Ang Larawan Ni Ama

papa1Mahaba ang byahe. Hindi ko na binilang kung ilang oras  oras bago ko narating ang maliit na baryong sinilangan ng aking ama. Nadadagdagan kasi ang inip ko ng inis tuwing tumitingin ako sa relo kaya’t idinaan ko na lamang sa tulog. Nakadalawang bus ako at  isang jeep ako pero kaylangan ko pang sumakay ng tricycle. Sanay naman ako sa matagalang byahe kaso nga lang ay tag-ulan kaya’t maputik at mahirap ang magpalipat-lipat ng sasakyan. Kaya nga’t nagpasya akong hindi na lamang isama si misis sa lakad kong iyon. Mahihiluhin at mainipin iyon sa byahe. Natyempo pa namang may paparating na bagyo kaya’t medyo mabagal ang tinakbo ng aking mga sinakyan.

Sumablay pa ng kaunti ang huling yugto ng byahe kong iyon. Nakalimutan yata ng tricycle driver ang kanyang trapal, o kaya’y tinamad lamang siyang ilagay ito kaya’t ginamit ko na lamang ang dala kong payong na panangga sa ulan upang hindi mabasa ang bitbit kong bag at mga pasalubong. Hinayaan ko ng mabasa ang mukha ko’t buhok. Maging ang pantalon ko bandang hita pababa ay nabasa na rin. Pero ayos lang. Masarap ang pakiramdam habang hinihilamusan ako ng tubig ulang ipinapasok sa tricycle ng malakas na hangin. Matagal-tagal na rin naman akong hindi naliligo sa ulan. Ipinalangin ko na lamang na h’wag sana akong sipunin.

Nang malapit na akong bumaba ay humina ng kaunti ang ulan. Takip-silim na noon. Sarado ang bintana’t mga pintuan ng bahay ng aking mga tiyahin. Marahil dahil sa ulan. Ngunit may mga tao sa loob ng mga bahay dahil bukas ang mga ilaw. May mga anino akong nakikitang gumagalaw sa loob. Minabuti kong h’wag na muna silang abalahin. Isa pa’y nabasa nga ako ng ulan. Kaylangang makapagpalit agad ako ng damit at makapagpakulo ng tubig. Masarap humigop ng mainit na kape sa pagkakataong iyon. Dumiretso na ako sa bahay ng aking ama.

Tahimik ang kapaligiran. Ang naririnig ko lang ay ang patak ng ulan sa bubungan ng mga kabahayan at pagaspas ng mga dahong hinahampas ng medyo may kalakasang hangin. Papalapit na ako sa bahay ng aking ama. Noon ko lamang napansin na sa medyo malayo at kapag medyo madilim ay para palang maliit na haunted house na ang dating ng bahay ng aking ama. Para bang kung dayuhan ka sa lugar na iyon at makikita mo ito sa unang pagkakataon ay kikilabutan ka ng kaunti at magaatubili kang lumapit.

Dumiretso ako sa bakuran. Nakalaylay na halos sa lupa ang yari sa kawayang bakod sa harapan. Isang makalawang na yero lamang ang nagsisilbing harang. Mahahaba ang damo sa harapa’t gilid ng bahay. Maraming dahon ang nagkalat. Nang pumasok ako sa terrace ay pumulupot pa sa mukha ko ang sapot ng gagambang hindi ko napansing nakaharang pala sa aking dadaanan. Muntik nang pumasok sa bibig ko ang isang maliit na paru-parong nakalaylay sa sapot.

Nakalimutan ko palang hiramin ang susi kay tita Cecille, bunsong kapatid ng aking ama. Mabuti na lang at bukas ang pintuan sa harapan ng bahay. Siguro’y nakaligtaang isara ng sinumang nautusang buksan ang ilaw ng terrace para maliwanag sa bahay kahit walang doong nakatira. Hindi na rin kasi doon namalagi si ate Lea, ang aking madrasta. Mula nang magkasakit ang aking ama’y madalang na siyang puntahan ng pangalawang asawa nito. Kaya’t nang mamatay s’ya at nagtangka si ate Lea na muling tumira doon ay hindi na pumayag ang aking mga tiyahin. Kami mang magkakapatid ay hindi namin s’ya hahayaang manatili doon. Lalo na ako. Tinanggap ko siya’t iginalang bilang madrasta subalit naglaho ang amor ko sa kanya ng hinayaan n’yang mamuhay mag-isa ang aming ama sa bahay. Malinaw naman na gustong lang n’yang maghabol sa bahay na iyon. Inilapit pa n’ya sa kapitan ng baranggay ang usapin na iyon pero wala s’yang napala. May habol lamang daw s’ya sa bahay at sa lupang kinatitirikan nito kung nagkaroon sila ng anak ng aking ama.

Nang buksan ko ang pintua’y ay napangiwi ako nang sumalubong sa akin ang magkahalong amoy ng alimuom na galing sa maruming sahig at pader at sa dumi ng pusa. Kagyat kong binuksan ang bintana upang sumingaw ang masangsang na amoy.

Maraming agiw. Basa ang maruming sahig. Sira na kasi ang bubong na yari sa pawid. Tumutulo na tuwing umuulan. Palitin na. Hindi na naayos ang bahay, napabayaan na ito. Paminsan-minsan na lamang kasi naming magkakapatid itong halinhinang napupuntahan mula nang sumakabilang-buhay ang aming ama. Ako nama’y dalawang beses lamang umuwi kada taon dahil ako’y sa Japan nagtatrabaho.

Kung tututusin eh maliit lamang ang gastos kung ipapagawa ko ang bubong. Buhay pa man ang aking ama noo’y gusto ko nang gawing yero ito ngunit ayaw n’yang pumayag. Mas presko daw ang pawid. Kapag namang napapansin kong may kaunting butas ang bubong ay sasabihin n’yang hayaan ko na lang daw para nasisilip n’ya ang langit kapag siya’y nakahiga sa kanyang kama. Ganun ang aming ama. Ginagawang katatawanan ang ilang bagay na kung ituring ng iba’y suliranin.

Kaya na sana  ng budget ko na pagandhin ang bahay nang mawala ang ama. Napapinturahan ko na nga ang salas at pinapalitan ko ng konkreto ang terrace na dating yari lamang sa kawayan. Ngunit kapag nagawa na ang bahay eh nakatitiyak akong gagawin itong tambayan ng panganay kong kapatid na lalaki at ng kanyang mga kabarkada. Gagawing inuman at sinong nakakaalam kung ano pang kabalbalan ang pwede nilang gawin dito. Kaya hinahayaan ko lang munang ganun ang lagay ng bahay. Ang isa pang mabigat na dahilan eh kapag maayos na maayos na ito’y baka tuluyan ng tirhan iyon ng panganay naming kapatid at ng kanyang pamilya. Hindi maaari iyon dahil ang bunso man naming kapatid na babae aeh naghahanap din ng matitirhan. Kaya para walang problema napagpasyahan kong wala titira doon sa aming tatlong magkakapatid. Pinangakuan ko na lamang silang hintayin akong magkapera at susuklian ko na lamang sila sa kanilang parte sa bahay at lupang iyon ng aming ama. May mas nakakatanda man sa akin ay ako na ang  siyang gumagawa ng desisyon para sa aming pamilya.

Aywan ko ba kung bakit kasi hindi nagsikap magpundar ng lupa’t bahay ang dalawa kong kapatid.  Hindi sila marahil nadala sa karanasan ng aming pamilya na palipat-lipat ng bahay. Noon nga’y pinalayas kami ng isang kamag-anak namin mula sa isang bahay na aming tinirhan. Hindi ko alam kung bakit at ayaw ko na ring alamin ang dahilan sa pangyayaring iyon. Baka rin kasi mali ang pagkakaintindi ko noon dahil bata pa nga ako.  Pero nagmarka sa isip ko iyon. Ang insidenteng iyon ang isa sa mga hinuhugutan ko ng inspirasyon para magsikap sa buhay, hanggang ngayon. Nag-aral ako at nagpunyagi. Nakapagpundar ako ng sariling lupa ko’t bahay.

Pero mas malaking inspirasyon para sa akin ang aking ama. Tinuruan niya akong magsikap sa sarili at h’wag umasa sa iba. Sabi nila’y siya daw ang pinagmanahan ko ng talino. Batid kong kung nabigyan lamang siya ng pagkakataong mag-aral noon ay umaangat ang estado n’ya sa buhay.

Nakatakdang dumating din kinabukasan ang dalawa kong kapatid. Babaang-luksa na kasi. Mag-iisang taon nang pumanaw ang aming ama. Tiyak na walang hanggang tanungan nanaman kung kaylan ko sila babayaran sa parte nila sa iniwang bahay at lupa ng aming ama. Tiyak na mangungulit nanaman sila na sa iba na lang namin ito ipagbili dahil gipit na gipit na sila’t kaylangang-kaylangan na nila ng puhunan para makapagsimulang makapagnegosyo.

Hindi ko gustong mapunta sa ibang tao ang bahay at lupang iyon ng aking ama kaya’t dapat silang maghintay. Ni ayaw ko nga itong paupahan.

Maliit lang ang bahay na iyon at hindi ganoon kalaki ang kinatitirikang lupa subalit iyon ay ala-ala ng aking ama. Iyon ang aming nagsisilbing koneksyon sa angkang aming pinanggalingan kaya’t hindi ko papayagang mapunta iyon sa iba.

Matapos kong buksan lahat ng ilaw at makapagwalis ng kaunti sa salas ay pumasok ako sa kwarto’t inilapag ko sa ibabaw ng lamesa sa ulunan ng kama ang aking mga gamit. Inilatag ko ang nakatiklop na banig at kumot na nasa kama. Mabuti na lamang at balot sa plastik ang mga gamit sa kama kaya malinis at walang masamang amoy. Gayon pa ma’y ipanagpag ko ng paulit-ulit ang mga ito bago ko inilatag.

Nagpalit agad ako ng damit. Pagkatapos, katulad ng aking nakagawian na, ay kinuha ko ang larawan ng aking ama. Sa larawang iyon ay kuha ang kabuuan ng kanyang mukha hanggang sa dibdib, sa babang bahagi ng huling butones ng suot n’yang polo shirt. Ang larawan na nakasabit sa dingding na nasa itaas ng isang lumang TV ay ang bantay sa bahay na iyon.

Dinala ko sa kwarto ang larawan at masuyo kong pinunasan ng medyo basa kong face towel.

Nang malinis na’t itinaas ko ng kaunti upang ito’y pagmasdan eh parang nakita kong gumalaw ang mga labi ng aking ama sa larawan. Parang nginitian n’ya ako. Hindi ko na matandaan kung nakangiti nga ba talaga sa larawang iyon ang aking ama o hindi. Siguro’y namamalik-mata lang ako, dala marahil ng pagod at hilo dahil sa mahaba kong byahe.

“Kumusta na ba papa. Pasensya na po ngayon lang ako nakabalik dito.”

Aywan ko ba. Parang nawala ang ngiti sa labi ng ama ko sa larawan na animo’y nagtatampo. Parang may kaunting kilabot na gumapang sa aking katawan. Nangalisag yata lahat ng balahibo ko.

“Naku si papa, nagpaparamdam ka nanaman ba.” Nagtapang-tapangan ako’t sinabing, “Si… sige nga pakita ka sa akin oh. Sige na pa… Ayaw naman.”

Naniniwala akong merong multo pero hindi pa ako nakakakita. Hindi ko tuloy masabi kung takot ba ako dito o hindi.  Pero kung ang aking ama ang magpapakita sa akin eh baka yakapin ko pa s’ya. Nasasabik ako sa aking ama. Gusto ko talagang siyang makita. Kahit sa anyong multo man lang.

Pinagmasdan kong muli ang larawan ng aking ama. Maraming kwento ang aking mga tiyahin tungkol sa larawang iyon. Minsan daw ay makikita na lamang nila ito sa salas ng kani-kanilang bahay. Ang sabi ko naman sa kanila ay baka isa lang sa mga pilyong pinsan ko ang gumagawa nun at tinatakot lang sila. May pamangkin naman ako sa pinsan na nagsabi na nang siya’y utusan ni tita Cecille na buksan ang ilaw sa terrace dahil papadilim na noon ay nakita n’yang blangko daw ang larawan ni papa at may narinig s’yang parang umiihi sa banyo. Nagtatakbo daw ito sa takot at kahit kaylan ay hindi na ito nautusang buksan ang ilaw. Inisip ko naman na baka lasing lamang ang pamangkin ko noon. Pero hindi daw naman. Marami pa na animo’y mga kababalaghan na nangyayari kaugnay ng larawan ng aking ama. Ipinagkibit-balikat ko lang lahat ng iyon. Sanay na ako sa ganung uri ng kwentuhan kapag may kamamatay lamang na isang tao.

“Kakauwi ko lang po pa. Sa susunod na buwan pa ang balik ko sa trabaho ko sa Japan. Na-miss ko po kayo.”

Ganun kadalasan ang ginagawa ko tuwing dumadalaw ako sa bahay ng aking ama. Hinahawakan ko ang kanyang larawan at kinakausap ko s’ya. Tinitiyak ko naman na ako lang ang makakarinig at baka isipin nilang nasisiraan ako ng ulo. Ang mga tita ko siguro ay alam na ganun ang ginagawa ko. Itinatabi ko pa ang larawan ni ama kapag ako’y natutulog at dinadala sa kusina kapag ako’y kakain. Saka ko lamang ibabalik sa ding-ding ito kapag ako’y paalis na.

“Sobrang dumi ng bahay mo papa. Napagod ako paglilinis. Nagutom tuloy ako ah. Tara kaya sa kusina, magpapainit ako ng tubig. Magkakape tayo at ipapatikim ko sa iyo itong super anghang na noodles na uwi ko galing Japan.”

Aywan ko ba, pero parang mas naging masaya ang itsura ng ama ko sa larawan matapos kong sabihin iyon. Ipinagkibit-balikat ko lang din iyon at inisip ko na lang na  siguro pagod at gutom lang ako kaya parang may nakikita akong mga nagbabago sa larawan ng aking ama.

Posible rin naman na naimpluwensyahan ang isip ko ng mga paulit-ulit nilang kwento tungkol sa larawan ng aking ama kaya nai-imagine kong nagbabago nga ito kahit hindi naman .

“Puro porma ka lang naman pa. Paradaman ka lang ng paramdam, eh ayaw mo namang magpakita. Tara na nga sa kusina.”

Inilapag ko sa lamesa ang larawan. Patayong isinandal ko ito sa pader paharap sa inuupuan ko.

“O pa, relax ka lang d’yan. Ako ang magluluto. Ang daya mo pa, dati ikaw ang nagluluto kapag pumupunta ako dito. Paano yan, hindi ka na makakatikim ng dala kong longganisa galing sa amin. Sorry na lang po. Pero pwede mo namang sigurong amuy-amuyin.”

Medyo madilim na kaya’t binuksan ko ang ilaw. Unti-unti nanamang lumalakas ang ulan, pati ang hangin.

Isang malakas na hihip ng hangin ang dumaan. Biglang may kumalabog at kasabay ang pagkamatay ng ilaw. Paglingon ko sa lamesa, medyo madilim man ay nakitang kong nakabuwal ang larawan ng aking ama.

Mukhang pundido ang ilaw. Pumasok ako sa bahay. Mabuti na lamang at may ekstrang bombilya sa toolbox na iniwan doon ni kuya. Pagbalik ko sa kusina’y pinalitan ko ang bombilya. Nang magliwanag na ulit sa kusina ay nagulat ako sa nakita ko sa lamesa. Nakatayo na ang kanina’y nakabuwal na larawan ng aking ama.

Aaminin kong ginapangan ng matinding kilabot ang buong pagkatao ko. Nakakapagtakang bigla na lamang nakatayo na ang larawan ng aking ama. Huminga ako ng malalim katulad ng madalas kong gawin kapag medyo natutuliro ako’t ‘di makapagisip ng mabuti. Lumingon ako sa kaliwa’t kana. Pati sa likuran. Walang ibang tao.

Pagkatapos ay naglakas-loob akong lapitan ang larawan. Dahan-dahan. Kapansin-pansing nawala ang ngiti ng aking ama sa larawan. Parang seryoso itong nakatingin sa akin. Naiinis ba siya na hinahamon ko siyang magpakita pero heto’t nagpaparamdam pa lang siya’y parang gusto ko nang tumakbong palayo?

Naisip kong bigla ang isang bagay na sinabi ng lola ko noon na hangga’t hindi pa nakakapababaang-luksa eh umaali-aligid lang kaluluwa nung patay sa kanyang bahay at nagpapaparamdam sa kanyang mga mahal sa buhay.

“Naku naman papa. Tinatakot mo naman ako. Sige ka uuwi na ako. Mag-iisa ka rito.”

Pabiro kong sinabi iyon para medyo maibsan lang ang takot na nagisismula ko nang maramdaman. Inisip kong tumawag ng kasama sa pagkakataong iyon. Gusto ko nang tawagan at papuntahin doon ang pinsan kong si Boyet.

“Siguro gustong-gusto mo nang magkape ano kaya sumimangot ka. Sige, teka lang pa ha. Magpaparikit na ako.”

Wala na doon ang gasul at stove na dating ginagamit ng aking ama sa pagluluto. Kaya’t sa lumang tungko ako nagpakulo ng tubig. Mabuti na lang at may mga panggatong na nakasalansan sa ilalim ng tungko na hindi naman nabasa ng ulan. T’yak na ang kuya ko ang naglagay nun siguro noong huling pumunta siya doon.

Hinugasan ko din ang mga baso’t pinggan na matagal na naka-stock sa lagayan. May kalumaan na ang mga gamit ng aking ama sa kusina. Paminsan-minsan ay nililingon ko ang larawan niya habang ako’y naghuhugas. Inabangan ko kung may mangyayari. Siguro may pinsan akong nagbibiro sa akin. Katulad ko, may mga pinsan din akong mahilig mang-good time. Isa sa kanila siguro ang nagtayo ng larawan ng aking ama. Naisip kong baka si Boyet.

“Boyet!… Boyet!… ‘insan labas na dyan. Samahan mo kami dito ni papa.”

Hinintay kong lumabas ang pinsan ko. Pero wala.

Nagtimpla ako ng kape. Tig-isa kami ng aking ama.

“O heto na po ang kape n’yo. Swerte nati’t may nakatago pang kape’t asukal sa lagayan mo. Nakasalang na rin po iyong noodles. Ay sandali nga pala papa, may kukunin ako sa loob.”

Dali-dali kong binuksan ang mga dala kong gamit at kaagad akong bumalik ng kusina. “Heto nga pala papa ang pasalubong ko sa iyo. Chivas Regal! Sa Duty Free  ko pa binili yan. Dalawang bote. Tig-isa tayo. 18 anyos yan papa…hindi 12… kaya wala tayong sabit. Hehehe.”

Hindi na ako masyadong ninerbyos ng mapasin kong parang bumalik ang ngiti sa labi ng aking ama sa larawan. Inisip ko na lang ulit na namamalikmata lang ako.

“Nagustuhan mo ba ang kape papa?  Oops teka. May tulo na rin pala sa tapat na ito. Nahihiya ako sa iyo na hindi ko pa maipagawa itong bahay mo sa ngayon. Ayaw ko kasing gawin tambayan lang ito ni kuya at ng mga barkada n’ya.”

At ayon, may nagbago nanaman sa anyo ni papa. Kumunot ang noo nito nawala ang ngiti nang banggitin ko si kuya. Ayaw na ayaw ng aming ama na pumupunta din doon si kuya dahil walang alam gawin kundi makipag-inuman sa mga barakda. Para nga talagang may kakaiba sa larawang iyon ng aking ama. Talagang nakakunot ang noo n’ya. Siguro wringkles lang iyon. Pero medyo nawawala na ang kaba ko. Parang nakakasanayan ko na. Huwag ng lang sanang siyang biglang tubuan na pangil at tiyak eh kakaripas ako ng takbo.

Nang maluto ang  noodles ay nagpirito rin ako ng dala kong Spam.

Kain po tayo papa bago tayo umiinom. Mahaba-haba ang kwentuhan natin ngayon.

“Marco, Marco. Ikaw ba yang nandyan?… Marco.”

“Opo tita. Nandito po ako sa likod,sa kusina.” Si tita Cecille iyon.

Pinuntahan ako kusina ng tita. Nagmano’t humalik ako sa pisngi ni tita Cecille.

“Akala ko ang kuya mo nanaman ang nandito. Aba sosyal, Chivas Regal, 2 bote pa ha. Paano naman kami?”

“S’ypre meron din po kayo tita. Red wine po para sa inyo ng mga tita. Nasa loob.”

“Eh sino ba kasama mong nandito? Parang may naririnig akong kausap ka.”

“Hayan po siya sa likod mo tita. Say hello to papa.”

“Ha!”

Lumingon sa mesa si tita Cecille. Biglang tumayo.

“Hesusmaryahosep. Ginulat mo naman ako. Alam mo namang matatakutin ako eh. Hayan, hindi na ako nito makakabalik sa bahay mag-isa. Dapat ihatid mo ako.

 “Hahaha…ganun!”

“Tawa ka pa d’yan.”

Hayan, pahatid ka kay papa.”

“Naku naman Marco, lalo ka pang nanakot eh. Basta ihatid mo ako?”

Natatawa lang ako. Nang tumingin ako sa larawan ng aking ama eh parang nangingiti ito.

“Para na rin makuha mo iyong niluto kong ginataan tulingan para sa iyo.”

“Wow! Sige po tita ihahatid kita. Oo nga pala tita pakikuha na lang sa kwarto nung mga pasalubong ko sa inyo. Paghati-hatiin n’yo lang po. Nandyan ba sina tita Claire at tita Carol?”

“Oo, kanina ka pa nga nila hinihintay.”

Pumasok ng bahay ang tita Cecille at kinuha ang pasalubong ko sa kanila. Naglagay ako sa bowl ng niluto kong noodles.

“Kadami naman nito Marco. Salamat ha.”

“Heto po tita, tikman mo rin itong dala kong Japanese noodles.”

“Ay naku, hindi ko kaya ang anghang niyan. Matakaw ang tita mo pero pass ako d’yan.”

“Tita, natanggap ko po iyong text message mo sa akin kanina. Eh bakit ayaw ninyong maghanda tayo bukas para sa babaang-luksa ni papa, eh may budget naman ako para doon.”

“H’wag na, okay na iyong pansit at tinapay at zesto. Maging praktikal tayo Marco. At isa pa, bukod na sa maulan, eh busy mga tao dito, walang magluluto. Baka rin wala masyadong magpuntahan bukas at may bagyo. Masasayang lang kapag nagluto tayo ng madami.”

“Sige po. Kayo po bahala. Pakisabi na bukas matapos ang padasal natin eh manananghalian na lang tayo doon sa paborito ninyong “eat-all-you-can” na restaurant bago ako umalis.”

“Iyon ang isa pang dahilan, gusto naming yayain mo kami doong kumain. Hehe. Ay naku, bundat nanaman tayong lahat bukas.”

“O halika na tita, ihahatid na muna kita. Papa, sandali lang ha.”

“Ay s’ya sige at naabala ko ang bonding ninyong mag-ama. Hehe. Babay kuya!”

Napansin kong hindi tumingin ang tita Cecille sa larawan bagay na parang hindi nagustuhan ng aking ama kaya’t tingin ko sa larawan niya’y parang itong nakasimangot.

Pagbalik ko’y dala ko na ang ginataang tulingang niluto ni tita ko. May kasama pang kanin.

“Hayan pa, may noodles, may kanin, may ginataang tulingan at meron pang Spam.”

Kumuha akong ng dalawang baso. Binuksan ko dala kong Chivas. Nilagyan ko ang mga baso.

“This is for you papa…and this one’s for me…Cheers!!!”

Sumubo ako ng tulingan at kanin nang maubos ko ang aking unang tagay. Masarap talaga ang ginataang tulingan. Ilang buwan di akong hindi nakatikim nun. Hinango ko na rin ang pinirito kong Spam.

“O heto pa, lagi mong sinasabing uwian kita na Spam.”

Ipanagpalagay kong buhay ang aking ama at siya’y masayang nandoon ako. Katulad noong buhay  pa s’ya na masiglang-masigla kapag nandoon ako. Naglagay ako sa isang platito ng tulingan at Spam at inilapit ko sa kanyang larawan.

Naramdaman ko na lamang na may tumutulo akong luha.

“O ‘di ba papa. Hanggang ngayon iyakin pa rin ako. Ikaw kasi eh. Iniwan mo kami agad. O tagay na ako papa. Ubusin mo na ‘yang sa iyo.”

Matapos ang higit isang oras ay nangalahati na ang bote ng alak.

“Papa, naaalala mo ba noong dinalaw mo kaming mag-asawa. Walang akong mabiling San Mig Light noon at ang meron lang ay Red Horse beer. Bumili ako ng 4 na bote, 1 sa akin 3 sa iyo. Anak ng…pinagtawanan po ninyo ako noon…kasi hindi ko pa man nauubos ang isang bote ko eh nagkanda-suka’t tae na ako. Mula noon eh hindi na ako umulit uminom ng Red Horse. Lintek, ang lakas sumipa.”

Pinagmasdan ko ang larawan ng aking ama. Kitang-kita ko sa mukha n’ya ang saya habang umiinom ako o paano ko ba dapat sasabihin…habang nag-iinuman kami.  Kitang-kita kong parang nangingiti s’ya, parang nanunuya, sa dahilang tuwing may sasabihin ako’y may sumasabay na mga butil na luha mula sa aking mga mata.

Mahirap paniwalaan pero para talaga ngang kakaiba ang larawang iyon ng aking ama. Pabago-bago ang emosyon sa kanyang mukha. Siguro may problema ako sa mata. Tingin ko nga’y kumikindat pa ang mata nya  kapag natutuwa s’ya sa mga sinasabi ko. Sayang at wala pa ang mga kapatid. Sila man sana’y minumulto ng ama namin sa pagkakataong iyon. Siguro magsisisigaw ang bunso naming kapatid. Matatakutin iyon eh. Kung totoong matapos ang babaang luksa, sa sandaling maiusal ang huling dasal para sa patay ay papanhik na sa langit ang kaluluwa ng aking ama eh sasamantalahin ko na. Kahit sa ganitong paraan, medyo may pagka-weird man, eh at least ramdam kong kasama ko siya. Sa pagkakataon iyong ay nilunod na ng alak at pagkasabik ko sa aking ama ang takot.

“Tagay pa papa.”

Muli ay hinagod ko ng tingin ang larawan ng aking ama. Tahimik lamang ako. Parang lumungkot ang mukha n’ya.

“Papa, bukas pa darating sina kuya at bunso natin. Hay naku papa, ganun pa rin iyong dalawa. Hirap na hirap sa buhay. Mga hindi kasi nagsipag-aral. Inaabutan ko naman sila paminsan-minsan. Aba eh hindi pwedeng palagi. Kaylangang dumiskarte sila ng sa kanila. Si mama nakiusap ako na pumunta siya dito kahit ngayon lang eh ayaw talaga. Pero alam n’yo po. Ayaw mang aminin ni mama eh mahal ha mahal ka pa rin n’ya. Ma-pride lang talaga iyon. Pero tiyak ko na pinagrorosaryo ka nun ngayon. Hinihiling kay Lord na doon ka mapunta sa Kanya, h’wag kay Taning. Hahaha! Joke lang papa. Siguro kung hindi dito gaganapin ang babaang-luksa eh pupunta si mama. Alam mo naman mula noon ay hindi n’ya ka-good ang mga tita ko dito. Ganun talaga ang buhay. Wala tayong magagawa doon. Basta mahal ko silang lahat. Pero s’yempre, mas mahal ko si mama. Ina ko iyon eh. At alam kong naiintindihan nila iyon. “

Parang habang nagsasalita ako eh unti-unting yumuyuko ang ulo ng aking ama sa larawan. Lasing na nga ako. Kung ano-ano nanaman ang nakikita ko.

“Sayang talaga na nagkahiwalay kayo. Pero talagang ganun nga ang buhay. Siguro nung araw na iniwan mo kami, kung kayo ni mama magkasama eh maaaring nadala ka pa sa hospital. Si ate Lea naman kasi kung kaylan ka naging masasakitin saka ka iniiwan. Teka…teka pa! Medyo lumulungkot tayo. Change topic. Oo nga pala. “Picture-picture tayo papa.”

Kinuha ko cell phone ko, pu-mose ako sa tabi ng larawan ni papa at pinindot ko ng pinindot ang camera sa cell phone ko. Hindi ko alam pero parang may malamig na bagay na nakapatong sa balikat ko habang ginagawa ko iyon. Dalawang bagay lang, kaluluwa iyon ng aking ama o malamig na hangin.

“O tagay tayo uli papa. Aba mauubos na itong isang bote oh. Kitam papa. Dahil pinagtawanan mo ako nang magsuka’t tae ako sa Red Horse eh nagpraktis akong mag-inom sa Japan. Pang-whisky na ako ngayon. Maipagmamalaki mo na ako ngayon. Hehehe!”

Nang tignan ko ang baso ni papa eh nakakapagtakang wala itong laman. Iniisip ko na lang na baka ako ang uminom. O baka natabig ko kaya natapon. Pero hindi naman basa ang lamesa. Hindi ko lang siguro maalaala kasi medyo may tama na nga ako. Nilagyan ko na lang ulit ng laman ang kanyang baso.

“Pero papa, bakit nga ba ganun, hindi ko kayo napagsama ni mama sa mga espesyal na okasyon ko. Graduation ko ng elementary wala kayo pareho. Noong grumadweyt naman ako sa high school at college, ikaw lang ang nandoon. Nang magtapos naman ako sa Graduate school eh pareho kayong wala. Pagkatapos, noong ikasal ako eh wala ulit si mama. Hindi po ako nagtatampo, sinasabi ko lang papa.”

Alam kong lasing na ako sa pagkakataong iyon. Sobra akong naging madaldal.

“Papa, salamat sa lahat ng ginawa ninyo ni mama sa amin ha. Lalo na sa pagtataguyod sa pagaaral ko noong nasa kolehiyo ako. I will not be where I am now if not because of the two of you. Naks, okay ba English ko papa. Iyan ang namana ko sa iyo. Galing sa English. Lalo na kapag lasing…hehe.”

Tumayo ako’t kinuha ko ang larawan ni papa.

“You’re the greatest father on earth papa. The greatest!”

Hinalikan ko ang larawan ng aking ama bago ko ito muling inilagay sa mesa.

“Kahit nagkahiwalay pa kayo ni mama eh kayo pa rin ang pinakamagagaling na magulang sa buong mundo para sa akin. Walang makakapantay sa mga ginawa n’yo para sa aming magkakapatid. Pareho ko kayong mahal na mahal.”

Hindi ko na alam kung ano pa nga ang mga sumunod kong sinabi at nangyari. Umiikot na paningin ko. Ang huling natatandaan ko ay nang tignan ko ang larawan ng aking ama eh parang nandoon ang frame pero nawala ang mukha n’ya. Blanko. Pero imposible. Siguro sobra na akong lasing kaya’t nanlabo na ng husto ang aking paningin. Pagkatapos ay may nadinig pa akong parang umiihi sa banyo.

“Haha. Ayon pala si papa sa banyo, umihi kaya naglaho sa larawan.”

Gusto ko pa sanang uminom. Pero ang bigat na ng baso. Hindi ko na kayang iangat. Maging ang talukap ng aking mga mata’y mabigat na rin. Parang kay hirap imulat ng aking mga mata. Gusto ko na sanang tumayo’t matulog na sa kwarto pero parang nakapako ang puwitan ko sa upuan. Pagkatapos ay unti-unting nagdilim ang paligid ko. Bago ako tuluyang nawalan ng ulirat sa aking kinauupuan ay may malamig na mga brasong dumantay sa aking balikat na pilit akong itinatayo. Parang lang. Hindi ako tiyak.

**********

“Marco, Marco! Gising na!

Nagmulat ako ng mata. Medyo para umiikot ang paligid.

Marco! Bangon na! Tanghali na.

Ang tita Cecille ko iyon! Masakit man ang ulo ko’t hilo ay pinilit kong bumangon.

“Gising na Marco. Maya-maya’y darating ang mga magdarasal. Aayusan pa natin ‘yang salas.”

“Tuloy ka po tita.”

“Hayan, lungange ka ngayon. Hay naku, saan pa ba magmamana. Pareho lang kayo ng ama mo. Pareho kayong matalino, pareho kayong gwapo, pareho kayong bolero at babaero, at pereho kayong lasenggo.”

Dumiretso  sa kusina si tita Cecille. Sinundan ko s’ya.

“Tita sino po ba bumuhat sa akin papunta sa kama. Ang alam ko’y dito sa lamesa ako naidlip ah.”

“Aba’y malay ko sa iyo, wala namang ibang taong pumunta na dito kagabi at maulan. Dadayuhin ka nga daw sana ni Boyet eh tinamad na daw at maulan nga.”

“Ganun ba? Eh papaanong…” Napakamot na lamang ako sa ulo.

Hinanap ko ang larawan ni papa.

“O nasaan ang larawan ni papa. Dito ko iyon iniwan kagabi ah.”

“Sus ginoo. Ayon ah oh… nakasabit na sa dingding. Sobra kang nalasing kagabi. Wala kang maalaala sa mga ginawa mo.”

“Papanong…? Tita hindi po talaga ako ang nagbalik n’yan sa dingding.”

“Siguro naglakad ang larawan ni kuya… gumapang sa dingding… kaya hayan nakasabit na ulit. Magtigil ka nga Marco, h’wag mo na akong takutin.”

Wala akong naisagot sa tita ko.

“Grabe ha, nakadalawang bote ka ng alak.”

“Hindi po tita…isang lang ang binuksan ko. Hindi ko na kinaya ang pangalawa.”

“Eh anong tawag mo dito?”

Itinaas ni tita Cecille ang dalawang bote ng Chivas Regal na parehong walang laman.

“Tita, peksman, isa lang talaga ang binuksan ko. ”

Bumalik sa salas si Tita Cecille.

“Hay naku kuya.”

Tumingala s’ya sa larawan ng aking ama.

“Pati itong anak mo eh pinaglalaruan mo. Ay pagbutihin mo na kuya ang pagpaparadaman at huling araw mo na ito dito sa lupa. Pero h’wag na sa akin ha. Kay Marco na lang. Aba’y inubos mo na ang takot ko. Teka… teka, ibang-iba ang ngiti mo ngayon ah. Mukhang masayang-masaya ka.  Hindi ganyan ang ngiti mo kahapon. Sure ako. Nagmilagro ka nanaman. O, h’wag mo nang baguhin ang ngiting ‘yan ha, ganyan na lang. Hala sige… basta mamaya’y mamamahinga ka na ha. Akyat ka na sa langit. Aba’y sa dami ng idinasal namin eh baka lumampas ka pa sa langit n’yan.  Ikumusta mo nalang kami kay San Pedro. “

Naala-ala ko ang picture sa cell phone. Pinagmasdan ko ito ng mabuti.

Totoo nga. Magka-iba ang ngiti ng ama ko sa larawang nakasabit sa dingding at sa kuha namin sa cell phone.

—– End —–

About HARDPEN

Teacher-Writer Hardpen is my nom de plume. My real name is Massuline Antonio Dupaya Ligaya. Many times I was asked the question, "Why do you write?" I don't write for rewards nor adulation. When I write poems, stories or essays, seeing them completed gives me immense joy and satisfaction. The happiness and sense of fulfillment I feel when completing my works are my rewards. When I teach, I don't work but I play. The classroom is my playground, the students are my playmates, and the subject is our toy. Proud to be me! Proud to be a FILIPINO! TO GOD BE THE GLORY!

Posted on September 26, 2017, in Fiction, Literature, Maikling Kwento, Short Story and tagged , , . Bookmark the permalink. 3 Comments.

  1. Fascinating read. Thank you for sharing ! ( although it scared me a bit ^^ )

    Liked by 1 person

  1. Pingback: Ang Larawan Ni Ama – Balut at PINOY AKO

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: