Category Archives: Tula
Ang Samyo Ng Hinog Na Bayabas
Nang trabaho’y natapos, ako’y lumabas
Sa jeep na dumaan pumara’t umangkas
Nang maupo, sa barandilya’y humawak
Nais na maidlip, pumikit akong kagyat.
Habang nakapikit, ako’y may nalanghap
Animo’y samyo ng hinog na bayabas,
Natakam…kaya’t mata ko’y iminulat
“Ay sus!” Katabi ko… braso’y nakataas.
Di pala bayabas ang aking naamoy
Ito pala’y panis na pagkaing baboy
Nang langit ng baho sa daigdig nagsaboy
Sinalo lahat ng katabi kong kolokoy.
Ako’y nahilo sa amoy na nasagap
Sikmura ko noo’y halos bumaligtad
Para akong ikinulong sa “septic tank”
Nais ko nang pumara upang tumakas.
Ilang saglit pa’t meron akong napansin
May pasaherong sa akin nakatingin
Braso ko kasi pala’y nakataas din
Doon sa baradilya’y nakalambitin.
Hindi lang pala dalawa kundi marami
Matang tutok sa aki’t aking katabi
Marahil ay pilit nilang winawari
Akin o kanya… mabahong kili-kili.
Halos sabay kaming nagbaba ng braso
Pagkatapos… tumingin sa akin ang loko
Aba’y biglang tinakpan ang ilong nito
At mabilis bumaba nang jeep pumreno.
Bago ang jeep nagpatuloy sa pag-usad
Aba’t ang kolokoy ako’y kinausap –
“Eh tanggapin mo sana ang payo ko brod,
Maligo ka palagi’t gumamit ng tawas.”
Kay Hirap Paniwalaan
(Mula sa kantang “Never Thought” ni Dan Hill)

Giliw…
Puwede bang hawakan kita?
Upang matiyak ko na totoo ka
Para kasing panaginip ka lamang
Panaginip na tumapos…
nagsilbing tuldok sa aking mga bangungot.
Pangarap na tumapos sa lahat ng aking mga bangungot.
Hindi ako inakalang ako’y magmamahal
Nang kasing-sidhi ng pagmamahal ko sa iyo.
Mahirap paniwalaan, ‘di ba?
Pero iyan ang totoo.
Labis ko ring pinagtatakhan
Kung bakit sobra-sobra kitang kaylangan.
Mahal na mahal kita.
Bakit nga ba?
Giliw… puwede ba kitang hawakan?
Puwede bang makitang muli ang mga ngiti mo
Ngiting parang mga tala
Talang nagbigay liwanag sa dating madilim kong mundo.
Pahintulutan sana akong masdan
Ang taglay mong kagandahan
Kagandahang walang salitang makakapaglarawan.
Akalain mong nagmahal ako ng ganito.
Kay hirap paniwalaan
Pero totoo!
Ikaw ang tibok sa aking puso
Ikaw ang dahilan kung bakit ako buhay.
Hangarin kang naisakatuparan
Labis-labis kitang kaylangan
Mahirap paniwalaan
Di ba!
Pero iyan ang katotohanan.
HALIK SA PISNGI
Hindi ko sinadya…
na labi ko’y dumampi
sa iyong pisngi.
Hay!
Parang bulak
Kay lambot
Kay bango… parang rosas.
At tuhod ko’y nanginig.
Katinua’y parang bula… naglaho.
Aking inulit.
Muli akong humalik.
Sa pisngi.
Paulit-ulit.
At labi ko’y naglakbay
hanggang sa labi mo’y dumantay.
Ika’y pumikit.
Nakangiti.
Hininga mo’y pigil.
Tila hinihintay ang muli kong paghalik.
At bago sana kita muling hagkan
kita’y masuyo munang pinagmasdan.
Nang krus sa kuwintas mo’y kuminang,
May batong sa budhi ko’y dumagan.
Di na kita muling mahagkan.
Takang-takang mata mo’y iminulat
Yumuko ako’t humingi ako ng tawad
At sa pisngi mong sa luha’y tigmak
Sa huling pagkakataon
Labi ko’y lumapat.
Ika’y Talinghaga
Ika’y pintig na sa puso ko’y tumibok
Lakas na sa mundo ko’y nagpapaikot
Ngunit ang ngiti mo sa akin ang dulot
Isang laksang saya’t labis-labis na lungkot
Ikaw ay kaligayahang dapat damhin
At pagsisising gumapang sa damdamin
Ika’y kayamanan kung aking ituring
At kabayarang dapat na balikatin
Amihan ka ngang ginhawa sa tag-init
Ngunit hanging sa gabi dulot ay lamig
Kandungan mo’y itinuturing kong langit
Bilangguan nang inaliping pag-ibig
Talinghaga kang mahirap na arukin
Palaisipang ‘di ko kayang sagutin
Magkaganun man ikaw ay mamahalin
Magpakaylan man ‘di kita lilimutin
Pangako mo ma’y mahirap panghawakan
Madali man sa iyo na ako’y iwanan
Ang mahalin mo kahit panandalian
Dulot ay ligayang walang katapusan
(Mula sa kantang “She” ni Elvis Costello)
Cayó’y Caiiñgat
Nalalapit na ang malaking palabas
Wika nga’y “The circus show is about to start!”
Isang palabas na halalan ang tawag
The clowns are everywhere “Cayo’y Caiiñgat”
Dati-rati’y ‘di ka nila pinapansin
Ngayo’y bigla na lang ika’y kukumustahin
Biglang naging “concerned” kayo’y pupulungin
Suporta sa halalan sa inyo’y hihingin
Lahat ng tao sa daa’y kakamayan
Lamay sa bawat sulok ay pinupuntahan
Tambay ay bibigyan ng alak at pulutan
Pantaya sa bingo si manang ay bibigyan
Sa ganyang paraan botante’y liligawan
Parang nang-uuto’t gusto kang suhulan
Ganyan kababa kung botante ay tignan
Tingin sa iyo’y uto-utong bayaran
Panunuhol ng payaso sana’y tanggihan
H’wag tanggapin alok na limang-daan
‘di ganyan kamura iyong karangalan
H’wag mong hayaang pagkatao’y yurakan
“Caiiñgat” sa kandidatong lumalapit
Baka siya’y payasong kung ngumiti’y pilit
Nagkukunwaring sa iyo’y may malasakit
“Caiiñgat” kayo’t h’wag magpapagamit
H’wag ng dagdagan payaso sa gobyerno
Kay dami na nila sa Kongreso’t Senado
Maglingkod sa baya’y marangal na mandato
Seryosohin sana gagawing pagboto
Ang Project Ni Juan
Tanghali noon sa bahay ni mang Teban
Humahangos pauwi anak na si Juan
“Pahingi po ng isang libo’t limang daan.”
Ani Juan sa amang tila nagulantang
“One five ba kamo? Aba’y ang laki naman!
“Eh itay para po sa project namin ‘yan.”
“Bigyan mo na Teban,” ani aling Bebang
“Requirement yan sa kanilang paaralan.”
“Tatlong projects po itong nasa listahan,
Para sa parts of speech po eh one thousand,
Sa sentence construction po ay dalawang daan,
Subject-verb agreement eh three hundred naman.”
“Mukhang ang hirap anak ng inyong project.
Ano ba kamo iyong una… parts ob ispets?”
“Opo, gamit para makabuo ng phrases
Gamit din para sa clauses at sentences.”
“Wow… anak ko’y henyo, sa akin nagmana.”
Ani aling Bebang sa anak na kahunta
“O Teban bigyan mo na si Juan ng pera,
Dagdagan mo ng may pambili siya ng meryenda.”
“O heto anak.” Lumapit sa tatay si Juan.
“Ha, itay naman bakit po isang daan.”
“Libro lang sa English ang kaylangang mo Juan,
Doon sa Recto… maghanap ka ng 2nd hand.”
Ang Kabayo Ni Mang Teban
Habang nagkakape hetong si mang Teban
Asawa’y lumapit… siya’y binatukan
“Hoy Teban, sino itong Anne ang pangalan?”
“Ano? Anne? Wala akong kilalang ganyan.”
“Hoy…hoy…hoy… ikaw na matandang hukluban,
Hay naku huwag kang magmaang-maangan,
O heto ang papel… Nakita ko iyan
Nang paborito mong brief ay aking labhan.”
“Ah… eh… Hay naku darling kabayo si Anne.”
“Eh bakit may numerong nakasulat d’yan?”
“Ha?… Kumbinasyon ito… aking tinayaan
Galing ako kahapon sa karerahan.”
Tumayo ang Teba’t misis hinalikan
“Naku darling kabayo’y huwag pagselosan.”
Dumukot pa ang dyaske ng limang daan
“Nanalo nga ako… balato mo iyan.”
Nang sikuhin s’ya ni misis, gulat ang loko
Anito’y “Tinawagan ko iyang numero,
Sumagot ang paborito mong kabayo,
Ang sabi’y – Come Teban sakyan mo ulit ako.”
