Blog Archives

Halik Sa Pisngi

capture-1
Hindi ko sinadya…
na labi ko’y dumampi
sa iyong pisngi.
 
Hay!
Parang bulak
Kay lambot
Kay bango… parang rosas.
 
At tuhod ko’y nanginig.
Katinua’y parang bula… naglaho.
 
Aking inulit.
Muling sa pisngi mo’y humalik.
Tibok ng puso ko’y bumilis.
 
At labi ko’y naglakbay
hanggang sa labi mo’y dumantay.
 
Ika’y pumikit.
Nakangiti.
Hininga mo’y pigil.
Tila hinihintay ang muli kong paghalik.
 
At bago sana kita muling hagkan
kita’y masuyo munang minasdan.
Nang krus sa kuwintas mo’y kuminang,
May batong sa budhi ko’y dumagan.
 
Di na kita muling mahagkan.
Akin na lamang muling minasdan
Ang taglay mong kariktan
Kariktang akin mang naisin
Ay ‘di ko puwedeng angkinin.
 
Takang-takang mata mo’y iminulat
Yumuko ako.
Nagpaliwanag.
Humingi ng tawad.
At sa pisngi mong sa luha’y tigmak
Sa huling pagkakataon
Labi ko’y lumapat.