Huwang Kang Lilingon ~ Chapter 5B
Chapter 5B
“Bulong Mula Sa Kawalan”
Napaurong si Jasmine, saka iwinasiwas ang hawak na patalim. Humabas ang talim sa hangin. May tinamaan. Nagpakawala ito ng isang matinis at hindi makataong hiyaw bago muling naglaho sa hamog.
Itinaas ni Tomas ang kanyang baril, ang mga mata ay mabilis na nagmamasid sa dilim. “Huwag tayong maghihiwa-hiwalay!” sigaw niya. Dinig ang pagkakasa ni Tomas ng bitbit na baril
Tumayo nang matatag si Jasmine, nakahanda ang kutsilyo. “Iyukod niyo ang mga ulo niyo—huwag titingin kahit saan kundi sa ibaba!” sigaw niya.
Si Daniel ay napaluhod. Yukong-yuko. Nanginginig sa takot.
May anino ring tinangka akong sugurin.. Iwinasiwas ko ang aking pamalo, buong lakas. Meron akong natamaan. Sinundan iyon ng ingay… ng parang baboy na ginigilitan sa leeg. At ang nilalang na iyon ay napaurong pabalik sa dilim. Tumabi sa akin si Jasmine, ang kanyang punyal niyang hawak ay nagkukulay-pula sa liwanag ng apoy.
Panandaliang katahimikan ang sumusunod. Dinig na dinig ang madiing paghinga nina Tomas at Jasmine at ang paghikbi ni Daniel na nakaluhod pa rin at itinatago ang kanyang ulog sa kanyang mga hita at tinatakpan naman ng kanyang mga braso.
Pagkatapos ay bumalik ang mga bulong—mas malapit na ngayon, pinalilibutan kami na parang isang pangkat ng mga lobo.
Tinakpan ni Daniel ang kanyang mga tenga. Ang ingay ay tila alon na gusto siyang lunurin. Ngunit hindi ako puwedeng magpatalo sa takot. Dapat akong lumaban. Kaylangan kong mabuhay… para kay Eve.
“Diyos ko! Bitawan n’yo ako! Tulungan mo ako, Willy!”
Puno ng desperasyon ang boses ni Daniel nang may mga kamay na biglang lumabas mula sa dilim, pilit siyang hinahila palayo sa amin. Sumigaw siya, pilit na kumakawala.
“Pikit ka lang Daniel… pikit ka lang!” Wika ni Jasmine.
Huminga ako nang malalim, ipinikit ang aking mga mata, at iwinasiwas ang sanga patungo sa mga aninong nakahawak sa kanya. Tumama ito nang may mabigat na tunog. Napabitaw ang kalaban at nakawala si Daniel at bumagsak sa buhanginan. Lumuhod si Daniel at muling isinubsob ang kanyang ulo sa kanyang hita. Pinaligiran namin si Daniel.
Ramdam ko ang kagustuhan ng bawat isa sa amin na lumaban.
Isang putok ng baril ang umalingawngaw. Matatag na nakatayo si Tomas, nakatutok ang ang baril niya patungo sa dagat. Sinundan pa ito ng isa pang putok. Kasunod ng mga putok na iyon ang hiyaw ang ingay na likha na mga Sutsot. Dinig ko ang mga hakbang na palayo sa amin.
Ilang sandali pa’y katahimikan naman ang namayani sa paligid.
Ang mga demonyong halimaw ay lumayo na. Ang mga kaluskos at yabag ay naging mahina, nilalamon na ng tunog ng dagat. Dahil man iyon sa mga bala ni Tomas o sa tapang na ipinamalas namin sa pagtatanggol sa aming sarili ay hindi na mahalaga. Ang importante eh napaatras namin ang mga halimaw—sa ngayon.
Gayunpaman, muli naming narinig ang mga nakakapanghilakbot na mga hiyaw at tilian, pero sa pagkakataong ito ay mula na sa malayo.
Lumingon si Jasmine sa dagat at nagbigay ng babala, “Siguraduhin nating hindi tayo nakatingin sa iisang direksyon lang. Susubukan nilang bumalik para tapusin ang kanilang masamang balak bago mag-umaga. Sa ilalim ng kadiliman, mas madali para sa kanila ang sumalakay.”
Tumayo ako at nagsimulang manguha ng mga tuyong sanga para sa apoy. Habang inaayos ko ito, tinanong ko si Jasmine, “Kailan ba pumunta ang kapatid mo sa islang ito?”
“Matagal-tagal na rin—halos tatlong taon na. Isang writer ang kapatid ko at dati ring sundalo. Obsessed siya sa mga bagay na hindi nakikita at mahirap ipaliwanag. Mahilig siya sa mga kuwentong kababalaghan. Naakit siya sa mga misteryo ng islang ito at sa mga demonyong sinasabing nananahan dito.”
Tumigil sandali si Jasmine sa pagkukuwento. Pakiwari ko’y nangingilid ang kayang mga luha.. “Mahilig si Adam sa mga horror films—lalo na ‘yung tungkol sa possession at exorcism. Marahil ang kuryosidad na iyon ang nagdala sa kanya sa akala niya ay kwento lang.”
“Anyway,” patuloy ni Jasmine, “maikli lang ang panahon niya sa pagiging sundalo—dalawang taon. Umalis siya matapos makakita ng sobrang korapsyon sa sistema.”
“Paano niya nalaman ang tungkol sa Isla Miedo?” tanong ni Tomas.
“Nalaman niya ito sa girlfriend niyang si Julie, na ang tatay ay isa sa mga leaders ng Guardians of Light. Siya rin ang dating commanding officer ng kapatid ko sa militar.”
“Guardians of Light? Iyon ba ang pangalan ng grupong sinalihan mo?” tanong ni Daniel.
“Oo. Iyan ang pangalan ng isang grupo ng mga deboto ng Nazareno na inialay ang kanilang buhay upang labanan ang mga Sutsot. Sila ang pumipigil sa mga demonyong ito na makarating sa mainland. At kung may makalusot man sa kanila—gaya ng nangyari na noon—hindi titigil ang grupo hangga’t hindi sila nahanap at nauubos.”
“Bakit ka sumali sa grupong ‘yan?” usisa ni Daniel habang lumalapit.
“Kailangan kong malaman kung anong nangyari sa kapatid ko. Iyan ang aking pangunahing dahilan”
Huminga si Jasmin nang malalim bago nagpatuloy. “Lubos ang lubos ang pagnanais ng kuya kong pumunta sa islang ito para magsulat ang tungkol sa mga demonyo. Sabi niya, kailangan niya ng impormasyong galing mismo sa karanasan. Walang nagawa si ate Julie kundi sumama sa kanya.”
Nagsimulang mangilid ang luha ni Jasmine “Simula nang araw na iyon, naglaho ang kapatid ko nang walang bakas. Nang hanapin ng mga magulang ko si Julie, nalaman kong pati siya ay nawawala na rin.” Dama ko ang lungkot ni Jasmine habang ikinukwento ang mga nangyari.
Habang nagsasalita siya, tila may kumurot sa dibdib ko. Kung mawawala sa akin si Eve sa parehong paraan—kung lalamunin siya ng mga anino ng islang ito—igugugol ko ang buong buhay ko sa pagsisisi na hindi ko man lang nasabi sa kanyang mahal ko siya.
“Sigurado akong pumunta sila rito,” ani Jasmine. “Hindi naniniwala ang mga kaanak ni ate Julie pero naaalala ko ang pananabik ng kapatid ko na sa wakas ay makarating dito. Sabi niya, sa wakas ay mabubunyag na niya ang misteryo ng mga Sutsot at ng Isla Miedo. Susulat daw siya ng isang libro tungkol sa islang ito at sa mga Sutsot. Kung totoo ang sinabi ng kapatid ko, may grupo rin ng mga tao na interesadong-interesado sa isla ang sumama sa kanila.”
Tumigil siya panangdalian, pilit binabalikan ang mgaa nakaraan. “Sa isang pista noon ng Nazareno, isinama ako ni Julie sa isa sa kanilang mga pagtitipon. Doon ko nakilala si Marco.”
Isang matipid na ngiti ang sumilip sa kanyang mga labi perso mabilis na naglaho. “Naging magkaibigan kami, at ginamit ko ang pagkakaybigan naming iyon para makasali sa kanila. Mahigit isang taon na ako sa grupo. Pero matapos ang ginawa kong pagsuway kay Mang Fidel eh baka tinanggal na nila ako.”
Patango-tango lamang kaming tatlo. “Ang tatay ni Marco ay isa sa aming mga pinuno.”
“Siguro ay alam ng Simbahang Katolika ang tungkol sa grupo niyo,” and seryoso kong tanong.
“Alam nila. May papel ang Simbahan sa pakikipaglaban sa mga Sutsot. Karaniwan, ang kura paroko ang isa sa mga pinuno ng grupo.” Bahagyang lumapit si Jasmine, tila papahina ang boses niya. Marahil ay napagod siya sa dami ng pinagdaanana naming pagsubok.
Pagkatapos ay nagtanong siya, “Pamilyar ba kayo sa mga Knights Templar?”
“Teka!” sabat ni Tomas. “Parang narinig ko na ‘yan nung napanood ko ‘yung The Da Vinci Code.”
Nabuhayan si Daniel. “Napanood ko iyon! ‘Yung tungkol sa mga secret orders?”
Hindi ko mapigilang tumawa. Ang banggitin ang mga bagay na sinasabi nila sa lugar na ito ay parang kalokohan. Sino’ng mag-aakalang ang mga Sutsot ay may kaugnayan sa kasaysayan ng mga sinaunang lihim na samahan ng mga Kristiyano?
“Isipin niyo na lang na mga sundalo sila ng sinaunang simbahan,” sabi ni Jasmine. “Nilalayon nilang protektahan ang mga tao—laban sa mga masasamang tao at laban sa tinatawag nilang mga halimaw. Nilalabanan nila ang laman at ang espiritu.”
Napakunot ang noo ni Tomas. “Huwag mong sabihing… may mga Templar sa grupo niyo?”
Nagsalubong ang mga kilay ni Jasmine. “Hindi Templars mismo—kundi mga kahalintuland na grupo na may parehong paniniwala. Sila ang tumulong na itatag ang Guardians of Light at nagsanay sa mga unang miyembro nito daan-daang taon na ang nakalipas. Kahit ngayon ay tumutulong pa rin sila sa grupo”
Hinalo niya ang mga baga sa siga gamit ang isang sanga. “Pumunta dito ang mga Kristyano mula sa Europa noong panahon ng kolonyalismo hindi lang para sa teritoryo, kundi dahil naniniwala silang may mga demonyong nakatira rito. Pakiramdam nila ay tungkulin nilang ubusin ang mga halimaw. Bago pa man sila magpunta, ang mga mandirigmang Hindu at Muslim ay nakipaglaban na rin sa mga halimaw na ito. Nang mabigo silang pukasain ang mga demonyo y humingi sila ng tulong mula nga sa mga Kristiyano.
Napapabuntung-hininga si Daniel sa mga karagdagang naririnig tungkol sa mga Sutsot. “Eh ano pa ang sino ang pwedeng tumalo sa kanila? Kung ang mga mandirigmang Hindu, Muslim at Kristyano ay hindi sila nagapi eh ano ang magiging laban natin sa kanila.”
Gusto ko sanang paalalahanan si Daniel na may training kami sa martial arts at sa paggamit ng baril dahil nga Crinimology ang kurso namin. Pero sapat ba iyon laban sa mga halimaw.
“Sabi nga ni Jasmine, puwede silang patayin,” ang wika ni Tomas.
“Oo,” tango ni Jasmine. “Pero hayaan niyong linawin ko ang ilang bagay. Kapag pumasok na sila sa katawan ng tao, mapapatay ninyo sila sa pamamagitan ng bala o anumang matalim na bagay na binasbasan ng banal na tubig—gaya ng hunting knife ko. Ang mga sibat at itak na ginagamit namin, na malamang ay nakita niyo sa bangka namin kanina, ay binasbasan ng mga pari sa aming grupo. Ganoon din ang mga bala sa baril nina Sir Fidel at Marco.”
Nagtanong ako, “Paano naman ‘yung mga bote ng gasolina? Para saan ‘yun?”
“Para ‘yan sa mga Sutsot na hindi pa nakakapasok sa katawan ng tao. Bahagi ito ng parusang ibinigay ni Lucifer nang palayasin sila sa Impiyerno. Apoy ang tatapos sa kanila.”
“Napaka-ironic naman niyon na ang mga demonyong galing sa impyerno eh sa apoy mamamatay.” Ang wika ni Daniel, mukha niya’y larawan ng pagdududa.
“Takot ang mga Sutsot sa apoy. Tinutupok nito ang kung ano mang sangkap ang bumubuo sa kanila. Umiiwas sila sa ningas ng apoy. Iyon ang dahilan kung bakit may dala kaming mga flame thrower kapag hinahanap namin sila.”
“Bakit hindi natin sunugin ang gubat?” biglang sabi ni Daniel. “Lintek na mga demonyong ‘yan! Gawin na natin ngayon!”
“Kapag nahanap ko na ang kapatid kong si Eve, gagawin natin ‘yan,” sabi ni Tomas.
“…at ang kapatid kong si Adam,” mahinang dagdag ni Jasmine.
Ang kanilang mga pangalan—Adam at Eve—ay nagpapa-alaala sa Hardin ng Eden… pero ang lugar na ito ay malayo sa paraiso. Ang Isla Miedo ay ang impiyerno sa lupa.
“Hindi ba naisip ng grupo ninyo na sunugin ang buong isla para maubos ang mga halimaw na ito?” tanong ni Tomas.
“Bahagi ‘yan ng plano,” sabi ni Jasmine, “pero wala ngang nakakarating sa isla maliban na lang kung ihahatid sila ni Kharon. At lagi kaming bigo tuwing gumagawa kami ng hakbang para makarating dito.”
Muling umiral ang katahimikan sa isla. Tila napagod ang mga Sutsot sa kakaatungal.
“Sige, magpahinga na muna tayo. Kung kaya niyo, matulog muna kayo. Maghalinhinan tayo sa pagbabantay,” sabi ko, paos ang boses sa pagod.
Ang paliwanag ni Jasmine ang nagpatatag sa akin. Ang takot na kanina pa nakapulupot ng mahigpit sa dibdib ko ay medyo lumuwag. Nasusugatan sila… dumudugo. Namamatay sila. May laban kami.
Ang mga hiyaw ng mga Sutsot ay hindi na nakakatakot katulad noong una kong marinig ang mga ito. Ang malaman na puwede silang sugatan at patayin ay nakabawas sa talim ng aking takot. May pag-asa pa kaming makalabas sa islang ito nang buhay.
Ang babala ni Kharon—na isa lang sa amin ang mabubuhay—ay nananatili pa rin sa isip ko na parang isang mantsa. Siguro ay hindi na ito mawawala. Pero nagpasya ako noon din na gagawin ko ang lahat para mabuhay… at para masiguradong ligtas si Eve.
Bumulong ako ng isang dasal, humihingi ng lakas at proteksyon.
*****
Nagsimulang sumilip ang bahagyang liwanag. Nagsimulang magising ang kagubatan. Naririnig ko na ang huni ng iba’t ibang ibon. Noon ko nakita ang ganda ng Isla Miedo sa buong ningning nito. Ang buhangin ay pino at puti, at ang mga bato ay maliliit at bilog. Hangga’t abot ng aking tanaw, ang matatayog na puno ng niyog ay tila umaabot sa langit. Sa likod ng mga ito ay may mga puno pang mas matatayog.
Pero ang islang ito ay impiyerno sa likod ng isang magandang maskara. Sa unang tingin, hindi mo iisiping sa likod ng mga punong iyan ay may mga halimaw na nag-aabang. Ang mga puno ay nagsisilbing piping saksi sa karahasang ginawa at ginagawa ng mga demonyo.
Sa may gilid ng dagat, napansin ko ang dalawang katawan na nakahiga malapit sa amin. Itinuro ko iyon kay Jasmine, na kasama kong nagbabantay habang umiidlip sina Tomas at Daniel.
Ginising namin sila at nilapitan namin ang mga bangkay. Nanguna si Tomas, nakatutok ang baril.
Ang mga bangkay ay nababalutan ng isang madulas at kulay-berdeng likido—malapot, kumikinang, tila nagliliwanag. Dugo, sa isip ko—dugo ng mga halimaw.
Tinulak ni Tomas ang isang bangkay gamit ang kanyang paa. Sinusuri kung gagalaw ito. Hindi ito tuminag.
“Teka,” sabi ni Jasmine, habang binubunot ang kanyang hunting knife.
Bago ko pa maitanong kung anong gagawin niya, hinablot niya ang isang kumpol ng buhok at iwinasiwas ang talim sa lalamunan. Napangiwi ako sa tunog nang nilalaslas na laman. Nang gawin niya rin iyon sa isa pang bangkay, tumalikod na ako.
Nakakita na ako ng mga hayop na kinakatay noon. Ang isa kong tito ay isang matadero. Nakita ko na siyang gumilit ng lalamunan ng baboy at magbalat ng baka na parang wala lang. Maraming beses ko na ring natulungan ang aking nanay na magkatay ng manok. May mga pagkakataon na ako mismo ang gumigilit sa leeg ng manok. Akala ko ay manhid na ako sa paningin ng dugo.
Pero ito—iba ito. Ang makitang gawin ito sa isang tao ay nakakapangilabot.
“Kailangan nating masiguro,” sabi niya. Pagkatapos, sinalubong ang tingin ko, dagdag niya, “Kung sakaling pasukin ako ng isang Sutsot… gawin nyo sa akin ang ginawa ko. Huwag kang mag-aalinlangan.”
Sandaling walang nagsalita sa amin. Nakaluhod kami sa tabi ng mga bangkay, sinusuri ang mga mukhang dati ay sa tao na inagaw ng halimaw. Wala na ang kanilang mga mata. Ang ibang bahagi ng kanilang katawan ay nanatiling buo.
Hindi mo talaga aakalaing ganoon katapang at katibay ang sikmura ni Jasmine. Resulta ito marahil ng matagal na panahong ginugugol sa pagsasanay bilang isang Guardian.
Kung titignan si Jasmine ay parang babaeng mahinhin. Mayumi. Parang hindi makabasag-pinggan. Hindi ko akalain na makabasag-bungo pala. Matibay hindi lamang ang loob kundi pati sikmura.
“Mga kasama sila ng kapatid ko,” bulong ni Tomas, paos at hindi pantay ang boses. “Madalas silang bumisita kay Eve kapag walang klase.”
Ang pighati sa boses ni Tomas ay nagdulot ng matinding pag-aalala rin sa akin para sa kaligtasan ni Eve.
Totoo nga, kung gayon, na ang mga Sutsot ay namamatay kapag nasa loob na sila ng katawan ng kanilang biktima.
“Silver bullet ba ang ginamit mo?” mahina kong tanong.
Tumango si Tomas. “Anim na bala na lang ang natitira, nakagamit na ako ng dalawa.”
“Ang ganitong uri ng bala ay kaya silang patayin kaagad. Ang ordinaryong bala na hindi pilak o binasbasan ay tumatagos lang sa katawang sinaniban nila pero hindi nasasaktan ang demonyo. Maaaring magdulot ito ng pagdurugo, pero hindi sila mamamatay,” ang paliwanag ni Jasmine.
Habang nagpapatuloy si Jasmine sa pagpapaliwanag, ay muli akong umuusal ng panalangin.
“Kapag namatay ang mga demonyong katulad ng Sutsot, ang kaluluwa nila’y nakatakdang mapupunta sa dagat ng apoy—isang lugar ng walang hanggang parusa na hindi na nila matatakasan.”
Nang matapos magsalita si Jasmine ay tinanong ko sila. “Bakit parang nag-aalinlangan ang mga Sutsot na salakayin tayo ng sabay-sabay? Sa dami nilang iyon, walang tayong magiging depensa. Mapapatay natin siguro ang ilan lang sa kanila.”
Naghari ang katahimikan. Tumutunog ang apoy habang pinag-iisipan nila ang tanong ko.
“Dahil ba alam nilang ang mga bala ni Tomas at ang patalim ni Jasmine ay makakapatay sa kanila?” tanong ko.
“O siguro ay marami pa silang mga lamang kinakain.” Seryosong sabi ni Tomas. “Baka tayo ang inirereserba nila para sa huli.”
Dagdag ni Daniel, “Maaari kayang may iba pang dahilan?”
Ang mga mata ni Jasmine ay nanatiling nakatutok sa madilim na guhit ng mga puno. Nang sa wakas ay magsalita siya. “Ang mga demonyong ito—lalo na ang pinuno nilang si Berith—ay napakatuso. Mahirap hulaan kung anong masamang plano ang hinahabi nila.”
Muling lumitik ang apoy, at ang gabi ay tila nagpipigil ng hininga. Sa likod ng mga punong iyon ay naghihintay ang mga Sutsot.
Unti-unting humina ang ningas, ang mga talsik ng apoy ay tumatalsik paitaas gaya ng mga ligaw na kaluluwang nilalamon ng dilim.
At sa gitna ng katahimikang iyon—lumitaw ang mga unang sinag ng araw.
Posted on August 20, 2018, in Creative Writing, Fiction, Horror, Kwentong Kababalaghan at Katatakutan, Maikling Nobela and tagged Creative writing, Fiction, Horror, Kwentong Kababalaghan at Katatakutan, Maikling Nobela. Bookmark the permalink. 2 Comments.





Pingback: Lingon | HARDPEN'S PORTFOLIO
Pingback: Lingon – MUKHANG "POET"