MULA SA BINGIT

Mula Sa BingitMuli kong binagtas ang trail paakyat sa bundok na madalas kong puntahan kapag gusto kong mapag-isa at mag-isip. Bumibyahe pa ako ng isang oras para makarating dito. Wala kahit sinuman ang nakakaalam na pumupunta ako sa bundok na ito. Ito’y ang aking hideaway kaya sinikreto ko. Ang pagakyat ko mang ito’y wala ring nakakaalam. Ni hindi ako nagsabi kaninoman na ako’y may pupuntahan at hindi na muling babalik.

Medyo malayo na ang nalalakad ko at lampas tanghalian na. Pero mangilan-ngilan lang na butil ng pawis ang nararamdaman kong dumadaloy sa aking noo’t pisngi. Wala pa akong basang nararamdaman sa bandang likuran ko.  Kahit na nga nakakangawit pa ang backpack sa likuran ko na maraming lamang pagkai’t inumin para sa aking huling hapunan. Siguro dahil medyo maliliit  lang naman ang  mga hakbang ko.  Parang lakad ng mga naghahatid ng patay sa sementeryo. Parang lakad ng isang nakatakdang bitayin na kaylangang itulak ng mga taong naghahatid sa kanya sa bitayan.  O kaya’y mahirap lang talagang pagpawisan dahil kalagitnaan pa lamang kasi ng Marso at hindi pa lubusang tunaw ang lahat ng nyebeng naipon noong tag-lamig. Pero hindi na ganoon kakapal ang aking jacket at isang layer na lang ang suot kong panloob – isang itim na t-shirt.

Naglalabasan na ang  mga ubod ng bulaklak sa mangilan-ngilang puno ng cherry blossoms sa dinaraanan ko. Nagsisimula na ring umusbong ang mga dahon  sa mga  sanga ng  ilang puno’t halaman. Ilang araw na lang at ang mga bulaklak ng mga halaman ay bubukadkad na ng todo upang bigyang buhay at kulay ang paligid na ginawang parang disyerto ng nagdaang tag-lamig.

Sayang at hindi ko na muli pang masusumpungan ang pamumukadkad ng mga bulaklak sa paparating na tag-sibol. Ang trail na nilalakaran ko ay hindi ko na muling hahakbangan pababa.

Walang nakakaalam kung ano ang mangyayari sa muli kong pag-akyat sa bundok na ito.  Bahala na pagdating ko sa tuktok. Basta planado na ang lahat. Basta’t aakyat ako doon at uubusin ko ang dala kong isang dosenang  beer at dalawang bote ng soju. Wala rin akong ititira sa fried chicken, mani at kaunting kimching binaon ko. Ang mga ito na ang huling pagkaing matitikman ko. At least, busog ako’t lasing na mamamatay. Hindi lang naman ang mga bibitayin ang pinapakain ng gusto nila bago igawad ang kanilang sistensya. Maging ang mga malapit nang mamatay ay binibigyan din ng mga paborito nilang pagkain.

Ito dapat ang isa sa mga pinakamasasayang araw sa buhay ko. Pinaghandaan ko ito. Ginastusan ng malaki. Dapat sana’y nasa Pilipinas ako ngayon. Pero nagkalintek-lintek ang lahat. Saan ba ako nagkamali? Saan ako nagkulang?

Wala akong matandaan.

Nakarating na ako sa pinakamabatong bahagi ng bundok.  Noon ko lang napansin na kapag ganung panahon ay para palang sementeryo ang bahaging ito. Wala kasing puno at ang mga malalaking tipak ng bato ay parang mga puntod at krus ang mga halamang hindi pa muling inuusbungan ng dahon.

Sabagay ginagawa naman talagang libingan ng mga tao dito ang mga bundok. Tuwing nagpupunta ako sa bundok na ito ay may ilan nga akong nadaanang puntod na kung walang marker na nagsisilbing lapida ay aakalain mong isang punso.

Sa bundok na ito rin ako mahihimlay. Iyon nga lang hindi ako maililibing ng maayos.

Malayo-layo pa ang lalakarin ko pero ayaw kong bilisan ang aking mga hakbang. Hindi naman ako nagmamadaling mamatay. Basta kaylangang sa tuktok ng bundok ko isasagawa ang aking plano. Nakahanda na ako. Basta mamayang hapon, bago lumubog ang araw eh tapos na ang kwento ng buhay ko.
Kung pwede nga lang, para hindi na ako mapagod pang umakyat ng bundok eh nagpasagasa na lang ako sa trak. Kung pwede lang din eh gumamit na lang ako ng baril o kutsilyo para mas madaling matapos ang lahat-lahat.

Pinagisipan kong gawin ang alin man sa mga iyon. Pati nga pag-inom ng lason. Pero ayaw kong  mamatay sa ganoong paraan. Ang isa pa eh baka hindi mabisa ang lason na mabili ko. Gusto ko eh maka-tiyak na malagot ang aking hininga. Kapag nagpasagasa naman ako sa trak eh tiyak na lasog-lasog ang katawan ko’t madidiri ang sinumang pupulot ng mga magkakapira-piraso kong buto’t laman. Isusumpa niya o nila akong tiyak.

Sa lahat kasi ng ayaw ko eh mang-istorbo ng ibang tao. Ayaw kong kapag natagpuan akong patay eh marami pang tao ang maaabala. Pumasok nga din sa isipan ko na magpasagasa sa tren sa subway. Pero ayaw ko namang makaladkad pa ang ang pangalan ng bayan ko sa ganoong paraan kapag nalaman ng media dito na ang sira ulong binangga ang tren ay isa palang Pinoy.

Sabagay, pangkaraniwan lang naman sa bansang ito ang balita tungkol sa pagpapakamatay. Kung totoo ang nabasa ko eh mahigit dalawampu daw ang nagsu-suicide dito araw-araw. Kaya ang pagpapatiwakal ko, mabalitaan man nila eh malamang hindi nila papansinin. At iyon ang gusto kong mangyari. Walang makapansin sa gagawin ko. Dapat ang tanging makaalam na may tumalon sa pinakamataas na bahagi ng bundok na inaakyat ko ay patay na kapag lumapag sa mabato’t madawag na bahagi nito.

Syempre hahanapin ako ng mga kasamahan ko sa trabaho, ng pamilya ko, ng mga opisyales sa embahada ng Pilipinas, at ng mga awtoridad dito. Pero hindi nila iisiping nandoon ako sa matarik na bahagi ng bundok na ito na tinatakpan ng maraming puno  at damo. Sinadya ko ngang doon sa walang CCTV na bahagi ng trail pumasok kanina para walang pruweba na umakyat ako dito. Bahagi iyon ng pagpaplano ko. At sa panahong magbakasakali silang doon ako’y puntaha’t hanapin eh marahil napaghati-hatian at naubos na ng mga hayop at insekto ang aking mga buto’t laman. Hindi din nila makikita alinman sa mga kasuotan ko dahil susunugin ko ito at hubo’t-hubad akong tatalon tungo sa aking kamatayan. Kaya kung matigas ang aking bungo at hindi kayang mabasag pagtalon ko eh tiyak na sa hypothermia ay wala akong lusot.

Ganun kadetalyado ang aking plano. Suicide note lang ang wala dahil ayaw ko ngang may makaalam sa gagawin ko.

*****

Namahinga muna ako. Para kasing ayaw nang humakbang ng mga paa ko.  Naupo ako sa isang tipak ng bato na nakasandal sa isang malaking puno ng pine tree.

Tahimik ang paligid. Nagkataon lang ba na ngayon ay wala ang mga humuhuning ibong dati kong nakikita sa mga puno kapag nagpupunta ako dito sa ganitong panahon. Wala rin akong nasalubong kahit isang tao habang ako’y papaakyat. Ayos lang iyon para walang makapagsasabing may nasalubong silang taong parang Pilipino o Indonesian ang itsura habang sila’y pababa ng bundok. At sana ay wala ring tao pagdating ko doon sa tuktok. Gusto kong pagkakain at maubos ang mga pagkaing dala ko eh makatalon agad ako para matapos na.

Habang ako’y namamahinga, eh nagsindi ako ng sigarilyo. Naubo ako ng bahagya nang mahithit ko ang usok. First time kong manigarilyo. Naisipan ko lang biglang gawin ito nang bumili ako ng lighter sa isang convenience store bago ako umakyat. Hindi na ako natakot magkaroon ng kanser sa baga.  Ilang orang na lang naman eh ipipinid ko na ang aklat ng aking buhay.

Bago ko maubos ang isang stick ng sigarilyo eh biglang tumunog ang aking cell phone.

Ang aking ina ang tumatawag. Ayaw ko sanang sagutin pero gusto ko naman siyang bigyan ng pagkakataong marinig ang boses ko sa huling pagkakataon.

“Joseph…anak, okay ka lang ba hijo?”

Ramdam ko ang awang nadarama ng aking ina para sa akin habang sinasabi niya iyon. At iyon ang ayaw na ayaw ko – kinakaawaan. Kaya nga ayaw ko sanang sagutin ang tawag niya.

“Don’t worry about me ma. I am okay.”

“Sigurado ka ba hijo?”

Parang nakulitan ako sa aking ina.

“Unli ba ma?”

“Pasensya na, gusto ko lang makasigurado. Anak, sana umuwi ka pa rin dito kahit ganun ang nangyari. Miss ka na namin. Ilang buwan ka na naming hindi nakikita.”

Sa narinig ko’y nagsalubong ang aking mga kilay. Parang mga sala-salabat na pansit na naipon ang mga kunot sa aking noo. Parang wala na nga akong mukhang ihaharap sa lahat ng mga kakilala ko matapos ang pangyayaring iyon tapos gusto pa ng aking ina na umuwi ako! Para ano? Para kaawaaan o kaya’y pagtawanan? At kung uuwi man ako ng Pilipinas eh hindi ko gugustuhing puntahan ang bahay namin. Nakatitiyak akong may masamang mangyayari. Kung hindi ako ang mapapatay eh baka ako ang makapatay.

“Sorry ma, may bigla kasing ipinagawa ang boss ko sa hagwon.”

“O ‘di ba naka-leave ka dahil dapat eh…”

“Ma…STOP…PLEASE.”

Iyon pa ang isang dahilan kung bakit ayaw kong umuwi. Tiyak na ang pangyayaring iyon lamang ang paulit-ulit na pag-uusapan. Sa tuwing naiisip ko kasi ito eh parang tinutusok ng karayom ang aking mga kalamnan. Sabihin nang madrama ako  pero sinuman ang makaranas ng nangyari sa akin eh tiyak na guguho at hihinto sap ag-inog ang mundo niya
Sa unang pagkakataon eh nagsalita ako sa aking ina ng madiin. Pakiramdam ko’y parang lumuwa ang mga mata ko nang bitiwan ko ang mga salitang iyon. Parang ang bunso kong kapatid na babae lang ang kausap ko.

Matagal  bago ko muling narinig ang boses ni mama.

“Anak, kung kaylangan mo ng kausap tawagan mo lang ako ha. O kaya mag-Skype tayo.”

“Opo ma. Pasensya na po. Hayaan ninyo lang muna ako.”

“Nagpunta nga pala ang mga magulang niya dito kanina. Gusto sana nilang…”

“ANO BA MA!!! Hindi ninyo po ba talaga naiintidihan ang sinasabi ko. Mahirap po bang unawain ang gusto kong mangyari?”

Pakiramdam ko’y gustong sumabog ng mga litid ko sa lalamunan habang sinasabi ko iyon. Kung ibang tao lang ang kausap ko eh malamang may kasunod pa iyong mura.

“Okay…okay anak. Ahh… Joseph…”

Ang isang hibla pa na pasensya at paggalang sa akin ina ang nagtulak upang sumagot pa rin ako sa kanya.

“Ano po iyon ma?”

“Ano kasi…”

Alam ko na kung ano ang gustong sabihin ng aking ina.

“Nandito nga pala ang kuya mo. Mag-usap sana kayo. Nagmamakaawa ako sa iyo.”

Tuluyang nalagot ang huling hibla ng pasensya ko. Hindi ako sumagot. Pinutol ko ang pag-uusap namin. Iyon ang hindi na pwedeng mangyari kaylanman – ang kausapin ko ang panganay na anak ng aking ina. Sakali mang magmilagro na hindi madurog ng batong babagsakan ko ang aking mga buto’t bungo at mabuhay pa ako eh hinding-hindi na kami magkakaayos pa.

Kung hindi sana siya kasali ay mas madaling tanggapin ang nangyari.

Paulit-ulit na tumatawag si mama pagkatapos nun. Hindi ko sinasagot. Kung wala lang akong hinihintay na tawag eh pinatay ko na ng tuluyan ang telepono.

Wala na akong kakampi. Siyempre, ang papaboran ng aking ina ay ang paborito niyang anak.

Siguro ang mga kaybigan ko ay naiintidihan ako. Tiyak na alam nila ang nangyari. Malabong hindi nila nabalitaan. Ang marami sa kanila ay imbitado pa sa okasyon sanang mangyayari. May mga tumatawag nga at nagte-text  sa akin mula Pilipinas. Meron din mga nagsesend ng PM sa Facebook. Tambak ang mga messages ko sa Messenger, ganun rin sa email. Ni isa ay wala akong sinagot. Makagugulo lang ang mga payo’t opinyon nila.

Ano man kasi ang sabihin nila ay ako pa rin ang gagawa ng desisyon para sa sarili ko. Buhay ko ito. Tingin ko ay walang namang makakatulong sa akin. Wala nang sino mang makapagbabago sa nangyari.

Ang Panginoon kaya? Pwede ba Niyang baguhin ang lahat ng nangyari? Kung pwede nga lang sana. Pero alam kong hindi ganun ang pamamaraan ng Panginoon. Hindi Siya nanghihimasok. Wala Siyang kinakampihan. Sa pagkakaalam ko’y hinahayaan Niyang gumawa ang mga tao ng desisyon at harapin nila ang resulta ng kanilang gagawin.

Nang isilang ang tao’y nagsimulang tumakbo ang gulong ng kapalaran niya. Minsan mapapailalim siya sa gulong na iyon. Pasensya na lang kung hindi siya makailag at siya’y magulungan nga nito. Maipit. Madurog. Katulad ko ngayon. Durog. Durog na durog.

Parang hindi ko na mahintay na makarating pa ako sa tuktok ng bundok. Gusto ko na lamang iumpog sa bato ang ulo ko ng paulit-ulit hanggang mabasag ang bungo ko.

*****

Pinagpatuloy ko ang aking “death march.”

Sa tantya ko’y nasa kalagitnaan na ako. Sinimulan ko nang inumin ang beer. Gusto ko nang malasing. Dapat bangenge na ako kapag narating ko na ang bahaging iyon ng bundok para magkaroon ako ng lakas ng loob na gawin kung anuman ang gusto kong gawin. Para hindi  magbago ang takbo ng isip ko. Para kasing may maliit na boses na kanina pa bumubulong sa akin na maghunos-dili ako. Naisip ko nga sa convenience store kanina na kung hindi bawal at meron silang shabu eh baka bumili ako. Hindi lang dahil gusto ko rin sanang marandaman mabangag bago man lang ako madedo. Gusto kong mabangag para aakalain kong ako’y isang ibon para hindi ako magdalawang-isip na tumalon.

Nang maubos ko  ang pangalawang beer eh tumunog muli ang aking cell phone. Hindi na si mama. Ang tumawag ngayon ay si Luis, kaybigan kong abogado. Iyon ang hinihintay kong tawag.

“Pare kumusta ka na?”

Hindi ako agad nakasagot. Dinig na dinig ko naman siya pero para kasing nagsasalimbayan sa utak ko ang napakaraming bagay.

“Hello… Joseph?”

“O.”

“Parang humihingal ka.”

“Naglalakad kasi ako.”

“Nangunugmusta ako kanina. Okay ka lang ba?”

“Bakit ba kayong lahat eh nagtatanong pa sa kung ano ang kalagayan ko? Ikaw pare, kung sa iyo nangyari ang ganitong  sitwasyon, ano ang mararamdaman mo? Magiging okay ka ba?

“O…o…teka…pare…relax ka lang. Mukha yatang mainit ang ulo mo. Sige… mamaya na lang kita tatawagan.”

Pagkatapos nun eh nawala siya.  Pinatayan ako ng telepono.  May parang bumulong sa akin na ibalibag ko ang cell phone.

Huminga ako ng malalim. Meron pa palang natira sa mga natutuhan ko sa mga motivational videos na napanood ko. Kapag inis na inis ka raw o litong-lito, eh huminga ka  ng malalim. Senyales daw kasi ang biglaang galit at kalituhan na nawawalan na ng supply ng oxygen ang utak mo.

Matapos ang ilang hingang malalim eh tinawagan ko si Luis.

“Pare. Pasensya ka na. Sobrang bigat lang talaga ng dalahin ko ngayon. Alam mo iyan. Sorry.”

“Ayos lang pare. Naiintidihan ko ang pinagdadaaanan mo. Dapat kasi eh masaya ang araw na ito dahil…”

“Pare please lang, h’wag na nating pag-usapan.”

“Okay…okay. Ah. S’ya nga pala. Tungkol doon sa tinatanong mo. Wala kang habol doon sa bahay, nakapangalan doon sa babae ang land title. Bakit pumayag ka ng ganun pare?

Hindi ako sumagot. Hindi ko kayang sagutin.

“Ang pag-asa mo na lang eh kung kusa niyang i-surrender iyon sa iyo. At pare, iyong pera sa bangko na joint account ninyo, na-withdraw na niyang lahat 3 days ago. Kasama pa nga raw niya ang kuya mo sabi nung kakilala nating teller sa bangko.”

Hindi ko na naintindihan ang mga sumunod na sinabi ni Luis. Nablangko na ako. Napansin ko na lang na hindi ko na pala s’ya kausap. Hindi ko alam kung ako ba o s’ya ang pumutol sa usapan namin. Lutang na lutang talaga ako…litong-lito. Huminga ulit ako ng malalim ng ilang beses. Ilang hakbang pa bago ko naramdaman ang lupang tinatapakan ko.

Ipinagmamalaki ko palagi na napakatalino ko. Kaya nga ako naging ESL teacher. Madalas ding sabihin ng mga kaybigan ko’t mga kamag-anak na ang galing-galing ko raw. Napakataas daw siguro ng IQ ko.

Hindi pala.

Napakalaki ko palang tanga.

“ANG TANGA-TANGA KO!

Isinigaw ko iyon ng paulit-ulit. Hindi ko alam kung ilang beses.

“PUTANG-INA NILA!”

*****

Pinagpatuloy ko ang paglalakad papunta sa tuktok ng bundok. Gusto ko nang tapusin ang lahat. Ayaw ko nang sumapit pang muli ang isang gabi na mag-iisa na naman ako sa loob ng kwarto. Tutulala at iinom lang nanaman ako nang iniinom. Magpapakalunod sa  alak hangggang sisinghap-singhap nanaman ako sa kalasingan.

Ang binuksan ko naman eh ang bote ng soju. Umiinom ako habang naglalakad.  Wala pa namang suray ang lakad ko. Tuwid pa. Hindi pa tumatabingi ang daan. Hindi ako tinamaan ng beer na ininom ko kaya nagpasiya akong soju naman ang tirahin ko.

Dati kapag inaakyat ko ang bundok  na ito eh tubig ang tinutungga ko habang ako’y naglalakad. Dati eh selfie roon… selfie rito. Dati ay nakikinig pa ako ng paborito kong mga kanta ng Eraserheads,  habang pasipol-sipol na binabagtas ang mga trails paakyat. At kapag narinig ko na ang kantang “Ligaya” eh sasabayan ko ito mula simula hanggang dulo.

“Ilang awit pa ba ang aawitin o giliw ko…gagawin ko ang lahat pati ang thesis mo…”

Nagpagawa nga ng thesis ang lintek na iyon sa akin. Nang biruin kong gagawin ko lang ang chapter 3 kapag syota ko na siya eh sinagot na kaagad ako. Nang sabihin kong tatapusin ko hanggang chapter 5 kapag natikman ko siya eh bumigay agad ang gaga. Wala sigurong kaalam-alam ang unibersidad nila na may mga graduates doon na nagpapagawa lang ng thesis o dissertation. Nagbabayad ng pera o puri, o pareho, para magka Master’s o PhD.

            “…At ang galing-galing mong sumayaw. Mapa boogie man o cha cha. Ngunit ang paborito ay ang pagsayaw mo ng El Bimbo. Nakakaindak…nakakaaliw…nakakatindig balahibo.”

            “Magkahawak ang ating kamay at walang kamalay-malay. Na tinuruan mo ang puso ko na umibig ng tunay.”

            Kung kaylan ako nagseryoso sa babae. Kung kaylan ako umibig ng tunay saka nangyari ang ganito.

“PUTANG-INA.’

Ang sarap palang magmura.

“PUTANG-INA NINYO.”

Mas malutong pala ang mura kapag isinisigaw.

“Noong nagsama tayo…ay kanan ang ginamit mo. Ngunit biglang naturete…ikaw pala ay kaliwete…”

Paulit-ulit kong kinanta iyon habang inuubos ko ang soju. Nang paos na ako at wala ng laman ang bote ay malapit na ako sa tuktok ng bundok. Kaunti na lang ay makakarating na ako sa aking huling hantungan.

Magkahalong pagod at hilo ang nararamdaman ko. Parang umiikot ng kaunti ang paningin ko. Pahinga muna ulit. Pinili kong mahiga sa lupa na may kaunting nagkalat na tuyong dahon kesa sumandal sa puno. Wala lang. Trip ko lang.

Ilang minuto rin ang lumipas bago ako tumayo at muling naglakad.

Sa wakas nakarating ako sa tuktok. Narating ko na ang bundok ng aking Golgota… naihaon ko na sa wakas ang krus ng aking kalbaryo. Suot-suot ko pa rin ang koronang ipot. Papakuan ko na ang aking sarili. Tutusukin ko na ng sibat ang aking sariling tagiliran.

Hawan ang parteng iyon ng bundok. May mga upuan at isang parang kubo na para pahingahan. May malalaking bato at ilang puno ng pine trees sa bandang gilid at nilagyan ng mga malalaking lubid na pangharang. May mga nakasabit na babalang nakasulat sa Hanguel. Huwag daw lumampas sa lubid. Madulas at  matarik kasi ang bahaging iyon ng bundok kaya mapanganib.

Iyong panganib ngang iyon ang gusto kong hamunin. Nilampasan ko ang lubid. Nilapitan ko ang gilid ng bundok. Isang hakbang na lang at wala na akong lupang tatapakan.

Pero hindi ko pa balak tumalon.

May seremonyas pa akong gagawin. Parang mga Hapong Samurai lang noon bago nila isagawa ang “hara-kiri.” Kesa sa mahuli sila ng kaaway eh magpapakamatay na lang sila. Pero ako, sa halip na gayatin ko ang aking tiyan, eh pupunuin ko ito ng pagkain.

Malalim-lalim ang babagsakan ko. Mabato at maraming pine trees. Huwag sana akong sumabit sa mga punong iyon para siguradong dedo ako. Mukhang mahihirapang mahanap ang bangkay ko doon. Ayos lang… iyon naman talaga ang gusto kong mangyari.

Humanap ako ng pinakamalapit na batong medyo patag ang ibabaw. Doon ko inalatag ang natitira ko pang beer,  soju, at mga pagkaing dala ko.

Magsisimula na sana akong kumain nang may taong dumating.

Isang babae.

Istorbo.

Sana lang eh umalis kaagad upang pagkatapos kong kumai’t ubusin ang natitira ko pang inumin eh makatalon na.

Parang walang nadaanang tao ang babae. Gusot ang buhok. Nakakunot ang noo. Nakasimangot. Salubong ang dalawang kilay. Hindi ako pinansin kahit mismong sa harapan ko  siya dumaan.

Sinundan ko siya ng tingin. Tumigil siya’t naupo sa ibabaw ng isang bato. Siya’y nakatalikod sa akin. Inilabas niya ang kanyang cell phone. Hindi ko alam kung may tumawag ba sa kanya o may tinawagan siya. Basta nauulinigan kong meron siyang kausap at mukhang inaaway niya kung sinuman iyon.

Sa halip na kumain eh parang binantayan ko ang babae. Umaaasa akong umalis siya kaagad.

Inaalis ng babae sa tenga ang cell phone. Natapos na yatang makipag-usap. Nagulat ako ng biglang nagsisigaw ang babae.

“Neohui dul-eun jiog-e gal su-iss-eo.”

Hindi ko naitindihan lahat ng sinabi niya. Iyong “impyerno” lang at “dalawa.” Baka sinabi niyang mapunta sana sa impyerno iyong kausap niya at kung sino pa man iyong isa.

Pagkatapos ay tumayo’t paulit-ulit na idinakdak sa pinakamalapit na pine tree sa akin ang hawak na cell phone.

Wasak!

Ang ilang piraso ng nasirang cell phone eh nakarating pa sa aking paanan.

Naupo sa lupa ang babae. Parang batang nagmamaktol dahil inagawan ng laruan.

“Salanghae! Geuleona wae?”

Ayon, mukhang iniwan ang babae ng kanyang boyfriend. Umiyak siya. Humagulgol na parang bata.

Nahabag ako sa kanya. Naiitindihan ko siya. Naka-relate ako. Tumayo ako upang bigyan siya ng tisyu.

Dahan-dahan ko siyang nilapitan. Nang iaabot ko na sana ang tisyu eh bigla itong tumayo’t hinakbangan ang mga nakaharang na lubid. Tumigil siya sa mismong gilid ng bundok. Isang maling hakbang  lang at tiyak na kamatayan ang babagsakan niya.

Balak pa yata akong unahang tumalon.

Hinakbangan ko rin ang mga lubid.

Napalingon siya sa akin. Parang nanlilisik ang mga mata niya.

“Deo isang dagaoji mal-ayo.”

Naiintindihan ko ang sinabi niya. Huwag ko daw siyang lapitan.

Tumigil ako. Ngunit nang akmang tatalon na ang babae ay mabilis ko siyang  hinawakan sa braso.

Pilit siyang kumakawala habang hinihila ko siya palayo sa gilid ng bundok. Nang sipain ako sa hita ay nabitawan ko siya ngunit hindi  niya nagawang tumalon, dahil  niyakap ko naman s’ya ng mahigpit mula sa likuran at binuhat ko papalayo sa gilid ng bundok.

“Naleul bonaejuseyo!!!”

Hindi ko siya binitiwan. Nagsisisigaw siya at nagpupumiglas  hanggang natumba kami pareho at nagpagulong-gulong. Maraming beses niya akong siniko. Pinagmumura.

GEUNYEOLEUL NAEBEOLYEODWO!

Boses iyon ng lalaki.

Parang may ibang tao.

Meron nga.

May isang grupo ng mga lalaking biglang dumating at nakita kami sa ganoong kalagayan.

Nagtakbuhan sila palapit sa amin. Hinila ng isa palayo sa akin ang babae at ang iba’y sinunggaban ako. Tatlo o apat yata ang may hawak sa akin. Katulad ko, amoy alak sila.

Mabilis ang pangyayari.  Dumapo sa mga pisngi ko ang mag-asawang sampal. Sinundan iyon ng isang malakas na budyok sa tiyan na nagpaluhod sa akin.

Naduwal ako sa sakit.

Halinhinan silang pinagbabatok-batukan ako. May sumasabunot rin sa akin. Nabingi ako sa lakas ng mga sampal na ang ilan eh sa mga tenga ko tumama.

            Habang ako’y nakaluhod ay tumingala ako sa mga lalaking nakapaligid sa akin. Humawak ako sa tuhod ng isa.

“Please…”

“Dakcho!!!

Shibalnoma!”

Minura na ako ng isa’y dinuraan pa ako sa mukha.

“Seolmyeonghae julge.” Sabi ko.

Ngunit bago pa man ako makapagpaliwanag eh hindi na mabilang na suntok at tadyak ang inabot ko…  sa mukha… sa sikmura… sa hita.

Mata ko lang yata ang hindi nasayaran ng kanilang mga kamay at paa.

Nagawi ang tingin ko sa babae na hawak pa rin ng lalaking humila sa kanya. May sinasabi siya sa mga lalaki na hindi ko maintindihan. Basta pilit siyang kumakawala sa pagkakahawak ng lalaki.

Duguan na ako pero ayaw pa nila akong tantanan. Nang tumakbo ako papunta sa gilid ng bundok para tumalon na lang sana ay pinatid ako ng isa. Napaluhod akong muli.

Hindi pala sa pagtalon sa bundok ako mamatay kundi sa bugbog.

Nakakapagsisising hindi pa ako kaagad tumalon kanina at sana’y hindi ko na lang pinigilan ang babae. Sana’y sinabayan ko na lang ang kanyang pagtalon. O sinundan ko siya.  Isang bugso lang sana ng sakit iyon. Baka nga ni hindi ko na maramdaman. Hindi katulad ng pambubugbog ng mga lalaki na unti-unti akong pinapatay sa sakit.

Bago ako panawan ng ulirat, eh nakita kong tumakbong palapit sa akin ang babae. Pilit niyang  pinipigilan ang mga bumubugbog sa akin. Naramdaman kong idinagan niya sa akin ang kanyang katawan upang ako’y tantanan ng mga galit na galit niyang kababayan.

*****

Sinalubong ng liwanag ang aking pagmulat. Masakit sa mata. Pumikit akong muli. Nakiramdam. Makirot ang buo kong katawan. Kapag humihinga ako’y may masakit sa bandang tadyang ko.

Tumagilid ako at muling minulat ang mata. Dahan-dahan.

Buhay pa ako. Hindi langit o impyerno ang kinalalagyan ko. Nasa kwarto ako ng isang hospital.

Dalawang karayom ang nakatusok sa aking kamay. Isa pang-dextrose at ang isa nama’y hindi ko malaman kung ano. Hindi naman dugo.

May nakalagay sa aking oxygen. Iniangat ko ito at tuluyang tinanggal nang maluwag naman akong nakakahinga. Puro pasa ang aking magkabilang braso.

Nang tumanaw ako sa aking bandang paanan ay napansin ko na may babaeng nakadukdok ang ulo sa kamang hinihigaan ko. Tila siya ang bantay ko.

            Pinilit kong maupo. Medyo masakit talaga ang aking tadyang.

Sa puntong iyon, nagising ang babae. Tumayo. Tumingin sa akin.

Kilala ko siya. Hindi ako pwedeng magkamali. Siya ang babae sa bundok. Walang kaabog-abog  ay yumakap siya sa akin. Nabigla ako lalo ng umiyak siya.

Hindi ko alam kung itutulak ko ba siya palayo o yayakapin ko rin. Siya ang dahilan kung bakit ako nabugbog.

Dapat ko ba siyang sisihin?

Humigpit ang yakap niya sa akin. Sa pagkakataong iyon ay naala-ala kong bigla ang kapatid kong babae. Ganoon niya ako kahigpit niyakap, sabay iyak,  noong sitahin ko siya kung bakit ilang beses na ang padala kong pera ay hindi niya ibinigay sa aming ina.

“Dangsin-i sal-a gyesim-eul gamsadeulibnida.”

            Nagpasalamat siya sa Panginoon dahil buhay pa ako. Ako ba’y dapat ding magpasalamat at nasa akin pa ang buhay kong hiram na gusto ko na sanang isauli?

“Jeongmal mianhae. Geugeos-eun modu nae jalmos-ieossda.”

Ang babae’y humihingi ng paumahin. Inaaming kasalanan niya ang nangyari.

Kung tutuusin eh sino ba ang may sala sa pagkakabugbog ko? Masisisi ba ang mga lalaking sinaktan ako dahil inaakalang sinasalbahe ko ang babaeng kababayan nila? Kung may madatnan ba akong ganoong eksena – nagsisisigaw at pilit kumakawala ang isang babae habang yakap na mahigpit ng isang lalaki’t sila’y nasa lupa na parang nagpapambuno – ano ang gagawin ko?

Pero kasalanan ko ba ang nangyari dahil pinigilan ko ang babaeng ito sa balak niyang pagtalon? Tama ba na pinigilan ko ang pagpapakamatay niya?

“How stupid of me. I put you in danger.”

Marunong pala siyang mag-English.

“Okay…okay… Jam-kkan-man! Let go of me first.”

Kumawala sa pagkakayakap ang babae. Lumuhod.

“Please forgive me.”

“Wait…wait…Please stand up. Don’t do that.”

Hindi tuminag ang babae. Nanatili itong nakaluhod at humawak pa sa hita ko.

Sinubukan kong tumayo. Masakit ang aking mga binti’t kasu-kasuan pero kinaya ko. Hinawakan ko sa magkabilang balikat ang babae. Pinilit ko siyang itayo.

“I am not blaming you for what happened to me.”

Tumayo siya. Yumakap muli sa akin.

“Thank you. Thank you. But I’m really sorry.”

Pagkasabi nun ay dahan-dahan niya akong pinaupong muli sa kama.

“Just sit down. You’re still weak. You were badly injured.”

Umupo akong muli sa gilid ng kama.

“You might to know. The doctors said all you have are bruises and contusions. None of your bones are broken.”

Hinila niya ang isang upuan at mismong sa harapan ko pumwesto’t naupo.

“By the way, I’m Su Jin.”

“Oh, and I’m…”

“Joseph! You’re Joseph. You’re from the Philippines. I’m sorry. I opened your wallet. I had to get information about you when I brought you here.”

Natigilan ako ng kaunti.

“Well,  you had no choice but to do that. It’s okay.”

Mula sa kanyang bag ay kinuha niya ang cell phone at wallet  ko’t iniabot sa akin.

“Here. I have in my car your other personal belongings.”

“Thanks. By the way, how long have I been here?”

“This is the second night.”

“How were you able to bring me to this hospital, all the way from the mountain?”

“Those men helped me. I explained to them what really happened. They’re very sorry. They were drunk at that time. Ah, by the way, they’re paying for your hospitalization. They’are hoping that you would not sue them and just settle things amicably.”

Magdedemanda ba ako? Parang hindi na. Ako man kasi ang nasa lugar nila ay maaaring gawin ko din iyon. Sapat nang tinulungan nilang madala ako sa hospital.

“I told them that they should pay you also for damages especially if you would decide not to work for sometime because of what happened. They agreed.  I will call them later so they could come and talk to you.”

Nakatutuwang isipin na mukhang inayos niya ang lahat. At maayos talaga siyang magsalita ng English. Hindi pangkaraniwan iyon sa kanila. Mukhang nakatapos ng university  ito oh sineryoso lang ang pag-aaral ng English katulad ng karamihan sa kanyang mga kababayan.

“How come you could speak English so well?”

“I studied in the US for almost 10 years. I just completed my Master’s there recently.”

Kaya pala.

“I was also able to contact your family in the Philippines?”

“Really? How?”

“Through your embassy.  Your sister is coming to fetch you. By the way Joseph…”

“Yeah?”

Hindi kaagad nagsalita si Su Jin. May gusto siyang sabihin pero parang nahihiya siya.

“Ah…Your sister told me your story.”

“What do you mean?”

“I know what happened.”

Hindi ko alam kung maiinis ba ako o ano. Napakatsimosa talaga ng kapatid ko.

“Is that so?”

Tumango s’ya at sinabing, “We’re on the same boat.”

Pagkarinig ko nun eh hindi ko napigilang matawa na kaunti. Natawa din si Su Jin.

“You would not believe this.”

“What?” Ang nagtatakang tanong ni Su Jin.

“I was in that mountain that afternoon to commit suicide.”

Natigilan si Su Jin.

“You want me to believe that!”

“But that’s the truth. Believe it or not.”

“Stop it Joseph! I don’t believe you. You didn’t go there to die. You were there to save me.”

Tumahimik na lamang ako. Sino nga ba ang manininawala na pumunta ako doon para magpakamatay. Tama nga siguro siya. Nandoon ako para sa kanya.

Hinawakan niya ang aking kamay. Kay lambot ng mga palad niya. Ngumiti siya’t tumingin sa akin. Noon ko lamang napansin na maganda pala siya’t napaakaamo ng kanyang mukha.

“I owe you my life. You saved me. You are a very good man.”

Marahan ko na lamang na pinisil ang kanyang mga kamay bilang tugon dahil hindi ko malaman kung ano ang isasagot ko. Kasi, kung tutuusin eh siya lang ba ang naligtas nang pigilan ko siyang tumalon? Siya lang ba ang dapat magpasalamat sa akin? Dapat ko rin ba siyang pasalamatan?

Naisip ko  tuloy, na siguro ay nakatakdang gumulong pataas ng bundok ang aking kapalaran sa araw na iyon dahil kay Su Jin. Nangyari siguro ang lahat – na nabuntis ng mismong kuya ko ang kasintahang nakatakda ko na sanang pakasalan upang panawan ako sandali ng katinuan at maisipan kong umakyat sa bundok na iyon at balaking magpakamatay. Ngunit sa halip na ako’y tumalon eh nandoon ako para pigilan ang pagtalon ni Su Jin.

Paano kaya kung nangyari ang nangyari sa kanya? – ang pagtaksilan din siya ng kanyang kasintahan upang siya ma’y panawan sandali ng katinuan nang  magkrus ang mga landas namin sa bundok na iyon.

Binitiwan niya sa wakas ang mga kamay ko’t tumayo.

“By the way, aren’t you hungry? I brought some food.”

Tumuro ito sa lamesa.

“Yeah, actually I’m starving. Is coffee available?”

“I’m afraid not but there’s a coffee shop nearby. I’ll get one for you. What do you want?”

“Is it okay?”

“Of course!”

“Can you get me caramel macchiato, please?”

“Sure! I’ll be back in a few minutes.”

“Wait!” Binuksan ko ang aking wallet.

“No please. It’s on me.”

Bago lumabas ng pinto eh lumingon pa si Su Jin. Ngumiti siyang muli sa akin.

“Don’t go anywhere, okay. Don’t run away from me.”

Natawa ako sa sinabi niya. May sense of humor si Su Jin.

Inisip ko ang mga binitiwang salita ni Su Jin bago siya lumabas. Nakakatawa pero sa totoo lang eh parang manghihinayang ako’t malulungkot kapag hindi siya bumalik. Para kasing meron siyang pinupunan sa buhay ko sa pagkakataong iyon. Ganun din kaya ang pakiramdam niya?

Naalaala kong bigla ang kantang “Two Less Lonely People In The World.”

Bumukas ang pinto.

“Oh, you’re still here. You did not escape.”

Iniabot niya sa akin ang kape.

“You’re funny.”

“Am I?”

Kumuha siya ng tinapay mula sa mesa’t ibinigayt sa akin.

“By the way, your sister invited me to visit the Philippines. I’d like to. Can I go with you and your sister? PLEASE. I need a little break.”

Tumingin ako’t nangiti sa kanya.

“Chincha?”

Tinanong ko kung seryoso siya. Mukha naman.

“Ne!.. Boo ta kam ni da!”

Hinawakan niyang muli ang aking mga kamay. Pinisil ng bahagya. Parang nagbabantang kapag hindi ako pumayag eh tuluyan niyang pipilipitin ang mga kamay ko.

Nang tumango ako eh nakita kong kung paano gumuhit ang saya sa maaamo niyang mukha.

“Yes! Gomabseubnida!”

Nagpasalamat si Su Jin at sa sobrang  tuwa eh muli akong niyakap.

–  WAKAS  –

 

Advertisement

About M.A.D. LIGAYA

Teacher-Writer-Lifelong Learner I have three passions - teaching, writing, and learning. I am a Filipino currently residing and teaching in South Korea. I blog and vlog the things I write. I have two websites and two YouTube channels where I publish my works in my areas of interest. I also use Wattpad and Pinterest to publish my creative works. I am into research as well. Some of my articles were presented at conferences and published in indexed-journals. TO GOD BE THE GLORY!

Posted on March 18, 2018, in Fate, Fiction, Gulong ng Kapalaran, Maikling Kwento, Short Story, Tadhana and tagged , , , , . Bookmark the permalink. 2 Comments.

  1. Nice story. Medyo nabitin lang ako sa ending. Pero i think sila din naman ni sujin ang nagkatuluyan.

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: