TURUAN AKO
Ayaw maniwala sa bulung-bulungan
Na may iba ka na’t ako’y iiwanan
At nagkandarapa kita’y pinuntahan
Umaasang ito’y pasisinungalingan
Niyakap mo ako’t patawad hiniling
Nagmakaawa kang kita’y unawain
Wika’y nalusaw pag-ibig mo sa akin
Nang ikaw ay kanyang hagkan at yakapin
Mundo ko’y gumuho sa aking nadinig
Nanlumo ako’t mga tuhod nanginig
Ngunit di magawang sa iyo’y magalit
Masakit ma’y inunawa kitang pilit
At ako’y nagsumamong bago lisanin
Lumapit ka’t mahigpit akong yakapin
Habang ako’y yakap ibulong sa akin
Paano mabuhay nang ‘di ka kapiling
Turuan akong mamuhay nang mag-isa
Bago ka lumisa’t sumama sa kanya
Nasanay akong pag-gising sa umaga
Ngiti mo’y sisilay pagmulat nang mata
Mahirap na tanggaping ako’y iiwan
Ngunit hindi na kita kayang pigilan
Basta’t turuan mo akong kita’y kalimutan
Bago tuluyan na kamay ko’y bitawan
(Inspired by Michael Bolton’s “How Am I Supposed To Live Without You”)
Posted on April 10, 2017, in Poetry, Tula and tagged Poetry, Tula. Bookmark the permalink. Leave a comment.
Leave a comment
Comments 0