Blog Archives
Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 7
CHAPTER 7
“Sa Muling Pagtatagpo”
Nakaalpas kami mula sa sakmal ng gubat na siyang naging libingan ng mga biktima ng mga halimaw at bumulaga sa amin ang isang sapa.
Napakalinis at napakalinaw ng tubig nagaanyayang kami’y magtampisaw… hinihimok kaming limutin ang lahat ng mga hindi magagandang karanasan namin mula ng dumating kami sa islang iyon. Pero napakahirap gawin niyon.
Naupo kaming magkakalapit, ang mga mata ay patuloy sa pagmamasid sinusuri ang bawat sulok sa paligid. Maging ang sapa, para sa akin, ay kahina-hinala—masyadong malinis, masyadong tahimik, masyadong mapang-akit.
Naupo ako sa mabatong bahagi sa tabi ng tubig, pinagmamasdan ang aking repleksyon na gumagalaw sa umaagos na tubig ng supa. Tuyot na tuyot na ang lalamunan ko mula sa mahabang oras ng paglalakad at nakaktuksong yumuko para uminom. Kumikinang ang malamig na tubig, napakahirap tanggihan.
Ibinaba ko ang aking hawak na pamalo, bagama’t nag-aalinlangan akong bitawan ito. Ang kahoy na ito ay parang nagbibigay sa akin ng lakas ng loob at huwag matakot sa mga Sutsot.
Akmang ilulubog ko na ang aking kamay sa sapa, ang mga daliri ko’y nasa ibabaw na ng tubig. Pero may pumigil sa akin. Iginala ko ang aking paningin sa paligid. Sa likuran namin ay pinanggalingang gubat. Sa kabilang pampang ng sapa ay isa nanamang kagubatan.
Nakakangilo ang katahimikan. Napakahirap kumampante at isipang okay na ang lahat.
Paano kung ito ang sandaling piliin ng mga Sutsot para sumalakay? Ang sapa ay mukhang masyadong perpekto, ang agos ay tila isang duyan na parang gusto akong ipaghele.
Binawi ko ang aking mga kamay. Baka may kung ano sa tubig—isang bagay na kapag nainom namin ay magpapahina sa amin laban sa mga demonyo. Kung ano-ano na ang inisip ko. Pati tubig na walang malay ay pinagduduhan kong kakampi ng mga halimaw.
Sinulyapan ko sina Tomas at Jasmine. Ang kilos nila’y nagpapahayag nang pag-aalinlangan. Huminga ako nang malalim. Hindi ako pwedeng maging pabaya. Hindi ngayon… hindi kaylanman. Hindi ako pwedeng mamatay. Hindi ngayon. Hangga’t hindi ko nasisigurong ligtas si Eve.
Pagkatapos ay muli kong naramdaman ang pamilyar na kilabot na gumapang sa aking gulugod, malamig at matalas, parang haplos ng mga daliring hindi nakikita. Natutunan ko nang pagkatiwalaan ang pakiramdam na iyon. Iyon ang paraan ng katawan ko para magbabala na meron nagbabantang panganib pero hindi ko nakikita.
Tumayo ako, at pinagmasdan ko ng mabuti ang paligid. Bawat kilos sa madilim na bahagi sa harapan namin at likuran ay pilit kong inaaninag. Bawat tunog ay mabusising pinapakinggan. Batid kong ganoon din sina Tomas at Jasmine. Kaligtasan namin ay kaylangang tiyakin. Lahat kami’y nangangamba na biglang sumulpot ang mga Sutsot at katawan nami’y pilit na agawain..
Napansin ni Tomas na ako ay balisa.
“Ano ‘yun, bro?” tanong ni Tomas.
“Hindi ko alam…” Pabulong kong sagot. “May nararamdaman lang akong kakaiba.”
Mula sa likod ng isang malaking bato, isang lalaki ang lumabas.
Ang kanyang buhok ay tila mga madulas na lubid, ang kanyang balbas ay ligaw at may mga guhit ng abo. Halos kasing-tangkad siya ni Tomas pero mas malapad ang balikat. Ang machete sa kanyang baywang ay bahagyang kumikislap—ang hawakan nito ay parang pudpod na dahil sa ilang taong paggamit.
Dahan-dahan siyang humakbang palapit. Naamoy ko ang alat, kalawang, at pawis na umalingasaw mula sa kanyang katawan. Bumilis ang tibok ng puso ko. Hinablot ko ang aking sanga at humanda sa pakikipaglaban. Itinaas ni Tomas ang kanyang baril at itinutok sa lalaki. Pero nakakagulat ang bilis na ipinamalas ng lalaki. Sa isang iglap, naagaw niya ang baril ni Tomas at itinutok ito sa amin.
Susugod sana si Jasmine, pero mabilis na ibinaling ng lalaki ang baril sa kanya. “Huwag mong gawin ‘yan, Jasmine!”
Napatigagal kami.
“Kuya? Kuya Adam! Ikaw ba talaga ‘yan?”
Bahagyang ibinaba ng lalaki ang baril. “Oo. Ako nga. Kanina ko pa kayo pinagmamasdan simula nung makarating kayo sa sapa.”
Dali-daling lumapit si Jasmine para yakapin ang kapatid, pero mabilis akong humarang. “Sandali lang, Jasmine. Paano kung—”
“Huwag kang mag-alala, hindi ako Sutsot. Hindi ako nasaniban.”
Nakahinga ng maluwag si Jasmine. “Salamat sa Diyos at buhay ka! Alam kong matatag ka!” bulalas niya, bago mahigpit na niyakap ang kapatid. Pagkatapos ay humarap siya sa amin at ipinakilala kami ni Tomas sa kanyang kuya.
“Kayo ba ‘yung nasa balsa ni Kharon kagabi?” tanong ni Adam habang ibinabalik ang baril ni Tomas.
Tumango ako.
“Ako ‘yung nagwawagayway ng sulo kagabi. Tuwing nakakakita ako ng hanay ng ilaw sa gitna ng dagat, umaakyat ako sa tuktok ng mga burol na ‘yan.” Itinuro niya sa pinakamataas na bahagi ng isla. “Doon ako nagsisindi ng sulo para makita ng mga nasa balsa.”
Napailing si Tomas. “Mahirap paniwalaang nakatagal ka nang ganito dito sa dami ng mga demonyong ‘yan sa paligid.”
Ngumiti si Adam. “Sa tingin ko, ang training ko sa militar ang naghanda sa akin para rito. Pero ang tunay na nagpatibay sa akin ay ang kagustuhang ipaghiganti ang pagkamatay ni Julie… at iligtas ang sinumang maihahatid ni Kharon dito.”
Lalong hinigpitan ni Jasmine ang yakap sa kapatid. “Pero bawat taong naililigtas ko,” patuloy ni Adam, bakas ang panghihinayang sa kanyang boses, “sa huli ay kinakain din ng mga demonyong Sutsot.”
Kumalas siya sa yakap ni Jasmine. Tumingin sa aming isa-isa “At hindi ko alam kung hanggang kailan tatagal ‘yung nailigtas ko kamakailang lang… at kayo man.”
Nanlaki ang mga mata ni Tomas. “Ano? May nailigtas kang buhay pa hanggang ngayon?”
Hindi makahinga si Jasmine. “Babae ba siya, kuya?”
Sinalubong ni Adam ang kanyang tingin. “Oo.”
Nag-atubili siya—saka bumulong, “Evelyn ang pangalan niya.”
Nakaramdam ako ng hindi maipaliwanag na kaligayahan. Kitang-kita ko rin kung paano nagliwanag sa galak ang mukha ni Tomas.
“Nasaan ang kapatid ko? Nasaan siya?” Ang tanong ni Tomas.
Laking gulat ni Adam. “Oww, ikaw ang kapatid ni Eve?”
Lumapit ako’t kinamayan ko si Adam. “Salamat brod. Maraming salamat. Si Eve ang dahilan kung bakit kami narito. Dalhin mo kami sa kanya.”
Sandaling hindi gumalaw si Adam. Pagkatapos, sa isang dahan-dahang tango, humarap siya sa mabatong bangin. “Sumunod kayo sa akin.”
Tumawid siya sa sapa. Mababaw lang naman ito. Lampas tuhod lang angn pinakamalalim na bahagi. Sinundan namin siya. Hawak ko ng mahigpit ang aking pamalo. Si Tomas ay nagkasa ng baril. Nakahanda rin ang patalim ni Jasmine. Batid naming lahat na hindi kami puwedeng kumampante.
Nang matawid namin ang sapa ay pumasok kami sa isa pang bahagi ng gubat. Mas malinis ito, hindi gaanong masukal—pero amoy ng kerosene ang paligid.
Nagtaas ng kamay si Adam, hudyat na magdahan-dahan kami. “Mag-ingat kayo sa bawat hakbang,” babala niya. “Ang bahaging ito ng gubat ay puno ng mga patibong. May mga hukay dito na may mga matatalas na tulos at binuhusan ko ng kerosene. May mga alarm system din ako dito sa bahaging ito ng gubat. Ginawa ko ito para hindi hindi ako masalisihan ng mga Sutsot habang ako’y natutulog.
Habang naglalakad, napansin ko ang mga bahagyang kislap ng bakal sa pagitan ng mga ugat at sanga na natatabunan ng dahon. Ang hangin ay malapot sa amoy ng kerosene at kalawang.
Pagkatapos ay biglang tumigil si Jasmine. Sa unahan namin, nakasabit sa isang animo’y sapot ng gagamba pero yari sa baging ang isang kalansay—malinis na ang mga buto nito, ang bungo ay nakatingala sa langit. Ilang hakbang pa, may isa pang kalansay na nakasalampak sa isang hukay na puno ng matutulis na tulos ng kawayan.
“Mga Sutsot ang mga ‘yan,” ang wika ni Adam. “Mga biktima ng bitag ko ang mga iyan. Kapag narinig kong humihiyaw sila kapag nahuhuli sa mga patibong na iyan eh pinupuntahan ko para gamitan ko nitong bendidatong machete ko. Kaya takot na silang pumasok sa bahaging ito ng isla. Marami sa kanila ang namatay rito.”
Sa malayo, natanaw namin ang isang dampa na may bubong na gawa sa tuyong dahon ng nipa. Habang papalapit kami, may lumabas ng bahay… Eve.
“Diyos ko! Kuya! Kuya!” Ang boses niya ay binalutan ng magkahalong galak at iyak.
Mabilis na tumakbo si Tomas at niyakap nang mahigpit si Eve. “Salamat sa Diyos at buhay ka! Alalang-alala si Nanay sa’yo—pati na si Jeff.”
Gusto ko ring yakapin si Eve, sabihin sa kanya kung gaano ako kasaya na ligtas siya. Pero ang tanging nagawa ko lang ay ipikit ang aking mga mata at bumulong ng isang dasal ng pasasalamat.
“Hindi mo na kaylangang pumunta dito Kuya. Sobrang mapanganib.”
“At bakit hindi? Pinangako ko kay Tatay na poprotektahan kita sa lahat ng oras. Gagawin ko ang lahat para tiyaking ligtas ka Eve.”
“Sorry! Patawarin mo ako! Dapat nakinig ako sa’yo. Hindi ko na lang sana pinatulan ang hamon ng mga classmates ko na pumunta sa islang ito. Na-excite kasi sila sa mga napanood nila sa YouTube tungkol dito. At totoo nga palang may mga halimaw na naninirahan dito.”
“Masaya kami Eve na makitang ligtas ka.” sabi ko.
“Oo, salamat kay Adam. Iniligtas niya ako,” sabi ni Eve habang kumakalas sa yakap ni Tomas at sumisiksik kay Adam, ang kanyang ulo ay sumandal sa balikat nito. Para bang kay tagal na nilang magkakilala.
Gusto ko ring pasalamatan si Adam, pero ang mga salita ay tila bumara sa aking lalamunan. Sandaling nakalimutan ko ang isla, ang mga demonyo, pati ang pagkamatay ni Daniel. Ang makita si Eve na ganoon, buhay pero nakasandal sa balikat ni Adam—ay naghatid ng isang matinding kirot sa aking dibdib.
Gusto kong magdiwang dahil nakita ko siyang buhay, pero hindi ko magawa habang nakikita ko na parang napakalambing niya kay Adam. .
Tumingin ako sa malayo bago pa mabasa nina Tomas o Jasmine ang nakasulat na pagkadismaya sa mukha ko. Pero duda akong napansin nila. Ang mga mukha nina Tomas at Jasmine ay bakas rin nang pagkalito habang pinagmamasdan ang ipinapakitang lambing ni ni Eve kay Adam.
Napansin ko ang pag-aalinlangan sa ngiti ni Tomas. Ang kanina’y pasasalamat na ipinpakita niya kay Adam ay mukhang napalitan ng duda at kalituhan. Halatang pilit ang kanyan ngiti nang tumingin siya sa akin.
Si Jasmine naman ay parang nagtataka. Ang kanyang tingin ay nakatutok sa kanyang kapatid, pinagmamasdan kung paano nito hawakan si Eve. Hindi ko mahulaan kung ano ang naglalaro sa isip ni Jasmine. Pag-aalinlangan, marahil. O takot. Tahimik siyang nag-antanda ng krus, bumubulong ng dasal na siya lang ang nakakarinig.
“Siyanga pala, gustong sumama ni Jeff, pero hindi siya pinayagan ng nanay niya,” sabi ni Tomas, upang basagin ang katahimikan biglaang namayani sa kalagitnaan namin.
“Jeff… Sino naman si Jeff?”
“Ha… eh … Family friend,” mabilis na sagot ni Eve.
Napansin ko ang bahagyang inis sa kanyang boses. Kung bakit hindi niya sinabing kasintahan siya nito ay hindi ko alam. Marahil galit siya dahil hindi ito sumama sa amin para hanapin siya. O baka may iba pang dahilan.
“Ah… Kuya, nakita mo ba ang mga classmates ko?” tanong ni Eve ng may bahid ng pananabik na marinig ang kasagutan.
Nagkatinginan kami ni Tomas.
“Sorry Eve… pero wala na sila—maliban na lang sa isa, marahil,” seryosong sagot ni Tomas.
Napayuko si Eve nang madinig iyon.
“Kami lang ni Eve ang nakaligtas sa islang ito. Maging ang mga kasama namin ni Julie na pumuta dito noon ay isa-isa ring namatay,” dagdag ni Adam. “Halika, pasok tayo sa dampa.”
Sumunod kami sa loob. Isang lamesa na yari sa kahoy ang nasa gitna ng bahay. May mga prutas at tila bagong ihaw na mga isda sa ibabaw nito. Ang mga upuang nakapaligid sa lamesa ay yari din sa kahoy. Sa isang sulok ay may dalawang manipis na kutson—luma, sira-sira, at magkatabi.
“Kumain muna kayo—alam kong gutom na gutom na kayo. May tubig din dito.”
Atubili man ay kaylangan naming kumain.
“Huwag kayong mag-alala. Walang lason iyan.” Ang pabirong sabi ni Adam ng napansin niya tila parang nagaalangan kaming isubo ang mga pagkaing hawak na namin.
Habang kumakain, muli kong naramdaman ang pangangalisag ng mga balahibo ko sa aking kamay at batok. Parang may mga matang nakatingin mula sa labas o baka nasa bubong ng dampa.
“Paano ka nailigtas ni Adam, Eve?” tanong ni Tomas.
Ang tingin ni Eve ay napako sa sahig, napabuntong-hininga. “Ang natatandaan ko lang… matapos naming itayo ang mga tent, ang isa sa mga kasama ko ay nagpasimula ng siga. Nakaharap kami sa apoy nang makarinig kami ng paswit mula sa likuran namin. Lahat ng lumingon ay nagsimulang mangisay. Nawala ang kanilang mga mata, at ang kanilang mga tiyan ay unting nawawakwak.”
Nanginginig ang boses ni Eve habang ito’y nagkukwento.
“Dahil sa takot, tumakbo ako sa gubat. Nang tumigil ako para huminga, may humablot sa akin mula sa likuran at tinakpan ang bibig ko. Si Adam ‘yun. Sinabi niya sa aking huwag gagalaw at huwag gagawa ng ingay. Sinabi niya ring huwag akong magpa-panic habang naglalakad kami.”
Nabulunan si Eve sa emosyon. Inakabayan siya ni Adam. Isinandal ni Eve ang kanyang ulo sa kanyang balikat.
Sinakmal nanaman ako ng matinding panibugho. Pero wala akong magawa.
“Paulit-ulit na nagbabala si Adam na huwag lilingon sa likod, anuman ang mangyari—kahit may tumawag pa sa pangalan ko o may papaswit. Ang mga Sutsot ay tinatawag ang pangalan ko. May kaboses nga noon si kuyaTomas.”
“Patuloy niyang iwinawasiwas ang kanyang itak para hindi makalapit ang mga demonyo. Tumigil lang sila sa pagsunod nang makarating kami sa sapa.” Sinulyapan ko si Adam. Gusto kong magpasalamat sa kanya, pero aaminin kong mas nanaig ang matinding selos.
Napapikit ako ng makita kong halos idikit na ni Eve ang ulo sa mukha ni Adam. Nakakainggit. Dapat ako ang nakapagligtas sa kanya mula sa mga Sutsot. Kung nangyari iyong marahil ay sa balikat ko ngayon nakahilig ang ulo ni Eve.
Ngunit, may kung ano kay Adam na bumabagabag sa akin. Hindi panibugho. Parang mas mas malalim. Hindi ko maintindihan kung ano.
“Bakit kaya hindi tayo sinusundan ng mga Sutsot dito?” tanong ni Tomas. “Ang mga halimaw na nakapasok sa katawan ng tao lang ang pwedeng masaktan ng mga bitag na nakita natin kanina.”
“Apoy lang ang tatapos sa isang demonyo na wala pa sa katawan. Alam nila na ang bahaging ito ng isla ay diniligan ko ng kerosene—lalo na ang paligid ng dampang na ito—at susunugin ko ito hanggang dagat kung kinakailangan. Kumukuha ako ng kerosene sa mga balsa ni Kharon tuwing may mga bagong dumarating.”
“Takot din sila rito.” Binunot ni Adam ang itak sa kanyang tabi; ang talim ay kumislap sa liwanag ng gasera. “Marami na itong napatay sa mga halimaw na yan. Dala ito ni Julie nang pumunta kami rito—sabi niya ay binasbasan ito ng isang pari.”
May kinapa si Jasmine sa kanyang bulsa. Inilabas niya ang singsing ni Julie—at inilagay ito sa palad ni Adam.
Pinagmasdan ni Adam ang singsing. “Nawa’y makahanap ng kapayapaan ang kanyang kaluluwa,” bulong ni Adam, ipinikit ang kanyang mga mata at itinikom ang kamay sa singsing na parang isang dasal at pangako. “Nawala ko siya nang ang isang Sutsot ay nagbago ng anyo at nagpanggap na ako. Iyon lang ang tanging paraan para makuha nila siya. Sandali lang akong pumunta sa sapa para kumuha ng tubig noon. Pagbalik ko… wala na siya.”
Lumapit si Jasmine at niyakap siya.
“Kailangan na nating makaalis sa islang ito,” sabi ni Adam. “Okay pa ba ang balsang ginamit niyo?”
Tumango si Tomas. “Oo.”
“Kailangan nating kumilos nang mabilis. Kung tapos na kayong kumain, tara na.”
Nagpalitan kami nina Tomas at Jasmine ng mga seryosong tango.
“Kailangan nating makarating sa dalampasigan bago lumubog ang araw,” sabi ni Adam. “Ang ilang minuto pagkatapos ng paglubog ng araw ang tanging pagkakataon natin.”
Noon ko lang tiningnan ang aking relo—halos alas-kuwatro na ng hapon. “Tara na,” sabi ni Adam, at humakbang na siya papalabas ng bahay. Sinundan namin siya.
Chapter 8
“Sa Ningas Ng Paghihiganti”
Huwan Kang Lilingon
(Maikling Nobela – Horror)
__________
This short novel has been translated into English and published through Amazon.



