Blog Archives
Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 9A
Chapter 9A
“Ang Pagbubunyag”
Itinulak ni Tomas ang balsa palaot, pero bago pa man kami makalayo, may mga aninong sumulpot mula sa aming likuran at nagsitalunan rin papunta sa aming balsa.
Kumalabog… tatlong sunod-sunod. Animo’y tinamaan ng malakas na alon ang balsa. Halos tumaob ito. Nabuwal ako’t gumulong papunta sa likurang bahagi… kasabay ko sina Eve at Jasmine. Sina Tomas at Adam ay nakabalanse. Matataga ang kanilang pagkakatayo.
Nang tumigil sa pag-ugoy ang balsa ay may tatlong katawang nakatayo sa aming harapan. Mga Sutsot na nasa katawan ng mga tao. Dalawang lalaki… isang babae. Silang lahat eh halos kasingtangkad nina Adam at Tomas. Ang mga lalaki’y pawang nakahubad… matitipuno ang katawan.
Unti-unti lumapit ang mga Sutsot. Tinignan ko si Eve. Tumayo ako sa harapan niya, gusto kong magsilbing kalasag niya laban sa mga papalapit na nilalang.
Tatlong putok ng baril ang umalingawngaw. Dalawa sa mga Sutsot ang napaatras, dahan-dahang lumuhod habang ang kulay berdeng likido ay bumubulwak mula sa kanilang dibdib.
Bago pa sila tuluyang tumimbuwang, sinalubong na sila ni Adam. Iwinasiwas niya ang kanyang itak nang dalawang beses—malinis, walang awa. At ang dalawang bangkay ay nahulog sa dagat… magkahiwalay ang ulo’t katawan.
“Hindi mo laging matatamaan ang target mo, Tomas,” isang boses ang nangutya.
Tinig iyong ng isang babae.
Ang ikatlong Sutsot ay tumayo nang matuwid. Gamit niya ang katawan ng isang babae. Muling kinalabit ni Tomas ang baril.
Click.
Ubos na ang bala.
Kinapa niya ang kanyang bulsa.
“Diyos ko… nalaglag ko ‘yung ibang mga bala ko,” bulong niya, bakas ang pagkadismaya sa kanyang boses.
Inilabas ni Jasmine ang kanyang patalim at ibinalibag sa Sutsot. Sinubukang umiwas ng demonyo, pero tinamaan ito sa kanang balikat. Hindi siya napuruhan. Daplis pero nakabaon ang patalim sa kanyang balikat.
Parang balewala lang na hinugot ng Sutsot ang patalim. Berdeng likido rin ang umagos mula sa kanyang sugat.
“Salamat sa patalim. Sayang… dapat sa puso ko pinuntirya mo. Tapos na sana problema ninyo.”
Tumitig sa amin ang halimaw. Para isa-isa kaming kinikilatis. Ang kanyang galit ay hindi maitago nang mala-anghel niyang kagandahan. Parang hindi ordinaryong babae ang nasa aming harapan. Mukhang ang katawang iyon ay hindi niya inagaw kung kanino man. Isa lang ang alam kong makakahigit sa kagandahang iyon… si Eve.
Sa likod ng paghanga sa kagandahang angkin ng Sutsot ay kinikilabutan ako. Siya kaya si Empusa.
Lima kaming tao laban sa isang Sutsot. Ang demonyo ay may patalim, at si Adam ay may hawak na machete. Hindi sumasalakay ang Sutsot. Naglalakad siya sa balsa na parang isang leon na sinusukat ang layo niya sa kanyang bibiktimahing usa.
Huminto siya sa tapat ni Adam, ang mga mata ay nakapako sa huli.
Nagsalita ang Sutsot sa isang wikang hindi ko maintindihan. Ang boses niya ay parang paos at puno ng poot. Habang siya’y nagsasalita ay tumuro siya sa direksyon ng nasusunog na isla. Sinisisi ba niya si Adam sa sunog?
Walang sinabi si Adam. Hinigpitan lamang niya ang hawak sa machete; hindi niya inalis ang tingin sa Sutsot na nasa kanyang harapan. Pareho silang handang pumatay.
“Berith, ginawa mo ang lahat ng ito dahil sa isang babae? Hindi pa ba ako sapat? Daan-daang taon na tayong magkasama,” Nagsalita na ang halimaw sa wikang naiintindihan namin.
Tinawag ng demonyo si Adam sa pangalang Berith. Ang pangalang iyon ay umalingawngaw sa isip ko.
“Ako ang anino mo, Berith. Pinagsilbihan kita… binigyan ng maraming supling… sinunod ko lahat ng iyong kagustuhan… at ngayon ay itatapon mo ako para siya ang makasama mo? Tanga ka ba… ako ay ganito ang hitsura ko hanggang sa dulo ng panahon. Pero iyang si Eve ay ilang taon lang eh tatanda… mangungulubot. Ako hindi.”
“Tomas… Willy… iyan si Empusa,” ang bulong ni Jasmine sa amin.
“Adam ang pangalan ko!” Pa-angil na wika ni Adam. “Bistado na namin kayong mga Sutsot. Hindi na tatalab sa amin ang mga kasinungalingan mo… ang panlilinlang mo!”
“Ah talaga? Nagbibiro ka ba, Berith?” pangungutya ng Sutsot. Tumawa nang tumawa ang babaeng Sutsot.
“Berith… Berith… Prinsipe ng Impiyerno, panginoon ng panlilinlang. Pinaniwala mo ako na may dakila kang plano para sa ating lahat. Pero ano ang ginawa mo? Hinayaan mong masunog ang mga kasamahan mong anghel na libong taon mo nang kasama… pinaglingkuran ka… sinusunod ka… at ang ating mga mga anak… hinayaan mong masunog. Itinakwil mo kami—lahat dahil sa isang sariwang karne na ni hindi na birhen nang makuha mo.”
Itinuon ng Sutsot ang paningin kay Eve, mabilis na tumakbo patungo sa kanya at sinubukang saksakin ito. Pero mas mabilis si Adam, pinatid niya ang demonyo at sinipa palayo.
Sa sandaling iyon, hindi ko alam kung sino ang mas dapat katakutan—ang babaeng Sutsot o si Adam, na tinawag nitong Berith. Bakas din ang kalituhan sa mga mata nina Jasmine at Tomas.
Napatingin ako kay Eve… minsan akong nagbiro na sa kariktan niyang angkin ay kahit mga maligno, halimaw, o demonyo, kung sila’y damdamin ding katulad ng mga tao, ay imposibleng hindi sa kanya magkagusto.
Tumayong muli ang babae Sutsot… binuksan nito ang kanyang bibig. Narinig kong muli ang atungal na inisip ko noon na galing sa isang babaeng halimaw. Ang atungal na iyon ang laging pumapangalawa noon tuwing magiingay at maghihiyawan ang mga Sutsot.
“Kasalanan mo ang lahat ng ito, babae! Inakit mo si Berith. Tingnan mo kung ano ang ginawa niya para sa’yo.” Itinuro ng nanginginig na daliri ng demonyo ang nasusunog na isla.
Muling sumugod ang halimaw kay Eve, pero sinalubong siya ni Adam at nagpambuno sila sa sahig ng balsa. Yumanig nang malakas ang balsa, kaya napakapit kami sa mga panaling nakausli sa mga pagitan ng sahig nito para hindi kami mahulog.
“Hanggang sa huli, ipagtatanggol mo ang babae mo.”
Nagpambuno sina Adam at ang Sitsit. Naibagsak ng Sutsot si Adam at napatungan ito. Parang eksena sa pelikula ang aking nakikita. Nakontrol ng Sutsot ang kamay ni Adam na may hawak na machete, habang ang kabilang kamay nito ay itinaas ang kutsilyo, handang itarak sa mukha ni Adam.
Mabilis kaming sumaklolo nina Tomas. Hinawakan ko ang braso ng Sutsot, habang pilit na ibunubuka ni Tomas ang mga daliri nito. Sumali si Jasmine, at si Eve naman ay walang tigil sa pagsipa sa binti ng demonyo.
Kalauna’y naagaw namin ang patalim.
Hinawakan namin ang mga braso at binti ng Sutsot. Malakas siya, hirap kaming siya’y kontrolin. Nakawala si Adam mula sa ilalim. Pinagtulungang naming idapa sa balsa ang halimaw.
Tila napagod sa pagpipiglas ang Sutsot. Hindi na ito kumikilos kalaunan.
“Bakit mo ito ginawa sa akin, Berith? Minahal at pinaglingkuran kita,” bulong ng Sutsot.
Niluhuran ni Adam ang Sutsot. Idiniin nito ang kanyang tuhod sa likod ng halimaw. Hinablot niya ang buhok nito at hinila ang ulo pabalik. Sa isang malamig na boses, sinabi niya, “Itigil mo na ang panlilinlang… Adam ang pangalan ko.”
Dahan-dahan niyang nilaslas ang leeg ng Sutsot gamit ang kanyang machete. Kahit demonyo ang ginagawan niyong ay hindi ko kayang panoorin. Si Eve ay umiwas din ng tingin. Pero sina Tomas at Jasmine ay hindi kumurap. Pinanood nila ang pagpipiglas ng Sutsot habang hawak nila sa magkabilang kamay nito.
Mula sa nakadilat na mata ng Sutsot ay parang may lumabas na kulay itim na usok.
Nang tuluyang maputol ang ulo ng halimaw ay sinipa ni Adam ang katawan hanggang sa ito’y mahulog sa dagat. Ang hawak nito ulo ng Sutsot ay palayong ibinalibag.
Matagal na walang nagsalita. Siguradong iniisip din nina Tomas at Jasmine ang sinabi ng demonyo.
Kung hindi lang namin alam na mga dalubhasa sa panlilinlang ang mga Sutsot ay maaaring paniwalaan namin ang mga sinabi niya tungkol kay Berith.
*****
Bumalik si Tomas sa paggaod.
Lumingon ako sa Isla Miedo.
Ang apoy ay naging isang dambuhalang halimaw, isang buhay na nilalang na inuubos ang lahat ng madilaan nito. Naririnig pa namin ang ingay ng mga Sutsot. Ang kanilang panaghoy ay hindi awa ang nilikhang damdamin sa akin kundi pagbubunyi.
Nanalangin ako na sana ay ubusin ng apoy ang bawat anino at walang itira kahit isa sa kanila. Umaasa ako na wala nang Sutsot na mabubuhay pa. Umaasa ako na wala nang tao ang mapupunta sa Isla Miedopara mabiktima.
Lumapit si Eve sa kanyang kapatid at niyakap ito, habang ang mga mata ni Jasmine ay nanatili kay Adam. Hindi mabasa ang kanyang mukha, naghahalo ang paghanga at pagdududa. Ang mga alon ay humahampas sa balsa, tila hinuhugasan ang init na naramdaman niya nang makitang buhay ang kanyang kapatid.
Unti-unting nagdilim habang lumalayo kami sa isla hanggang sa ang dagat at langit ay naging isang walang katapusang itim na salamin. Ang tanging liwanag ay nagmumula sa malamlam na kislap ng aking cellphone. Mabuti at may kaunting battery pa ito.
Ilang minuto ang lumipas, isang mahinang liwanag ang kuminang mula sa kung saan. Patuloy na lumaki ang liwanag at kalaunan ay isang haligi ng hamog ang nabuo sa harap namin—katulad ng nabuo nang sunduin kami ni Kharon sa breakwater.
“Dito tayo dumaan para makarating sa Isla Miedo,” sabi ni Jasmine. “Maaaring ito rin ang daan natin palabas.”
Tila ginagabayan ng isang puwersang hindi nakikita, pumasok ang aming balsa sa hamog. Hanggang sa mga sandaling iyon, ang kilabot sa aking gulugod ay hindi pa rin nawawala. Malayo na kami sa isla, pero may nararamdaman pa rin ako. Ito’y isang panganib pero hindi ko alam kung saan galing.
Sa halip na humawak sa kanyang kapatid, mahigpit na umukyabit si Eve sa braso ni Adam. Nahuli ko sina Tomas at Jasmine na muling nagpalitan ng mga nag-aalinlangang tingin. Sanay na akong makita siyang nakakapit sa braso ng iba sa halip na sa akin—una kay Jeff, at ngayon kay Adam. Kung darating pa ba ang pagkakataong braso ko naman ang hahawakan niya ay hindi ko alam.
Sa unahan namin, ang liwanag sa likod ng makapal na hamog ay naging mas malinaw. Hindi ako nagkakamali—si Kharon iyon, sakay muli ng balsang kawangis ng balsang sinasakyan namin.
May mga sakay nanaman siya… lahat sila ay nakaupo, tila natutulog. Nakita namin sila nang mas malapitan nang ang kanilang balsa ay ilang metro na lang ang layo sa amin.
“HOY! HOY! GISING! HUWAG KAYONG PUMUNTA SA ISLA!” Ang bulalas ni Jasmine.
Pero ang mga tao sa balsa ni Kharon ay nanatiling tahimik, hindi gumagalaw, tila ba natutulog habang nakaupo.
“Matanda! Wala na ang isla mo—sinunog na namin!” sigaw ni Tomas.
At muli ay narinig ko ang boses ni Kharon.
“Iyan ang akala niyo. Iyan ang pinaniniwalaan niyo, mga hangal na tao.”
Sinundan niya ito ng isang mala-demonyong tawa.
“Patay na ang lahat ng mga amo mong Sutsio!” sigaw muli ni Tomas.
Muli, sumagot si Kharon sa tonong tila pamilyar.
“Umasa kayo sa wala… hilingin niyo ang hindi mangyayari. Ang gabing ito ay simula pa lamang… hindi ang wakas.”
Pagkasabi niya niyo’y muli siyang tumatawa. Nang-uuyam. Ang hamog ay tila tumitibok kasabay ng kanyang tawa.
Chapter 9B
“Ang Pagbubunyag”
(Scheduled posting: 01 -20-26)




