Tungko Ni Tatay
Kapag si tatay sa umaga na’y gumigising
Pagkatapos magmumog ikaw ang tutunguhin
Kanyang panggatong sa gitna mo’y sasalansanin
Sisindihan at unti-unting pagniningasin
Kapag ang tatay gutom ikaw ang tatakbuhan
Sa pag-iisa niya’y ‘di mo s’ya iniwan
Marahil kinakausap ka’t kinukwentuhan
Habang niluluto ang kanin n’ya at pang-ulam
Libong beses marahil na sa iyo’y nag-saing
Napakulo sa iyo’y tubig pang-kapeng hihigupin
Nailuto sa iyo’y iba’t-ibang gulayin
Maging ang mga isda at karneng uulamin
Napaglutuan ka din t’yak ng mga pulutan
Kapag may dumayo kay tatay na kainuman
Dinig mo ang kanilang kulitan at tawanan
Matagal-tagal mo din siyang napaglingkuran
Lumang-luma ka na nga’t malapit nang bumigay
Marahil namamanglaw ka’t wala na ang tatay
Dahil walang magparikit, wala ka ng saysay
Kaya’t gusto mo s’yang sundan sa kabilang buhay
Posted on April 7, 2018, in Memories of Loved Ones, Poetry, Tula and tagged Memories of Loved Ones, Poetry, Tula. Bookmark the permalink. 4 Comments.
Naalala ko tuloy yung tungko namin sa probinsya.
LikeLiked by 1 person
Lutuan pala’y tungko din ang tawag ninyo sa Quezon.
LikeLiked by 1 person
Opo. Hehe
LikeLiked by 1 person
When you have time, pakibasa nitong short story ha.
https://madligaya.com/2018/03/18/mula-sa-bingit/
LikeLike