Nang Ako’y Ngitian
(Inspired by Air Supply’s “Two Less Lonely People In The World”)
Buwan sa gabi’y nakatago sa ulap
Araw sa umaga ay ayaw sumikat
Laging bigo at sa lungkot nasasadlak
Ayaw nang umasa’t dala nang mangarap
Ayaw sa kabigua’y muling malugmok
Bakit nanaising sa luha’y malunod
Mundo ko sa pag-ibig ‘di na iinog
Puso marahil ‘di na muling titibok
Ngunit nakita ka’t ako’y nginitian
Tumigil ako at kita’y pinagmasdan
Ngiti mong nagkukubli ng kalungkutan
Parang nag-aanyayang kita’y damayan
Atubili ma’t maraming agam-agam
Ngumiti rin ako’t kita’y nilapitan
Nang kamay mo’y mahigpit na hinawakan
Balikat ko’y masuyo mong sinandalan
Sa malambot mong pisngi ako’y humalik
Ang tugon mo rito’y yakap na mahigpit
Sa puso’y tumibok muli ang pag-ibig
Minithing ligaya sa wakas nakamit
Mga puso nating bihasang mabigo
Nilaro ng tadhana bago nagtagpo
Nang kita’y matagpuan saka natanto
Sa ‘yo nakalaan itong aking puso
Posted on April 2, 2017, in Poetry, Tula and tagged Poetry, Tula. Bookmark the permalink. Leave a comment.
Leave a comment
Comments 0