Category Archives: Tula
Sa Sayawan
May nagbulong sa akin…
Ika’y nasa sayawan
May kasama ka raw
Magkahawak ang inyong kamay.
Ang bilis.
Noong isang linggo lang eh tayo,
Kamay ko ang hawak mo.
Bakit ganoon?
Ayaw ko sana
Na sa sawayan pumunta
Subalit para mo akong hinihila
Parang gusto kitang muling makita.
Nadatnang tugtog doo’y mabilis… magaslaw
Subalit ‘di ako maenggayong sumayaw
At pilit kitang tinatanaw
Sa gitna ng patay-sinding mga ilaw.
Nang biglang nagliwanag ang paligid
Tumigil ang tugtog na mabilis
Pumalit ay mabagal na himig
Himig ng mga pusong umiibig.
Silang lahat nagsiupo
Humihingal…
Hapong-hapo.
Ngunit kayong dalawa nanatiling nakatayo.
Kayo’y aking pinagmasdan,
Umiindayog kayo ng marahan.
Katawan ninyo’y magkadikit,
Parang kinukurot ang aking dibdib.
Nakahilig ka sa kanyang balikat
Balakang mo nama’y mahigpit niyang hawak.
Hindi mo ako matanaw dahil ikaw ay nakapikit.
Parang nang-aalipusta ang ngiti mong matamis.
At bakit naman ang sumunod pang kanta
Ay ang paborito nating dalawa
Kantang sabay nating inawit
Noon ako pa ang iyong iniibig.
Kanta’y parang ayaw matapos
Halos hininga ko sa panibugho’y malagot.
At nang sa labi siya’y iyong hinagkan,
Masuyong halik mo’y kanyang ginantihan.
Nang marubdob kayong naghalikan
Sayawan ay dagli kong nilisan.
(Mula sa kantang “Dancing on my Own” ni Calum Scott)
The Lonely Boat

“What am I without you?”
The boat says to the sea.
“Bring back the tide,
make me alive.
I beseech thee.”
Bring back the tide
Let me ride your waves
Toss me to and fro
Throw me up high
Then splash me down hard into your waiting arms.
Bring back the tide,
Pull me out of the dock!
I’d rather face the peril
of being whipped
by the mighty waves of your love
Than left alone moored in the lonely sands of memory.
Ingliserang Tsiks ni Mang Teban
Gabi’y lumalim wala pa si mang Teban
Kaya’t si misis kunsumido nanaman
“Tawagan mo nga tatang mo,” ani kay Juan
“Baka nasa kanto’t nakikipag-inuman.”
Tinawagan ni Juan hetong si mang Teban
At nang may sumagot tila nagulantang
Pagkatapos niyon ina’y nilapitan
“O nakausap mo ba ang iyong tatang?”
Inakbayan ni Juan inang inis na inis
“Naku nanay, huwag ka sanang magalit.”
Tawag ko kay tatang ang sumagot ay tsiks
Mukhang sosyal, magaling mag-English.”
“Naku lintek talaga iyang tatang mo
Pag-uwi niyan tiyak babambuhin ko
Hindi nanaman tumupad sa pangako
Na titigil sa pambabae ang loko.”
At nang pumasok sa bahay si mang Teban
Kagyat na misis siya ay binatukan
“Aray…aray… O darling bakit nanaman?”
“Naku Teban, huwag kang magmaang-maangan.”
“Tumawag si Juan… ang sumagot iyong tsiks
Ani Juan tsiks mo daw magaling mag-English
Ano nga Juan ang sabi ng Ingliserang bitch?”
Sagot ni Juan – “The subscriber cannot be reached.”
Ang Pulubi at ang Pulis
Sa isang simbahan pulubi’y pumasok
Matapos mag-antanda’y kagyat lumuhod
Mga mata’y ipinikit at yumukod
At taimtim na nanalangin sa Diyos.
“Panginoon ako’y muling lumalapit
Heto’t sa gutom ako’y namimilipit
Sa gutom ako’y hayaang makatawid
Kahit kape lamang po at isang biskwit.”
“Panginoon ako sana’y Inyong bigyan
Beinte pesos lamang aking kaylangan
Sampu sa Skyflakes… sampu sa 3-in-1
At sikmura ko po’y hindi na kakalam.”
Dalangin ng pulubi may nakarinig
Ito’y ang katabi niyang mamang pulis
Tumayo ito’t sa pulubi’y lumapit,
“Heto amang, pambili ng kape’t biskwit.”
Natuwa ang pulubi at nagpasalamat.
Wika ng pulis, “Galing iyan sa Taas.”
At nang ang pulis palayo nang naglakad
Binilang ng pulubi barya sa palad.
Nang makitang na pera’y sampung piso lang
Ang mamang pulubi’y parang nagulantang
Muling nag-antanda’t lumuhod nanaman
Nanalangin sa Diyos sa Kaitaasan.
“Salamat po’t panalangin ko’y dininig
Pero bakit po pinaabot n’yo sa pulis
Humati po kasi ang lespung matinik
Kaya, mabibili ko lang po eh biskwit.”
INAY
Kaylan ko po ba ito dapat sulatin?
Kapag ba Inay hindi mo na puwedeng basahin?
Kaylan ko po ba ito dapat sabihin?
Kung pandinig mo ba INAY naglaho na’t
tinig ko’y ‘di na kayang dinggin?
Bago ang nakatakda’y maganap
… bago ang mga braso mo’y bawian ng lakas
at di na kayang gantihan ang higpit ng aking yakap
Eh isuot mo po INAY ang iyong salamin
Simpleng tula ko sana’y basahin.
INAY iyong damhim
Pagmamahal at pagtanging
Sa bawat taludtod padadaluyin
Maka-ina daw ako!
Aba’y dapat lang.
Kung ang ina ang anak ay ‘di malilimutan
Ang anak – ina’y ‘di puwedeng talikuran.
Ako’y nakarating sa gustong paroonan
Dahil nilingon ko sinapupunang pinaggalingan
Sinapupunang pinaglagakan
Ng buhay kong sa Panginoon ay hiram.
Noong bata ako’t walang muwang
INAY ‘di mo ako pinabayaan
Mga bisig mo’y nagsilbi kong duyan
Inaruga mo ako’t inalagaan
Dinisiplina’t tinuruan.
Kayo po ang una kong guro
Kay dami ninyo sa aking naituro.
Maraming… maraming salamat po!
Salamat po INAY at naituro mo sa akin –
…na magtiwala sa kakayahang angkin
…na sa Panginoon laging manalangin
Hindi ka perpekto INAY
Subalit mahal kitang tunay.
Bigkis nating Diyos ang pumanday
Mananatili hanggang sa kabilang-buhay.
Magnilay Tayo
Sa bundok ng Golgotha’y umakyat
Pinasan ang krus hirap na hirap
Ikatlong hapon nang maganap
Pagkakatawang taong nagwakas
Kasalanan ay koronang tinik
Sibat na tumusok sa gilid
Kay Hudas tayo ay ang naghatid
Nang sa Mesiya s’ya ay humalik
Hinayaang si Hudas magtaksil
Di ba’t kusang loob nagpakitil
Utang nati’y sa Kanya siningil
Ang utang nating mga nagtaksil
Di ba’t dugo n’ya’y ipinanlinis
Sa pagkatao nating madungis
Kusang loob buhay ibinuwis
Nang tayo’y makapiling sa langit
Huminto’t magnilay kahit saglit
Lumuhod tayo’t mata’y ipikit
Sa Panginoon tayo’y sumandig
Walang hanggan ang Kanyang pag-ibig

