Bagong Taon Nanaman
Ilang ikot pa ng tangkay ng orasan
Kalendaryong gamit muling papalitan
Mga paghahanda na’y kaliwa’t kanan
Paligid tiyak dadagundong nanaman
Tiyak na paligid nga ay dadagundong
Sa nanalapit nanamang bagon taon
Kasi’y gawi kapag ito’y sinalubong
Paputok ay bahagi ng selebrasyon
Ang paniniwala kasing nakagisnan
Ingay at paputok kinatatakutan
Ng espiritung dala ay kamalasan
Kaya’t sa bagong taon ay pa-ingayan
Ang wika ni Brod Pete ay may nasusulat
Na paputok daw pala dala ay malas
Espiritu kasing gumagala sa labas
Sa bahay n’yo papasok kapag nagulat
Dagdag niya kung gusto raw makatiyak
Ito’y kanyang binasa sa nasusulat
Nang ‘di papasok itinataboy na malas
Magpaputok sa loob ‘wag lang sa labas
Meron pang uso bukod sa mga paputok
T’wing bagong taon malapit nang pumasok
Ang natura’y prutas na korteng bilog
Ubod nang dami kung sa mesa’y ihandog
Bilog, kasi, ang kasinghugis ay pera
Kaya’t sa bagong taon swerte daw ang dala
Sa bilog na prutas yayaman, giginhawa
Hindi ang bumibili kundi ang tindera
Iba’t-iba ang ating mga pamahiin
T’wing ang bagong taon ay sasalubungin
May pagkaing dapat at di-dapat ihain
May kulay ang damit na dapat suotin
Dapat may lucky charm sa ding-ding nakadikit
Dili kaya’y sa damit ito’y nakakabit
Dapat kulay pula ang isuot na damit
At may mga bilog dito’y nakatitik
Malas di maitataboy ng paputok
Swerte’y di dadalhin ng prutas na bilog
Kung sa pamahiin hindi huhulagpos
Masaganang buhay hindi maaabot
Kung tagumpay ay nais makamtan
Mga pamahiin atin nang talikuran
Sa bagong taon ang ating asahan
Awa ng DIYOS at sariling kagalingan
Posted on December 31, 2018, in Creative Writing, Happy New Year, Manigong Bagong Taon, Poetry, Tula and tagged Creative writing, Happy New Year, Manigong Bagong Taon, Poetry, Tula. Bookmark the permalink. Leave a comment.
Leave a comment
Comments 0