hindi panggagaya. Iyon ang boses ng demonyong nagsalita noon. Maaaring si Berith nga iyon.
“Malakas ang loob mo dahil tao lang ako!” sigaw ni Tomas. “Pero ikaw—isinumpang anghel—kaya mo bang lumaban nang walang kapangyarihan? Nang hindi nagnanakaw ng katawan ng tao? Kaya mo bang lumaban nang patas?”
Isang nakakabinging atungal nanaman ang tumagos at dumurog sa mga puno, yumayanig sa lupa. Isa pa ang sumunod—mas matindi. Napakalapit lang nila sa amin.
At inihanda ko ang sarili ko sa koro ng mga tili at hiyaw na siguradong susunod.
At, dumating nga ito. Mas malakas. Mas nakakabingi.
Mag-ingat ka sa mga hinihiling mo, babala ng boses na kinopya is Adam.
Kung ang mga demonyong ito ay may pinuno nga, siguradong ang nanggagaya sa boses ni Adam iyon.
“Tatlo na lang ang silver bullets ko,” bulong ni Tomas.
“Kunin mo ang patalim ko kung kailangan.” sabi ni Jasmine.
Pero tumanggi si Tomas. “Huwag. Kailangan mo ‘yan. May mga bala pa naman ako.”
“Apat na sa mga kasama ni Eve ang nakita nating patay. Isa na lang, maliban kay Eve, ang posibleng buhay pa,” paalala ko sa grupo.
“Buhay o sinaniban!” balik ni Jasmine, nagngangalit ang mga ngipin sa panggigil habang hinihigpitan ang hawak sa kanyan patalim.
Muling pumasok si Eve sa isip ko—ang kanyang mukha, boses, ang paraan ng kanyang pagtawa. Paano kung nakuha na ng mga demonyo ang katawan niya?
Pilit kong iwinaksi ang isiping iyon. Hindi ko hinayaang kainin ako ng inisip kong iyon. Kaylangang manalig akong buhay at ligtas si Eve.
“At huwag mong kalilimutan ang kapatid mo,” mahina kong dagdag. “Tatlo pa sila. Maliban na lang kung ang bangkay na nilalapa ng mga lobo kanina ay isa sa mga kaibigan ni Eve… kung wala nang ibang nakarating dito sa isla bago sila.”
Ang mga demonyo ay patuloy na sinusubukang patingalain kami, umaasang mawala ang aming atensyon sa panganib.
Ang mga puno sa paligid namin ay nagsimulang kumaunti. Ang mga tulay na baging sa itaas ay naglaho na rin. Ang damo sa paanan namin ay napalitan ng baku-bakong batuhan.
Pagkatapos, sa isang hindi inaasahang pagkakataon, ang mga Sutsot ay tila umatras na, hindi na kami hinahabol. Bakit hindi nila kami sinundan sa bahaging ito ng gubat ay isang palaisipan. Para bang off-limits ito sa kanila. Pero imposible.
Pero bakit nga kaya? Marahil gusto lang nilang maging kampante kami nang sa gayon mas madali nila kaming talunin.
Ano man ang dahilan nila ay mahirap hulaan. Basta handa kami kung ano man ang susunod nilang gawin.
Chapter 7
“Sa Muling Pagtatagpo”
(Scheduled posting: 01 -17 -26)
Posted on January 16, 2026, in Creative Writing, Fiction, Horror, Kwentong Kababalaghan at Katatakutan, Maikling Nobela, Novelette, Short Novel and tagged Creative writing, Fiction, Horror, Kwentong Kababalaghan at Katatakutan, Maikling Nobela, Nobela, Short Novel. Bookmark the permalink. Leave a comment.





Leave a comment
Comments 0