Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 2A

Chapter 2A
“Kung Saan Nanahan Ang Takot”

Halinhinan kaming tinignan ni Tomas ng seryoso. Nakahanda na siyang magsabi kung anong man ang dapat niyang sabihin.

Sinimulan niya sa pagtatanong.

“Talaga bang wala kayong kahit kauniting nalalaman tungkol sa islang iyon?”

Sinagot ko siya ng iling. Si Daniel ay tahimik lang.

“Bulong-bulungan lang naman ang mga narinig ko tungkol doon.Wala akong firsthand informantion.”

“So, haunted daw ba ang islang iyon?” Ang tanong ni Daniel. “Gaya ng mga bahay na may multo at kung ano-anong kakaibang nilalang?”

“Higit pa roon,” kalmadong sagot ni Tomas, bagaman may misteryong bumabalot sa boses niya.

“Zombies?” Dugtong ni Daniel. “May mga zombies ba sa isla?”

“Tumigil ka nga,” wika ko’t sabay siko kay Daniel. “Sa pelikula lang may ganoon.”

“Higit silang  nakakatakot sa mga zombies,” halos pabulong na sabi ni Tomas. “Isipin  mo ang mga nilalang na parang bampira, pero hindi lang dugo ang iniinom… nilalamon nila pati ang laman mo.”

Hindi ko mawari kung seryoso si Tomas sa sinabi niya o sadyang tinatakot lang si Daniel.

“Teka… bakit nga pala hindi sumama ang boyfriend ng kapatid mo?” tanong ko, habang pinipilit kong maging panatag ang aking boses,

Gusto kong malaman kung bakit hindi sumama si Jeff sa paghahanap kay Eve. Sinubukan kong magmukhang walang malisya ang aking tanong subalit aaminin kong bitter pa rin ako na nagustuhan siya ni Eve at binasbasan ni Tomas ang relasyong iyon.

“Mahigpit siyang pinagbawalan ng kanyang  nanay,” ani Tomas. “Hindi siya pinayagang samahan ako sa isla.”

Napangisi ako. “Mama’s boy talaga, parang itong si Daniel.”

“Willy, napipikon na ako talaga! Kailan mo ba ititigil ang pang-aasar sa akin?” ang seryosong wika ni Daniel. Halata ngang pikon na.

Nagpatuloy ang pagpapaliwanag ni Tomas . “Alam ng nanay ni Jeff kung gaano kadelikado ang islang iyon. Marami siyang naririnig at napapanood. Namatayan na siya ng asawa dahil sa sakit, at hindi daw niya kakayaning mawawalan pa ng anak kung sakaling totoo man ang mga kuwento tungkol sa isla. Kaya hindi ko siya masisisi.”

Hindi ko pa rin napigilang bumanat kay Jeff. Marahil dala ng selos na hindi ko maitago.

“Kung ako si Jeff,” sabi ko, “hindi ako mapapalagay na alam kong nasa panganib ang babaeng mahal ko.”

Nagkibit-balikat na lamang si Tomas. Siguro kahit wala akong nararamdaman kay Eve, iyon pa rin ang sasabihin ko.

“Ganoon pa man,” wika ni Tomas, “ipinahiram sa akin ni Jeff ang kanyang kalibre .45. Kargado ito ng silver bullets. Baka raw kailanganin natin. Gaya ng nanay niya, naniniwala rin siya sa mga nababalita tungkol sa isla…. at sinigurado niyang may panlaban tayo.”

“Silver bullets? Saan ba tayo pupunta, sa pugad ng mga aswang at bampira?” wika ni Daniel, halatang hindi makapaniwala.

Walang sumagot sa kanya.

“Bakit kailangang may baril?” tanong ko. “Mabuti na lang at hindi tayo nadaan sa mga police checkpoints. May gun ban pa naman ngayon dahil malapit na eleksyon.”

“Para sa kaligtasan natin ito.” Walang takot sa pananalita ni Tomas. “Hindi natin alam kung ano mangyayari pagdating natin doon. Kaylangan kong hiramim ang baril ni Jeff dahil ayaw ipagamit ni Nanay ang baril ni Tatay.”

Itinaas ni Tomas ang  hawak na baril. Bakas sa paghawak niya nito ang mga taon ng pagsasanay. Madalas sumama sa amin si Eve sa firing range, at doon niya nakilala si Jeff. Sa kasamaang palad, ilang taon na ang nakalipas nang mapatay ang ama ni Tomas sa isang operasyon ng pulisya.

“Teka… teka, tingnan niyo ‘yun!” turo ni Daniel sa dalampasigan.

Isang bangka ang hinihila ng tatlong tao patungo sa dagat. Sila ang mga unang taong nakita namin sa breakwater simula nang dumating kami. Kanina pa ako nagtataka kung bakit walang tao sa paligid. Parang iniiwasan ng mga tao ang lugar na ito—o baka dahil lang sa masamang panahon at pabugso-bugsong ulan kaya walang namamasyal doon.

“Iyan na kaya ang hinihintay nating sasakyan papunta ng isla?” Ang paguusisa ni Daniel kay Tomas.

“Hindi! Hindi daw sa pampang manggagaling ang saskyan natin, kundi sa laot.”

Habang sumasakay  sa bangka ang mga taong nakita namin at nagsisimulang magsagwan, hindi namin inalis ang tingin sa kanila. Umatras kami at umakyat muli sa breakwater para magkaroon kami ng kaunting agwat kapag sila’y nakalapit na sa amin.

Huminto ang bangka sa mismong dulo ng breakwater. Mas malaki at mas mahaba ito kaysa sa pagtantya ko, may makina, spotlight sa unahan, at matitibay na katig sa magkabilang panig.

Isang babae at dalawang lalaki ang lulan nito. Ang lalaki sa unahan ay tila nasa singkwenta anyos na, kasing-edad ng aking ama. Ang babae at ang isa pang lalaki ay mukhang mga estudyante pa lang, kasing-edad siguro namin.

Sa tabas ng kanilang mga mukah, hindi maipagkakaila na ang matanda at ang mas nakakabatang lalaki ay mag-ama. Hindi ko matukoy ang ugnayan ng babae sa kanila; iba ang hubog ng mukha nito. Katamtaman ang pangangatawan niya, hindi mataba hindi rin naman payat. Morena siya’t may hitsura.

Hindi sila mapagkakamalang mga mangingisda. Nakasuot sila ng mga pulang tunika sa ibabaw ng kanilang mga damit. Mukha silang mga miyembro ng kulto—o baka mga deboto ng Nazareno. Nakakakita na ako ng mga katulad nila sa YouTube at TV.

May nakasabit na malalaking rosaryo at krus sa kanilang mga baywang. Ang bangka ay may mga tulos, kawayang sibat, at mga lubid, ngunit walang anumang kagamitan sa pangingisda. Napansin ko rin ang mga boteng may lamang gasolina at may telang nakapasak sa dulo. Malamang na molotov yon. Nakakakita ako ng mga ganoon sa pelikula at mga documentary tungkol sa mga rebelyon ng mga makakaliwa. Nakasandal sa mga upuan ang mahahabang machete at isang tila maliit na bersyon ng flamethrower.

“Mukhang sasabak sila sa giyera,” bulong ni Tomas. “Maliban na lang kung props lang sa pelikula ang mga ‘yan sa pelikula.”

Binati kami ng  mamang lalaki  mula sa bangka at bahagya itong yumuko. “Paumanhin, mga ginoo. Puwede  bang paki-buksan ang ilaw?” turo niya sa parola. “Ang switch ay nakatago sa ilalim ng ikapitong baitang ng hagdan.”

“Opo, sige po,” sagot ni Daniel sabay abot sa switch.

“Salamat. Pasensya na sa istorbo.”

Wari ko’y sinusuring mabuti kami ng kausap namin.

“Siya nga pala… anong ginagawa niyo rito?”

Maingat na sumagot si Tomas. “Naghihintay po kami ng bangka papuntang Isla Miedo.”

Nagpalitan ng kahina-hinalang tingin ang tatlo sa bangka. Sumagwan ang lalaki sa may likuran ng bangka. Mas lumapit pa sila sa puwesto namin.

“Ako nga pala si Fidel. Ito si Jasmine, at ito naman ang anak kong si Marco.”

“Ikinagagalak po naming kayo’y makilala,” ang wika ko. “Ako po naman ay si Willy, ito si Tomas… at ito si Daniel.”

Yumuko si Tomas; sumaludo naman nang bahagya si Daniel.

“Sandali… Isla Miedo ba kamo?” tanong ni Fidel habang nakakunot ang noo.

Tumango si Tomas.

Nagtaas ng kilay si Mang Fidel. “Pero walang isla dito na ganyan ang pangalan.” Ang parang nagtatakang pagpapahayag niya.

Nagulat si Daniel sa narinig. Napakamot siya sa ulo.

“Brod, ano ‘to? Hindi mo man lang sigurado kung totoo ‘yung pupuntahan natin?” May sasabihin pa sana si Daniel pero sinimangutan ko siya. Yumuko siya’t tumahimik.

Bumuntung-hininga si Tomas. “Mawalang-galang na po sa inyo Mang Fidel pero wala nang saysay na itanggi ninyong merong isla dito na ganyan ang pangalan. Hindi na ito isang alamat. Kalat na ang balita tungkol dito, sa mga diyarro, sa TV,  o sa internet. Kahit sa mga barber shops palengke eh pinag-uusapan ang Isla Miedo.”

Tinitigan nang maigi ni Mang Fidel si Tomas. Matapos ang ilang iling, nagsalita siya, “Pahirap na nang pahirap na itago ang mga bagay-bagay tungkol sa Isla Miedo. Salamat sa mga baliw na bloggers at vloggers  na gumagawa ng content tungkol sa islang iyon.”

“Okay… totoong mayroong Isla Miedo,” dagdag ni Marco. “Pero mas makakabuti na huwag isipin ng mga tao na mayroon nga. Mapapahamak lang sila… mapapahamak lamang kayo.

Pailing-iling na tumingin sa akin si Daniel.

At nagpatuloy sa pagsasalita si Marco. “Kasingtanda ng panahon ang islang iyon at libo-libo na ang bumisita roon, baka nga milyon na. Pero wala pang kahit isa ang nakabalik para magkwento tungkol dito. Para magpakita man lang ng larawan. Ilang siglo na itong ganyan. At alam ba ninyo kung ano ang ibig sabihin ng Miedo?”

Walang makasagot sa amin. Katulad nina Daniel at Tomas, hindi ko rin alam kung ano ito.

“Salitang Kastila ang Miedo. Ang kahulugan nito sa Filipino ay takot. Ang Isla Miedo ay lugar kung saan nananahanan ang takot.

“Kasing-tanda ng panahon? Libo-libong taon?”  tanong ko.

Halos sabay-sabay na nagsitango ang mga tao sa bangka.

Napapikit si Daniel sa sobrang pagkabahala. “Ngayon, libo-libong taon  na ang pinag-uusapan natin? Hindi na ito kapani-paniwala.”

Ilang sandali ring tahimik kaming lahat… hanggang sa magtanong si Jasmine, “Bakit kayo pupunta sa isla?”

Tumingin muna si Tomas sa amin ni Daniel bago sumagot.

“Nagpunta doon ang kapatid ko at ang mga kaibigan niya para mag-outing ilang araw na ang nakaraan. Hindi pa sila bumabalik. Hindi namin sila ma-contact. Hahanapin namin sila.”

Muling nagkatinginan ang tatlo, pagkatapos ay nag-usap. Nilingon kami ni Jasmine. Pakiwari ko’y may mga gusto siyang sabihin.

Ilang minuto arin ang lumipas bago nila kami muling kinausap.

“Mga ginoo, kung ako sa inyo, maghihintay na lang ako rito. Hintayin niyo ang pagbabalik nila. Pero manalangin kayo na sana makakabalik pa sila.” Ang wika ni Mang Fidel.

Umiling-iling si Tomas.

“O kaya naman,” patuloy ni Mang Fidel, “umuwi na lang kayo. Maniwala kayo sa akin, ang mga taong hinahanap niyo ay pawang mga patay na.”

Parang balewala lang kay Mang Fidel ang mga sinabi niya. Hindi ba niya ramdam ang bigat ng mga salita niyang iyon.

Seryoso’t may tunog ng pagbabanta ang boses ni Marco, “Magpakatotoo na tayo… wala nang bolahan pa. Ang Isla Miedo… hindi ‘yan alamat. At uulitin ko… wala pang nakakabalik mula roon, buhay man o patay.”

Parang nanikip ang dibdib ko’t nanlabo ang aking paningin nang marinig ko iyon. Ayaw kong maniwala. Pero kung totoo man, paano si Eve? Nandoon ba siya? Nangako ako sa sarili ko na hahanapin ko siya, anuman ang mangyari.

Nagtanong si Daniel, “Ano ba talagang meron sa islang ‘yan? Mga taong-lobo? Mga kanibal?”

“May mga taong-labas ba roon?” tanong ko. “O baka naman may mga alien?”

Hindi ako nagbibiro nang banggitin ko tungkol sa mga extra-terrestial beings… Sa lahat ng mga naririnig ko mula kaninan eh parang wala ng puwang ang salitang imposible.

Nagtinginan ang mga tao sa bangka. Parang naghahagilap ng kung papaano ba nila ipapaliwanag ng mas mauunawaan namin kung ano nga ba ang nangyayari sa islang iyon.

“Ano ba ang dapat namin malaman? Sabihin na ninyo sa amin.” pakiusap ni Daniel.

“Alien?” bulong ni Jasmine. “Oo—dahil hindi sila mula sa mundong ito. At mababangis sila.”

“Gaya ng mga tigre at leon?” atubiling tanong ni Daniel.

“Mas malala pa sila sa mga hayop,” matigas na sagot ni Marco.

“Ang tanging mas malala pa sa mailap na hayop ay mga halimaw,” sabat ko.

“Tumpak! Kaya nga hindi na ako magpapatuloy kung ako sa inyo,” ani Mang Fidel. “Trahedya lang ang naghihintay sa inyo roon.”

Napabuntung-hininga ako. Tinignan ko si Daniel; nakakunot ang kanyang noo at tikom ang bibig. Tumingin siya kay Tomas, puno ng pag-aalinlangan. Sinensyasan ko siyang manahimik na lang.

“Hindi ko pwedeng pabayaan ang kapatid ko sa kamay ng kung anumang nilalang ang nandoon,” giit ni Tomas. “Kung totoo ang sinasabi niyo, mas lalo lang akong dapat pumunta para hanapin siya.”

Hindi na ako nagulat sa tugon ni Tomas. Inasahan ko na iyon.

“Sigurado ka ba, Tomas?” may pag-aalinlangang wika ni Daniel.

“Umuwi na lang kayo, Willy… Daniel. Ako na lang ang pupunta sa isla. Ayaw ko na madamay pa kayo—ngayong alam niyo na kung gaano ito kadelikado. Pasensya na sa abala… sige na, iwanan na ninyo ako dito.”

“Willy… paano na?” Ang halos pabulong na tanong sa akin ni Daniel.

“Daniel, anong problema mo? Umuwi ka kung gusto mo! ALIS!!!” ang bulyaw ko sa mismong mukha niya.

Napayuko si Daniel at umatras habang bumubulong sa sarili. Tumingin ako sa bangka at nakitang matamang nakatingin si Jasmine kay Tomas. Tingin ko’y may nagbago kay Jasmine.  Parang may pag-aalalang sumungaw sa kanyang mga mata.

Chapter 2-B
“Kung Saan Nanahan ang Takot”

 

Unknown's avatar

About M.A.D. LIGAYA

I am a teacher, writer, and lifelong learner with diverse interests in prose and poetry, education, research, language learning, and personal growth and development. My primary advocacy is the promotion of self-improvement. Teaching, writing, and lifelong learning form the core of my passions. I taught subjects aligned with my interests in academic institutions in the Philippines and South Korea. When not engaged in academic work, I dedicate time to writing stories, poems, plays, and scholarly studies, many of which are published on my personal website (madligaya.com). I write in both English and his native language, Filipino. Several of my research studies have been presented at international conferences and published in internationally indexed journals. My published papers can be accessed through my ORCID profile: https://orcid.org/0000-0002-4477-3772. Outside of teaching and writing, I enjoy reading books related to my interests, creating content for my websites and social media accounts, and engaging in self-improvement activities. The following is a link to my complete curriculum vitae: https://madligaya.com/__welcome/my-curriculum-vitae/ TO GOD BE THE GLORY!

Posted on July 30, 2018, in Creative Writing, Fiction, Horror, Kwentong Kababalaghan at Katatakutan, Maikling Nobela and tagged , , , , . Bookmark the permalink. 2 Comments.

Leave a comment