Isang Pagninilay
Sa bundok ng Golgotha’y umakyat
Pinasan ang krus hirap na hirap
Ikatlong hapon nang maganap
Pagkakatawang taong nagwakas
Kasalanan ay koronang tinik
Sibat na tumusok sa gilid
Kay Hudas tayo ay ang naghatid
Nang sa Mesiya s’ya ay humalik
Hinayaang si Hudas magtaksil
Di ba’t kusang loob nagpakitil
Utang nati’y sa Kanya siningil
Ang utang nating mga nagtaksil
Di ba’t dugo n’ya’y ipinanlinis
Sa pagkatao nating madungis
Kusang loob buhay ibinuwis
Nang tayo’y makapiling sa langit
Huminto’t magnilay kahit saglit
Lumuhod tayo’t mata’y ipikit
Sa Panginoon tayo’y sumandig
Walang hanggan ang Kanyang pag-ibig
Posted on April 14, 2017, in Holy Week, Poetry, Tula and tagged Holy Week, Poetry, Tula. Bookmark the permalink. Leave a comment.
Leave a comment
Comments 0