Kabilin-bilinan ng lola…
Heto na ang mga matalinhagang payo ni lola na pinadaloy sa apatang taludturan. Patula kang pagpapayuhan ng lola. Sundin mo ito kung ayaw mong mahagupit sa puwit gamit ang mabilog at mahabang sanga ng bayabas.
Simulan mong basahin…patikim-tikim. Pilitin mong gustuhin… ang mga payo ni lola. Hangga’t ang mga payo n’ya sa isip mo humukay ng malalim… hangga’t mahirapan ka nang tanggalin. Parang bisyo. Hala sige… LAKLAK na.
————————————————
INGGIT NA EH GALIT PA…
————————————————
Pakawalan mo na ang kimkim na galit
Iya’y anay na sumisira ng isip.
Ibuga sa hangin nalanghap mong inggit
Lason iyang papasikipin ang dibdib.
_____
H’wag manibugho sa kapitbahay na mayaman,
H’wag piliting sumabay sa kanyang pamantayan.
Gumasta ka’t pumorma ayon sa kakayahan –
Sa biyayang meron ka matutong masiyahan.
_____
Pababa ang paa nila’y h’wag hilahin,
Bagkus kamay nila’y pataas batakin.
Inggit at galit sa limot ay ilibing,
Tagumpay pwedeng sabay ninyong abutin.
_____
Galit parang naglalagablab na uling,
Kapag ‘di bibitiwan puso’y papasuin…
Kapag sa dibdib patuloy na kinimkim,
Katahimikan ng isip tutupukin.
_____
Kapag ang kapatid may biyayang nakamit,
Nanggagalaiti ka ba mata’y naniningkit?
Nagdadabog ka ba dibdib ay naninikip?
Sa ganyan ang tawag ay… matingding inggit!
_____
Ang inggit ay parang batong nakadagan sa isip.
Galit nama’y parang tinik… nakabaon sa diddib.
Mga ito’y hadlang upang ikaw ay matahimik…
Kapag ‘di maiwaksi ligaya’y ‘di makakamit.
_____
Maging masaya, kapag kapwa mo ay nagtagumpay
Magalak na narating, pangarap nilang pinanday
Huwag dahil sa inggit, sa sahig ika’y maglupasay
Bumangon ka at mangarap, pilitin ring magsikhay.
————————————————
SA MAKAKATING DILA…
————————————————
May isang hayop mailap at mabangis.
Ito’y dila mong nasa loob ng bibig.
Kontrolin mo yan… itali ng mahigpit
Nang hindi magulo, buhay mong tahimik.
_____
Dila nati’y matalas parang patalim,
Napakadaling manugat ng damdamin.
Kaya nga’t anuman, ang nais sabihin
Pag-isipang mabuti, bago bigkasin
_____
Bakit kapintasan laging sisilipin –
Kung may maganda namang pwedeng purihin.
Bakit pagkukulang pilit hahanapin –
Ngunit ang kabutihan ayaw pansinin.
_____
Kawikaang kapag makikitid ang utak…
Tao ang paksa kapag sila ay nag-usap,
Sa saliw ng tsismis sila’y umiindak,
Makakating dila’y makasira ang hanap.
_____
Bakit parang ikaw ay nasisiyahan?
Kung ang kapwa-tao mo’y sinisiraan.
Bakit parang ika’y naliligayahan?
Kapag iba’y nakalasap ng kabiguan.
————————————————–
IKAW NA PERFECT…!
————————————————–
Mataas mang antas sa buhay narating…
Ilan mang kurso kinaya mong tapusin…
Matalino ka man maganda o magaling…
Wala kang karapatang kapwa ay hamakin!
_____
Sariling kahinaan bakit ayaw tanggapin,
Ikaw na ang nagkulang ayaw mo pang umamin.
Kadalasan kasi na sa sarili ang tingin,
Ay walang bahid-dungis at walang kasing-galing.
_____
Aming salaming nakasabit sa dingding,
Samo ko ay laging ibulong sa amin,
Na dungis ng iba ay bago punahin…
Uling sa mukha nami’y dapat linisin.
———————————————
KAYBIGAN BA KAMO?…
———————————————
Bulong ng kaybigan bago paniwalaan,
Kabilang panig iyo munang pakinggan.
Gamiting maayos timbangan ng katwiran,
Kung sino ang tama iyon ang panigan.
_____
Kaybigan mo ay matamang kilatisin,
Tunay na pagkatao dapat alamin,
H’wag papanigan masama n’yang gawain,
Kabuktutan niya’y tulungang baguhin.
————————————————
PALASIMBA PALA HA…
————————————————
Salita ng Lumikha ay dapat nating gamitin
Upang Siya ay pasalamatan at purihin
Huwag gamitin upang husgahan at sindakin
Mga kapwa mo taong hindi kayang mahalin
——————————————————-
MANGARAP KA’T MAGSIKAP…
——————————————————
Nakataas na ang iyong layag
Sagwa’y handa nang muling isikad
Lalakbayi’y malawak na dagat
Sisisirin pangarap na perlas
_____
Gaano man katayog pangarap natin
Matarik man ang bundok na aakyatin
Bukod pa sa anking talino at galing
T’yak ang tagumpay kapag nanalangin
_____
Sa sariling hulmahan pangarap ay hubugin
Ukitin ang tagumpay, at sa Diyos manalangin
Huwag umasa na swerte ay kusang darating
Magpagal at magsikhay, pangarap ay tuparin
_____
Upang maabot minimithing pangarap
Magsikap ka at piliting makalipad
Iyong ikampay sariling mga pakpak
Sa bumbunan ng iba ay huwag yayapak
_____
Mahirap akyatin matarik na bundok
Pawis tagaktak manginginig ang tuhod
Subalit kapag nakarating sa tuktok
Tanawi’y lulunurin matinding pagod
_____
Mataas pa ang bundok na aakyatin
Maraming pagsubok pa ang susuungin
Matindi mang panganib ika’y subukin
Patuloy ka lamang sanang manalangin
_____
Hindi magugutom and taong masipag
Tiyak ang tagumpay kapag nagsisikap
Ngunit kung ika’y kalahi ni Juan tamad
Buhay mo ay babaon sa dusa at hirap
_____
Hindi kasalanan ang maging mahirap
Ang kasalanan ay ang hindi magsikap
Swerte mo’y hindi nakaguhit sa palad
Perlas itong dapat ay sisirin sa dagat
_____
Walang maghihirap kung walang tamad
Kapag batugan ka’y hindi ka uunlad
Kaya’t kung sa buhay ay nais umangat
Magbanat ng buto at laging magsikap
_____
Bangka mo’y patuloy naglalakbay sa dagat
Katig ay matibay unos man ay humampas
Ang sagwan mo’y ikampay hangga’t may lakas
Hintayin mo hanging iihip sa layag
———————————————
MANGARAP, PERO…
———————————————
H’wag gumapang sa balag ng alanganin
H’wag kakapit sa punyal na ubod talim
Paninindigan dapat na pagtibayin
Tatahaking daan dapat ay tuwirin
_____
Kapag sa Panginoon mananalangin
Kapag ng biyaya ikaw ay humiling
H’wag kang tumunganga’t milagro’y hintayin
Pagpaguran biyayang nais tanggapin
_____
Sa tala’y h’wag ibulong ang iyong hiling
Wala itong tenga upang ika’y dinggin
Kakahinatnan h’wag sa baraha silipin
Buhay ay ‘di sugal, h’wag mong balasahin
———————————————
TAGUMPAY…
———————————————
Sa timbangan mo tagumpay ay sukatin
H’wag panukat ng iba ang gagamitin
Sa sariling hulmahan pangarap buuin
Iukit mo sa bato h’wag sa buhangin
_____
Panuntunan ng iba ay h’wag gagamitin
Kung ang tagumpay ay nais mong sukatin
Matarik man ang bundok na dapat akyatin
Dapat mong iukit landas na tatahakin
_____
Bunga ng tagumpay ay ubod ng tamis
Kung puno’y dinilig ng dugo mo’t pawis.
Ang lasa nito’y parang apdong kay pait
Kung luha ng kapwa ginamit mong pandilig
_____
Sa ano mang tagumpay na iyo nang narating
Magbulay-bulay ka nga’t sarili ay tanungin
Langgam ka bang nagsikhay sa liwanag at dilim
O dili kaya’y lintang kumapit sa patalim
_____
Tagumpay ay hindi pwedeng namnamin
Kung nanlamang ka kaya mo narating
Milyon-milyon ay madaling gastahin
Kung sa pagnanakaw ito nanggaling
_____
Kay tamis ng tagumpay kapag nakamtan
Nang walang taong ginamit o tinapakan
Masarap magtampisaw sa karangyaan
Kung salaping gamit ay pinagpaguran
_____
Tamis ng tagumpay bago mo lasapin
Magbulay-bulay at sarili’y tanungin
Saan ba tumapak nang tagumpay sungkitin
Sa bumubunan ba ng kapwa-tao natin?
———————————————
KAPAG SINUBOK…
———————————————
Ngiti mo ay ‘di maikubli ang kalungkutan
Sa mata’y banaag sakit na nararamdaman
Kung ang luha ay dadaloy hayaan mo lamang
Araw mo’y sisikat din matapos ang tag-ulan
_____
Bagwis sana ay patuloy lang na ikampay
Salubungin man ng unos ay h’wag maglulubay
Ibuhos ang lahat-lahat h’wag manlupaypay
Sa dulo ng bahaghari ginto’y naghihintay
_____
Malakas man ang bagyo humuhupa rin
Tiyak hihinto malakas nitong hangin
Tikatik nitong ulan pagtila’y hintayin
Panibagong araw ay tiyak na darating
_____
Sa pagkalugmok ay bumangon kang pilit
Muling ikampay ang nabali mong bagwis
Liparin ang malawak na himpapawid
Sariling tadhana sa langit iguhit
_____
Sanga-sangang daan man aking lalakbayin
Panganib at pagsubok tiyak susuungin
Kwento ng buhay hindi pwedeng pigilin
Maraming kabanata pa ang susulatin
———————————————
HETO PA IBA…
———————————————
Ang isipa’y parang kulay na ‘di kukupas
Kapag ginamit lalo itong tumitingkad
Ang isip mangangalawang na parang itak
Kapag ‘di ginamit mawawala ang talas
_____
Likas ang pagtulong ng pusong busilak
At walang kapalit itong hinahangad
Hindi nagbibilang hindi nanunumbat
Hangal ang hindi dito’y magpasalamat
_____
Respeto’t pasalamat ay magkatulad
Mga ito’y kusang-loob igagawad
Ibinibigay lang kung karapat-dapat
At kung ayaw naman ay h’wag manunumbat
———————————————
TANDAAN…
———————————————
Kay sarap ng buhay na tahimik at payak
Lalo na kung puso’t isipan ay panatag
Landas ay ituwid patuloy na magsikap
Saya’y lubos kapag mithi’y natutupad
_____
Ang palagian natin sanang isipin
Ano man ang gawin at ating sabihin
Ang mga ito’y nagsisilbing salamin
Ng taglay at tunay na pagkatao natin
_____
Kung kapwa mo tao ika’y iniiwasan
Nagsisilayo mabubuting kaybigan
Panahon na upang iyong pag-isipan
Ano ba ang iyong naging pagkukulang
_____
Matagumpay ka man at sobra-sobrang magaling
Paa sa lupa’y lagi mo sanang pasasayarin
Huwag kang lilipad at umikot na parang hangin
Ipo-ipong malilikha ‘di mo kakayanin
Source: Kabilin-bilinan ng lola…
Posted on October 17, 2017, in Poetry, Prose and Poetry, Quatrains, Tula and tagged Poetry, Prose and Poetry, Quatrains, Tula. Bookmark the permalink. Leave a comment.
Leave a comment
Comments 0