Dila
May isang hayop mailap at mabangis
Ito’y dila mong nasa loob ng bibig
Kontrolin mo yan… itali ng mahigpit
Nang hindi magulo, buhay mong tahimik.
Dila kasi’y matalas parang patalim
Nang h’wag makapanugat dapat kontrolin
Kaya nga’t anuman ang gustong sabihin
Pag-isipang mabuti bago bigkasin.
Kung ang dila mo ay kalahi ng anay
Laging ang hanap ay sisiraing buhay
Kapahamakan sa iyo’y naghihintay
Kaya’t maghunos-dili’t magbulay-bulay.
Itong sinasabi ko sundin mo sana
Iyang bibig mo bago ibuka
Sasabihi’y dapat pag-isipan muna
Baka katabilan mo’y ipahamak ka.
Huwag sumama sa makikitid ang utak
Na tao ang paksa kapag nag-uusap
Dilang makakati, makasira ang hanap
Sa saliw ng tsismis h’wag kang maki-indak.
At tandaan mo ito… payong kapatid
Isang bagay ang lagi mong isa-isip
Mga katoto mong mahilig sa tsismis
Kapag wala ka ikaw naman ang topic.
Kaya dilang makating nais kamutin
Kung naghahanap ka ng kakausapin
Bakit ang Panginoon ‘di mo subukin
Pumikit ka na lamang at manalangin.
Posted on August 12, 2020, in Creative Writing, Poetry, Tula and tagged Creative Writig, Poetry, Tula. Bookmark the permalink. 2 Comments.
Mapanganib na sandata ang dila
LikeLike
Totoo po. Kaya nga dapat nating ingatan ang mga sasabihin natin.
LikeLiked by 1 person