Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 6A

Chapter 6A
“Sa Gitna Ng Libingan”

Kasabay ng pagsikat ng araw ay muling nag-ingay ang mga Sutsot sa may di kalayuan.

Ikinasa ni Tomas ang dalang baril at sinimulang maglakad papasok sa kakahuyan. Sinundan namin siya. Maingat kaming naglakad. Ang bawat hakbang nami’y pinabibigat ng mga babalang galing kay Jasmine.

“Teka… sandali lang.” ang sabi ni Daniel.

Ininom ni Daniel ang natitirang mineral water mula sa kanyang backpack at doo’y pinagsamasama niya ang mga natirang gaas sa mga gasera bitbit namin. Isinilad niya ang pinaglagyang plasctic bottle sa kanyang backpack.  Maging ang mga mitsa ng gasera’y hinugot ay isinama niya sa lalagyan. Pumulot din ito ng isang sanga ng kahoy. Kung nang nakaraang gabi’y halos manginig siya sa takot sa mga Sutsot, sa umagang iyon ay isang palabang Daniel ang nakita ko.

Wika nito’y “Sige ako muna ang bahalang magbantay sa likuran natin.”

Nagkatinginan kami ni Tomas. Pareho kaming bahagyang nangiti.

Matapos kong tampalin sa balikat si Daniel ay ipinagpatuloy namin ang pagpasok sa kakahuyan.

Mga puno ng niyog ang una naming nadaanan. Nagkalat ang mga palapa at mga magugulang na niyog sa lupa. Hindi masyadong madamo sa lugar na iyon dahil marahil sa medyo mabuhangin. Nang malampasan namin ang mga puno ng niyog ay bumulaga sa amin ang mga nagtataasang mga puno na ang  mga balat ay kulay berde dahil sa mga lumot na na nakadikit dito.

Karamihan sa mga puno ay hindi ko kayang ikulong sa yakap sa laki. Nagmistulang sahig ang mga napakaraming nagkalat na mga tuyong dahon at at mga sanga na dinudurog ng aming mga maliliit at dahan-dahang hakbang. Ilang hakbang pa nami’y nagsimula nang maging madawag ang aming dinaraanan. Hanggang tuhod ko halos ang taas ng mga damo at sa dinaraanan namin ay  naglambitin ang mga baging.

Sa bahaging iyon ng kakahuyan ay may mga parang tulay na yari sa mga malalaking baging na nagdudugtong sa bawat puno. Napansin din iyong ng mga kasama ko at marahil katulad ko ay iniisip din nila kung tao ba ang gumawa niyon o ang mga Sutsot.

Nagpunta sa unahan namin si Jasmin at gamit ang kanyang hunting knife ay kanyang hinahawanan ang aming dinaraanan.

Sa pagitan ng mga masinsing mga puno at sa siwang ng kanilang mga makapal na dahon ay pilit sumisingit ang sikat ng araw

May napansin akong kumikinang sa dinaraanan namin.

“Sandali lang.” Ang wika ko.

Huminto sila’t tumingin sa akin.

Lumuhod ako sa lupa’t inusisa ko  ang makinang na bagay. Ito’y isang sing-sing. Nang pulutin ko ito’y nasa daliri pala ng isang kalansay. Hiniram ko ang hunting knife ni Jasmin at aking hinawan ang mga dahon at damo na nakatakip dito. Napaurong nang kaunti si Daniel ng makita ang kabuuan ng kalansay. Sa aki’y bale-wala na ito. Tila naubos na ang takot sa aking katawan.

Kinaylangan kong iangat ang buong kamay ng kalansay upang makuha ko ang sing-sing. Nang mabasa ko ang mga pangalang nakaukit dito’y  ibinigay ko ito kay Jasmine.

May mga luhang nangilid sa mga mata ni Jasmin. “Engagement ring ito na bigay ni kuya kay Julie.”

Bakas sa mukha ni Jasmine ang pag-alaala. Maaaring hiniling na sana’y hindi magkatulad ng sinapit ang kuya niya at ang kasintahan nito. Naglakad siya sa paligid ng kalansay ni Julie. Gamit ang isang sanga ng kahoy ay hinawan niya ang mga dahon sa nilalakaran niya’t kinalkal ang lupa. Batid ko kung ano ang ginagawa niya. Ako ma’y naglakad-lakad din nang kaunti. Ginaya ko ang ginagawa ni Jasmine.

Ganoon rin ang ginawa ni  Daniel at Tomas. Sa loob ng ilang minuto, hinalughog namin ang paligid para sa iba pang posibleng labi ng tao. Wala na kaming ibang nakitang kalansay.

Tumayo nang matuwid si Jasmine. Nakita ko siyang pumikit at huminga nang malalim, tila nagninilay. Pagkaraan ng ilang sandali, iminulat niya ang kanyang mga mata. Nakakunot ang noo at tila nagngangalit ang kanyang mga ngipin.

Ibinulsa niya ang singsing. Huminga ng malalim at pagkatapos ay  nagsimula siyang pumulot ng mga batong nakakalat sa paligid. Pinagpatong-patong namin ang mga bato sa ibabaw ng ng kalansay ni Julie.

Minarkahan namin ang libingan ng isang krus na gawa sa tuyong sanga. Matapos mag-alay ng maikling dasal para sa kaluluwa ni Julie, lumakad na kami palayo, bitbit ang isang bahagi ng aming puso na naiwan doon.

“Teka, papunta kaya tayo sa direksyon niyong sulo na nakita nating kagabi?”

“Sana!”

Iyon lamang ang isinagot ni Jasmine sa tanong ko. Wala sa aming nakakatiyak kung papunta nga kami doon.

Nagpatuloy kami sa paglalakad – marahan pa rin ang aming mga hakbang at halinhinan naming binabantayan ang aming likuran. Habang papalayo kami sa aplaya palalim sa kakahuyan ay unti-unting nawawala ang amoy ng dagat pinalitan ng masangsang na amoy na kahalintulad ng naaamoy ko kapag naghahatid ako ng pagkain sa tiyuhin kong nagtatrabaho sa isang katayan.

Nasa katayan kami… hindi ng baboy o baka… Ito ay katayan ng tao.

May ilang kalansay pa kaming natalisod sa paglalakad. Maging sa mga tulay sa mga puno’y may mga naglambiting mga bahagi ng kalansay ng tao. Lahat halos ng madaanan naming kalansay ay tinitignan ni Jasmine ang daliri ng mga ito.

Papaakyat kami. Pataas ang lebel ng lugar na nilalakaran namin. Hindi ko man makita ang bandang likuran namin dahil makapal ang puno ay natitiyak kong kami’y papaakyat dahil bigla na lamang akong hiningal at medyo bumigat ang aking mga paa. Ganoon ang pakiramdam ko kapag inakyat namin ang burol sa likurang ng bahay ng lola ko.

Mas maraming pang baging ang tumambad sa amin habang lalong lumalalim sa gubat. Noon lang ako nakakita ng mga baging na ganoon kakapal, halos kasing-laki ng isang kamao. Nakapulupot ang mga ito sa mga puno, tila mga nakabiting tulay na bumubuo ng animo’y sapot ng gagamba.

Mahirap sabihin kung ang mga tulay na baging na ito ay tumubo nang natural o sadyang ginawa ng mga halimaw. Ang ilang puno, kasama ang kanilang makapal na sanga, ay may malalaking pugad na gawa sa mga patpat at tuyong dahon—mga pugad na nagpaalala sa akin sa mga pugad ng agila na nakikita ko sa mga documentaries.

“Baka pugad ‘yan ng mga Sutsot,” kabadong hula ni Tomas.

Sa kalaunan, mas marami pa kaming nakitang kalansay at ang  mga bahagi ng nabubulok na laman ng tao na nakabitin sa mga baging sa itaas namin.

Patuloy ang aming paglalakad. Nagsimulang bumigat ang aking mga paa. Bahagya akong hinihingal, ganoon di ang mga kasama ko. Ito’y indikasyon na pataas ang lugar na nilalakaran namin.

Biglang huminto si Tomas sa paglalakad at sinenyasan kaming tumigil.

Ilang metro sa unahan, isang pangkat ng mga lobo na nakapaligid sa isang bangkay.

Ang kanilang mga balahibo ay puno ng dugo at putik, bakas ang kanilang mga nakausling buto sa tagiliran. Mukhang mga gutom na gutom. Ang ilan sa kanila’y halinhinang kumakagat sa bangkay. Ang iba nama’y nagsisilbing guwardiya, ang mga tenga ay gumagalaw sa bawat kaluskos na naririnig.

Akala ko’y babaligtad ang sikmura ko sa nadatnan eksena. Pero hindi.  Hindi na ako kayang gulatin ng kahit ano. Ang takot ay naging isang bahagi na lang ng ingay sa paligid.

Ganoon din si Daniel. Hindi na siya  nangiming  panoorin ang ginagawa ng mga lobo. Ang kanyang mukha ay kakikitaan ng ano bang bakas ng takot o diri. Mukhang tumibay na ang kolooban at sikmura ni Daniel.

Naramdaman kami ng mga lobo. Isa-isa silang tumingala. Sila’y nagtinginan sa aming direksyon.  Ang kanilang mga mata ay kumikinang na parang mga baga sa dilim.

“Totoong mga lobo ba ‘yan… o mga Sutsot na nagbago ng anyo?” tanong ko nang pabulong.

Bago pa makasagot si Jasmine, nagsimula ang mga ungol—mababa, sabay-sabay, gumugulong sa paligid na parang kulog sa ilalim ng lupa.

“Totoong mga lobo sila,” sabi ni Jasmine.

Hindi nag-atubili si Tomas. Binunot niya ang kanyang kalibre 45, pinalitan ang mga pilak na bala ng ordinaryong bala, at nagpaputok ng isa. Agad na bumagsak ang pinakamalapit na lobo. Ang iba ay nagsitakbuhan sa takot nang marinig ang putok.

“Lintik… kung makakaligtas ka man sa mga demonyo rito, baka maging biktima ka pa rin ng mga lobo,” mahinang babala ni Daniel.

Nilapitan nina Tomas at Jasmine ang bangkay na nilalapa ng mga lobo.

“Wala nang natira sa mukha. Pero posibleng isa sa mga kasamahan ito ng kapatid ko. Sila lang ang alam kong pumunta rito,” Ang wika ni Tomas.

“Gabi-gabi, maraming inihahatid si Kharon sa islang ito. Hindi lang ang mga galing sa breakwater na pinanggalingan natin,” dagdag ni Jasmine. “Hindi natin masisiguro kung ang bangkay na ito ay isa sa mga kaibigan ng kapatid mo.”

“EVELYN!” biglang sigaw ni Tomas. “EVELYN!”

Halos nakalimuta ko na na Evelyn ang buong pangalan ni Eve. Ang boses ni Tomas ay umalingawngaw sa katahimikan ng gubat—at sinagot ito ng koro ng mga Sutsot.

Nararamdaman ko ang paglapit ng mga halimaw.

PSSSTTTT!

Ang paswit ay nanggaling sa itaas—sa mga tulay na baging kung saan nagtatago ang mga Sutsot. Mabilis na ikinasa ni Tomas ang kanyang baril.

“Walang titingala,” babala ni Jasmine, ang boses ay matigas… naguutos.

Nasa hulihan ako. Kaylangan kong tiyakin na hindi ako titingala, ano man ang pambubuyo na gawin ng mga Sutsot. Isang pagkakamali lang, isang tingin, iyon lang ang kailangan nila. Kapag nagtama ang aming mga mata ay aariin na nila ang aking katawan at ang kaluluwa ko’y lulutang sa kawalan.

“Hoy Tomas! Di ba’t mahigpit kong bilin sa iyo na huwag na huwag mong pababayaan si Eva. Tignan mo ang nangyari… nawawala si Eva. Pabaya kang kapatid wala kang kwenta.”

“Tarantando kang sutsot ka. Nanahimik na ang ama ko eh idinadamay mo pa. Pasalamat ka’t nasa puno ka’t hindi kita pwedeng tignan kung hindi eh kanina ka pa tapos.”

“Eh bakit hindi ka lumingon o tumingala dito nang makita natin kung talagang sharp shooter ka oh.” Boses naman ni Adam ang ginaya ng sutsot.

“Subukan mo kayang tumalon sa harapan namin nang makita mo hinahanap mo.”

“Aba matapang ah. Eh ikaw gusto mo bang makita ang hinahanap mo? Gusto mo makita si Eve?”Nandito siya, sa tabi ko mismo. Wow! Ang ganda ng kapatid mo. Ang lusog ng dibdib niya. Yummy!!!

Hinigpitan ko ang hawak sa aking pamalo. Kung makikita ko lang ang demonyong bumababoy kay Eve, dudurugin ko ang bungo nito.

Pwede ko bang hawakan ang dibdib mo, Eve?

HUWAG…. HUWAG. Please. Bitawan MO ako. Kuya, tulungan mo ako. TULONG!

Boses ni Eve ang narinig ko. Hindi ako maaaring magkamali. Narinig ko na ang boses na ‘yan na tumatawa, nakikipagtalo, at kumakanta. Ang marinig itong nagmamakaawa—hindi ko kaya. Hindi ko hahayaang mawala siya kay Tomas… o sa akin.

“Alam mong hindi mo kapatid ‘yan,” wika ko kay Tomas habang kinukumbinsi ko rin ang sarili ko.

HUWAG PO…. HUWAG PO!. Please. Huwag niyo akong hubaran. Huwag niyo akong hawakan! Kuya, tulungan mo ako!

Inilagay ni Daniel ang kamay niya sa balikat ni Tomas, marahil para ipaalala na hindi si Eve ang nagsasalita, kundi ang demonyong gamit ang boses nito.

Panandaliang katahimikan ang namayani. Pagkatapos ay may bigla nanamang nagsalita—pero sa pagkakataong ito, sa akin naman siya bumaling.

Hey, Willy boy! Boses ni Eve iyon.

Nakahubad na ako ngayon. Gusto mo ako, ‘di ba? Huwag kang magkaila! Huwag kang mahiya. Tingnan mo ako. Tingnan mo ang katawan na matagal mo nang pinapangarap… na gabi-gabi ay pinapantasya mo. Gusto mo ako… Mahal mo ako… tama ba?

Para akong yelong natutunaw pagkatapo niyon.  Lumingon sa akin sina Tomas at Daniel, bakas ang pagkalito sa kanilang mga mata.

Oops… sorry, bulong ng nilalang. Ang sikretong malupit na matagal mo nang kinikimkim… Ayaw mong malaman ng kapatid ko. Takot na takot ka na malaman niya kung kaninong mukha ang pumapasok sa isip mo kapag naninigas iyang alaga mo…

Pakiramdam ko’y parang lumulubog ako sa kinatatayuan ko. Parang  gumuho ang aking dibdib. Bistado na ang sikretong matagal kong itinatgo.

Alam nila. Alam ng mga hayop na demonyong ito. Gumapang sila sa isip ko at kinaladkad ang aking kahihiyan sa labas.

Naramdaman ko ang kamay ni Tomas sa aking balikat. Ang kanyang hawak ay matatag, parang sa isang kapatid—ang uri ng hawak na nagpapatawad sa mga bagay na hindi kayang sabihin ng salita.

“Huwag kang mag-alala, bro,” mahina niyang sabi. “Alam ko. Hindi naman ako engot para hindi ko mahalata. Matagal ko nang alam. At nagpapasalamat ako na pinanatili mong ganoon.”

“Pasensya na, bro,” bulong ko, basag ang aking boses.

Sinubukan ni Daniel na tumawa. “Bistado na kita… ako’y mahal mo rin…”

Dinaan ni Daniel ang pangangantyaw sa akin sa pamamagitan ng bahagi ng kantang iyon.

“Tama na iyan Daniel.” Ang wika ni Tomas.

“Tumahimik kayo,” ang parang inis na sinabi ni Jasmine. “Hindi ito ang oras para sa drama at komedya. Mag-focus kayo.”

Huminga nang malalim si Tomas. “Okay lang bro.” sabi niya sa akin. “Hindi naman ako magagalit kung naging boyfriend ka ni Eve.”

Para akong nakahinga ng maluwag. At sa pagkakataong iyon ay nakaramdam ako ng panghihinayang. Sana pala ay sinabayan ko si Jeff sa pangliligaw kay Eve.

Hindi pa tapos ang mga sutsot.

Oh… tingnan niyo kung sino ang dumating, wika ng isa sa mga demonyo na gumamit ng boses ni Eve.

 Jeff, darling. Kumusta ka na?

Pagkatapos ay dumating ang sagot—ang boses ay siguradong kay Jeff.

Ayos lang ako, sweetheart. Sorry na-late ako.

Isang mapang-uyam na tawa ang sumunod. Oh… wait! Ikaw ba ‘yan, Willy boy? Kaibigan ko… sorry at ninakaw ko si Eve mula sa iyo. . Pero hey—akin siya, at hindi magiging sa’yo. Pero gusto mo pa rin ba siya kahit gamit na gamit ko na siya. Araw-araw kasi kaming… nagaanuhan… alam mo na iyon di ba??

At alam mo ba, Willy boy? Napakagaling ni Jeff. Madali niya akong nadadala sa rurok ng kaligayahan. Kaya mo kaya ‘yun? Tara, halika, subukan natin.

Iyon ay boses ni Eve—tinutuya ako. Pagkatapos ay sumunod ang mga ungol—malaswa, nang-uuyam,.

Nagngangalit ang aking panga. Gusto kong ipikit ang aking mga mata, takpan ang aking mga tenga.. Ang pang-iinis ng mga Sutsot na ginagamit ang mga boses nina Eve at Jeff ay parang lang naglulubog sa akin sa matinding pagsisis kung bakit hindi ko sinabi kay Eve ang aking pagkagusto sa kanya.

Pagkatapos ay muling nagsimula ang alulong.

Okay, kuya,  Kung hindi mo ako tutulungan, hahayaan ko sina Adam at Jeff na pagsaluhan ako nang sabay… Oh… parehong malaki ang sa inyo. Duda ako kung ganyan din ang batutoy ni Willy boy.

Nagtawang at sigawan ang mga sutsot. Kung ano-anong kalaswaan ang kanilang isinisigaw. Nakakabingi. Nakakainis. Si Jasmine ay nagtakip ng kanyang tenga. Pailing-iling.

Pahigpit ng pahigpit ang pagkakakuyom ko sa aking mga kamay.

“Nakasuka!” sigaw ni Jasmine.

Ay… hindi kaya sister. Ang sigaw ng Sutsot gamit ang boses ni  Tomas. Hindi ito nakakasuka. Hindi mo pa lang natitikman pero masarap ito. Bakit hindi mo subukan sa isa sa kanila… o sa kanilang lahat nang sabay-sabay? Magugustuhan mo.

“Magsama kayo sa impiyerno!” dura ni Jasmine.

Owww… nanggaling na kami doon, parang nang-iinis na sagot ng Sutsot. Pero hindi na kami welcome. Hindi na kami gusto ni Lucifer doon.

Isang buhos nanaman ng tawanan at sigawan ang sumunod—mas malakas, mas nakakatulig, mas mapang-inis. Nagpatuloy kami sa paglalakad, habang ang tawanan ng mga demonyo ay patuloy sa bandang itaas namin. Kahit ano man ang sabihin nila’y hindi na namin pinapansin. Basta handa kaming lumaban kapag sila’y nagpasyang sumugod.

Pagkatapos ay muling pumainlanlang ang isang pamilyar na atungal. Hindi ako puwedeng magkamali… iyong ang unang atungal na narinig namin nang kami’y nandoon pa sa pampang. At katulad ng inaasahan ko ay sumunod ang isa pang atungal. Dalawang halimaw, lalaki at babae, ibinuhos ang kanilang galit sa pamamagitan ng atungal.

Sina  Berith at Empusa kaya ang mga iyon?

_____

Chapter 6B
“Sa Gitna Ng Libingan”

Unknown's avatar

About M.A.D. LIGAYA

I am a teacher, writer, and lifelong learner with diverse interests in prose and poetry, education, research, language learning, and personal growth and development. My primary advocacy is the promotion of self-improvement. Teaching, writing, and lifelong learning form the core of my passions. I taught subjects aligned with my interests in academic institutions in the Philippines and South Korea. When not engaged in academic work, I dedicate time to writing stories, poems, plays, and scholarly studies, many of which are published on my personal website (madligaya.com). I write in both English and his native language, Filipino. Several of my research studies have been presented at international conferences and published in internationally indexed journals. My published papers can be accessed through my ORCID profile: https://orcid.org/0000-0002-4477-3772. Outside of teaching and writing, I enjoy reading books related to my interests, creating content for my websites and social media accounts, and engaging in self-improvement activities. The following is a link to my complete curriculum vitae: https://madligaya.com/__welcome/my-curriculum-vitae/ TO GOD BE THE GLORY!

Posted on August 21, 2018, in Creative Writing, Fiction, Horror, Kwentong Kababalaghan at Katatakutan, Maikling Nobela and tagged , , , , . Bookmark the permalink. 2 Comments.

Leave a comment