ORAS
Ikaw nga ba ang simula at hangganan
Daang puno’t dulo’y hindi matanawan
Dagdag pa’y bugtong kang walang kasagutan
Napakahiwaga mong palaisipan
Ang mga paham pinilit kang sukatin
Bawat galaw mo segundo kung tawagin
Ikaw nga ba talaga’y pwedeng bilangin
Isa ka bang daanan na pwedeng lakbayin
May tangkay kang patuloy paiikutin
Pag-ikot na ‘di namin pwedeng pigilin
Pag-ikot na dapat ay aming habulin
Tunay ngang kami’y kawawa mong alipin
Sa kamay mo kagandaha’y kumukupas
Inuubos mo ang taglay naming lakas
Buhay ma’y parang dahon mong nilalagas
Sa itinakda mo’y wala kaming ligtas
Bakit kasi nagtakda ka ng hangganan
Dapat bang ang lahat ay may katapusan
Pagikot ng kamay mo minsa’y pigilan
Saya’y h’wag palampasin sa kasukdulan
Paglipas mo ay pwede bang pabagalin
Kabataa’y h’wag agad palilipasin
Kabantuga’y pagtagalin mo ang ningning
Ganda’t lakas h’wag kagyat pakukupasin
Pabalik sa balag mo kami’y pagapangin
Panahong nagdaan aming dadalawin
Mga maling nagawa ay buburahin
Masasayang sandali muling nanamnamin
Bintana ng bukas sana’y iyong buksan
Nang ang mangyayari aming matanawan
Malungkot na tadhana’y maiiwasan
Hayaang buhay sa saya matuldukan
Posted on May 8, 2017, in Poems, Poetry, Tula and tagged Poems, Poetry, Tula. Bookmark the permalink. Leave a comment.
Leave a comment
Comments 0