Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 10B

Chapter 10B
“Ang Tunggalian”

Si Marco ay hindi mapakali. Halos magsalubong ang kanyang mga kilay. “Kailangang mamatay ni Eve bago pa niya ilabas ang mga anak ng halimaw.Ang mga demonyong isinisilang mula sa tao ay mas mapanganib.”

Napapikit si Jasmine. Tinakpan ng mga kamay ang kanyang mukha. Marahil ay hindi niya malaman kung ano ang dapat mamayani sa kanya, ang pagiging kapwa niyang tao si Eve o ang sinumpaang tungkulin bilang miyeybro ng Guardians. Ang sundalo ng pananampalataya ay  naipit sa pagitan ng sumpa at puso. Tiningnan niya si Eve, dinudugo at umiiyak.

“Mang Fidel… Marco…” bulong niya. “Tao pa rin siya. Naghihirap siya.”

Nanidigan si Marco “Kung kaaawaan mo siya ngayon, ang sangkatauhan ang maghihirap. Mamamatay tayong lahat kasama niya.”

Napapikit na lamang si  Jasmine. Hindi malaman kung saang panig siya kikiling.

Mabilis na ikinasa ni Marco ang kanyang baril at humakbang patungo kay Eve.

“Sandali—sandali! Baka may ibang paraan!” sigaw ni Tomas, humarang siya sa pagitan ni Marco at ni Eve. Itinanim niya ang kanyang mga paa at itinaas ang patalim na hawak.

Pagkatapos ay isang boses ang aming narinig

“Tama ‘yan, Tomas. Huwag mong hayaang patayin nila ang kapatid at mga pamangkin mo.”

Si Berith iyon, ginagaya ang boses ni Adam.

“Jasmine… mahiya ka naman? Bakit mo sila hahayaang saktan kami? Magkapatid tayo. Ang mga nasa sinapupunan ni Eve… sila ay sarili mong dugo—ang aking mga anak. Pamilya tayo. Tingnan mo si Tomas—pinatutunayan niyang kapatid siya ni Eve. Eh, ikaw?”

“Itigil mo ang pagpapanggap, Berith!” sigaw ni Jasmine.

“Berith? Sinong Berith?” ang wika ng Sutsot na si Berith. “Ako ang kapatid mo, Jasmine. Hindi mo ba nakikita? Ang mga sanggol sa tiyan ni Eve ay iyong mga pamangkin.”

“Patay na ang kuya ko,” mabilis na sagot ni Jasmine. “Ninakaw mo ang katawan niya. Ginamit mo siya. Subukan mo lang akong lalapitan—ako mismo ang pupugot sa ulo mo.”

Tumawa ng tumawa ang Sutsot. “Ano na ang  nangyari sa kasabihang ‘ang dugo ay mas matimbang kaysa sa tubig”?.

“Pula ang dugo ko… ang sa iyo eh berde, gago,” sagot  ni Jasmine.

Panandaliang tumahimik ang paligid. Patuloy pa rin nang pamimilipit si Eve.

Ramdam ko ang tensyon. Habang may pangamba sa ano man ang susunod na gagawin ni Berith, ay nagpapakiramdaman  kami sa loob. Nandoon si Tomas na handang gawin ang lahat upang huwag masaktan si Eve. Sa kabilang banda ay nandoon sina Mang Fidel at Marco, mga miyembro ng Guardians of Light  na sumumpang gagawin ang lahat upang puksain ang mga Sutsot.

Si Jasmine ay nalilito. Ang ba ang  mamamayani sa kanya… tungkulin o ang awa para kay Eve.

Ako, hindi ako nalilito. Malinaw, hindi ang ano ang dapat kong gawin kundi ang gusto kong gawin… ipagtanggol si Eve.

Tumayo ako sa tabi ni Tomas. Hawak ko ng mahigpit ang machete na ibinigay sa akin ni Marco. Kaibigan ko si Tomas. Hindi ko siya hahayaang mag-isa sa labang ito. Higit sa lahat, hindi ko hahayaang saktan ng sinoman si Eve.

Nagtama ang paningin namin ni Mang Fidel. Umiling-iling siya “Hindi kailangang humantong sa ganito. Panginoon, kaawaan Mo kami.”

May ingay na nagmula sa may bandang bintana. Puwersahang ito’y nabuksan. Si  Adam. Gamit pa rin ng demonyong si Berith ang kanyang katawan,

“Sige lang… magpatayan kayo. Gustong-gusto ko ‘yan… gustong-gusto ko.”

Hindi nag-atubili si Marco. Itinaas niya ang kanyang baril at nagpaputok. Ang putok ay parang kulog; ang Sutsot  sa bintana ay hindi tinamaan.  Kung paraan lang iyon ni Berith para ilayo angatensyon ng mga Guardians kay Eve, nagtagumpay siya.

“Kuya… kuya, hindi ko na kaya!” sigaw ni Eve. Walang magawa si Tomas kundi pisilin ang kamay ng kapatid; nanatili akong bantay, ang mga mata ay naglilibot sa paligid para masigurong walang Guardian na lalapit sa kanya.

“Adam… nasaan ka? Tulungan mo ako, ano ba… lalabas na ang mga anak natin.”

Ang Sutsot ay muling umatungal. Tila ba nagdiriwang ito.

“Malapit nang lumabas ang mga anak ko. Maniwala kayo… hindi kayo handa para sa kanila.”

Ang babalang iyon ay sinundan ng isa pang atungal..

Sina Mang Fidel at Marco ay pumunta sa likod ng bahay. Ilang sandali pa, ang gabi ay napuno ng mga sigaw, mga atungal, at mga putok ng baril sa gitna ng ulan.

Biglang bumukas nang malakas ang pinto sa harap.

Ang Sutsot ay pumasok, ang isang kamay ay nakahawak sa kanyang dumudugong tiyan.

“Eve… Eve…”

Sa kabila ng sakit at hirap, pilit na bumabangon si Eve mula sa sofa para salubungin sana siya.

“Adam!!! Anong ginawa niyo kay Adam?!” sigaw ni Eve.

Dalawa pang putok ang umalingawngaw.

“HUWAG!!! HUWAG!!! Pakiusap huwag ninyo siyang saktan!” Ang pagsamo ni Eve.

Bumagsak si Adam sa harap namin, at sa likod niya, lumitaw si Marco. Binitiwan niya ang kanyang baril at lumuhod. Umaagos ang dugo sa kanyang tagiliran.

Kasabay ng pagbagsak ni Berith ay namanhid ang aking kaliwang hita. Tinamaan ako ng isa sa mga bala niya. Umagos ang dugo sa aking binti habang pilit akong kumikilos.

Dinaluhan ni Jasmine si Marco. Nanatili akong nakatayo, nag-aabang.

 May itak na ang nakabaon sa likod ni Marco.

“Jasmine, ang… si ama  ay patay na. Tingin ko… hindi na rin… hindi na rin ako magtatagal. Gawin mo ang iyong sinumpaan. Sa… sa ngalan ng Diyos.”

Tuluyan nang bumagsak si Marco sa sahig, wala ng buhay.

“Kuya… ang tiyan ko… sasabog na!” sigaw ni Eve, nangingisay sa sofa.

Gusto ko siyang lapitan, tulungan, pero nang humakbang ako’y bumigay ang aking binti. Napasandal ako sa pader, para akong kandilang nauupos.

Binunot ni Jasmine ang itak mula sa likod ni Marco at mabilis na sumugod kay Eve.

“Pakiusap, huwag, Jasmine!” sigaw ko.

Napalingon si Tomas dahil sa aking sigaw. Bakas ng pagkalito sa kanyang mukha. Pagkatapos ay nangyari ang lahat sa isang iglap. Sumabit ang paa ni Jasmine sa gilid ng basahan na nasa  sahig. Nawalan siya ng balanse. At bago pa man kami makakilos, dumulas siya pabagsak nang diretso sa sandatang hawak ni Tomas.

Nahiwa ang talim ng macheteng hawak ni Tomas ang tiyan ni Jasmine. Habang siya ay bumabagsak patagilid, ang kamay niyang may hawak na machete ay naiwasiwas niya. Nahiwa ng hawak niyang machete ang leeg ni Tomas.

Habang sina Tomas at Jasmine ay halos sabay na napaluhod tutop ang mga parte ng katawan nilang nasugatan ay bumagsak sa sahig ang mga macheteng hawak nila. Ang mga sandatang iyon ay dapat sa mga Sutsot ginamit.

Sa pagkakataong iyon ay nanumbalik sa aking isip ang babala ni Kharon kina Tomas at Jasmine…mag-ingat sa bagay na matalim.

Tuluyan nang bumagsak sa sahig ang mga katawan nina Tomas at Jasmine. Hawak ni Tomas ang kanyang leeg; si Jasmine ay nakahiga sa tabi niya. Pareho silang naghihingalo… ang mga mata nila ay nakabukas… nakatitig sa akin. Pinilit kong kumilos para tignan kung ano ang puwede kong gawin. Pero bawat kilos ko’y nagdudulot ng sobrang kirot sa aking sugatang hita.

Trahedya… sunod-sunod.

Sa isang saglit pakiramdam ko’y tila huminto ang pag-ikot ng mundo. Ang bagyo sa labas ay nagngangalit, pero sa loob, tanging katahimikan… nakakabinging katahimikan.

Sumigaw ako para pigilan si Jasmine na saktan si Eve, at ang desisyon kong iyon ang nag-umpisa ng sunod-sunod na pangyayari na tumapos sa kanilang buhay. Ako ba ang dapat sisihin sa kanilang kamatayan?

Hindi ako makapag-isip nang malinaw. Lahat ay nangamatay sa harapan ko. Kami na lang ni Eve ang natitirang buhay. Ang masakit, hindi ko man lang magawang lumapit kay Eve.

Ang silid ay tila umiikot; ang mga anino ay naghahalo-halo. Bumabaha ng dugo sa sahig galing sa mga patay at sa aking hitang sugatan at sa Sutsot na si Berith na nasa katawan ni Adam.

Dugo—pula at luntian—ay kumalat na parang dalawang maliit na sapa sa sahig.

Sina Jasmine at Tomas ay tuluyan nang nalagutan ng hininga, habang si Eve ay patuloy sa pag-ire, pilit na inilalabas ang bagong buhay—isang bagong buhay na magdadala lamang ng higit pang kamatayan.

Ang tiyan ni Eve ay namaga nang nakapangingilabot, ang balat niya sa tiyan ay banat na banat na parang bubog na malapit nang mabasag.

At animo’y  hindi pa sapat ang lagim na nasaksihan ko, ang pagkamatay nina Marco, Tomas, at Jasmin at ang malapit ng paglabas ng mga nilalang ng kadiliman na nasa tiyan ni Eve, ang katawan ni Adam ay dahan-dahang tumagilid.

Buhay pa si Berith. Buhay pa ang demonyo. Kay hirap patayin ng halimaw na Sutsot.

Dahan-dahang bumangon ang Sutsot. Nang makatayo na siya’y ibinaling ang kanyang tingin sa akin. Gumuhit sa kanyang labi ang isang mapanuyang ngiti.

Nilapitan ni Berith si  Eve. Bagama’t halatang nanghihina dahil sa mga sugat na tinamo, ay para siyang nagbubunyi.

“Adam… oh Adam… pakiusap bilisan mo,” iyak ni Eve, inaabot siya.

Naupo si Berith sa tabi niya at dahan-dahang hinalikan ang kanyang mga labi. Ang kanyang mga mata ay hindi umalis sa akin—puno ng pangungutya.

“Oh, Willy… ang mga labi na pinapangarap mong mahagkan ay napakatamis… masarap. Gustung-gusto ko siyang halikan.”

Nakita ko kung paano tumugon si Eve sa halik ni Berith—hinalikan niya ito pabalik, nang may panggigil at pananabik. Napapikit ako.

“Lumalabas na ang ating mga anak, Eve. Magiging ina ka na… at magiging ama ako,” ungol ng demonyo.

Si Eve, ay wala nang pakialam kay Tomas na kanyang sariling kapatid. Namatay ito sa pagtatanggol sa kanya. Nakatuon na lamang ang atensyon niya siya Sutsot. Tila siya ay nahibang. Para pa siyang nagbubunyi sa piling ng nilalang na kumuha sa katawan ni Adam.

Ang Sutsot ay nagpakawala ng isa pang nakabibinging atungal. Nagbubunyi. Nagmamalaki.

Sumigaw si Eve, nakakapit sa mga braso ng Sutsot. Wala nang sakit na mababakas sa kanyang mukha—tanging matinding determinasyon, na tila sabik na isilang ang mga anak ng isang demonyo.

At ganoon na nga ang nangyari. Lumabas ang unang sanggol. Pagkatapos ay may pangalawa… pangatlo… pang-apat. Bumilis ang paglabas ng mga ito, hindi na ako nakasunod sa pagbibilang.. Mukhang may labintatlo sila, o baka higit pa. Lumabas sila na parang usok at nagkatawang-tao bago lumapag sa sahig.

Sa halip na iyak ng bagong silang, ang paligid  ay napuno ng unga ng kinakatay na baka at palaka sa bukid kapag umuulan.

Pilit kong inaabot ang machete sa sahig. Pero parang wala na akong natitirang lakas pa. Tila sumama ito sa mga dugong umagos mula sa aking sugat.

Masayang tinipon ni Berith ang mga bagong silang na Sutsot.  Isa-isa niyang kinarga ang mga ito at dinilaan ang madulas na likido mula sa kanilang balat. Si Eve nama’y dahang-dahang naupo sa sahig. Pinangko niya ang dalawa sa mga sanggol na sutsot at masuyo niyang hinagod ang katawan ng mga ito.

Mapuputi ang mga sanggol na Sutsot—mukhang mga anghel sa unang tingin, pero biglang lumalaki ang mata at lumalabas ang maliliit at matatalas na ngipin. Nakakapangilabot ang nasaksihan ko. Ang kanilang katawan ay nagbabago—tao sa isang sandali, usok sa susunod, saka magiging katawang tao ulit.

Ito pala ang ibig sabihin ni Jasmine na ang mga Sutsot na ang isang magulang ay tao ay mas mapanganib. Hindi na nila kailangang mang-agaw ng katawan para magkaroon ng pisikal na anyo. Kaya na nilang magpalipat ng anyo mula sa usok at laman ayon sa kanilang kagustuhan.

Tiningnan ko si Berith na suot ang katawan ni Adam. Pinagmasdan ko din si Eve. Magkasama sina Adan at Eba, pero hindi sa Hardin ng Eden, kundi sa impiyerno dito sa lupa. Isinilang ni Eve hindi si Abel, kundi si Cain—hindi lang isa, kundi marami.

Chapter 10C
“Ang Tunggalian

Unknown's avatar

About M.A.D. LIGAYA

I am a teacher, writer, and lifelong learner with diverse interests in prose and poetry, education, research, language learning, and personal growth and development. My primary advocacy is the promotion of self-improvement. Teaching, writing, and lifelong learning form the core of my passions. I taught subjects aligned with my interests in academic institutions in the Philippines and South Korea. When not engaged in academic work, I dedicate time to writing stories, poems, plays, and scholarly studies, many of which are published on my personal website (madligaya.com). I write in both English and his native language, Filipino. Several of my research studies have been presented at international conferences and published in internationally indexed journals. My published papers can be accessed through my ORCID profile: https://orcid.org/0000-0002-4477-3772. Outside of teaching and writing, I enjoy reading books related to my interests, creating content for my websites and social media accounts, and engaging in self-improvement activities. The following is a link to my complete curriculum vitae: https://madligaya.com/__welcome/my-curriculum-vitae/ TO GOD BE THE GLORY!

Posted on January 22, 2026, in Creative Writing, Fiction, Horror, Kwentong Kababalaghan at Katatakutan, Maikling Nobela, Short Novel and tagged , , , , , . Bookmark the permalink. Leave a comment.

Leave a comment