Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 10C

Chapter 10C
“Ang Tunggalian”

Pagkatapos niyon ay malayang kumilos na ang sanggol na Sutsot.  Ang mga anak ng demonyo ay gumapang nang may nakatatakot na bilis, paroo’t parito sa sahig, bawat galaw ay sadyang nakakakilabot. Dahan-dahan, nagsimula silang gumapang patungo sa mga bangkay nina Tomas, Jasmine, at Marco. Pagkatapos ay nilapa nila ang mga tiyan ng mga patay, mabangis na nag-aagawan sa mga laman-loob. Nanonood si Berith, nagmamalaki habang kumakain ang kanyang mga anak. Gutom na gutom ang mga maliliit na Sutsot.

At si Eve—tuluyan ng nawala sa sarili. Tila nagagalak pa sa lagim na nagaganapa sa harap niya. Nawala na ba siya sa sarili… o tuluyan nang nahulog sa ilalim ng lason ni Berith? Paano ko siya maililigtas? Paano ko siya aagawin mula sa kanya?

Sa wakas, ay naabot ko na rin ang machete. Sinubukan kong tumayo, pero hindi sumunod ang aking katawan. Masyadong maraming dugo na ang nawala sa akin. Nanginig ang aking mga braso sa sarili nilang bigat lalo na’t  ang hawakan ng machete  ay madulas dahil sa dugo. Gumapang ako paatras patungo sa pader at isinandal ang aking likod doon.

Pagkatapos, ang Sutsot—si Berith sa katawan ni Adam—ay ibinaling ang tingin sa akin. Gamit ang boses ni Adam, parang nangungutya itong nagtanong, “Ano na ngayon, Willy?”

Nang kausapin ako ni Berith, ay napunta sa akin ang atensyon ng isa sa mga maliit na nilalang. Nanlaki ang mga mata nito, naging kasing-itim ng gabi, at sumisingasing na parang ahas habang dahan-dahang gumagapang patungo sa akin.

Tinipon ko ang natitira kong lakas at iwinasiwas ko ang hawak kong machete—pero bago pa tumama ang talim, ang sanggol na Sutsot ay nagbagong-anyo at naging usok, parang aninong nadulas sa hangin. Huli na nang naala-ala kong dapat ay ipinikit ko pala ang aking mga mata.

Naramdaman ko ito—ang kakaibang pakiramdam na may tumutulak sa akin palabas ng sarili kong katawan, palabas sa aking mga mata. Wala na ako sa kontrol. At mula sa pakiramdam na may nagtutulak ay parang nagiging merong humihila sa akin palabas sa aking katawan.

Sa unang pagkakataon, nakita ko ang sarili kong katawan hindi sa repleksyon sa salamin. Nakikita ko ang kalahati ng aking espiritu, mula baywang pataas, na lumalabas sa isa kong mata.

At doon bumalik sa isipan ko ang propesiya ni Kharon, “…isa lang sa inyo ang mabubuhay para isalaysay ang kwento.”

Pakiwari ko ay itinulak ako a gilid ng bangin… at malapit na akong mahulog.

Ngunit hindi pa ako handang sumuko. Ako na lang ang natitira para labanan ang mga demonyong ito at iligtas si Eve. Mayroon akong armas na mas matalas kaysa sa anumang itak sa mundo—ang pananampalataya ko sa Diyos. Kahit na hinahati ng sindak ang aking kaluluwa, kumapit ako sa tanging bagay na puwede kong panghawakan sa lahat ng pagkakataon —ang aking pananalig. Kailangan kong mabuhay nang maisalaysay ko ang kwentong ito.

Ibinulong ko sa hangin ang Ama Namin. Nanalig akong ang bulong kong iyon ay ihahatid ng hangin sa tainga ng mapagpalang Ama. Bawat salita ay naglalatag ng apoy sa aking isipan, bawat linya ay isang pakikibaka, isang kislap laban sa kadiliman. Kung ito man ang paraan ng aking kamatayan, mamatay akong habang  nakikipag-usap sa nagbigay sa aking ng buhay.

Habang binibigkas ko ang bawat linya ng dasal, nakikita ko ang aking espiritu na dahan-dahang bumabalik sa aking katawan, at ang anino ng Sitsit ay lumalabas naman sa isa ko pang mata.

Nang mabawi ko ang aking katawan, at sa sandaling ang sanggol na Sitsit ay lumapag sa sahig sa kanyang pisikal na anyo, muli kong iwinasiwas ang itak. Nahiwa ang sanggol na halimaw sa gitna.

Isang malakas na atungal ang umalingawngaw. Ang poot ni Berith ay namilipit sa kanyang mukha habang pinagmamasdan ang isa sa kanyang mga anak na wala nang buhay at duguan sa harap ko.

Ang demonyo, na iika-ika, ay sumugod; ang kanyang mga paa ay humahampas sa madulas na sahig. Sinubukan kong bumangon para salubungin ang hayop na halimaw pero bumigay ang aking mga tuhod; ang mundo ay tila tumagilid. Napaupo akong muli.

Nang lumapit si Berith, iwinasiwas ko ang machete. Hindi ito tumama. Sinipa niya ako sa mukha. Habang nakahiga ako sa sahig, hinawakan niya ang braso kong may machete at marahas itong inagaw. Nakatihaya ako nang walang kalaban-laban. Animo’y ako si Lucifer at siya’y nakatapak sa dibdib ko’y ang anghel na si Miguel.

“Pinatay mo ang isa sa mga pamangkin ko, bro,” sabi ng Sutsot, ginaya ang boses ni Tomas. “Pero ayos lang ‘yan. Ang kapatid kong si Eve at si Berith ay gagawa pa ng marami.”

Pagkatapos ay lumuhod ang Sutsot at idiniin ang kanyang bigat sa aking dibdib. Halos hindi na ako makahinga.

“At ngayong nakatawid na ako ng isla sa wakas, itatayo ko dito sa mundo mo  ang aking kaharian.” Ang boses na iyon ay narinig ko lang nang ilang beses sa Isla Miedo—marahil ang tunay na boses ni Berith, hindi iyon boses  ng isang ordinaryong tao. “Ang mga anak ko at ako ay madaling magpaparami rito, at marami kaming mapagkukunan ng laman at dugo ng tao..”

Lumingon ako sa paligid. Ang ibang mga sanggol na Sitsit ay patuloy sa paglapa sa mga bangkay nina Marco, Jasmine, at Tomas, ang kanilang maliliit at mapuputing kamay ay nanggigitata sa nangitim na na dugo. Kalong ni Eve ang isa sa mga sanggol na Sutsot na may hawak na bituka ng tao. Buong lambing niya itong iniuugoy habang ito’y parang hayok na hayok na kumakain. Nawala na ba talaga ang katinuan ng isip si Eve?

Inipon ko ang natitirang lakas, ikinuyom ang aking kamao at sinuntok si Berith sa mukha. Tinamaan ko siya sa ilong. Dumugo ito pero bale wala lang sa kanya. Ngumisi lang siya.

Itaas niya ang kanyang kamao, akmang ako’y susuntukin din. Ipinikit ko ang aking mga mata, hinihintay ang pagtama ng kamao niya sa aking mukha.

Pero hindi ito dumating. Sa halip, naramdaman ko ang isang mahinang pitik sa aking ilong. Pinipitik niya ako—minamaliit na parang bata.

“Mapalad ka at sugatan ka na at malapit ka na ring mamatay. Kung hindi, iniwan ko na sana ang katawang ito at lumipat sa’yo.” Ang boses niya nanunuya pa rin. “Kay Lucifer na ang impiyerno, pero ang mundong ito ay magiging akin. Gagawin ko ang sarili kong hari ng mundong ito—at si Eve, ang babaeng pinapangarap mo, ang pinakamamahal mong paulit-ulit kong inangkin, ang magiging reyna ko.”

Ginawa ko ang dapat kong gawin. Nagdasal ako muli. Gumalaw ang aking mga labi nang walang tunog.

“Tama na Willy,” wika ni Berith. “Itigil mo ang kahibangan na ‘yan. Sa pagkakataong ito, hindi makakatulong ang mga dasal mo. Nakatsamba ka lang kanina. Sanggot na sutsot lang ang kalaban mo kanina kaya ka nakabalik sa katawan mo.  Ang tinatawag mong Ama ay hindi darating para tulungan ka. Takot Siya sa akin.” Ang kanyang kalapastanganan niyang iyon ay sinamahan ng malademonyong tawa.

Pagkatapos ay tumayo si Berith sa ibabaw ko, ang malamig na talim ng macheteng hawak niya’y  dahan-dahang idiniin sa aking leeg. Humalik ang bakal sa aking balat.Ang init ay sumiklab kung saan nagbabantang gigilitan ako machete.

“Pipira-pirasuin  kita para mas madali kang makain ng mga anak ko,” ang pananakot  niya. “Pero ang mga mata mo at ang utak mo ay akin. At dahil lagi mong sinasabing ang puso mo ay para kay Eve… ipakakain ko ito sa kanya.”

Tinawag ni Berith si Eve. “Mahal ko, kakainin mo ba ang puso ng iyong pinakamatapat na tagahanga?”

Tumango si Eve at tumingin sa akin, ang kanyang ngiti ay tila isang patalim… nakakasugat ng damdamin. Tuluyan ng nilamon si Eve ng kabaliwan.

Itinaas na ni Berith ang hawak na machete—dahan-dahan niya itong ginawa, tila isang seremonya—handa na akong tapusin.

Habang hinihintay ko ang pagbagsak ng talim sa aking leeg, ang tingin ko ay napako sa panalanging nakasulat sa ilalim ng mural ni San Miguel Arkanghel. Binasa ko ito nang malakas.

“San Miguel Arkanghel, ipagtanggol mo kami sa labanan… maging sandigan  ka nawa namin laban sa kasamaan…”

“Kahit ‘yan ay hindi makakatulong sa’yo. Si Lucifer ang tinalo niya—hindi ako!” sigaw ni Berith, pilit na nilulunod ang aking boses. Pero nagpatuloy ako.

“Buong taimtim kaming nagdarasal na, gaya ng iniutos ng Diyos, itaboy mo ang mga demonyo.”

Pagkatapos—isang kaguluhan ang naganap sa labas ng bahay. May mga nagsisigawan. May mga, marami.

Nagulat siBerith at lumingon sa pinanggalingan ng ingay; nanlaki ang kanyang mga mata. Itinulak ko siya gamit ang huli kong lakas, at napaatras siya’t napaluhod.

Sinubukan niyang tumayo ulit. Hirap siya. Bawat galaw niya ay mabagal at hirap—patunay na ang kanyang mga sugat ay tuluyan na siyang pinanghihina.

“Palibutan ang bahay! Itaas ang mga metal drag nets hangga’t maaari! Punuin ang bakuran ng spotlights!” sigaw ng isang boses mula sa labas.

“Huwag hayaang may makalabas!” sigaw pa ng isa.

Wala na sa akin ang atensyon ni Berith. Lumapit siya kay Eve.

“Adam, anong nangyayari?” tanong ni Eve, lito. Ang mga sanggol na Sutsotay nagkumpulan sa likod ni Berith, naramdaman ang panganib.

Isang nakabibinging atungal ang pinakawalan ni Berith.

Ang mga pinto sa harap at likod ay puwersahang binuksan. Ang mga lalaking nakasuot ng madilim na pulang tunika ay sumugod sa loob, may mga baril at itak sa kamay. Isa sa kanila—isang paring may punit-punit na abito—ay nagtaas ng boses sa gitna ng kaguluhan. Ang iba ay may dalang portable flamethrowers.

“Iwasan ang kanilang tingin!” sigaw ng pari. “Huwag hayaang mahuli ang inyong mga mata! Huwag kayong maniniwala sa mga gagawin nilang panlilinlang.”

Humakbang siya sa harap ng mga Guardians, nagsasaboy ng banal na tubig mula sa isang gasgas na flask at itinataas ang isang krusipiho.

“Liwanag laban sa kadiliman!” Sigaw ng pari. “Sunugin ang mga anino! Linisin ang bahay!”

Muling umatungal si Berith. Napaatras siya, sinasangga ang kanyang mukha mula sa banal na tubig na sumasagitsit sa kanyang balat na parang asido.

Humalinghing siya sa sakit. Ang mga sanggol na demonyo ay nagpulasan sa bawat direksyon, nangingisay tuwing natatalsikan ng mga patak ng banal na tubig.

“Pakiusap huwag niyo siyang saktan… huwag ang mga anak ko!” tili ni Eve, nagpupumiglas sa gitna ng kaguluhan

Si Berith, na halatang mahina na, ay sumugod sa mga Guardians, ang kanyang itak ay humiwa sa balikat ng isang lalaki. Bumagsak ang Guardian habang sumasabog ang dugo sa sahig. Sinubukang itaas muli ni Berith ang kanyang sandata, pero umalingawngaw ang mga putok ng baril—parang kulog sa loob ng bahay.

Sa harap ko mismo, bumagsak ang Sutsot, paluhod. Sa takot na baka tumalon siya mula sa katawan ni Adam patungo sa akin, ipinikit ko nang mariin ang aking mga mata.

“Sige! Pugutin ang ulo—ngayon na!”

Nanatili akong nakapikit. Wala na akong ibang magagawa kundi maghintay.

“Huwag… huwag… huwag… pakiusap. Diyos ko, Adam!!!” Wala nang nagawa si Eve.

Idinilat ko ang aking mga mata. Si Berith, suot ang katawan ni Adam, ay nakaluhod sa harap ko, wala nang ulo. Ang dugo ay tumalsik sa aking mukha. Isa-isa, ang mga talim ng mga Guardians ay tumama sa naputol na ulo—sunod-sunod… hanggang  sa nagkapira-piraso ito.

Lumuhod ako at kinuha ang nalaglag na machete sa sahig. Itinarak  ko ito nang malakas sa dibdib ng Sutsot. Sa sandaling iyon, hindi ko alam kung ginawa ko ba iyon para sa lahat ng biktima niya, o para lang sa babaeng mahal ko—si Eve.

Isang kakaibang pakiramdam ng tagumpay ang umapaw sa akin, pero naputol ito ng tili ni Eve. Gusto lapitan ang bangkay ng halimaw pero pinipigilan siya ng mga Guardians..

Napabaling ang atensyon ko sa kanya. Napaka-aba ng kanyang hitsura, naghihirap dahil sa kamatayan ni Berith. Pagkatapos ay nawalan siya ng malay at bumagsak sa sahig. Matapos ang lahat ng pangyayari, ganoon pa rin ba ang pagtingin ko kay Eve. Walang nagbago sa pagtingin ko sa kanya.

Gusto ko siyang lapitan para hawakan ang kanyang kamay. Kahit ngayon lang. Pero sa sobrang hina ko ay hindi ko na maigalaw ang aking katawan. Akala ko ay susunod na akong mawawalan ng malay dahil sa dami ng dugong nawala sa akin. Pero pinilit kong manatiling gising. Kailangan kong makitang mamatay ang kahuli-hulihan sa mga  sa mga nilalang mula sa impiyerno bago ako mamahinga.

Ang mga sanggol na Sutsot ay tumitili habang sumusugod sa mga Guardians. Ang ilan ay naging usok pero mabilis na natupok ng mga flamethrower. Ang iba’y namatay sa taga, and iba’y sa bala. 

Ang mga sigaw ay humalo sa hangin hanggang sa tila yumayanig ang buong paligid. Ilan sa mga sanggol na Sutsot ay lumabas sa bintana.

“May mga Sutsot na nakakalabas! Habulin sila!” sigaw ng isa sa mga Guardians.

Sa labas, umalingawngaw ang mga putok ng baril; sinagot ito ng matinig na hiyaw ng mga sanggol na sutsot. Ang gabi ay lumalim na ng lumalim. Isang hindi maipaliwanag na kasiyahan ang naramdaman ko habang iniisip ko ang mga demonyong natutupok sa apoy sa may isla at ngayon dito mismo sa bahay.

“Siyasatin ang bawat sulok ng bahay. Siguraduhing walang Sitsit na makakalabas dito nang buhay!”

Habang humuhupa ang ingay sa loob at labas ng bahay, naramdaman ko ang lalong paghihina; dumulas ako sa pader, ang mundo ay naging tila usok, ang sakit sa aking binti ay hindi ko na matiis. Napakabigat ng aking katawan, at ang dilim ay nagbabantang tuuyan akong lamunin. Ngunit kahit nararamdaman kong nawawala na ako, isang kakaibang kaligayahan ang bumalot sa akin. Kung dito na matutuludkan ang buhay ko ay masaya akong mamamaalam sa mundo dahil nakita ko ang pagwawakas ng kademonyohan ng mga sutsot. At ang pinakamahalaga ay buhay si Eve.

Sa gitna ng nanlalabo kong paningin, nakita ko ang pari at ang isa pang Guardian na lumalapit sa akin. Lumuhod ang pari at hinawakan ako. Isinuot niya sa aking leeg ang isang kwintas na may krusipiyo. Pagkatapos ay dahan-dahang ipinatong ang kanyang kamay sa aking noo, tila tinitingnan ang aking kondisyon.

“Tumawag ng medic, bilisan niyo!” sigaw niya.

“Ipagdasal niyo ako—at ang mga kaibigan ko, Father,” bulong ko, pilit kong inaabot ang kanyang mga kamay.

At hindi ko na alam kung nahawakan ko ang mga kamay ni Father sa dahilang ang mga talukap ng mata ko’y tila bintanang nagsara. Dumilim.

Chapter 11
“Kabuntot Na Anino”

Huwan Kang Lilingon
(Maikling Nobela – Horror)

Unknown's avatar

About M.A.D. LIGAYA

I am a teacher, writer, and lifelong learner with diverse interests in prose and poetry, education, research, language learning, and personal growth and development. My primary advocacy is the promotion of self-improvement. Teaching, writing, and lifelong learning form the core of my passions. I taught subjects aligned with my interests in academic institutions in the Philippines and South Korea. When not engaged in academic work, I dedicate time to writing stories, poems, plays, and scholarly studies, many of which are published on my personal website (madligaya.com). I write in both English and his native language, Filipino. Several of my research studies have been presented at international conferences and published in internationally indexed journals. My published papers can be accessed through my ORCID profile: https://orcid.org/0000-0002-4477-3772. Outside of teaching and writing, I enjoy reading books related to my interests, creating content for my websites and social media accounts, and engaging in self-improvement activities. The following is a link to my complete curriculum vitae: https://madligaya.com/__welcome/my-curriculum-vitae/ TO GOD BE THE GLORY!

Posted on January 23, 2026, in Creative Writing, Fiction, Horror, Kwentong Kababalaghan at Katatakutan, Maikling Nobela, Short Novel and tagged , , , , , . Bookmark the permalink. Leave a comment.

Leave a comment