Advertisements

Blog Archives

Por Hora

busy“Nandiyan na ba ang kapatid mo?” ang tanong ni papa.

Umiling lamang ako bilang kasagutan.

Pulang-pula ang mukha ni papa at tila naglaho ang ano mang bakas ng ngiti sa kanyang mga labi. Nagsasalimbayan ang mga kunot sa kanyang noo. Nag-atubili tuloy akong abutin ang kanyang kamay upang magmano katulad ng nakagawian namin ng bunso kong kapatid na si Athena tuwing si papa’y dumarating.

“Ano ba ang ginawa ni Athena at kaylangan ko pang magpunta sa principal’s office bukas? Sabi ni Teddy na wala namang meeting. Di ba’t mahigpit kong bilin sa inyo na ayaw na ayaw kong maaabala dahil sa mga walang kapararakang bagay? Mahalaga ang bawat oras ko.”

Ako man ay wala ring nalalaman tungkol sa kung ano ang ginawa ng kapatid ko sa school. Siguro seryoso dahil  kinakaylangan pang papuntahin si papa doon. May sinaktang kayang kaklase si Athena? Pero hindi naman mapusok na bata ang kapatid ko. Masayahin nga siya’t malambing. Lalong hindi naman siguro siya nagnakaw. Binibigyan kami ni papa ng pera araw-araw bukod pa sa pwede kaming kumuha ng kahit anong pagkain at prutas na nasa lamesa at refrigerator.

Ang napansin ko lang nitong mga huling araw eh parang matamlay at malungkot si Athena.

“Marco!”

“Po?!”

“Pakisabi nga kay ate Flora at na tawagan ang principal ng school. Pakitanong kamo kung pwedeng ngayon na lang ako magpunta doon. Hindi ako pwede bukas, may mahalaga pala akong meeting.”

“Ah papa, nagpunta po sa palengke si tita Flora. Ako na lang po ang tatawag.”

Tinanguan lamang ako ni papa. Ayaw pa rin siyang tantanan ng mga kunot sa kanyang noo. Parang naka-drawing na iyon doon.

Dalawang bagay lang kung bakit ayaw na ayaw ni papa na magpunta ng school sa ano mang kapalpakang gawin namin ni Athena doon. Una , abugado siya at maganda ang reputasyon niya sa komunidad. Pangalawa, napakahalaga ng oras para sa kanya. Ayaw niyang aksayahin ang oras sa mga bagay na walang katuturan. Napakadami niya kasing kliyente. Ang dami niyang hawak na kaso.

Kapag darating nga siya ng bahay matapos kaming magmano sa kanya ay hahalikan laman niya kami at didiretso na siya sa kwarto o sa kanyang library. Pag-gising naman namin sa umaga ay wala na siya. Ang magaasikaso na lamang sa amin ay si tita Flora, ang matandang dalagang pinsan ni mama. Ang naghahatid-sundo naman sa amin ay si kuya Teddy, ang driver-bodyguard ni papa. Pagkahatid niya kay papa sa opisina ay babalik siya dito sa bahay upang dalhin naman niya kami sa school.

Matagal na kasing patay si mama, tatlong taong gulang lang daw ako noon. Namatay siya pagkapanganak kay Athena.

Sabi ni tita Flora na napakasakit para kay papa ng pagkamatay ni mama. Kaya kung masipag na siya dati sa trabaho ay dumoble pa ang sipag nito. Isinubsob daw ni papa sa kanyang trabaho ang kanyang sarili. Sa eksaktong salita ni tita Flora eh parang naging “therapy” daw para kay papa ang trabaho. Hindi ko alam kung ano ibig sabihin nun.

Parang ayaw na daw ulit pang mag-asawa ni papa. Iyong ang sabi ni tita Flora sa amin kaya nga Grade 6 na ako at ang kapatid ko ay Grade 2 na eh wala kaming nakikitang idine-date si papa.

Mabuti na lang at hindi kami iniwan ni tita Flora mula nang maulila kami sa ina. Siya na ang nagsilbing nanay… at tatay namin. Si papa ay napakadalang kaming kausapin. Minsan habang pumapasok siya ng bahay eh may nakasalpak pa na telepono sa kanyang tenga at habang papunta siya ng kwarto. Kinabukasan na namin siya ulit makikita – sa lamesa at habang kami’y kumakain eh kung hindi cellphone ang hawak niya eh diyaryo.

“Papa, pwede ba tayo mag-usap?” ang tanong ni Athena minsan.

“Naku anak, pasensiya na ha… nagmamadali ang papa. May nagpa-schedule sa aking makipagusap mamayang alas-diyes.” Sayang iyon anak, isang libo kada oras pa naman ang ibabayad sa akin ng kliyenteng iyon.”

Matapos kaming halikan ni papa eh nagmamadali siyang umalis, kasunod si kuya Teddy.

“Hayaan mo Athena, mamayang gabi pagdating ni papa mo eh sabihin kong bigyan ka ng oras para makapag-usap kayo.” ang pangako ni tita Flora kay Athena.

“Ang mahal pala ng bayad nila kay papa kung gusto nila siyang kausapin.” ang sabi ng bunso kong kapatid.

“Ganoon talaga kapag sikat na ang abogado, nagiging mahal ang bahay kapag kakausapin mo sila o kukunsulta ka.” ang sagot naman ni tita Flora.

At mula noon halos tuwing umaga ay tinatanong ni Athena si tita Flora kung pumayag si papa na kausapin siya at ang laging sagot ay, “Pasensya na Athena, sobrang dami ng appointments ng papa mo.”

Ganoon ka-busy ang papa kaya kahit sa mga parents’ meetings eh si kuya Teddy  ang madalas dumalo. Akala nga ng ibang mga kaklase namin ni Athena na siya ang tatay namin.

“O Marco, ano ang sinabi ng principal?”

“Okay daw po, bago lang daw sana mag alas-kuwatro eh makarating daw kayo doon. Ang kakausap daw po sa inyo ah iyong adviser ni Athena at ang guidance counselor.” ang sagot ko kay papa.

“Sige. Magu-UBER na lang ako. Pakisabi kay Teddy na pagkahatid niya dito kay Athena ay balikan niya ako doon sa school at didiretso pa kami sa isang appointment ko mamayang gabi.”

“Opo pa.”

“Pakisabi rin kay ate Flora na huwag munang patulugin si Athena hangang hindi pa ako dumarating. Ano mang problema ang ginawa niya eh dapat ipaliwanag niya sa akin ng mabuti mamaya. Mapapalo ko yata ang kapatid mo sa unang pagkakataon.”

Lumabas ng bahay si papa nang tumigil sa harapan ng bahay ang tinawagan niyang  taxi ng UBER.

Lagot si Athena nito. Namamalo talaga ang papa. Mula pagkabata ko ay baka apat o limang beses na niya akong pinadapa at pinalo ng tsinelas sa puwit dahil sa aking kalikutan at kakulitan

Pagkatapos nun ay laging ipinapaliwanag sa akin ni tita Flora kung bakit ako pinalo. Noong Grade 3 pa ako huling napalo ni papa.

Ano nga kaya ang nangyari? Kay hirap isiping may kalokohang gagawin si Athena. Hindi siya makulit at malikot katulad ko. Napakayumi at napakalambing ng kapatid ko. Baka naman “cutting classes” lang. Baka matapos ang recess eh naglaro silang magkakaibigan at late silang bumalik sa klase.

*****

Dumating si Athena labing-limang minuto pagkaalis ni papa. Matamlay ito. Maaring pagod o may dinaramdam. Matapos akong halikan sa pisngi  ay dumiretso ito sa kanyang kuwarto.

Maya-maya’y dumating na rin si tita Flora.

“Marco, nandito na ba si Athena?”

“Opo tita! Nasa kwarto. Parang pong walang ganang magkikilos.”

“Ganun. Bakit kaya? Baka lalagnatin. Teka ipagtimpla ko ng juice tapos puntahan natin sa kwarto niya.”

Habang inihahanda ng tita Flora ang mga dadalhin sa kwarto ni Athena ay sinabi ko sa kanya ang mga nangyari habang nasa palengke siya.

“Marco, sigurado ako ano man ang dahilan at pinapapunta sa school ang papa mo eh hindi dahil may ginawang kalokohan o may sinaktan ang kapatid mo. Tingin ko may ibang dahilan.”

“O baka naman tita eh may nangbu-bully pala kay Athena ah.”

“Ready na itong juice at mga prutas, tara na sa kwarto ng kapatid mo.”

*****

Nakaawang ang pintuan ng kwarto ni Athena nang pinuntahan namin ito. Dahan-dahan kaming pumasok. Nakahiga ang kapatid ko. Nakasuot pambahay na.

“O tita…kuya! Wow juice at mga favorite fruits ko.”

“Anak… kumusta ka? May masakit ba sa iyo?”

“Tita wala naman po. Napagod lang ako sa PE namin. Tinuruan kasi kami ng isang bagong sayaw.”

Nakahinga ako ng maluwag nang sabihin iyon ng kapatid ko.

Sumandal sa ulunan ng kama si Athena at sinimulang kainin ang mga prutas.

“Ah, Athena. Kumusta naman ang school. Meron ka bang gustong sabihin sa amin? Ang tanong ni Aling Flora.

“Ha? Eh… wala naman po. Wala naman pong problema sa school. Bakit po ba?”

“Athena, baka may nambu-bully sa iyo doon ha. Sabihin mo lang sa akin.” ang wika ko.

“Hay naku kuya, paanong may mangbu-bully sa akin sa school eh alam nilang attorney si papa at may malaki at matabang grade 6 pa akong kuya doon”

“Heto naman, ipinangalandakan pa iyong mataba.”

“Ay… sorry kuya. Chubby lang pala.”

Nagkatawanan kami matapos sabihin iyon ng kapatid ko.

“Pero anak napansin ko lang ha. Parang matamlay ka yata nitong mga nakaraang  araw. May problema ba?”

Hindi agad makasagot si Athena.

“May gusto ka bang sabihin bunso?” ang tanong ko.

“Wa…wala naman kuya… tita. Parang nami-miss ko lang kasi si papa. Gusto ko siyang kausapin. May gusto akong sabihin. Kaya lang lagi naman siyang busy.”

Naiintindihan ko ang nararamdaman ni Athena. Ako man ay gustong-gusto kong kausapin si papa minsan kaya lang parang wala nga siyang panahon para sa amin.

“Kuya, pahiramin mo na lang ako ng P100 o.”

“Oh… bakit? Aanhin mo pera?” ang tanong ko.

“Basta kuya pahiramin  mo ako ng P100. Sige na.”

“Okay… okay. Sandali lang, kukuhanin ko lang sa kwarto iyong pitaka ko.”

“Huwag na Marco. May pera pa ako dito.”

Iniabot ni tita Flora kay Athena ang P100.

Nangiti si Athena nang tanggapin ang perang bigay ng tita Helen. Bumangon mula sa kama at kinuha ang kanyang bag. Inilabas ang hindi ko matantya kung ilang dadaanin at binilang.

“Hayan… sa wakas nakumpleto ko na ang perang kaylangan ko.

“Para saan ba iyan?” ang tanong ni tita Flora.

“Secret!!!”

Pagkatapos niyon ay inilagay ni Athena ang pera sa bulsa ng suot niyang shorts.

“Tita ilalabas ko na lang po ito meryenda ko. Manonood po ako ng TV.

“O sige na bunso ako na lang ang bibitbit nito.” ang sabi ko kay Athena.

“Ay ang bait naman ng kuya ko. Thank you po!”

*****

Magaalas-otso na nang dumating sina papa at kuya Teddy. Kasalukuyang kumakain na kami ng hapunan.

Binuksan ni papa ang refrigerator. Hindi pinansin ang pagbati namin sa kanya. Para lamang kaming mga estatwang dinaanan niya. Si kuya Teddy naman ay naupo upang sumalo sa amin.

Dala ang isang baso ng malamig na tubig eh umupo si papa sa tabi ni Athena.

“Athena bakit mo ginawa iyon?” ang tanong ni papa kay Athena.

“Ang… ang alin po papa?”

Mabilis na tinungo ni tita Flora ang kinauupuan ni Athena. Tumayo siya sa likod nito hawak sa magkabilang balikat.

“Kinausap ako ng guidance counselor at adviser ninyo. Bakit sa palagay mo ako pinapunta doon at kinausap.”

“Papa…”

“Bakit ka nangutang ng pera sa mga kaklase mo? Bakit mo ginawa iyon Athena?  Nakakahiya!”

Napayuko na lamang si Athena.

“Sorry po papa. Babayaran ko naman po sila ng unti-unti mula sa baon na binibigay ninyo sa akin.”

“Eh bakit kaylangan mong mangutang, binibigyan ko naman kayo ng pera araw-araw ah. Nagbabaon pa kayo ng pagkain.”

Nagsimula ng manggilid ang luha sa mga mata ni Athena.

Sumali na sa usapan si tita Flora. Tinanong si Athena, “Anak saan mo ba kasi gagamitin ang perang iyon?”

Habang dumadaloy ang mga tahimik na luha sa pisngi ni Athena ay sinabi niyang “Para po kay papa.”

“Ha!? Para sa akin?” ang gulat na bulalas ni papa.

Natahimik kaming lahat.

Tumayo si Athena mula sa kanyang kinauupuan at lumapit siya kay papa.

Mula sa bulsa ng shorts  ay dinukot ang mga dadaaning inilagay niya doon.

“Papa heto po ang pera. Bayad ko po. Isang libo iyan para sa isang oras ninyo.” Ang sabi ni Athena matapos ilagay sa kamay ni papa ang pera. “Gusto ko po kasi kayong makausap ng kahit isang oras lang. Makakwentuhan. Mayakap. Mahalikan. Mahal po kasi ang bayad ninyo bawat oras kaya isang oras lang po ang kaya kong bayaran. Pero okay na po sa akin ang isang oras na kasama kayo. Masaya na ako nun.”

Tumingin si papa kay tita Flora.

“Inipon ko po ang limang daan sa perang iyan last week… mula sa baon ko. Iyon pong apat na raan ay inutang ko sa mga classmates ko at ang isang daan ay bigay naman ni tita Flora.”

Napayuko si papa.

Hindi ako iyakin pero hindi ko mapigilan ang maluha. Ganoon din sina papa at tita Flora, maging si kuya Teddy.

“Kaylan ko po kayo pwedeng makausap papa? Hayan bayad na po ako. Ngayon na po ba? Sisimulan ko na po bang bilangin ang oras.”

Niyakap ni papa si Athena nang mahigpit at sa pagitan ng mga hagulgol ay sinabing “I am so sorry Athena. Patawarin mo sana ako anak.”

“Papa, galit ka ba sa akin dahil namatay si mama matapos akong ipanganak?”

“Ha? Anak, kahit kaylan hindi ako nakaramdam ng ano mang galit sa iyo dahil doon.”

“Talaga po papa?”

Lalong humigpit ang yakap ni papa kay Athena at parang batang humagulgol.

“Anak, maniwala ka sa akin. Hindi ako galit sa iyo. Mahal na mahal kita… kayong magkapatid… mahal na mahal ko kayo.”

Tumingin sa akin si papa at sumenyas na lapitan ko sila.

Lumapit ako’t ikinulong ko sila ni Athena sa aking mga bisig.

Lumapit din sa amin si tita Flora.

“Marco…Athena… hindi lang ninyo alam pero tuwing gabi kapag kayo’y tulog na tulog na eh halinhinang kayong pinupuntahan ng papa ninyo sa inyong mga kwarto.”

“Talaga po papa? Tuwing gabi eh nasa kwarto namin kayo?” ang tanong ni Athena.

Tumango si papa sabay halik sa pisngi ni Athena.

“Hay naku, tama na nga iyan. Ituloy na natin ang pagkain.” ang sabi ni tita Flora.

– W A K A S –

Advertisements

T A K D A

HARDPEN'S PORTFOLIO

lonesome-man-2.jpg(A Short Story in Filipino)

 Hindi tinanggap ni Alfred ang paliwanag ko na ang tao ang gumagawa ng sarili niyang tadhana’t kapalaran. Ang kalahatan ng mga desisyong ginagawa ng isang tao sa  buhay ay magdidikta sa kanyang kakahinatnan at s’ya ring huhubog sa kanyang kinbukasan. Sa sinabi kong iyon ay kinwestyon ng aking kapatid ang pagiging Kristyano ko. Bakit hindi daw ako naniniwala na bago pa man isilang ang tao ay may kapalarang nakaguhit na sa kanyang palad. Naniniwala ang kapatid ko na ang Panginoong Diyos ang nagtatakda nito. Para sa kanya ay nang ang tao’y isilang sinimulang pagulungin ng Lumikha ang gulong ng kanyang kapalaran. Hindi raw kayang pigilin ng tao ang pagikot ng gulong ng kanyang palad, minsa’y papaibabaw siya’t minsan nama’y papailalim.

At nangyari ang isang trahedya sa kayang pamilya…

At sa pagkakataong iyon ay pwedeng sabihin ni Alfred na tila natumbok sya’t nagulungan ng gulong…

View original post 56 more words

Ang Larawan Ni Ama

HARDPEN'S PORTFOLIO

papa1Mahaba ang byahe. Hindi ko na binilang kung ilang oras  bago ko narating ang maliit na baryong sinilangan ng aking ama. Nadadagdagan kasi ang inip ko ng yamot tuwing tumitingin ako sa relo kaya’t idinaan ko na lamang sa tulog. Nakadalawang bus at  isang jeep ako pero kinaylangan ko pang sumakay ng tricycle. Sanay naman ako sa matagalang byahe kaso nga lang ay tag-ulan kaya’t maputik at mahirap ang magpalipat-lipat ng sasakyan. Kaya nga’t nagpasya akong hindi na lamang isama si misis sa lakad kong iyon. Mahihiluhin at mainipin siya sa byahe. Natyempo pa namang may paparating na bagyo kaya’t medyo mabagal ang tinakbo ng aking mga sinakyan.

Sumablay pa ng kaunti ang huling yugto ng byahe kong iyon. Nakalimutan yata ng tricycle driver ang kanyang trapal, o kaya’y tinamad siyang ilagay ito kaya’t ginamit ko na lamang ang dala kong payong na panangga sa ulan upang hindi mabasa ang…

View original post 4,791 more words

%d bloggers like this: