Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 5A

Chapter 5A
“Bulong Mula Sa Kawalan”

Lalong lumakas ang mga kaluskos. Ang mga anino ay tila nabuhay. Sinunsundan kami, ayaw kaming lubayan.

“Diyos na mahabagin… nandito na nga ang mga halimaw,” bulong ni Daniel.

“Tandaan niyo ang lahat ng sinabi ko,” ang mahigpit na bilin  ni Jasmine, “hangga’t hindi tayo lumingon kapag tinawag nila tayo, ligtas tayo.”

Huminga siya nang malalim habang tinititigan ang mga puno sa unahan. “Uulitin ko… makukuha lang nila ang katawan natin kung lilingon tayo—kung magtatagpo ang ating mga mata.” Bahagyang gumaralgal ang kanyang boses, bagaman pilit niya itong pinapakalma. “Sa dilim, hindi niyo makikita ang kanilang hungkag na mga mata… pero nakikita nila kayo. Mas malinaw nilang nakikita ang takot sa inyong mga mata kaysa sa liwanag ng araw.”

Kahit kami’y nasa binggit ng panganib. Si Eve sa isip ko ay hindi mawaglit. Labis akong nagaalala para sa kanya. Kasama sa aking panalangin ang kaligtasan niya. Hinihiling ko sa Panginoon na sana ako ang unang makatagpo sa kanya at hindi ang mga Sutsot. Matay ko mang isiping eh paano niya maipagtatanggol ang kanyang sarili sa mga halimaw. Maliban na lang kung may tutulong sa kanya. At sana nga meron.

Dannniieel!

Ang boses ay nanggaling sa hindi kalayuan.

Natigilan kaming lahat. Tumayo kami nang nakatalikod sa bawat isa. Halos magkakadikit na ang aming mga balikat. Binantayan namin lahat ng direksyon.

Nakakasa ang baril ni Tomas.

Nakaumang ang patlim ni Jasmine.

Si Daniel, takot man, ay nakakuyom ang mga kamay. Handang sumuntok.

Handa ko ring iwasiwas ang pamalo ko kung sino man ang iluwal ng kadiliman sa harapan namin.

“Sino ‘yun?” tanong ni Tomas.

Daniel… nakikita kita!

“Diyos ko, parang boses ni Nanay ‘yun!” biglang sabi ni Daniel, napahawak sa kanyang noo. “Paanong…”

“Hindi mo ‘yan nanay… Sutsot ‘yan,” mabilis na pagputol ni Jasmine. “Napakalapit na nila sa atin.”

Naalala ko ang sinabi niya—na ang pakikipagtitigan sa kanila ay katumbas ng kamatayan.

Naghari muli ang katahimikan. Nawala ang tinig at ang mga kaluskos.

Maingat kaming nagpatuloy sa paglalakad.

Parang kumikipot ang dalampasigan. Mukhang mabato na ang nilalakaran namin. Naubos na ang mga buhangin. Tila mararating na namin ang dulo ng dalampasigan. Kakahuyan na ang aming tumtumbukin.

“Teka, ilang tao ba ang kasama ni Eve?” tanong ko kay Tomas.

“Kung tama ang pagkakaalala ko, anim sila. Sana mahanap natin sila… at buhay.” Ang sagot ni Tomas matapos bumuntong-hininga.

“Sana nga,” sabi ko.

“Sana makalabas din tayong lahat dito nang buhay. Ayokong mamatay,” pabulong na sabi ni Daniel.

Daniel, halika na… uuwi na tayo! Hindi ka mamamatay. Pramis.

Muling bumalik ang boses.

Umuwi ka na, Daniel… huwag matigas ang ulo! Halika na,

“Bro, alam mong imposibleng pumunta ang nanay mo rito,” paalala ko sa kanya.

Itinuon ng mga Sutsot ang kanilang atensyon kay Daniel. Paulit-ulit nilang tinatawag ang pangalan niya habang habang patuloy kaming naglalakad. Nakatutok ang baril ni Tomas sa direksyon ng gubat. Ang daliri niya’y nakakabit na sa gatilyo. Hinigpitan din namin ni Jasmine ang hawak sa aming mga armas, matamang nagmamasid sa dilim.

Nang tumigil ang panggagaya ng boses, muli kaming kumilos.

“Bakit boses na boses ni Nanay ‘yun?” panginginig na bulong ni Daniel.

“Isa lang ‘yan sa maraming kayang gawin ng mga body snatchers,” sagot ni Jasmine.“Sa sandaling makita nila kayo, agad nilang nararamdaman kung sino ang mga pinakamahalagang tao sa inyo—saka nila gagayahin ang boses ng mga ito. Kaya nilang gayahin ang kahit sino… o kahit ano.”

“Paano?” tanong ni Daniel, puno ng pag-aalinlangan.

“Hindi sila ordinaryong halimaw,” sabi ni Jasmine. “Mga demonyo sila—mga super natural being sila. Dati silang mga anghel bago sila itinapon sa impiyerno dahil sa pagaaklas laban sa Diyos Ama.”

Marami talagang nalalaman si Jasmine tungkol sa mga halimaw sa isla. At sa lahat ng naranasan at nakita naming kakaiba mula pa noon sumakay kami sa balsa ni Kharon ay wala na akong makitang dahilan para hindi siya paniwalaan.

Patuloy kong nararamdaman ang kilabot sa aking balat.

“Ang pag-aaklas sa Langit,” patuloy ni Jasmine, ang mga mata ay nakapako sa malayo na tila may tinatanaw na kung ano, “ay hindi lamang simplrnh pagtataksil. May mga pangkat—mga nilalang sa langit na nalinlang ni Lucifer at sumama sa kanyang pag-aaklas laban sa Diyos. Ang isang pangkat na iyon ay kinalaban din si Lucifer mismo sa impiyerno, hinamon ang kanyang kapangyarihan, pero natalo sila. Ang pinuno nila ay si Berith—ang tinatawag na Duke ng Impiyerno. Siya at ang kanyang legion ay may kakayahang makakita sa lahat ng panahon: nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap. Pero hindi lang ‘yun ang regalo sa kanila; sila rin ay magaling sa panlilinlang at panloloko.”

“Nang maglaon, ipinakilala ni Kharon si Empusa at ang iba pang mga babaeng demonyo kay Berith at sa kanyang pangkat, upang maging katuwang nila sa Isla Miedo. Ang pagsasama ng mga demonyong iyon ang nagluwal sa mga Sutsot.”

“Empusa?” ang paguusisa ko. “Ngayon ko lang narinig ang pangalang ‘yan.”

“Isa siyang babaeng demonyo na nagbabago ang anyo,” paliwanag ni Jasmine. “Kayang-kaya niyang maging isang napakagandang babae para akitin ang mga lalaki sa kanyang higaan, bago niya lalamunin ang kanilang laman at dugo. Nang makatagpo niya si Berith, hindi na siya umalis sa tabi nito. Marahil ay naakit siya nito. Naging anino siya ni Berith, ang kanyang katuwang.

Naalala ko tuloy ang dalawang malalakas na atungal na narinig ko kanina. Maaring si Berirth iyong boses lalaki at si Empusa naman iyong boses babae.

“Ang mga Sutsot na may kakayahang manggaya at magbago ng anyo ay ang mga naging supling nina Berith at Empusa,” dagdag ni Jasmine. “Sila ang pinakamatalino at pinakamapanganib sa lahat.”

“Natutunan mo ba ang lahat ng ‘yan sa grupong sinalihan mo—kina Marco at Fidel?” tanong ni Tomas.

Dahan-dahang tumango si Jasmine. “Ang headquarters namin ay nasa ilalim ng isang Katolikong simbahan sa bayan na may sakop sa pinanggalingan nating breakwater. Tatlong palapag ang lalim nito. May library doon, isang malawak na archive tungkol sa mga nilalang na nananahan sa Langit, Purgatoryo, at Impiyerno. Para itong encyclopedia ng mundong hindi nakikita.”

“Mukhang malaking grupo ‘yan at maraming pondo,” ang paguusisa ni Tomas.

“Totoo,” sagot ni Jasmine. “Ang training namin ay hindi lang pang-combat. Mahalaga rin ang kaalaman. Pinag-aaralan namin ang aming mga kaaway—ang kanilang lakas, kahinaan, at mga panlilinlang. Doon lang namin malalaman kung paano sila tatalunin.”

Ipinaliwanag pa niya na ang kanilang organisasyon ay may mga satellite center at safehouse sa kahabaan ng dalampasigan, kabilang na ang bahay na may gate na nakita namin kanina malapit sa breakwater. Ang headquarters daw ang nagbabantay sa mga center na ito sa pamamagitan ng network ng mga CCTV camera.

Marami pang sinabi si Jasmine at kahit na huminto na siya sa pagpapaliwanag ay pilit ko pa ring pinoproseso ang mga sinabi niya. Mahirap paniwalaan pero sa mga makakakita ng nakita namin at makakaranas ng mga pinagdaanan namin ay walang magiging puwang ang pagdudua..

Namatay na ang ningas ng aking gasera. Ang sa mga kasamahan ko’y buhay pa.

“Teka,” sabi ni Jasmine. “Magpahinga muna tayo sandali. Bago pa maubos ang gas, gumawa tayo ng siga.”

Sumunod kami sa kanya, nag-ipon kami ng mga tuyong dahon at sanga. Hinila ko ang mitsa mula sa aking patay na gasera, at kinuha ni Daniel ang kanyang lighter. Isang maliit na apoy ang kumapit sa mga dahon, saka sa mga sanga, hanggang sa isang matatag na siga ang nagliyab sa harap namin, nagbibigay ng gintong liwanag sa aming mga mukha.

Naupo kaming magkakatabi, nakaharap sa gubat.

“Tomas,” mahinahong sabi ni Jasmine, “maghintay muna tayo ng pagsikat ng araw bago natin ituloy ang paghahanap sa kapatid mo at sa iba pa.”

Tumango lamang si Tomas.

Hindi iyon ang nais ko. Ang gusto ko’y magpatuloy kami at walang oras na sayangin. Hindi ako mapakali sa dahilang nasa gitna ng gubat sa harapan namin si Eve, naghihintay na tulungan namin. Pero alam kong nangangaylangan din kami ng kahit kauting pahinga.

Itatanong ko sana kung may bentahe kami laban sa mga demonyo kung araw at maliwanag pero naunahan ako ni Jasmine. Sabi niya, “Hindi dahil sumikat ang araw ay ligtas na tayo sa mga Sutsot. Ang panganib na dala nila ay pareho lang, araw man o gabi. Hindi sila gaya ng mga bampira na takot sa araw. Pero mapapaso rin sila kapag humawak sila sa krus at maaari silang masaktan kapag nadadapuan  ng banal na tubig.

“Kahit papaano, kapag araw, mas malaya tayong makakagalaw,” bulong ni Tomas.

“Sana lang ay buhay pa tayo pagsikat ng araw,” sabi ni Daniel. Punong-puno siya ng kawalang-pag-asa.

Dinagdadgan  ni Jasmine ng mga tuyong sanga at dahon ang siga. Iniusog ang mga ito sa gitna ng apoy gamit ang isang stick. “Tandaan niyo ang sinabi ko kanina,” tahimik niyang sabi. “Kaya rin ng mga nilalang na ito na manggaya ng tunog ng hayop. Ang tahol sa likod niyo ay baka hindi aso—baka isa na ito sa kanila.”

Panibagong impormasyon, dag-dag na pangamba. Pakiwari ko tuloy eh dapat palagi kong hawak ang sangang pinulot ko.

Tahimik akong nagdasal. Alam ko na sa mga ganitong pagkakataon, tanging Diyos na lang ang makakatulong sa amin. Simple lang ang lohika para sa akin: kung totoong may mga demonyong gaya ng mga Sutsot, totoo rin ang Diyos na nagpalayas sa kanila sa langit noong nag-aklas si Lucifer. Ang presensya nila ay lalo lamang nagpapatibay sa aking pananampalataya. May Diyos—at hinding-hindi Niya hahayaang magtagumpay ang mga demonyong ito.

PSSST!

Mas parang singasing ito kaysa bulong.

Nasa tabi ko si Daniel. Napaigtad ito nang marinig iyon.  Payukong iginala ni Tomas ang paningin sa bandang likuran naming.  Walang sinuman sa amin ang makapagsalita. Ang liwanag ng apoy ay nagpapahaba sa aming mga aninong nanginginig sa buhanginan. Doon ko lang napagtanto—ang aming mga likuran ay lantad na lantad sa dagat.

PSSSSTTTT!

“Huwag kayong lilingon!” sigaw ni Jasmine.

Nagkasa ng baril ni Tomas. Inihanda ko ang aking pamalo; ramdam ko ang gaspang ng balat nito sa aking palad habang hinihigpitan ko ang hawak.

Pagkatapos ay katahimikan. Ang pinakamabigat na katahimikang naranasan ko sa buong buhay ko.

Meeeowww…

Inisip kong malamang na hindi totoong pusa iyon.

Mukha sana itong walang panganib—maliban na lamang sa babala ni Jasmine. Biglang napatayo si Daniel, bago muling napaluhod sa harap ko. “Katapusan na natin ‘to.”

PSSSSSTTTTTTT!

Patuloy kaming ginugulo at nililito ng mga Sutsot.

Hoy, Daniel! Bakit ka na tumakas ha?

Boses ito ng isang babae—nanay niya.

Wala ka talagang silbi. Wala kang magawang tama kasama ‘yang mga tinatawag mong kaibigan. Mahal na mahal mo sila, pero sa tingin mo ba gusto ka nilang kasama? Hindi mo ba alam na pinagtatawanan ka lang nila sa likod mo?

“Daniel, huwag kang maniniwala sa kahit anong sinasabi ng Sutsot!” sigaw ni Jasmine. “Ganyan ang ginagawa nila. Hindi lang ang pananampalataya mo sa Diyos ang gusto nilang sirain—pati ang tiwala mo sa sarili mo, sa mga taong mahal mo, at sa mga kaibigan mo. Nagtatanim sila ng sama ng loob para pag-awayin at paghiwalayin tayo.”

“Brod,” ang wika ko, “magkakapatid ang turingan natin… Alam mo ‘yan.”

Nagsisinungaling ka, Willy. Daniel, alam mo ba na ‘yang dalawang ‘yan, may mga ginagawang silang magkasama na hindi ka kasali? Sinasabi nilang wala kang silbi. Lahat ng ginagawa at sinasabi mo ay palpak, and dagdag ng Sutsot na ginagaya ang boses ng ina ni Daniel.

“Tumahimik kayo! Tumahimik kayo!” ungol ni Daniel.

Oww… patay tayo niyan! Nagagalit na ang tabatsoy! Napipikon na si fatboy! panunukso ng boses.

“Huminga ka nang malalim, brod,” ang mungkahi ni Tomas, sinusubukang pakalmahin si Daniel.

“Daniel, balewalain mo lang ang mga walang kwentang demonyong ‘yan.”

Wow, Jasmine, parang santo ka kung magsalita. Alam ba ng mga bago mong kaibigan ang totoong dahilan kung bakit gustong-gusto mong pumunta sa islang ito?

Ang boses ay hindi na sa ina ni Daniel.

Ang alam naming lahat, sumama si Jasmine para tulungan si Tomas na mahanap si Eve. Pero naalala kong binanggit niya na may personal siyang dahilan na ayaw niyang sabihin.

Miss mo na ba ang kapatid mo, si Adam? Tumingin ka rito, kung gusto mo siyang makita. Nandito lang siya sa tabi ko.

Hey, Adam, batiin mo ang kapatid mo.

Pumikit si Jasmine, iling ng iling, pilit panipigl ang pagluha.

Hello, mahal kong kapatid! Kumusta ka na? Kumusta sina Nanay at Tatay? Miss na miss ko na kayong lahat.

Ang boses na iyon—siguradong sa isang lalaki. Lumingon ako kay Jasmine. Napatingala siya pero nakapikit, malalim ang bawat paghinga niya. Siguradong boses iyon ng kanyang kapatid.

Salamat at pumunta ka dito para hanapin ako, sis. Please… kailangan ko ang tulong mo. Iligtas mo ako sa mga halimaw na ito.

Ngayon ko lang naintindihan. Ang determinasyon ni Jasmine na sumama sa amin ay hindi lang dahil sa kagustuhang tulungan kami sa paghahanap kay Eve. Ito ang sinabing niyang personal na dahilan kung bakit gusto niyan magpunta sa Isla Miedo. Gaya ni Tomas, may nawala rin siyang mahal sa buhay sa islang ito… ang kanyang kuya Adam.

“Jasmine,” babala ni Tomas, “tandaan mo ang sinabi mo kanina. Gagawin ng mga demonyong ‘yan ang lahat para mapalingon ang kanilang mga biktima.”

Muling naupo si Jasmine, ang ulo ay nakabaon sa kanyang mga tuhod. Dama ko ang kalungkutan bumabalot sa kanya. Kay tagal niyang hinintay na muling makita ang kuya niya. Sabik siyang muling makasama nito ngunit hindi siya nakakatiyak jung si Adam ang tumatawag sa kanya.

Kung boses ni Eve ang tumatawag mula sa dilim, hindi ako sigurado kung magagawa ko ang katatagang ipinapakita ni Jasmine. Hindi ako nakakatiyak na mapipigilan ko na huwag lumingo..

Nagpatuloy ang nagpapanggap na si Adam na tawagin si Jasmine, determinado itong palingunin ang huli. Subalit matibay ang paninindigan ni Jasmine. Unti-unti lumuwag ang hawak ni Jasmine sa hawak na patalim hanggang sa ito’y kanyang bitawan at hayaang malaglag sa buhanginan. Hinawakan niya ng ang kanyang rosaryo ng dalawang kamay. Dinig ko ang kanyang pabulong na pagdarasal.

Ang sumunod ay malakas na ingay at palahaw ng iba’t-ibang hayop… aso, pusa, kambing, unggoy, baka, ibon, at kung ano-ano pa. Subalit hindi hayop ang mga iyon. Iyon ay mga mapanlinlang na Sutsot.

Parang naalimpungatan si Jasmine. Mabilis nitong pinulot ang patalim inilaglag sa buhanginan nang siya’y nagsimulang manalangin.

Isang malamig na bugso ng hangin ang dumampi sa aking leeg. Palapit nang palapit ang mga ingay at palahaw ng mga hayop. Ang ingay ng nakakabinging mga tunog ay hindi na malayo—parang nararamdaman na namin ang hininga nila  sa aming balat.

Isang anino ang sumugod mula sa dilim. Napa-igtad si Jasmine nang may nagtangkang hawakan siya sa balikat. Kitang-kita ang mga kamay na iyon. Kamay ng tao.

Chapter 5B
“Bulong Mulas Sa Kawalan”

Unknown's avatar

About M.A.D. LIGAYA

I am a teacher, writer, and lifelong learner with diverse interests in prose and poetry, education, research, language learning, and personal growth and development. My primary advocacy is the promotion of self-improvement. Teaching, writing, and lifelong learning form the core of my passions. I taught subjects aligned with my interests in academic institutions in the Philippines and South Korea. When not engaged in academic work, I dedicate time to writing stories, poems, plays, and scholarly studies, many of which are published on my personal website (madligaya.com). I write in both English and his native language, Filipino. Several of my research studies have been presented at international conferences and published in internationally indexed journals. My published papers can be accessed through my ORCID profile: https://orcid.org/0000-0002-4477-3772. Outside of teaching and writing, I enjoy reading books related to my interests, creating content for my websites and social media accounts, and engaging in self-improvement activities. The following is a link to my complete curriculum vitae: https://madligaya.com/__welcome/my-curriculum-vitae/ TO GOD BE THE GLORY!

Posted on August 18, 2018, in Creative Writing, Fiction, Horror, Kwentong Kababalaghan at Katatakutan, Maikling Nobela and tagged , , , , . Bookmark the permalink. 2 Comments.

Leave a comment